HINAPLOS niya ang suot niyang itim na palda na ipinares niya sa long-sleeved blouse na meron pang laso sa neckline na ibinuhol niya. It-in-ext niya si Lyneth na paakyat na siya nang mga sandaling iyon. Pagkarating niya sa floor na kinaroroonan ng studio ay sinalubong naman siya ng kaibigan.
"Ang simple ng porma mo," maasim ang mukhang komento ni Lyneth matapos silang magyakapan.
Nakataas ang kilay na nameywang siya.
"At?"
Lumapad naman ang ngisi ni Lyneth.
"Bet ko!"
Napahagikhik naman siya. Habang papasok sa loob ay kinuwentuhan na siya ni Lyneth ng mga gwapong guest na dumating at nakausap nito. Ilan daw sa mga ito ay pumayag nang maging cover ng nobela nito. Kunwari na lang ay nakikinig siya. Mas interesado kasi siya sa mga nakita niyang malalaking display ng photographs sa mga dingding ng studio. Parang gusto niyang baklasin lahat at iuwi sa bahay nila.
"Hey, Arnold!"
"Hello, mga bakla!" patiling tawag naman sa kanila ni Arnold at bineso sila. Binabae si Arnold pero hindi halata dahil lalaki itong manamit. Maliban na lang kung kikilos ito at magsasalita. Hindi nakapagtatakang magaganda ang mga kuha nito dahil napakaarte nito—as in artistic.
"Nagustuhan n'yo ba?"
"Congratulations!" sabay pa nilang bati rito.
"Mga bago 'tong display mo? Parang ngayon ko lang sila nakita. Ang gaganda nila," ani Ally.
"Bago 'yang mga 'yan. 'Yan 'yong napala ko noong nagpunta kami ng Negros. Ang dami kong natipuhang tanawin doon. Sa Silay City ang karamihan sa mga 'yan."
"'Di ba, Ally, matagal mo nang pangarap makita 'yong The Ruins?" nakangising siko ni Lyneth sa kanya.
"Ikaw ba? Kailangan ka libre? Ikaw lang naman ang hinihintay ko," pasakalye naman niya.
"Dumaan kami ro'n bago kami pumuntang Bacolod. Gabi 'yon kaya merong romantic effect. Hanapin n'yo lang diyan sa paligid. Meron akong kuha."
Nanlaki naman ang mga mata ni Ally.
"Pwede ko bang iuwi kapag nakita ko?" hindi napigilang hirit niya.
"Hmm..." Kunwari ay napaisip si Arnold. Ilang sandali pa ay nagkumpas ito ng kamay habang natatawa. "Sige na nga!" Para namang matatanggihan siya nito.
"Hah! Thank you, Arnold! Maiwan ko na muna kayo, ha?"
"Tumingin ka rin sa ibang lalaki, ha?" pahabol pa ni Lyneth.
OO NGA at maraming gwapong guest sa event na iyon pero hindi man lang nakuhang mag-second look ni Ally. Minsan nahiling niyang sana ay katulad na lang siya ni Lyneth na naa-appreciate ang lahat ng mga kalahi ni Adan. But she used to see Gino only. Ito lang ang gusto niyang nakikita. Pero ngayon, hindi niya alam kung ano ang meron sa Gael na iyon at nagugwapuhan siya rito.
Gael na naman! Huwag mo na ngang isipin ang bakulaw na 'yon!
Pagkatapos niyang literal na makipagbungguan ng siko sa ilang guest ay nahanap na rin niya ang hinahanap na The Ruins. Hayun at abot-kamay na lang niya. Mabibilis ang mga hakbang na nilapitan niya ang kwadradong larawan at meron pa siyang natabig.
"Sorry," hinging-paumanhin niya pero hindi man lang siya nag-abalang tumingin. Mas importante sa kanyang mahawakan kahit ang picture man lang.
Matagal na niyang gustong puntahan ang historical landmark na iyon pero hindi talaga siya makahanap ng pagkakataon. Gusto kasi niyang merong kasama pagpunta doon para mas ma-enjoy pa niya.
Pero agad din siyang natigilan nang manuot sa ilong niya ang pamilyar na amoy na iyon.
"Sino ang tatanggap ng gano'ng 'sorry'?"
Nahigit ni Ally ang paghinga nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Bigla siyang napalingon at nakita niya ang nakakunot-noong si Gael, nakapamulsa habang papalapit sa kanya. Napakurap pa siya. And did her world just stop? Hindi siya makapaniwalang kaharap na niya si Gael. Hindi hamak na mas gwapo ito kaysa noong huling beses niya itong makita.
At ito rin ba ang natabig niya?
"W-what?" nautal na tanong niya.
"Hindi ko tinatanggap ang sorry mo. Mag-sorry ka ulit."
Siya naman ngayon ang napakunot noo.
"Hindi ko naman sinasadya, ah? Saka hindi ka naman nasaktan, 'di ba?"
"Sinadya mo man o hindi, nasaktan man ako o hindi, ayokong tinatabig."
Hindi iyon pinansin ni Ally at sa halip ay hinagod ito ng tingin. Malayong-malayo ito sa Gael na nakita niya sa bar at ospital. He was wearing a white long-sleeved polo. Bumabata pala itong tingnan kapag wala itong three-piece suit na suot. Pakiramdam niya ay isa siyang high school student na nagsisimula pa lang na magka-crush.
Nakuyom niya ang kamao para pigilan ang sariling haplusin na naman ang mukha nito. Kabaliwan na iyon.
"Whatever."
Itinuon na niya ang atensiyon sa photo pero gusto pa yatang magpapansin ni Gael at pumagitna pa ito sa pagitan niya at ng painting. Bahagyang napaatras si Ally. Mistulang toreng nakatunghay sa kanya ang lalaki.
"Panira ka. Tumabi ka nga."
"Mag-sorry ka muna."
"I'm so sorry, your highness." Pinagdikit pa niya ang mga palad at eksaheradong ngumiti. "Forgive thy poor servant. Spare my life." Pero agad ding dumilim ang anyo niya. "Happy?"
"You look stupid," matabang na sabi ni Gael.
"Stupid is the new beautiful." She gave him a bored look. "Tumabi ka na nga riyan. Nakaharang ka sa magandang view."
"Ayoko. Nasa harap ko na ang magandang view."
Napatitig siya sa mga mata nito. He can't be serious. Wait. Marunong naman ba itong magbiro? Ngayon pa lang ay ginugulo na naman nito ang sistema niya.
Tinawag ba talaga niya akong 'beautiful'?