MALAMIG na hangin ang sumalubong sa akin pagkabukas ko ng gate. Nandoon pa rin siya, nakasandig sa pader, habang tahimik na nakatayo at nagmamasid sa paligid. Pinasadahan ko ng tingin ang aking sarili. Naka-long pants ako na kulay pula, maluwag na t-shirt, sliders at pouch wallet bag.
Nang masiguro na ayos naman na ang suot ko ay agad akong lumapit sa kanya at tumikhim. Medyo nagulat pa siyang lumingon sa akin. Ngumiti siya pagkalaon sabay himas sa likuran ng kanyang leeg. Hindi ko malaman kung nahihiya siya o sa iba na rason.
"Ang cute mo, mushroom," komento niya, sabay lapit sa akin.
Unatras ako nang kaunti para hindi masyadong malapit ang katawan namin sa isa't isa. May kung ano akong naramdaman na kiliti sa aking puso. Madaling gumapang ang init na naramdamn ko sa aking pisngi. Iyon pa lang ang sinabi niya pero malakas na ang atake sa katinuan ko.
Inirapan ko siya, "heh! Inuuto mo lang ako! Tara na nga!" Mabilis ko siyang tinalikuran at naglakad nang matulin.
Naramdaman ko siyang humabol sa akin, hanggang sa naging pantay na kaming dalawa. Rinig na rinig ko ang mumunti niyang tawa. Ang sarap sa taenga, sana ganoon na lang palagi ang naririnig ko, baka maging payapa ang buhay ko.
"Totoo naman, mushroom. Ang liit mo pa, o. Hindi ka na ba aalis sa lupa?" tanong at pang-aasar niya.
Hindi ko siya sinagot at inirapan ko nang pagkataray-taray. Hindi ko alam kung ano ang ginawa niya sa akin, kung ano ang ginamit niyang mahika, dahil kung siya ang kasama ko; nagiging totoo ako. Nagiging ako talaga si Luminary Payba, walang tinatago, walang suot na maskara para itago ang totoong pagkatao.
Naramdaman ko ang pagpatong ng kaliwa niyang braso sa aking balikat. Waring pinoprotektahan niya ako sa mga taong nakakasalubong namin. Hinayaan ko na lamang siya.
Busangot ang mukha ko nang makarating kami sa plaza. Kaya pala umakbay siya sa akin para lang asarin ako. Hindi pa siya maka-recover sa tawa niya, hawak-hawak pa niya ang tiyan. Asar na asar ako nang maupo sa bench. Sumasabay ang tawa niya sa tugtug na musika ng plaza.
"Para kang kabute talaga, Lumi. Gusto kong makita na nakapayong ka. Yati! Mushroom talaga ang kalalabasan!" Patuloy niya pa sa pang-aasar.
Pinagtitinginan na rin kami ng ilang mga taong tumatambay roon. Mas nangingibabaw pa kasi ang boses at tawa niya sa musika. Nakikipagkompetensya.
Umihip nang malakas ang hangin. Nanuot ang lamig sa aking balat, dahilan upang magsitayuan ang mga balahibo sa aking batok at buong katawan. Tinangay din ang aking hindi kahabaang buhok, hinawi ko ang ilang hibla na humarang sa aking mukha at inipit sa taenga.
Sinabayan ko na rin ang pagkanta sa musika na pinapatugtog. Sa ganoon akong kalagayan nang biglang maagaw ang aking atensyon ng boses ni Spon. Napagod na siya marahil sa kakatawa at pang-aasar sa akin.
"Lumi. . . sorry na. Please?" Ang tono ng boses niya'y parang isang labing dalawang taong bata, naghahanap ng simpatya; may paglalambing.
Binigyan ko siya ng isang mataray na tingin, sana naman ay alam niyang kanina pa ako naasar sa kanya. Kahit biro niya lang iyon ay nakakasakit pa rin sa damdamin.
"Oy, sorry na. . . 'to naman, tampo agad. Iyon lang, e." Pagpupumilit niya, sabay sundot sa aking braso.
Umatras ako para makalayo sa kanya.
"Para kang babaeng nay toyo. Sobra ka pa roon, alam mo 'yon?" wika niya pa, habang iiling-iling at sinundan nang mahinhin na tawa.
Natatakot marahil na marinig ko, pero narinig ko naman! Nag-s-sorry ba talaga siya o inaasar lang ako lalo?
Akma niya ulit sana akong kukulitin sa paghingi niya ng pansensya, nang biglang may umagaw ng kanyang atensyon.
"Buds! Nandito ka rin pala?" bati ng babaeng bagong dating. Hindi ko siya kilala, at bakit buds ang tawag niya kay Spon? Ka-buddy namin sa ROTC?
Naging tama lamang ang kutob ko nang sumulpot din si buds RJ. May dala itong isang supot ng mani at palamig.
"Mga buddy!" bati rin pabalik ni Spon, habang ako ay nanatiling tahimik.
Pinasadahan ko ng tingin ang babae. Payat siya, matangkad. Kulot ang mahabang buhok, may nunal siya sa kaliwang gilid ng ilong at maputi. Bilugan ang mga mata, makapal ang kilay at hindi kakapalan ang labi. Rock-chick ang style niya. Astigin kasi ang dating.
Dumako ang tingin niya sa akin nang batiin ako ni buds RJ. Masigla siya tumabi kay Spon at kinulit ito. "May kasama ka pala, buds, e. Pakilala mo naman."
Tumaas ang kilay ko sa aking narinig. Hindi ko naintindihan ang sarili, kung bakit bigla na lamang akong mas naasar. Hindi naman ako nito nakakaramdam noon, wala naman sa 'kin kung hindi ako papansin ng mga hindi ko kilala. Pero bakit ngayon, bigla akong nainis nang hindi agad ako napansin?
"Hindi mo siya kilala, buds? Ka-buddy rin natin siya!" biglang singit ni buds RJ. Tumabi siya sa akin, inalukan ako ng kinakain niyang mani.
Mariin akong tumanggi.
Pakiramdam ko nawalan ako ng panlasa. Mapait.
"Hala! Hello, buds! Magka-buddy pala tayong apat. Ako nga pala si Lyn Nunez. Ikaw?" masigla niyang bati sa akin, habang malawak ang ngiti. Nilahad ang kanang kamay.
Ngumiti ako sa kanya nang medyo alanganin saka tinanggap ang kanyang kamay para sa shake hand. "Lumi."
Matapos ang shake hands ay nagtanguan kami. Ramdam niya rn siguro ang tensyon. Hindi ako komportable sa kanya.
"Kanina pa ba kayo rito?" sunod niyang tanong, pero na kay Spon na ang mga mata.
Nabaling ang atensyon ko kay buds RJ nang magsalita siya. "Umiinom ka ba buds? Balak kasi naming uminom ni buds Lyn, e. Gusto niyo ni buds Spon sumama sa amin?"
Ngumiti ako sa kanya, "naku, sorry buds. Hindi ako umiinom, e." Sabay kamot sa aking ulo.
Tumango siya, "ito na lang. Mani." Inabot niya sa akin ang isang supot na nasa bulsa pala ng cargo denim short niyang suot.
Napatawa ako, "mahilig ka rin pala sa mani?" Kinuha ko iyon mula sa kanya. "Salamat."
Magsasalita pa sana siya nang biglang tumayo si Spon at pumagitna sa aming dalawa ni buds RJ.
"May mani ka pala buds, hindi ka nangbibigay," ika niya sabay kuha ng supot sa kamay ni buds RJ.
Lumingon ako kay buds Lyn. "Ikaw?" tanong ko sabay lahad sa kanya ng mani.
Ngumiti siya saka kumuha mula sa supot. Hindi naman siguro masama ang makipagkaibigan sa kanya. Hindi maaring habang-buhay na lamang akong iiwas, lalo na at magkasama pala kami sa ROTC bilng isang buddy.
"Saan mo nakilala ang dalawa na 'yan?" untag niya sa katahimikang bumabalot sa aming dalawa. "Pagpasensyahan mo na ang mga 'yan, mga makukulit talaga."
Tumango ako. Ngiti lang ang tanging naitugon. Nakapagtataka. Hindi ako komportable sa kanya. Pero bakit kay Spon, nalalabas ko kung sino ako? Walang pagkukubli sa kung sinoman talaga ako.
"Buds Lyn, bibili raw kayo ni RJ ng pagkain. Ito na ambag ko, u!" pukaw ni Spon, sabay lapag ng bente pesos sa espasyong namamagitan aming dalawa ni Lyn.
Biglang sumingit si buds RJ, "tayo lang daw iinom. Pulutan na lang daw ang sa kanya." Pagkatapos no'n ay tumawa.
Binatukan siya ni Spon habang naniningkit ang mga mata. "May pasok bukas at quiz sa bio-chem. Kaya bawal munang uminom, saka kasama ko si Lumi. Baka sabihin niya, hindi lang ako pala-asar, kundi lasingero rin."
Napatawa kaming tatlo dahil sa sinabing iyon ni Spon.
Hindi ko maiwasaan sa mga oras na iyon, na marahil. . . bigyan ko rin minsan ang sarili ko ng involvement sa buhay ng ibang tao.
Matapos ang tulakan at pagtatalo nilang tatlo kung sino ang bibili ng inom at pulutan ay mabilis na umalis sina buds Lyn at RJ. Naiwan kaming dalawa ni Spon, habang tanaw ang dalawa na pabura na ang pigura.
"Kita mo talaga ang dalawang iyon! Kapag inuman talaga, hindi pinapalampas!" komento niya, habang iiling-iling pero may mumunting ngiti sa labi.
Hindi ko na rin maiwasan ang ngumiti. "Kaklase mo rin ba si buds Lyn?" sa halip ay tanong ko sa kanya. Tinitigan ko siya nang seryoso, binabasa ang mga mata niyang kulay-kape na mataman ding nakatitig sa akin.
Sumandal muna siya sa bench saka ako sinagot. "Hindi. Pero nakilala ko siya dahil din kay buds RJ. Naganap iyon noong naghanap kami ng rifles. Sa totoo niyan, marami pa kaming nakilala ng tokmol na 'yon noong araw. Ang ilan kasi wala noong nagpakilala tayo sa dome. Kaunti lang tayo no'n, e."
Tumango-tango ako. Marahil nga ay wala si Buds Lyn noong araw sa dome. Isa pa, kung nandoon man siya nang araw na iyon, hindi ko pa rin siya makikilala. Lalo pa't mailap din ako sa ilang naroroon noon.
Tumayo siya saka kinuha ang supot ng mani na hawak-hawak ko. "Amin na nga 'yan. Bibilhan na lang kita ng bago."
Kumunot ang noo ko, "huh? Pero bago naman---"
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang kinuha niya iyon nang biglaan mula sa king kamay. Isinilid niya agad iyon sa bulsa ng kanyang cargo short na suot.
Pinakatitigan ko siya nang mabuti, magkasalubong ang kanyang mga kilay habang nakanguso. Hindi ko gustong pangalanan ang emosyong nababasa ko kay Spon, lalo na at walang kasiguraduhan.
"Hindi ko gustong may nagbibigay sa 'yo ng pagkain; lalo na kapag galing sa ibang lalaki," sabi niya nang pabulong pero umabot pa rin sa aking pandinig.
Magsasalita sana ako para tanungin siya kung ano ang ibig niyang sabihin, pero mabilis siyang tumalikod at naglakad palayo sa akin. Nang maramdaman niyang hindi ako nakasunod ay tumigil siya saka lumingon sa akin habang nakakiling ang ulo.
"Ba't nandyan ka pa, mushroom? Tara!"
Tulero akong tumayo, hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Ramdam ko pa rin ang pagliparan ng kung ano sa aking tiyan. Nanlalambot ang mga tuhod ko, kaya't kinailangan ko pa munang humawak sa hawakan ng bench bilang suporta sa pagtayo.
Mabilis akong lumakad papunta sa kanya nang mahimasmasan ako at nakabalik na sa tamang huwisyo.
Binabaliw ako ng mga salita niya!
"Saan ba tayo pupunta, sisiw?" balik asar ko sa kanya, dahilan ng pag-angat ng gilid ng labi niya. Indikasyon iyon na naaliw siya.
Ginulo niya ang aking buhok, ginawa na naman akong bata. "Sa kahit saan," pilosopo niyang sagot, na sinamaan ko ng tingin. "Charot lang, mushroom. Pupunta tayo sa lugar kung saan nagpapawala ng bad vibes."
Huli kong napagtanto na simbahan pala ang tinutukoy niya. Iyong araw lang na iyon, nakapagsimba ako na wala sa huwisyo.
*
MABILIS ang pagliligpit ko ng aking dadalhin pauwi sa amin nang araw na iyon. Kailangan kong maabutan ang last trip ng bus. Kung hindi ay baka palarin at hindi ako makauwi.
Biyernes, at suki ng mga bus at van ang mga estudyanteng uuwi rin sa Nayon.
Nakapagpaalam na rin ako sa senior officer namin sa ROTC na hindi muna ako makakpunta bukas sa instruction. Nasabihan ko na rin ang landlady ko na sa linggo na nang hapon ang aking balik.
Sa kalagitnaan ako ng paghihintay ng bus nang biglang may tumabi sa akin. Hindi ko na kailangan siyang lingunin o bigyan ng pansin. Sa amoy pa lang niya at postura ay alam ko na kung sino.
"Uuwi ka rin?" tanong niya, habang pinipitik ang kanan niyang paa sa sementadong kalsada.
Nasa harapan kami ng 7 eleven, kasama ang iba pang pasahero at estudyante na naghihintay ng bus.
"Oo," sagot ko.
Matagal na kaming nag-uusap at magkasama ni Spon, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung taga-saan siya. Wala pa akong ideya tungkol sa kanya, maliban na lamang sa ugali niyang hyper, pala-asar, agri-guy at buddy sa ROTC officer. Hanggang doon na lamang ang tanging alam ko sa pagkatao niya.
Humigpit ang hawak ko sa strap ng aking bagpack. Mabilis ko siyang nilingon, at sa ilang segundo lang ay natingnan ko ang ayos niya.
Asual, naka-cargo short naman siya, white plain t-shirt at sliders. May earphone na nakasalpak sa dalawa niyang taenga; sa likod ay bagpack na itim. Himala at nakasalamin siya ngayon, dahilan upang mapasinghap ako sa pagbilis ng t***k ng aking puso. Nagwawala, na wari ba'y nagpupumilit lumabas sa aking dibdib.
Hindi ko napigilan ang aking sarili. Nagsimula akong magtanong ng mga bagay-bagay sa kanya. Bahala na kung isipin niyang interesado ako sa kanya, dahil totoo naman talaga!
Tinanong ko siya kung taga-saan talaga siya, at kung bakit pareho kami ng terminal ng bus na hinihintayan. Kung saan siya nag-aral dati at kung bakit napunta siya sa pagiging agriculture.
Ayon sa kanya ay taga New Washington, Aklan siya. Pagkarinig ko pa lang no'n ay natakam na ako sa mga sea foods na sikat sa New Wash; tulad ng talaba, tahong, alimango, sugpo at iba pa. Idagdag pa ang magandang tanawin sa pantalan at ang kahabaan ng dagat.
"Minsan punta ka sa amin. Susunduin kita ng bangka. Maganda roon, promise!" sabi pa niya, sabay taas ng kanang kamay, tila nangangako.
Ipinagpatuloy pa niya ang pagkukuwento hanggang sa nakasakay na kami sa bus.
"Ang totoo niyan. . . Civil Engineering talaga ang kukunin kong kurso sa Kalibo, Aklan, e. Kaso nga lang, kapos sa pera kaya't pinili kong mag-aral na lamang sa ASU. Wala naman kasing engineering na offer ang ASU, Banga. Ayon ang dahilan kung bakit napadpad ako sa Agriculture
. . . "Pinagtawanan pa nga ako nina ate, e. Ano raw mapapala ko sa pagiging agri-guy. Sabi kasi ng iba, mababa iyong propesyon. Wala akong naisagot sa kanila, kasi hindi ko naman talaga alam. Pero pagsusumikapan ko, para naman may pakinabang ako balang-araw."
Magkatabi kami sa bus kaya naman ay may oras pa siyang magkwento sa akin.
. . . "c*m laude kasi iyong isa kong ate, kaya nakaka-pressure. Puro pagkokompara, kesyo wala raw akong pakinabang. . ." Napatigil siya sa pagkukwento, saka bumuntong hininga. "Mahirap lang kami, Lumi. Makikita mo sitwasyon namin kapag makapunta ka sa bahay."
Lumingon siya sa akin, nakangiti nga siya pero iba naman ang sinasabi ng mga mata niya. Sa mga oras na iyon, napagtanto ko na, sa kabila ng pagiging masayahin niyang tao. . . may tinatago siyang kalungkutan.
Naiintindihan ko kung ano ang nararamdamaan niya.
"Oy, ikaw naman magkwento! Bukod sa alam kong taga Altavas, Aklan ka."
Napatawa ako dahil sa parang may pagtatampo ang boses niya.
"Ano ba gusto mong malaman? Hindi kasi ako sanay magkwento, kapag hindi sinisimulan sa isang tanong."
Napataas ang kilay niya saka umangat ang isang sulok ng labi. "Ibang klase. . . sige, ito. Bakit ka nag-educ?"
Ako na rin ang napatawa dahil sa tanong niya. "Pinag-isipan mo ba ang tanong na 'yan?"
Tinitigan niya ako nang mataman, parang hinahalugad no'n ang kaluluwa kong nakatago.
"Ang ganda mo talaga kapag tumatawa, Lumi. Nakawawala ng sarili."