PABAGSAK na nilagay ni Gwen ang isang white folder sa green round table. Nasa gazebo kami at kasalukuyang gumagawa kami ng sari-sarili naming report. At ang nakakatuwa sa nangyari ay halos magkasunod kaming apat na ini-assign.
Busy ako sa kababasa ng short summary na ginawa ko para mataghap iyong i-explain ko mamaya. Ako kasi ang sunod na mag-r-report after ni Berlin. Pagkatapos ko ay si Gwen, sunod sa kanya ay si Locsy.
"Jusko! Mababaliw na yata ako kakaintindi rito sa Mother Tongue chuchu na ito! Wala man lang binigay na copy sa atin si Sir. Halos nahalughog ko na ang library!"
Natawa kaming tatlo sa reklamong iyon ni Gwen. Stressed na streesed na talaga siya sa report niya. Magkasalubong na ang mga kilay habang humahaba ang nguso.
Medyo chubby siya na bumagay naman sa ka-cute-an niya. Mahaba ang buhok niyang straight hanggang baywang. Morena siya. Kamukha niya yata si Moana kapag pinakulot niya iyong buhok niya.
Tahimik naman si Berlin na tulad ko'y abala rin sa pagbabasa ng report niya mamaya. Kinakabisado rin kung ano ang important lesson sa topic na ibinigay sa kanya. Nakasuot siya ng salamin habang naka-bun ang hanggang balikat niyang buhok. Maputi siya na payat, para sa akin ay isa siyang magandang nilalang.
Napatingin din ako kay Locsy. Si Locsy yata ang tipo ng babaeng pala-ayos. Wavy ang buhok niya na hanggang kili-kili, nakahati iyon sa gitna habang may kaunting bangs sa kanyang noo. She wear make-ups, na talaga namang mas lalong nagpadagdag sa kagandahan niya. Simpleng make-up lang naman tulad kina Berlin at Gwen. Lipbalm saka pulbos, saka kaunting eyeshadow.
Ngayon ko lang yata na-appreciate ang kagandahan ng mga kaibigan ko.
Napailing na lamang ako sa isiping iyon.
Ako lang yata ang hindi pala-ayos sa aming apat. Ang nakalugay ko lang palaging buhok na hindi ko alam kung nadaanan pa ba ng suklay dahil sa sobrang frizzy. Hindi ganoon katangusan ang aking ilong. Hindi rin maganda ang mga pilik-mata at kilay ko. Ang maipagmamayabang ko lang siguro ay iyong labi ko na manipis na palagi nilang napapansin.
Cute raw ang hugis niyon at pinkish. Saka bumagay raw ang nunal ko sa bandang ibabaw ng aking labi sa kanang bahagi. At sa medyo hindi kasingkitan kong mga mata. Walang make-up at ano mang lipstick. Natural lang. Wala naman kasi akong pambili ng mga no'n.
Naisip ko kasi na kulang pa ang allowance ko kapag uunahin ko ang mga wants ko.
Isa kasi sa natutunan ko noong senior high school ako, sa klase namin sa business administration na subject; ano nga ba ang mas importanteng unahin . . . ang needs o ang wants? And there are an explanation with it; what is the most important and that is the needs.
Marahil sa mundo ko kailangan maging realistic kaysa maging idealistic. At maaring sa mundo ng iba ay hindi imposibleng pagsabayin iyong dalawa.
Mayroon kasing ang kaya lang na bilhin o pagtuunan ng pansin ay ang pangangailangan nila kaysa sa kagustuhan nila. At mayroon namang biniyayaan na kayang abutin iyong dalawang aspeto. Samatantalang ang iba ay mas inuuna ang kagustuhan at saka na lamang ang kanilang kailangan.
Depende marahil sa tao kung ano ang pipiliin at kung ano ang nararapat gawin. Hindi naman pagsabihan mo siya sa kung ano ang dapat na gawin sa buhay. Buhay niya iyon, e. Desisyon niya 'yon, siya naman ang may panangutan sa sarili niya at labasna ang ibang tao roon.
Marahil ganoon nga . . . ginawa ang mundo para balansehin ito ayon sa nakikita at nararamdaman ng mga tao. Basi sa kung ano ang pinaniniwalaan nila at sa kung ano ang sinasabi sa kanila.
Mayroon kasing mga tao na nakikinig sa payo, at may iilan na sinusunod ang kung ano ang kagustuhan at kutob nila.
Kaya mas uunahin ko ang needs kaysa sa wants. Sa mga pagkakataon na ito ay kailangan kong maging praktikal.
Teka, bakit ba napunta ako sa accounting na ganoong Multilingual ang klase namin. Hay naku!
"Wala na! Hindi na talaga natin ma-i-isturbo si Lumi. Gumawa na naman siya ng sariling mundo. Lutang na naman."
Hindi na ako nag-react sa sinabing iyon ni Gwen. Siya yata ang maingay sa amin ngayon, palibhasa ay mukhang handa na siya mamaya sa report. Habang kami ay kinakabahan kung magiging maganda ba ang kalalabasan ng deliberation namin mamaya.
*
"HELL week! Halos isang buwan pa lang pero nakakamatay na! Excited pa naman ako noon mag-college! Pero hindi ko aakalain na ganito kahirap!"
Pauwi na kami at tapos na ang klase ng hapon na iyon. Naglalakad na kami sa Pili Avenue road papuntang gate. At kanina pa ang panay reklamo ni Gwen. Samantalang sina Locsy at Berlin ay panay ang kwentuhan sa k-drama na pinapanood nila.
Habang ako'y nakikinig sa mga rants ni Gwen na katabi ko lang. Tawa at tango na lamang ang sinasagot ko sa kanya. Hinahayaan ko na lamang siyang magsalita nang magsalita. Sa totoo lang wala akong maintindihan sa sinasabi niya. Lutang na naman kasi ang isipan ko. Kanina kasi ay hindi naging maayos ang kinalabasan ng report ko.
Kaya't nababahala ako sa kung ilan ba ang ibinigay na rating sa akin ni Sir Ersyl.
"Oy, Lumi! Nakikinig ka ba sa akin?" Tinapik ako ni Gwen sa balikat dahilan upang matuon ang pansin ko sa kanya.
Nakanguso siya habang magkasalubong ang mga kilay. Hindi ko napigilan ang aking sarili na matawa dahil sa nakita kong reaksyon mula sa kanya. Isa pa naman sa kinaiinisan niya ay iyong wala sa kanyang nakikinig habang nagdadaldal siya o kaya ay nag-r-rant.
"Ano nga 'yon?" Parang tanga kong tanong habang pinipigilan ang sariling tumawa nang malakas.
Busangot na busangot na ang mukha ni Gwen. Inirapan niya ako saka bumaling sa dalawa na natigil na rin sa pagkukwentuhan.
"Kayo ngang dalawa makinig kayo sa akin. Kita niyo namang palaging lutang 'tong si Lumi, e! Iniisip na naman siguro ang score niya kanina sa report," tuloy-tuloy niyang sumbong sa dalawa. Wala talagang preno ang bibig.
Napabaling naman ang tingin nina Berlin at Locsy sa 'kin. Bumuntong-hininga ako. Tama nga si Gwen, masyadong ginugulo nga ng isip ko ang resulta ng report ko kanina.
Lumapit ang tatlo sa 'kin saka sumabay sa paglalakad. Inakbayan ako ni Locsy habang cool na naglalakad. Alam ko na ang gagawin nila; basang-basa ko na kung ano iyon.
"Naku, Lumi. Huwag mo nang isipin iyong rating sa iyo ni Sir. Alam mo naman na strikto talaga iyon. Isa pa, normal lang naman 'yon. 'No ka ba."
Kinagat ko ang aking ibabang labi. Hindi pa rin ako kumbensido sa sinabi niyang iyon.
Umakbay rin sa akin si Gwen at tumabi naman sa kanya si Berlin. Mabuti na lamang walang tricycle na dumadaan sa Pili Avenue. Malaya kaming naglalakad sa gitna ng kalsada.
Nakakagaan talaga ang mga nagtataasang puno sa gilid ng Pili Avenue. Dahil sa mga ito'y hindi halos kami nasisinagan ng init ng araw. Napakalamig pa ng simoy ng hangin na relaxing sa pakiramdam.
"Kayo . . . parang hindi niyo kilala si Lumi. Alam niyo naman na study hard, 'yan. Pero Lumi, sama ka sa amin! Minsan magliwaliw ka naman!" litanya ni Berlin sabay ngisi sa akin.
Biglang sumingit si Gwen nang marinig ang sinabi ni Berlin. "Libre mo, 'day?"
Natatawang tinulak siya ni Berlin. "Hindi! Ikaw mahilig ka sa libre, gumastos ka naman oy!"
"Ayaw ko, baka pagalitan ako nila Mama. Pag-aaral ang pinunta ko rito," mahina kong saad. Wala pa rin ako sa mood, nawala ang lahat ng lakas ko dahil sa rating ni Sir Ersyl kanina.
Nagpakawala ako ng isang malalim na hininga.
"Minsan kailangan mo rin ng social life, Lumi. Ako ang naawa sa iyo. Hindi ka ba nagsasawa na . . . boarding house at campus lang ang napupuntahan mo?" Mahina pero puno ng concerns na tanong sa akin ni Locsy.
Maging sina Beelin at Gwen ay sumeryoso ang mukha at tumingin sa akin. Natigil tuloy kaming apat sa gitna ng kalsada.
Titig na titig silang tatlo sa akin, hinihintay kung ano ang magiging sagot ko. Pero nang mapansin ni Gwen na wala akong balak na magsalita ay pumalakpak siya. Animo may naisip na magandang ideya.
"Aha! Alam ko na! Punta tayo diyan sa 'Sana All Milktea', makiki-wifi tayo at tambay muna. Palamigin natin 'yang medyo hindi ko alam na mood mo, Lumi."
Natawa pa siya at hinawakan ang aking kamay. Hinila niya ako maging sina Berlin at Locsy.
Pero hindi pwede, hindi ako makakasama. Mahirap na at may magsumbong kay mama na nagliwaliw lang ako. Lalo na at makita niya ang grades ko pagkatapos ng first semester.
Malapit na rin kami sa may girls dormitory.
Malungkot akong umiling at binawi ang kamay mula kay Gwen. Gustuhin ko mang sumama sa kanila, pero dinidekta ng isipan ko ay taliwas sa puso ko. At kailangan kong sundin kung ano ang sa isip ko.
"Pasensya na, sa susunod na lang. Mag-r-review pa ako ng mga lessons natin, saka pupunta pa ako mamaya sa plaza para maki-wifi sa dome."
Bagsak ang balikat nilang tatlo- suko na sa pangungumbinsi sa akin dahil sa sinabi ko.
"Ewan ko sa iyo, Lumi. Tampo na ako sa iyo."
Napahilamos sa mukha niya si Gwen, habang iiling-iling naman sina Locsy at Berlin.
Kimi akong ngumiti at tumango-tango. Naiintindihan ko kapag magtatampo nga siya sa akin.
"Naiintindihan ka namin, pero concern lang naman kami sa iyo. Ayaw ka lang namin maging katulad ng iba na baka sa tabi na lamang matatagpuan kinabukasan habang nanlilimos."
Alam kong isang biro iyon mula kay Locsy pero hindi ko maiwasan ang matamaan. Sana nga hindi ako tuluyang maging baliw dahil sa sobrang pag-aaral.
"Nood ka minsan ng k-drama, nang ma-in love ka rin. Boring ng life mo, Lumi! Hindi ko siguro kakayanin kapag nasa sitwasyon kita," tarantang wika ni Berlin habang iiling-iling. Umaakto pa siyang sumasakit ang ulo.
"Ewan ko sa inyo. Mag-aral nga kayong mabuti."
"Pumuti muna ang uwak," sabay na wika nilang tatlo dahilan upang magtawanan kami nang malakas.
**
ISANG ORAS ang lumipas simula noong nakauwi ako. Nakapagsaing na rin ako ng kanin at nakapaglaba ng aking mga maduduming damit. Sinampay ko na rin sa labas. Alas sais y medya na nang gabi at kailangan ko nang tumambay sa labas ng dome- sa plaza- para maki-wifi.
May kailangan kasi akong i-research para sa bagong lesson ni Ma'am Mavee. Pinahahanap niya sa amin upang makapag-review raw kami at nang may ideya naman sa mga tanong niya sa next meeting.
Madali akong nagbihis ng pajama na stripes na kulay red at yellow ang design. Tenernuhan ko iyon ng kulay black na maluwag na t-shirt. May naka-print pa na 'Baguio' sa harapan. Pinusod ko ang aking wavy na buhok na hanggang kili-kili. Saka sinuot ang isang clustered na tsinelas.
Dinampot ko na rin ang aking ASUS Zenfone4 na smartphone sa mesa; ang notebook at ballpen ko na dadalhin. Nilagay ko iyon sa pouch bag kong heartstrings na kulay itim na may halong black. Medium lang ang size kaya't hindi ganoon iyon masyadong maliit at gaanong kalaki.
Pagkatapos kong sarhan ang pinto ng aking silid ay bumaba na ako ng hagdan. Nagpaalam na rin ako kanina sa landlady namin kaya't hanggang alas nuwebe lamang ang ibinihay niya sa aking oras. Dapat ay makabalik na ako bago ang takdang oras na iyon.
In-open ko ang mobil data ng aking smartphone para i-check kung ano na ang updates sa group chat ng aming section. At mukhang wala naman dahil wala namang nag-chat roon.
Mayamaya ay nag-vibrate ang cellphone ko. Tiningnan ko iyon at si Gwen pala ang nag-chat. May groupchat kaming apat, kaya't doon kami nag-c-chika minsan.
Gwendat: Mga 'daaay! Ang ganda ng Angel Last Mission! Kaiyak mga daaay! Panoorin niyo. :|
Locsypot: review ka na sa report mo oy. Hindi yang k-drama unahin mo hahaha.
Napangiti na lamang ako sa asaran nila. Mukhang hindi pa yata online si Berlin dahil hindi siya sumingit sa usapan ng dalawa. Alam nilang seener ako, kaya hindi na ako nag-abala pang mag-chat.
Ini-off ko ang aking smartphone saka nagmadaling lumabas ng gate at tumungo na sa plaza. Tutal walking distance naman ay hindi na ako nag-abala pang sumakay ng tricycle. Maganda naman kasi ang spot ng boarding house na napili nila Mama. Malapit sa plaza, sa tindahan at sa campus. Walang problema sa gastos para sa pamasahe.
Habang naglalakad ako sa Rosas de Papel street ay rinig na rinig ko na ang malakas na tugtog, na nagmumula sa plaza- One Day by Matiyashu. Maaga ulit binuksan ng guard ang fountain at sound system. Napapasunod ang ulo ko sa bawat beat ng musika. Hindi ko napansin na ang ilan kong nakakasalubong ay napapatingin sa akin. Kumibit-balikat na lamang ako saka na tumungo sa bakanteng bench nang makarating na ako sa plaza.
Marami na ngang tao na tumatambay. Mamaya-maya na lang ako mag-c-connect sa dome. Mukhang marami pa ang gumagamit at baka usad pagong na naman ang internet mamaya.
Nagpakawala ako ng buntong hininga at sumandal sa bench na inuupuan ko. Napatingala ako sa langit at pinagmasdan ang buwan na nagbibigay ng liwanag sa gabi. Malinaw na maalinaw ang kalangitan at nagniningningan ang mga bituin, hindi ko mabilang ang mga iyon sa sobrang dami.
Noon ay napapatanong ako kung bakit sobrang ganda ng pagkakagawa ng Diyos sa mundo. Kung bakit iba't iba ang ugali ng mga tao na ginawa niya. Sobrang misteryoso ng lahat, na hindi man lang masagutan ng siyensya o ng mga matatalinong tao. Marahil nga ay sobrang talino ng Diyos at napakagaling Niya sa lahat nang aspeto.
"Malalim yata ang iniisip mo." Isang malambing na tinig ang nagpabalik sa aking kaisipan.
Tiningala ko siya kasabay ang pag-upo niya sa aking tabi. Pinasadahan ko siya ng tingin sa mga oras na iyon.
Nakasuot siya ng isang cargo short na kulay black at isang white t-shirt na may naka-imprentang 'FLP' sa harapan. Simpleng closed na tsinelas ang kanyang suot na may tatak na Nike. Nandoon na naman ang kanyang earphone na kanyang suot-suot. Nanunuot pa sa aking ilong ang swabe n gamit niyang cologne. Sigurado na ang gamit niyang pabango ay iyong Axe na black- ganoon din kasi ang pabango ni Papa kaya't alam na alam ko kung anong brand iyon.
Hinubad niya ang kanyang earphone saka bumaling sa akin. Agad akong napaiwas sa kanya ng tingin. Baka sabihin niya na tinititigan ko siya kanina pa, kung saan ay totoo naman. Humigpit ang hawak ko sa aking suot na pouch bag. Wala naman ako sa exam para kabahan ng ganito, pero pakiramdam ko ay sasabak na ako sa ganoong sitwasyon.
Nagsimula na namang maglumikot ang aking dalawang kamay. Pinipigilan ko na manginig ang mga iyon. Nakakahiya na baka mapansin ng lalaking ito na katabi ko.
Ilang beses pa akong bumuga ng hangin bago ko siya nilingon, at ganoon na lamang ang pagpigil ko ng aking hininga nang maabutan ko siyang titig na titig sa akin.
Pakiramdam ko tuloy ay bumara sa lalamunan ko ang aking sariling laway. s**t!
Makaraan ang ilang segundo ay umiling siya saka ngumisi. Humarap siya sa fountain na hindi kalayuan sa amin.
"Mukha kang nakakita ng multo," komento niya bago sumandal sa bench. Mabuti na lamang at mahina ang patugtog ngayon sa plaza at narinig ko ang sinabi niya nang maayos.
Umubo ako para mawala ang bikig na kanina pa nakabara sa lalamunan ko. Hindi ko rin maintindihan kung bakit ako nagkakaganito. Siguro ay nahihiya ako, dahil may kumakausap sa aking isang lalaki na hindi ko naman kilala. At iyong pakikitungo niya sa akin ay parang matagal na kaming magkakilala. Wala ba siyang hiya at feeling close agad?
Crush mo na nga siya Lumi!
Nakipagtalo ako sa aking isipan nang bigla na naman siyang magsalita.
"Pasensya na pala . . . baka natatakot na kita. Hindi pa pala ako nagpapakilala sa iyo. By the way, I am Spontan, but you can call me Spont. First year, agriculture student." Nakangiti siya na humarap sa akin sabay lahad ng kanan niyang kamay.
Hindi ko mapigilan ang matilihan dahil sa biglaan niyang pagpakilala. Kung hindi niya pa kinuha ang kanang kamay ko para makipag-shake hand sa akin ay hindi pa siguro ako nakabalik sa katinuan. May kung ano'ng boltahe akong naramdaman na dumaloy sa aking kaibuturan nang mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung imahinasyon ko lang ba iyon o hindi.
Mukha wala naman siyang reaksyon doon. Parang ako lang yata ang nakasaksi ng weird na pakiramdam na iyon.
Kimi akong ngumiti sa kanya. "Lumi- my name is Luminary but you can call me Lumi. First year din, from CTE department, BEED student. Nice to meet you, Spontan."
Mabilis kong binawi ang aking kamay mula sa kanya pagkatapos no'n.
"I know that you are from CTE department and you are a BEED student. Nagkausap tayo kahapon dito, naka-uniform ka pa. But I am glad na alam ko na pangalan mo." ani niya habang nakangiti nang malapad.
Iyong ngiti niya ay nakakahawa. Isang ngiti na nagbibigay ng encouragement, wari bang sinasabi ng mga iyon na ngumiti rin ako dahil masarap ang ngumiti ng totoo. Hindi ko mapigilan ang ma-amazed. Kakilala ko pa lang sa kanya, pero ang gaan na ng loob ko. Iyon kasi ang ngiting totoo na madalang ko lang makita sa mga taong nakasalamuha ko.
"Bakit mo ako kinakausap?" biglaan kong tanong sa kanya na ikinatawa niya.
Maski ang tawa niya ay ang gaan lang din. Parang ang dali lang sa kanyang tumawa- na para bang wala siyang problemang dinadala. Siguro ay masayahin siyang tao at walang problema sa buhay.
"Gusto ko lang makipagkaibigan. Masama ba iyon? May magagalit ba?"
Napanguso ako. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ang gaan ng pakiramdam ko. Parang may nagpasabog ng fireworks sa kalangitan at tila akong isang paslit na tuwang-tuwa nang makita iyon.
"Hindi naman sa ganoon. Ang akin lang ay hindi tayo magkakilala. Nakapagtataka lang."
"Magkilala na tayo, a? Nagpakilala na ako sa iyo, nagpakilala ka na rin sa akin. Edi, kilala na natin ang isa't isa. Wala nang nakapagtataka roon. At lahat naman nang nakilala mo na ay nag-umpisa naman lahat sa hindi kayo magkilala."
Bumaling ako sa kanya nang marinig ang sinabi niya. Kung sabagay ay may punto siya. Wala naman sigurong masama kung makipagkaibigan ako sa kanya. Mukha naman siyang mabait na tao at wala naman akong nakikita na may gagawin siyang masama sa akin.
"Huwag kang mag-alala. Wala akong masamang gagawin sa iyo. Gusto ko lang talaga makipagkaibigan at may kakwentuhan." Agap niya nang mapansin niya ang malalim na pagtitig ko sa kanya.
Ganoon siguro ako ka-obvious kung bakit niya nalaman kung ano ang nasa isip ko.
"Bakit ako?" sunod ko ulit na tanong.
Tuluyan na siyang natawa. At sa pagtawa niya iyon ay nawala ang kanyang mga mata na tila ba na nakapikit siya.
Singkit nga talaga siya. Ang cute, hehe.
Pinigilan ko ang ngiti na gustong sumilay sa aking mga labi ng mga oras na iyon. Nakakahawa talaga ang ngiti niya.
"Sa ikaw ang gusto kong maging kaibigan. Ang dami mong tanong. Matalino ka nga talaga."
Hindi ko na napigilan at napangiti na ako nang tuluyan, hanggang sa humalakhak kaming dalawa na parang mga baliw.