HINDI mawala-wala sa isip ko ang sinabing iyon sa akin ni Spon. Pagkatapos niya iyong sambitin ay hindi na ako nakatawa pa ulit. Nagdaan ang ilang minuto ng katahimikan bago siya ulit nagtanong sa akin. Inulit niya ng tanong kung bakit education ang kinuha ko.
Mabilis ko siyang sinagot, para kahit papaano ay mawala ang pag-init ng pisngi ko dahil sa sinabi niya. Maingay sa loob ng bus, pero tanging siya lamang ang naririnig ko nang mga oras na iyon.
Sinabi ko sa kanya, na aksidente lang pagpunta ko sa education. Dahil may problema rin ako sa financial. Hindi siya makapaniwala na hindi ako mayamang tulad niya, akala niya raw mayaman ako. Kinumpara niya pa ang mga style ko sa pananamit at ang kutis ko na medyo maputi nang kaunti.
Tawang-tawa pa siya nang sinabi ko na pumunta siya sa amin kung ayaw niyang maniwala. Pero sinakyan niya iyon ng pang-aasar na baka boyfriend ang ipakilala ko sa kanya sa aking pamilya.
Inasar niya lang ako hanggang sa bumaba na siya sa Himbis, Batan. Noon ko lang nalaman na pwede pala roong dumaan papuntang New Washinton. Minsan kasi napaaroon ako nang pumunta kami sa Pandan Hill.
"Punta ka sa amin, ha? Huwag ka lang magsapatos sa araw na 'yon, magbabangka tayo," pahabol niyang sabi, bago nilisan ang bus.
Hanggang sa pagtakbong muli ng sinasakyaang bus ay ang mukha niyang nakangiti pa rin ang naiwan sa aking isipan.
Nababaliw na yata ako sa agri-guy na 'yon. Hindi ko alam kung ano ang ginawa ni Spon sa 'kin, at nirentahan na yata niya ang buong isipan ko.
Naramdaman kong tumabi sa akin ang aking kakambal na si Avery. Birthday party ni Lola Filipina, at maraming mga pamilya lang din namin ang bisita. Pagkarating ko kahapon ay agad kaming naghanda para sa araw na pinakahihintay ni lola.
Hindi naman ako sanay na makipagsabayan sa mga pinsan ni mama at papa; maging sa mga matatanda. Kaya't mas pinili ko ang mapag-isa sa aking silid at magmukmok. Nagdala na lang ako ng ilang handa para hindi na ako lumabas kung sakaling gugutumin ako.
"Sissy, nandito ka pala. Kanina ka pa hinahanap ng mga pinsan natin," ika niya, sabay bigay sa akin ng isang slice ng cake.
Kinuha ko mula sa kanya ang plato. "Masama pakiramdam ko sissy, e. Pakisabi na lang sa kanila hindi ko sila makaka-usap."
"Sure ka? Magpahinga ka na muna, sissy. Para hindi lumala iyang nararamdaman mo. Ako na bahalang magsabi kila Mama."
Tumango ako saka siya nginitian. Tinapik niya ang aking balikat bago lumisan sa aking silid. Nang mawala na ang kakambal ko at nang maisara na ang pinto ay napabuntong hininga ako nang malakas.
Ang totoo ay iniiwasan ko talaga ang mga bisita sa labas. Ayaw ko ring marinig ang mga papuri ni Mama patungkol sa kakambal ko at kapatid na lalaki; iyong pinagyayabang niya ang mga ito sa kamag-anak namin. Samantalang ako'y parang isang hangin, hindi niya man lang binabanggjt ang pangalan ko. Iniiwasan.
Masakit. Nakakawalan ng gana. Mahapdi sa mata ang katotohanang iyon.
Hindi na lang sana ako umuwi, pareho rin naman pala sa dati. Magkukulong lang din pala ako ulit dito sa loob hanggang sa matapos ang handaan.
Napatingin ako sa aking hawak na plato. Pero kahit papaano'y makakakain naman ako ng vanilla cake.
"Lumi. . ." Napaangat ang tingin ko kay Mama nang marinig ko siyang tinawag ang pangalan ko.
Nagliligpit kaming lahat ng mga kalat na naiwan. Wala nang bisitang natira, pero mga basura naman ang naiwan. Kaya ayaw ko siguro ng handaan, bukod kasi sa pagod nang maghanda, nakakapagod din ang maglinis. Hindi na tuloy ako nakapagpahinga kahit weekend.
Simula kasi noong umuwi ako, agad akong tumulong sa paghahanda, imbes na magpahinga ay tumulong na lang. Ayaw ko kasing may masabi sila mama sa akin, at para kay lola ay kakayanin ko. Babalik na rin naman ako bukas ng Banga, itutulog ko na lamang ang pagod sa buong gabi.
Lumapit si Mama sa akin habang masama ang tingin. Hindi na bago sa akin iyon, alam kong galit siya dahil sa buong kaganapan ng handaan ay nakakulong ako sa silid.
"Bakit hindi ka lumabas kanina nang pinahanap kita kay Avery? Bakit ka nagtatago?" Ang boses niya ay puno ng kapaitan, anomang orss ay para bang gusto niya akong sampalin.
"Ano na lamang ang sasabihin ng mga kamag-anak natin tungkol sa iyo? Ang tanda-tanda mo na, pero pinapairal mo pa rin iyang pagiging mailap mo sa tao! Kailan ka pa ba hindi mahihiya, ha, Lumi?!" galit na galit niyang sigaw sa akin, habang mahigpit ang pagkakahawak niya sa balikat ko.
Naagaw niya ang pansin nina Papa, sissy, at nakababata kong kapatid. Mabuti na lamang at umuwi na si Lola, hindi niya masasaksihan ang pagkakamali ko. Mahal na mahal kasi ako no'n, tiyak na ipagtatanggol na naman niya ako kay Mama 'pag nagkataon.
Nanatili lamang akong tahimik, habang nakayuko. Pinipigilan ko ang sariling umiyak, mula sa mga masasakit na salita.
Dapat sanay na ako, dahil hindi na bago sa akin ang mga sinabing iyon ni Mama.
Pero bakit?
Bakit ang sakit pa rin ng mga salitang iyon? Parang mga punyal na bumaon sa puso ko; pilit na pinadudugo sa tinamong sugat. Malalim na ngang bumaon, mas binaon pa sa kailaman.
"Tama na iyan, Vie. Nasasaktan na ang anak mo," ika ni Papa, pumagitna siya sa amin ni Mama.
Ang mga mata ni mama ay puno ng galit at inis sa akin. Hindi ko alam kung ano ang ikinagagalit niya sa pagtago ko kanina. Wala naman akong ginawang masama.
Masama na ba ang umiwas? Sa pagkakaalala ko'y wala naman akong inapakang tao, para magalit siya nang ganito.
"Tinuturuan ko lang ng tamang-asal iyang anak mo, Luncio! Hindi na nahiya sa sasabihin sa kanya ng mga kamag-anak natin! Wala siyang mapapala kapag ipagpatuloy niya iyang hiya-hiya niya!" Nag-aapoy ang mga mata niyang bumaling sa akin. "Bakit hindi mo tularan iyong kakambal mo? Kita mo na't marunong makisalamuha sa ibang tao! Gayahin mo siya! Daig ka rin ng nakabata mong kapatid!"
Oo nga pala, iyong pride niya ang pinagllaban niya. Kung ano sasabihin ng mga kamag-anak niya. Dapat perpekto, walang bahid nang pagkakamali.
Nakakapagod.
Pinigilan ko ang pagtulo ng luha. Kaya ko pang pigilan iyon, ayaw ko nang umiyak sa harapan nilang lahat. Ayaw ko ring magsalita, hindi ko gustong makapagbitaw ng mga masasakit na salitang babaunin nila habang-buhay. Ayos lang sa akin na ako ang masaktan, huwag lang sila; ganoon ko sila kamahal. Subalit, mahal ba nila ako?
"Ewan ko sa iyo, Lumi! Nanggigigil ako sa iyo!" huling sigaw ni mama, bago siya tumalikod at pumunta ng kusina.
Naiwan kaming dalawa ni Papa sa sala. Hawak ko pa rin ang walis tambo. Ang kakambal ko't kapatid ay sa labas; pero imposible namang hindi nila marinig ang malakas na sigaw na iyon ni mama kanina.
"Pagpasensyahan mo na ang mama mo, Lumi."
Tumango ako bilang sagot kay papa. Hindi ako nagsalita pa, nanatiling tikom ang aking bibig. Pakiramdam ko kasi, oras na ibuka ko ang mga 'yon, ay sasabog ako. Baka lumabas lahat ng mga hinanakit ko na matagal ko nang kinimkim sa loob ng labing siyam na taon. At iyon ang ayaw kong mangyari.
Tinapik ako ni Papa sa aking ulo, saka siya ngumiti. Siya marahil ang mas nakakaunawa sa akin, sa kanilang dalawa ni Mama. Pero naiinis ako sa kanya, dahil sa katotohanang. . . maski siya ay walang magawa para pagsabihan si Mama.
Naiwan ako sa sala na mag-isa. Pinagpatuloy ko ang aking paglilinis kahit na ang sikip-sikip na ng dibdib. Pinilit kong pakalmahin ang aking sarili sa sunud-sunod na pagbuga ng hangin.
Ang bigat. Mabigat ang loob ko, na anomang oras ay baka hindi ko na makayanang dalhin at hahayaan ko na lamang na bumagsak.
Pinakalma ko ang aking sarili. Kinalimutan ang punyal na mas bumaon sa aking puso. Nilibang ko na lamang ang isipan sa paglilinis ng buong sala. Kinalimutan ang mga salitang binitiwan ni mama kanina, at ibinaon sa pinakailalim ng kaibuturan ng aking isip.
Natapos ang buong gabi nang hindi ako pinapansin ni Mama. Magmula sa hapunan ay wala siya ni isang salita. Matindi talaga ang galit niya sa akin.
Itinulog ko na lamang ang isiping iyon.
*
Dinala ko na ang backpack sa aking likuran at lumabas ng aking silid. Naabutan ko ang aking kakambal sa sala na nagsusuot ng kanyang sapatos. Mukha yata na sasabay siya sa aking bumiyahe. Iyon lang ay sa Kalibo siya at ako ay sa Banga.
"Sis, sabay na tayo. Nakapagpaalam na ako kila Mama. Ikaw?" Tumayo siya saka binitbit ang hand carry niyang bag. Hinintay ako na makalapit sa kanya nang tuluyan.
Umiling ako saka ngumiti sa kanya. "Hindi na sis, alam naman na nilang aalis na tayo."
Hindi na siya nagsalita at tumango na lang. Alam niya siguro na hindi pa kami bati ni Mama. Si Papa naman ay siyang maghahatid sa amin sa terminal ng bus, kaya't malalaman niya rin na nakaalis na kami.
Hinatid nga kami ni Papa sa terminal ng bus. Madali kaming nagpaalam sa kanya ni Sis Avery. Binigyan niya kami ng isang daang piso, pinaghatian namin iyon ni Sissy at agad na nagpaalam sa kanya. Binilinan kami ni Papa na mag-ingat, at tumawag kami sa kanila ni mama kung may kailangan. Pagkatapos no'n ay iniwan niya na kami sa terminal ng bus.
"Sis, okay ka lang? Kanina ka pa tahimik." Napalingon ako kay Sis Avery, nang bigla siyang magsalita sa tabi ko.
Sa kalagitnaan na kami ng biyahe. Hindi pala nakaligtas sa kanya ang pagsasawala kong kibo. Wala akong gana magsalita, wala naman kaming pag-uusapan na dalawa. Ma-m-miss ko siya, pero kailangan kong humarap sa reyalidad na iba na ang tinatahak naming landas na dalawa.
Hindi pwedeng sumandal na lamang at umasa ako sa kanya sa lahat nang oras.
Tama si mama, kailangan kong naging matapang. Kailangan kong tumayo sa sarili kong mga paa, kahit na. . . kahit na nakakatakot. Sanayin ko ang pagbabago, baka sa pamaagitan no'n matuto na ako.
Pero. . . natatakot pa rin ako.
Nakakamatay sa pakiramdam kapag iisipin ko na lamang na mag-isa ako, mukhang hindi ko kakayanin. Pero kinaya ko naman, ang isang buwan na wala ang kakambal ko. Baka. . . mas kayanin ko pa sa mga susunod na buwan.
"Sis?" tawag niyang muli, sabay siko sa akin.
Tulero akong bumaling sa kanya.
Napatawa siya dahil sa naging reaksyon ko. "May iniisip ka ba? Tulala ka na naman, sis."
Umiling ako, "wala naman. Ma-m-miss lang kita."
Mas lalong lumawak ang ngiti niya. "Sus, kambal talaga tayo. Ma-m-miss din kita."
Nagkwentuhan kami tungkol sa anime naming paborito habang sa biyahe, hanggang sa bumaba na ako sa Banga. Kumaway pa siya sa akin, bago nawala sa aking paningin ang bus.
**
NAGISING ako dahil sa malakas na katok na nagmumula sa pinto ng aking boarding house. Agad akong bumangon, naalimpungatan sa mahimbing na pagkakatulog. Napatingin ako sa relong suot, at alas sais na pala nang gabi.
Kusot-mata kong binuksan ang pinto. Sumalubong sa akin si Aling Sesa--- ang landlady namin ng mga ka-boardmates ko. Nakabestida siya ng bulaklakin. May hawak-hawak siyang smartphone, mukhang nag-f-f*******:.
"May naghahanap sa iyo sa baba. Puntahan mo na lang sa labas ng gate," agad niyang salubong sa akin.
Tumango ako bilang tugon. Pagkatapos no'n ay tumalikod na siya at muling nagpipindot sa hawak.
Dumaan pa ang ilang minuto pero nanatili pa rin akong nakatayo sa pintuan. Iniisip kung sino ang panauhing naghahanap sa 'kin sa ibaba.
Ipinilig ko ang aking ulo at inayos ang sarili bago nilisan ang aking silid.
Bumaba ako ng hagdan at sa likuran na dumaan. Doon naman kasi talaga ang daanan naming mga boarders, kapag sa harap ay nandoon na ang bahay nila Aling Sesa. Medyo awkward naman talaga kapag ganoon, hindi sila magkakaroon ng privacy at ganoon din sa amin.
Binuksan ko ang gate sa likuran para makapunta sa main gate. Sumalubong pa sa akin si Blackjack--- ang itim na Aspen na alaga nila Aling Sesa. Tinahulan ako nito, wari bang masaya siyang nakita ako. Napatawa ako sabay himas sa kanyang noo.
"Hi, Blackjack. Dalhan kita mamaya ng pagkain," sabi ko, sabay himas ulit sa kanya bago siya iniwan.
Tumungo ako sa main gate at binuksan iyon.
Sumalubong sa akin ang malamig na ihip ng hangin nang gabing iyon, kasabay ang isang maaliwalas na ngiti ng lalaki; nakasuot ng green plain t-shirt, cargo short at sliders. May dala-dala siyang dalawang baso ng kwek-kwek at dalawang plastic ng palamig.
"Hi, Lumi. Magandang gabi," sabi niya, sabay lahad sa akin ng dala niya habang may pag-aalinlangang ngiti.
Noong gabi lamang mas binaliw ni Spon ang buong sistema ko, pakiramdam ko'y habang-buhay na akong tatayo sa main gate ng boarding house ni Aling Sesa.