Chapter 12

2589 Words
SUMASAYAW ang ilaw kasabay ang malakas na tugtog. Matapos kong magbihis ng pajama at maluwag na t-shirt ay niyaya akong pumunta sa plaza ni Spon. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang pag-usapan. Pakiramdam ko'y may dinadala siya; mabigat na problema. Gusto ko man na simulan ang usapan pero nahihiya ako, wala akong karapatang magtanong. Kung sasabihin naman niya sa akin ay hihintayin ko, hindi ko siya pipilitin. Baka sabihin na naman niyang interesado ako. Inubos ko na ang ang kwek-kwek, pati ang sause nito. Sinipsip ko ang straw ng palamig para panulak sa kinain ko. Masarap ang simoy ng hangin; malamig. Waring yumayakap sa nang-iinit kong kaluluwa sa loob ng aking katawan. Tila pinaparating kung gaano ako kaapektado kapag nasa tabi ko lamang si Spon. Naninibago ako. Tahimik lang si Spon sa aking tabi. Hindi ko alam kung saan ba talaga siya nakatingin, kung sa fountain pa ba o sa malayo na. Sinadya kong tumikhim para maagaw ang kanyang pansin. Baka sakali na sa pamamagitan no'n ay maalala niyang kasama niya ako. Pero walang epekto, hindi pa rin siya nakakabalik sa tamang huwisyo. Naubos ko nang lahat; ang kwek-kwek at palamig pero wala pa rin siyang kibo. Kung gagawin niya lang pala akong estatwa dito, sana hindi na lang niya ako niyaya kanina. Kundi sana natutulog pa ako nang mahimbing hanggang sa mga oras na ito. Bumuga ako ng malakas na hangin. Pinipigilan ang sariling mainis. Gusto kong piktusan si Spon, pero nahihiya ako. Dumaan pa ang ilang minuto. Naitapon ko na sa basurahan ang plastic cup at plastic ng palamig. Pero wala pa rin siyang kino. Ilang segundo lang ay mukhang naramadaman na rin niyang wala rin akong balak magsalita. "Lumi. . ." Umangat ang tingin ko sa kanya. Ang mga mata niya'y puno ng kalungkutan; hindi lang iyon, kundi puno rin ng pagod. Naalerto ako bigla, hindi ko alam ang gagawin. Sa huli'y hinimas ko na lamang ang likuran niya. Mayamaya'y narinig ko siyang malakas na tumawa. Kumunot ang noo ko. Ano'ng tinatawanan niya? "Anong ginagawa mo, mushroom?" tanong niya, habang natatawa pa rin. Magkasalubong ang kilay kong sumagot sa kanya. "Dinadamayan ka?" Hindi iyon isang sagot kundi patanong. Hindi ko rin naman kasi mabasa ang isip ni Spon, napakalalim niya. Hindi ko mabungkal ang kailaliman ng nilalaman ng kanyang isipan. Misteryoso siya, parang tinatabunan ng kahit anong kaligayahan ang emosyon niyang gustong iparating. Para siyang isang bangka na sumusumod lamang sa agos ng dagat, samantalang ako'y parang isang bangka na nalalapnos at iniinda ang kirot sa dala ng hampas ng agos. "Bakit parang nag-aalala ka diyan?" muli niyang untag nang hindi ako nakasagot sa kanya. Inirapan ko siya dahil sa wala pa ring tigil niyang pagtawa. Napapaisip ako minsan kung bakit siya lamang ang tanging tao na nagiging dahilan ng pagiging mataray ko. Na ni minsa'y hindi ko nagawa sa pamilya at kaibigan. Bumuga ako ng hangin, nilalabas kung anoman ang nakadagan na mabigat sa 'king dibdib. Baka sa paraang pagbunga no'n ay mawala nang tuluyan. Humarap ako sa fountain at doon itinuon ang aking paningin. "Napapansin ko lang kasi na malalim aag iniisip mo kanina pa. Wala ka bang sasabihin? Kanina pa tayo nakatayo rito, e." Mas lumakas ang tawa niya dahil sa sinabi ko. "Ikaw talaga masyado kang mainipin. 'Di ba pwedeng gusto ko lang i-enjoy itong moment? Ikaw, ako, nandito sa plaza habang pinagmamasdan ang makulay na fountain." Hindi ko napigilan ang paglingon sa kanya't pakatitigan siya nang mataman. Nabura sa akin pandini ang tugtog na kaninang bumabasag sa aking taenga, at napalitan iyon ng kanyang mahinhin na halakhak. Tila isang saliw ng malambing na musikang nagpapabaliw sa katinuan. Pinilit kong iwaksi ang kung ano mang bumangon na damdamin sa aking puso. Pinakiramdaman ko ang paligid, para bang nakalutang ako sa ulap habang nagpapaulan ng mga puso sa ibaba. Kay sarap na na hindi ko maipaliwanag, gusto ko na lamang lasapin ang damdamin na iyon. "Lumi?" untag niyang muli. Nagising lamang ako nang pitikin niya ako sa noo. Agad ko siyan sinamaan ng tingin. "Mukhang natutulog ka pa, a. Pasensya ka na, naabala yata kita. Gusto ko lang may kasama ngayon. Para hindi ko maramdaman na nag-iisa. Nakakaswa rin pala ang mag-isa. Alam mo 'yon? Iyong pakiramdam na walang nagpapahalaga sa iyo, maski ang sarili mo." Napatitig ako sa kanya. Pinagmasdan ko kung paanong gumalaw ang mga labi niya sa bawat bigkas niya ng mga salita. Hindi talaga siya namimintis na pahangain ako sa mga simpleng bagay niyang ginagawa. Kahit siguro mangulangot siya'y pagpapantasyahan o hahangaan ko pa rin. Sa bawat bigkas niya'y ramdam ko ang bigat na nararamdaman niya. Hindi lang siya nag-iisa sa hinaing na iyon. Hinila ko siya papunta sa isang bakanteng bench. Kakaalis lang ng mga nakaupo roon kanina. Kami naman ang papalit, lalo na at kanina pa kaming nakatayo sa gilid ng fountain. Nang masigurong maayos na kaming nakupo na dalawa ay sinimulan ko siyang paulanin ng mga tanong. "Ano ang problema, Spon? Pwede mo sa aking sabihin, walang panghuhusga." Nilingon niya ako at pinakatitigan. Titig na nakakapaso--- tagos sa kaluluwa. Hindi siya nagsalita. Ginulo lamang ang aking buhok sa ulo. Sumandal sa bench at inubos ang palamig niyang hawak. Bumalik ulit siya sa pagiging tahimik tulad kanina. Nilamon muli ang kanyang atensyon ng kawalan. * Nakangiti siyang huminto habang nakatitig sa akin. Wala naman kaming ginawa sa plaza, kundi ang tumambay. Marahil siguro ay ganoon ang paraan ni Spon na ilabas ang kalungkutang nadarama. Nauunawaan ko kung hindi pa siya lubos na nagtitiwala sa akin para sabihin ang dinadalang problema. Hinatid niya ako sa harap ng gate ng aking tinutululyan na boarding house, nang sunduin siya ng kanyang dalawang kuya-kuyahan--- mga board mates. Hindi naman niya ang mga ito pinakilala sa akin, dahil nang kinawayan siya ng mga 'yon sa malayo ay agad niya akong hinila at hinatid papauwi sa aking boarding house. "Salamat, Lumi. Sinamahan mo akong maglabas ng sama ng loob," aniya, habang malawak ang ngiti. Ang kaninang kalungkutan na nababanaag sa kanyang mga mata'y napalitan na nang kasiyahan. "Wala ka namang sinabi sa akin. Paano ka nanlabas ng sama ng loob?" tanong ko, habang nababanaag sa tono ng pananalita ang pagtatampo. Tumawa siya nang marahan at mabilis na pinisil ang aking pisngi. "Ganoon ako maglabas ng sama ng loob," sagot niya, at tinitigan ako nang mataman. "Oo na nga, sabi mo, e." Kumibit-balikat ako saka pumasok na sa loob ng gate. Tinigil ko ang aking mga paa saka siya hinarap muli ngunit namagitan na sa amin ang mga bakal. "Wala iyon, basta ang mahalaga ay ayos ka na. Mag-ingat kayo sa pag-uwi." Bago pa siyang makapagsalita ay tumalikod na ako at mabilis na naglakad papunta sa likod aking boarding house. Isang munting ngiti ang sumilay, rinig ko ang mabilis na pintig ng aking puso. Ang mahalaga sa akin ay ayos na si Spon, kahit hindi niya man lang sinabi sa akin ang problema niya. Ang nakatutuwa pa ay ako ang pinili niyang makasama sa gitna ng alon--- na waring bangka na nilipasan na ng panahon sa paglalakbay. ** Maaga kaming tumambay ng aking mga kabigan sa cafeteria nang umagang iyon. Naghihintay na pumatak ang alas otso para sa oras ng unang klase namin. Napaaga kaming pumunta dahil sa flag cerrmony na ginaganap tuwing Lunes. Abala sa pagkain ng pancit canton si Locsy habang si Gwen naman ay panay ang pagkukwento niya tungkol sa k-drama niyang pinanood kagabi kay Berlin na abala naman sa pagkikilay. Samantalang ako ay tahimik at nakikinig, hababg sila ay pinagmamasdan. Miminsan ay sisingit kapag gugustuhin, at ngingiti para may matawag namang reaksyon sa kinikilos nila. "Oy, 'day! Kumusta naman ang nanliligaw sa iyong agri-guy?" biglang untag ni Gwen, sabay kalabit sa aking braso na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Agad na kumunot ang noo ko dahil sa klase ng tanong na binitiwan niya. "Nanliligaw? Sino?" Hindi sumagot si Gwen. Umikot saglit ang mga mata ni Berlin, bago ulit bumalik sa harapan ng maliit na salamin ang atensyon. "Duh, iyong si Spon, Lumi." "Tigilan niyo nga si Lumi, masyado kayong makulit. Hayaan niyo na lang siyang magkwento sa atin!" May halong inis sa boses ni Locsy nang matapos na sa kanyang kinakain. Matapos iyon ay hindi na nagsalita ang isa sa kanila. Mukhang natakot na rin ang dalawa pang tanungin ako. Sakto naman ang pagpatak ng alas otso, hudyat na kailangan na naming pumasok. Huminga ako nang malalim dahil sa bumabagabag na katanungan sa aking isipan. Mabilis na lumipas ang oras. Halos kakaupo lang namin sa upuan, pero mabilis na dumating ang hapon. Halos buong araw kaming bangag habang walang ni katiting na naintindihan sa mga itinuro ng aming proctor. Bukod kasi sa ingay ng iba naming mga kaklase ay mas pinili ko ring maupo sa pinakalikuran. Sa paraang iyon ay malayo ako sa kung anomang exposure sa klase at makita ng mga proctors. Iniiwasan ko talaga ang umupo sa harap, sa takot na baka tuksuhin at pasagutin sa mga katanungan na itinatanong kapag magsisimula o patapos na ang klase. Isa pa ay ang takot ko na baka mali ang aking maisagot. Pagtawanan ng mga kaklase at masira ang expectations nila na dapat ay matagal nang binura sa isipan. Mahirap ding masabihan na pabibo at pasipsip sa mga guro, kaya mas pinili ko na lamang ang manahimik sa buong klase. Hinahayaan ko na lamang ang aming proctor na tawagin ang pangalan ko kapag oras na ng oral recitation. Natatakot akong magkamali. Dahil sa isang pagkakamali lang na iyon ay mabubura na sa isipan ng mga taong nakapaligid sa akin ang lahat ng nga tamang ginawa ko. Tulad na lamang sa kaso ng pagkagalit sa akin ni mama. "Lumi, sabay ka na sa amin," anyaya sa akin ni Locsy. Kasalukuyan akong nagliligpit ng aking gamit, habang ang iba kong mga kaklase ay naglalabasan na sa silid. Hinihintay naman ako ng tatlo kong kaibigan, sila lang yata ang nakatitiis sa akin. "Makikisakay tayo kina Gwen at Berlin," dugtong pa niya. Nasa labas na kasi ang dalawa at abala na sa pag-aayos ng kanilang buhok at kilay. Hindi ako umangal pa at tumango na lamang. Mabuti nang makatipid naman ako sa pamasahe at pagod kung sakaling lalakarin ko na naman. "Sasabay sa atin si Lumi, a." Pagkalabas namin ay iyon agad ang sinabi ni Locsy sa dalawa, dahilan ng kanilang sabay na paglingon sa akin. Nagliwanag ang mukha nina Gwen at Berlin pagkatapos ma-realized ang ibig sabihin ni Locsy. Nagtatalon sila saka ako niyakap na animo'y nakasalalay roon ang kaligayahan nilang dalawa. Kumilay-kilay lamang si Locsy nang mapadako ang tingin ko sa kanya. Napangiti na lamang ako saka napailing, pinipigilan ang pagkawala ng tawa. Hinila na nila ako at hindi na pinakawalan pa. At dahil nasa mood naman ako kaya't nagpatangay na lamang sa mga braso nilang tatlo. Hinatid nga ako ni Gwen hanggang sa harap ng aking boarding house. Si Locsy naman ay nakaangkas sa kay Berlin. "Salamat sa inyo, a. Mag-ingat kayo sa pag-uwi," paalam ko sa kanila nang makababa na ako ng motor. Kumaway silang tatlo sa akin at sabay na sumagot ng 'opo, Ma'am Lumi.' Natawa pa kaming apat bago sinimulang kambyahen ang dalawang motor. Naiwan na lamang sa aking pandinig ang ugong ng makina, nang tuluyan na silang nakaalis. Napailing na lamang ako habang nakangiti. Hindi na rin pala masama ang makipagkaibigan sa kanila. Pero hindi pwedeng pabayaan ko na ang pag-aaral ko. Kailangan kong patunayan kila Mama na hindi sayang ang pagpapa-aral nila sa akin. *** Mabilis na lumipas ang araw. Naging mas abala pa ako dahil pinagkakasya ko na lamang ang bakante kong oras sa paggawa ng mga activities at assignments. Mabilis ang bawat hakbang ko nang makarating sa gate ng ASU. Alas otso na nang umaga, at late na ako para sa first class. Kung bakit ba naman kasi nakalimutan kong i-set ang alarm kagabi! Di sana'y hindi ko hinahabol ang oras. Lakad-takbo ang ginawa ko, malayo-layo pa ang lalakarin dahil nasa itaas pa ang CTE building, at kailangan ko pang maglakad ng halos tatlumpung kilometro. Pinagpapawisan pa ako nang malagkit. Alam kong ang lagkit at haggard ko nang tignan, pero wala akong paki-alam. Ang mas importante sa akin ay ang makapasok sa first class. "Lumi!" Rinig ko ang pagtawag ng pamilyar na boses sa aking pangalan nang papaliko na sana ako sa guard house. Hindi ako nagkamali nang sumabay na si Spon sa aking tabi habang mabibilis din ang kanyang mga hakbang. Ramdam na ramdam ko ang pagpagaspasan ng dahon ng mga puno at ang pagdampi ng malamig na simoy ng hangin sa aking balat. Nabawasan no'n ang init na lumulukob sa aking buong katawan. "Mukha yatang nagmamadali ka?" ika niya. Sinulyapan ko siya saglit saka ibinalik ulit ang aking tuon sa kalsada. Baka mamaya, titigan ko lamang siya ay matapilok ako sa suot kong sapatos na may takong. Medyo tanga pa naman ako minsan kapag na-d-distract sa presensya niya. Imbes na classroom ang papasukan ko mamaya ay baka clinic na. Sa mabilis na pagsulyap ko sa kanya'y nagawa ng mga mata kong suriin ang kanyang kabuuan. Nakapagtataka na hindi siya naka-uniporme; naka-slider na naman kasi siya, white t-shirt at cargo short, dumagdag lang ang cap niya ulit na kulay gray. At may kung ano siyang bitbit na cellophane. "Late na kasi ako sa first period. Ikaw bakit hindi ka naka-uniform? Wala kayong pasok?" "Wala, e. Mamaya pang hapon. Bumili lang ako ng pagkain sa tindahan. Medyo napaaga kasi ang gising ko, kaya't maga rin akong nakabalik. Sakto, naabutan kita." Lumiko ako sa Pomelo farm, pagliko pa ng isang beses ay building na namin. "Saan ba ang boarding house mo? Pareho tayo ng daan?" tanong ko ulit sa kanya, baka mamaya ay hindi niya napansin na iba na pala ang daan na tinatahak niya. Mabilis siyang lumakad at pumunta sa aking harapan. Humarap siya sa akin, at lumakad siya nang paabante. Nakangiti habang tinuturo ng nguso niya kung saan ang daan papunta ng kanyang boarding house. "Doon ang boarding house ko, mamaya roon ka kumain para naman makita mo." Ang daan na tinuturo niya ay ang papunta sa VETMED building. Malapit nga sa building namin, kaya naman pala pareho kami ng dinadaanan. Maghihiwalay lamang kami kapag liliko. Hindi ko na napansin ang oras, at dumating na ang pagkakataon na umiba siya ng daan na kanyang tinatahak. "Hintayin kita sa meditation hall, Lumi, a!" pahabol niyang sigaw, bago siya tuluyang nawala sa aking paningin. Nagpakawala na lamang ako nang malalim na hininga, saka mas binilisan pa ang aking paglakad. Late na talaga ako para sa first class! **** Tulad nga nang sabi ni Spon ay hinintay niya nga ako sa meditation hall. Kasama ko pa ang tatlo kong kaibigan kaya't medyo nahiya pa siyang ngumiti sa mga ito. Pagkatapos niya akong ipaalam kina Gwen, Berlin at Locsy ay hindi nakaligtas ang pagsiko sa aking tagiliran ng tatlo, bago ako iniwan. Kakamot-kamot pa sa kanyang batok si Spon, bago ako inaya na sumunod sa kanya. Nandoon na naman ang pakiramdam na wari bang nasa alapaap ang mga paa ko na nakatuntong at lumulutang na lamang sa ere ang aking buong katawan. Hindi marahil ako makapaniwala na ang lalaking nagugustuhan ko'y unti-unti nang napapalapit sa akin. Natatakot akong baka balang-araw, ang bangka ay matangay ng alon; tataob at lulubog sa kailaliman ng dagat at hindi na makaahon dahil sa malalim na dulot ng tubig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD