“Gusto mo ako?” Nauutal niyang tanong, pero halata namang curious sa isasagot ko. Hindi na kasi ako tinantanan ng tingin.
Nginitian ko siya. “Syempre…gusto kita bilang mabuting tao. Bilang doktor na maalaga, bilang magandang babae, at bilang tanga…”
“Okay na sana ‘e. Touch na ako. Damang-dama ko na, sinama mo pa ang tanga!” Sinamaan niya ako ng tingin na ikinangiti ko naman.
“ ‘Wag mong small-in ang pagiging tanga mo. Dahil d’yan sa katangahan mo, nakapag-asawa ka ng caregiver na may assistant!”
“Loko mo…” Inismiran niya ako, pero napapangiti naman.
“Ako ba, dok, gusto mo?” tanong ko. Taas ang kumpyansa na pareho din ang sagot niya sa akin.
Kaya lang, bumagsak ang kumpyansa ko. Napasulyap din ako sa kanya. Hindi kasi sumagot. Humalukipkip siya at seryoso akong tinitigan. Nakamot ko tuloy ang batok ko. Nag-init ‘e. Pahiya ako. Tinawa ko na lang ang hiya ko. “Ang linaw ng sagot mo…”
“Reynan…”
“ ‘Wag na, dok. Saka ka na lang sumagot kapag gusto mo na ako.”
“Gusto naman talaga kita…”
“Anong sabi mo?” Gulat akong napalingon sa kanya.
“Reynan! Mag-focus ka nga sa pag -drive!” sita naman niya.
Gumiwang-giwang kasi ang kotse dahil sa pagkabigla, nakabig ko ang manubela, saglit akong nawalan ng kontrol.
“Focus naman talaga ako…sa’yo,” sagot ko ng makabawi ako. Nginitian ko rin siya ng matamis na ikinangiti niya rin.
“ ‘Yan ang gusto ko sa’yo. Lagi kang masaya, laging kang may paraan na pasayahin ako. Nakakahawa ang pagiging positive mo.”
Hindi sadyang napahawak ako sa dibdib ko, nagkunwaring naubo. Pero ang totoo, kumabog ng malakas ang puso ko. Tumalon-talon sa saya.
“ ‘Yon naman kasi ang goal ko. Ang pasayahin ka, everyday of your life…” sabi ko na may kasabay ng kindat.
“Ewan ko sa’yo…” Napailing-iling at napapangiti siya. “Tigilan mo ‘yang pagpapa-cute mo, focus na sa pag-drive.”
Hindi na ako sumagot, pero paminsan-minsan ko pa rin siyang ninanakawan ng sulyap. Nasa labas ng kotse na kasi ang tingin niya.
Hindi ko naman mapigil ang mapangiti. Akala ko kasi matapos ang masamang karanasan ko sa pag-ibig, hindi na ako sasaya ng ganito.
“Dok, gamitin mo ‘to.” Inabot ko sa kanya ang jacket. Malapit na kasi kami sa bahay, nakikita ko na ang gate.
“Salamat, Reynan,” sabi niya, at sinuot naman agad iyon.
Nagpasalamat lang siya, pero ako, ang saya-saya na. Sobrang lambot ko talaga sa kanya. Pati ngiti ko, hindi ko na makontrol.
Masaya kasi ako na nakikitang siya na madalas nang ngumingiti, at proud ako sa sarili ko, dahil sa simpleng paraan ko, napapasaya ko siya.
“Reynan!” sigaw niya kasabay ang mabilis na pag-apak ko sa brake. May bigla kasing sumulpot sa kalsada.
“Ayos ka lang?” Inalis ko ang seatbelt ko. “Hindi ka nasaktan?” tanong ko kay Cherry habang sinusuri siya. Inalis ko rin ang seatbelt niya, hinaplos ang balikat niya.
Umiling-iling siya. “Ayos lang ako,” sagot niya, pero tingin ay nasa taong biglang sumulpot at muntik ko nang mabangga.
“Dito ka lang,” sabi ko at agad na akong lumabas ng kotse.
“Nababaliw ka na ba?” Diretso kong tanong sa babaing agad lumapit sa akin pagkababa ko ng kotse. Ang ex-wife ko si Riza. “Gusto mong magpakamatay, ‘wag dito!”
“Sorry, Reynan…gusto lang kitang makausap…”
“Wala na tayong dapat pag-usapan. Umalis ka na!”
“Totoo ba, Reynan?” Maluha-luha ang mga mata niyang tumitig sa akin. “Kasal ka na?”
Mapakla akong tumawa. “Kasal man ako o hindi, wala kang pakialam.” Malamig kong sabi at tatalikod na sana.
“Reynan, wait…” Hinawakan niya ang aking braso na hinablot ko agad. Pinagpag ko rin na parang may dumi na kumapit sa akin. “Hanggang ngayon pa rin ba galit ka pa rin sa akin? Hindi mo pa rin ako napapatawad?”
“Ano sa tingin mo?” Kinabig ko siya patabi, pero muli niya naman akong hinawakan.
“Reynan, hindi ko hinihiling na patawarin mo. Nagkamali ako, pero si Liza…hinahanap ka niya, na mi-miss ka niya. Kailangan niya ng am…”
“Ama? Hindi ako ang ama ng Anak mo, kaya ‘wag mo siyang gamitin!”
“Hindi ko siya ginagamit, Reynan. May sa…” Naputol ang pagsasalita niya.
Napatingin kay Cherry na lumabas ng kotse. Agad ko siyang sinalubong.
“Sino siya?” tanong niya, pero ang tingin ay na kay Riza.
“A nobody…” tipid kong sagot habang hinaplos-haplos ang mga braso niya. “Hindi ka na sana lumabas. Ang lamig na…” Pinagbuksan ko siya ng pinto. Sumunod naman siya, pero hindi naman ako nilubayan ng tingin hanggang sa maisara ko.
Mabilis akong kumilos papunta sa driver’s side, pero hinarang niya ako. Pinagdaop ang kanyang mga palad, nagmamakaawa ang tingin sa akin.
“Umalis ka na, at ‘wag na ulit magpakita sa akin,” sabi ko sabay bukas ng pinto, pero sinara niya, at hindi na umalis doon.
“Reynan, kausapin mo naman muna ako, please. Wala akong pakialam kung galit ka sa akin. Tanggap ko ang galit mo, pero ‘wag mo naman idamay ang anak natin—”
“Anak natin?” putol ko sa pagsasalita niya. “Wala akong anak sa’yo, Riza!”
“Ganyan na ba katigas ang puso mo, pati bata na walang kinalaman sa away natin dinadamay mo?” Akmang hahawakan na naman niya ang kamay ko, pero iniwas ko agad.
Malakas ko rin siyang kinabig paalis sa pinto ng kotse na ikinatumba niya.
“Reynan…” Narinig ko pa ang hagulgol niya, pero hindi ko na pinansin, agad ko nang pinaharorot ang kotse papasok sa aming bakuran.
“Sorry…” sabi ko paghinto ng kotse. Idiniin ko rin ang aking ulo sa manubela. Nahihiya akong tumingin kay Cherry.
“Bakit ka naman sa akin nag-so-sorry, hindi naman ako ang tinulak mo.”
Napaangat ako ng ulo. Hinawakan niya kasi ang kamay ko, hinaplos-haplos. “Tara na sa loob. Nilalamig ka na.” Tumango-tango ako, tipid na ngumiti, at lumabas na nga. Sumabay na rin siya sa paglabas.
“Hindi mo dapat nakita ‘yon…first day natin bilang mag-asawa, tapos gano’ng eksena ang bumati sa atin…”
“Reynan…” sabi niya, sabay yakap sa akin ng sobrang higpit. Lumapat ang pisngi niya sa dibdib ko habang nakatingala sa akin at matamis na ngumiti.
Nanigas ang katawan ko, napigil ko rin ang aking hininga. Parang bumagal ang galaw ng paligid, maging ang snowfall ay bumagal din.
Hindi na ako nakatiis, humawak ako sa gilid ng leeg niya at dahan-dahang inilapit ang aking mukha sa kanya habang nasa labi niya ang aking tingin.