Kabanata 14

909 Words
“Congrats, Mr. and Mrs. Cuevas,” sabi ni Paul, boyfriend ni Mama. Kasama din nito ang kanyang anak na si Rachael. Sila ang tumayong witness sa aming kasal ni Cherry. Kaya ako nagpa-book ng flight papunta rito dahil bukod sa gusto ko rito magpakasal, gusto ko rin na ma-witness ni Mama ang mahalagang araw na ‘to. Ayaw ko nang maulit ang noon, nagpakasal ako nang hindi niya alam. Walang blessing galing sa kanya, kaya nauwi sa hiwalay. “Thank you, Paul,” sabay naming sagot ni Cherry, at sabay din na tumingin sa marriage certificate na hawak niya. “Cherry, welcome to the family,” sabi ni Mama. Ang tamis ng ngiti niya, pero seryoso naman kung titigan si Cherry. “Pareho kayong galing sa toxic relationship—” “ ‘Ma…” “Tumahimik ka, Reynan!” Pinandilatan niya ako. Kaya tumahimik na lang ako. “Wala akong masamang ibig sabihin. Ang akin lang ay gusto ko kayong paalalahanan. ‘Yong hindi magandang karanasan ninyo, gamitin n’yong gabay sa inyong pagsasama bilang mag-asawa. ‘Wag n’yo hayaang maulit iyon.” Nakatinginan kami ni Cherry. Tinginang may bahid ng guilt. Seryosong-seryoso kasi si Mama sa payo niya, hindi naman pala kami tunay na nagmamahalan. Ramdam kong gusto ni Mama si Cherry. Natutuwa nga siya dahil doctor ito. Wala ring problema sa kanya ang agwat ng aming edad, hindi naman daw kasi halata. Kaya lang, hindi niya alam na contractual lang ang aming kasal. Bago kami pumunta rito ay kinausap ko ng masinsinan si Cherry, hindi pwedeng malaman ni Mama ang totoo tungkol sa aming pagpapakasal. Siguradong hindi siya papayag, at baka itakwil pa ako bilang anak. Matapos kasi ng failed marriage ko, sinabihan niya ako na kung hindi ako sigurado sa ugaling mayro’n ang babaing gugustuhin ko ay ‘wag ako magpakasal. Mabuti pang tumandang binata ako, o kaya’y ikalat ko na lang ang lahi ko kay sa paulit-ulit na magdusa sa pag-ibig na walang kasiguraduhan. Hindi ko naman siya masisisi. Nakita nga niya kung gaano ako nagdusa noon, kung paano ako nadurog no’ng malaman kong hindi ko pala tunay na anak ang pinaglalaban ko na makuha ang kustodiya. “Naintindihan ko po, ‘Ma…” nahihiyang sagot ni Cherry. “Na s’ya, umuwi na tayo, at ang lamig na.” Tinapik ni Mama ang aking balikat at nauna na silang pumunta sa parking area. Hindi ko naman mapigil ang ngiti habang tinititigan si Cherry. Sinalo-salo ang nahuhulog na mga snow. “Let’s go home, Mrs. Cuevas,” bulong ko na bigla niyang ikinalingon. “Reynan!” sikmat niya. Dagliang lumapat kasi ang aming mga labi. Napatikhim ako. Nakagat ko rin ang ibaba kong labi. “Ikaw hah, sumisimple ka ng…” Hinapit ko ang baywang niya. “Ano ba, Reynan?” Tinulak niya ako, pero hindi ako lumayo, lalo ko pa siyang niyapos. “Ikaw ang sumisimple!” “Hindi ako sumisimple, hindi ako gano’ng lalaki. Sabi ko naman sa’yo tumitira agad ako.” Binuhat ka siya. Bin-bridal carry pa punta sa kotse. “Reynan, ibaba mo nga ako. Breach of contract ‘tong ginagawa mo!” “Behave ka nga, nakatingin sila Mama,” sabi ko habang nakatingin sa kotse nila na paalis na. “Nakatingin pa rin ba sila?” “Oo,” sagot ko kahit hindi naman talaga sila nakatingin. Tama siya, talagang sumisimple lang ako. “Umalis na yata sila ‘e…” Akmang lilingon siya. “ ‘Wag ka ngang magulo. Mahahalata tayo nito.” Nag-behave nga siya, pero ang talim naman ng tingin sa akin na matamis na ngiti ang ganti ko. Binaba ko lang siya nang makarating kami sa kotse. Pinagbuksan ko siya, at nang makaupo, ikinabit ko agad ang seatbelt habang hindi siya nilulubayan ng tingin. Sinadya ko ring ilapit ang mukha ko sa kanya. Wala akong pakialam sa nanggagalaiti niyang tingin. Ngayong kasal na kami, sisiguraduhin kong mabubura nang tuluyan si George sa puso niya. Sisiguraduhin kong mapapalitan ko ang hayop na ‘yon sa puso niya. Mula nang makita ko siya sa hotel na malungkot, pinangako ko sa sarili na kung bibigyan ako ng pagkakataon na mapalapit sa kanya, gagawin ko ang lahat mapasaya lang siya. Heto na nga, dumating na ang pagkakataon na ‘yon, at hindi ko ‘to sasayangin. “Kailan tayo babalik sa Pilipinas?” tanong niya pagpasok ko ng kotse. “Next month…” “Bakit ang tagal?” Nilingon ko siya at nginitian. “Para isipin ni George tuluyan ka na ngang sumuko sa kanya. Hindi mo na siya mahal, at hindi lang sa kanya umiikot ang buhay mo.” Napatitig naman siya sa akin. Parang pinagdududahan naman ako. “Bakit ka naman ganyan makatingin?” “Wala lang…” Nag-iwas naman siya ng tingin. “Hindi ka ba nagbabasa ng mga nobela? Kadalasan ang mga kawawang bida do’n, lumalayo muna at pagbalik, nagbago na sila mas maganda, mas matapang!” Tumaas ang mga kilay niya. “Nagbabasa ka ng gano’ng nobela?” “Hindi…” agad kong sagot. Napapakamot sa ulo. “Uwi na tayo, umalis na sila Mama.” Kaagad ko nang binuhay ang makina. Kung tingnan niya kasi ako, tagos hanggang damit. Nakakahiya ring aminin na nagbabasa ako ng gano’n para makakuha ng idea. “Ang laki ng katawan, mahilig pala sa nobela. Gusto pa ang mga kawawang mga bida…” tawang-tawa siya. “Kaya nga gusto kita!” sagot ko na ikinalaki ng kanyang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD