“Sigurado ka?” Umawang ang labi niya. Malinaw sa ekspresyon niya na hindi siya naniniwala.
“Ayaw mo yata e’!”
“Hindi sa ayaw, Dok. Kaya lang, lasing ka. Paano kung bukas magbago ang isip mo? Paano kung makalimutan mo na pumayag ka na sa kasal. Ayoko lang umasa. Masakit kaya ‘yon.”
“ ‘Di ka nga masasaktan…sigurado nga ako.” Tumayo ako, tinaas ang kanang kamay, pero hinila naman niya ako pabalik sa pag-upo. “Buo na ang desisyon ko. Ma lasing man o hindi. Pakakal ako kasi mabait ka.”
“Teka, hindi ko masyadong naintindihan. Ulitin mo nga, ‘yong malinaw.”
“Payag na nga ako.” Itinaas ko na naman ang kanang kamay ko. "I, Cherry Villafuerte, agree to marry you, Reynan Cuevas." Dahil gusto nga niya ng malinaw, sinadya kong bagalan ang pagsasalita ko at diniin ko pa para klarong-klaro kahit lasing ako.
“No turning back, no regrets?” Inilapit na naman niya ang mukha sa akin.
Tumango ako, ngumiti pa. “Oo na nga…”
“Sinabi mo ‘yan, ha? Kapag binawi mo, tutubuan ka ng dalawang pigsa sa puwet.” Nginisihan niya ako, may kasabay pang pisil sa pisngi ko.
Hinawakan ko ang kamay niya at pabagsak na humiga. Bahagya ko siyang nahila, at bahagyang naglapat ang aming katawan. Agad naman siyang lumayo, pero napapatikhim. “Sige na pahinga ka na, bukas na natin pag-usapan ang detalye at kondisyon ng kasal.”
Tumango-tango ako at ngumiti. Antok na antok na ako, gusto nang bumigay ang mga talukap ko, pero hindi ko naman magawang pumikit dahil sa ekspresyon ni Reynan. Seryoso at ang sungit-sungit niya kanina, pero ngayon ang saya na, ngiting-ngiti na parang tanga.
“Ang guwapo ng magiging asawa mo ‘no?” ngisi niyang tanong at lalo pang inilapit ang mukha sa akin.
Tinulak ko siya. “Umayos ka, Reynan. Lasing ako, but nasa ulirat pa rin ako. ‘Wag mo akong e-take advantage. ‘Di ako papayag!”
“Hindi naman kita tini-take advantage, ah. Nag-papansin lang…” Inipon niya ang nagkalat na buhok sa pisngi ko, at inipit sa tainga ko. “At saka, ang saya ko, kasi magiging asawa ko na ang mabait at magandang doktora na…” Hindi niya tinuloy ang pagsasalita. Itiniim niya ang kanyang labi, pero mga mata naman niya ay tumutok sa aking labi, parang may balak na halikan ako.
Tumagilid ako, ipinikit ang mga mata at nagkunwaring tulog. Narinig ko pa ang mahina niyang tawa na hindi ko na pinansin. Maya maya ramdam ko na ang paggalaw niya at tumayo.
Ibinuka ko naman ng bahagya ang mga mata ko, sinilip kung ano na ang ginagawa niya. Naglalakad na siya papunta sa kwarto niya habang paulit-ulit na hinahagod ang buhok.
Naisip ko, baka sumakit ang ulo niya, dahil pasaway ako kaya magpapahinga na rin siya, kaya ipinikit ko na lang muli ang mga mata ko.
Pero hindi nagtagal ay napaigtad at naidilat ko ang aking mga mata. Naramdaman ko kasing may humawak sa akin.
“Sorry, nagising kita,” sabi niya.
Hindi ako sumagot, napatitig lang sa kanya ang antok kong mga mata.
“Lipat ka sa kwarto, para mas maging kumportable ka, at makatulog ng maayos.”
Hindi na ako nakasagot, binuhat na niya agad ako, at dinala sa kanyang kwarto.
“Sige na, matulog ka na.” Maingat niya akong binaba.
At dahil antok na antok na ako, nginitian ko lang siya at muling ipinikit ang mga mata, pero naramdaman ko pa na kinumutan niya ako.
***
Napadaing ako nang ginising ako ng sakit ng ulo. Pinisil-pisil ko at dahan-dahang ibinuka ang ang mga mata. “Nasaan ako?” Napabangon ako bigla, naigala ang paningin sa silid na hindi pamilyar.
“Good morning, dok,” agad namang akong napalingon sa tabi ko nang magsalita si Reynan. Nakasandal siya sa headboard, nakahalukipkip at ang lapad ng ngiti. Katulad ko, halatang kagigising niya lang dahil sa magulong buhok, pero ang guwapo pa rin.
Nakusot ko naman ang aking mga mata. Kumurap-kurap pa.
“Totoo ako, dok, hindi guniguni.”
“Anong ginagawa ko rito?” Sinilip ko ang katawan ko sa ilalim ng kumot, at nakapa ko ang dibdib ko nang malamang may damit pa ako.
Ngumiti naman siya, umayos sa pag-upo at umusog palapit sa akin. “Wala kang maalala ‘no? Hindi mo maalala kung paano ka…”
“Tumahimik ka muna…” Pinisil ko ang noo kong kumirot na naman, pero napakagat labi naman. Naalala ko na kasi ang mga ginawa ko kahapon. Nakamot ko ang leeg at umiwas ng tingin.
“Naalala mo na?”
Tiniim ko ng todo ang labi ko. Naipikit ko pa sandali ang mga mata ko, at saka matiim na tumitig sa kanya. “Reynan, lasing ako…”
Tumango siya at dinampot ang cell phone niya. “Oo nga, lasing ka. Kaya…” Inangat niya ang phone niya, hinarap sa akin, at pini-play ang pangako ko sa kanya. “Bawal bawi, magkakapigsa ka sa puwet!”
“Reynan…” Humaba ang nguso ko, at napisil na naman ang noo ko. Lalo kasing sumakit ang ulo ko.
Mautak din talaga ‘to si Reynan, ni-record pala ang pangako ko. Paano ko pa babawiin ang aking sinabi ko? Ang linaw ng ibidensya.
Tumayo siya. “Sige na bumangon ka na at maligo, hindi ka na amoy doktor, amoy lasinggo na.”
Pinanliitan ko siya ng mga mata, pero ngiti pa rin ang ganti niya. Inamoy ko naman ang sarili na ikinangiti niya.
“Siya nga pala, ready na rin ang damit mo,” sabi niya pa, at tuluyan na ngang lumabas ng kwarto.
Napabuga naman ako ng hangin. Umupo ako sa gilid ng kama, at mapait na ngumiti. Lahat ng kabaliwang ginawa at sinabi ko sa kanya kahapon ay malinaw kong naaalala.
“Cherry naman ‘e!” tinampal-tampal ko ang noo ko. Nadidismaya ako sa sarili. Naitakip ko naman ang mga palad sa mukha ko. Nakakahiya ang ginawa ko. Inamoy-amoy ko siya. Ang demure na ako, naging brazin bigla. Nalunod sa alak ang utak.
Matamlay akong tumayo, at pumasok sa banyo. Dali-dali akong naligo, at pagkatapos ay nagbihis na agad.
Napangiti naman ako nang makita ang hitsura sa salamin. Plain white fitted blouse at above the knee denim short ang suot ko. Outfit na ayaw na ayaw ni George na isuot ko. Gusto niya, ‘yong mga pormal na awrahan, mga corporate outfit para raw presentable at hindi nakakahiya sa mga kakilala niya.
Ngayon ko lang na realize, dati pa pala ay dinidiktahan na niya ang buhay ko. Oo, mahal niya ako noon, pero maraming bawal. Dapat siya lagi ang masusunod, kagustuhan niya lagi ang nauuna. Papel ko lang ang sumunod. Talagang bulag ako noon.
Bumuga ako ng hangin. Naisip ko ang pangako ko kay Reynan na balak ko pa sanang bawiin, pero ngayon ay buo na ang aking desisyon, hindi ko na babawiin ang pangako ko. Itutuloy ko na ‘to.
Nakangiti akong lumabas ng kwarto, excited na makausap siya at ma-discuss sa kanya ang mga kondisyon ko sa kasal.
“Reynan…” Awtomatikong nahinto ang paghakbang ko, nawala rin ang aking ngiti, umurong pa ang dila dahil sa eksena na nadatnan ko sa veranda.