Maagang nagising si Alice. Tahimik ang paligid, ngunit mabigat ang pakiramdam ng dibdib niya.
Ilang sandali pa, umilaw ang cellphone niya.
From Wilbert:
“Hi, good morning Alice. Ipinapaalam ko lang na nasa Pilipinas na si Olivia. Anumang oras, maaari na siyang magpakita sa inyo.”
Tahimik na binasa ni Alice ang mensahe. Hindi siya nagulat. Inaasahan na niya simula kahapon ng makatanggap mismo ng message mula Kay Olivia.
Dahan-dahan siyang napabuntong-hininga at ipinatong ang cellphone sa kama. Nakatingin siya sa kisame, habang bumabalik sa isip niya ang lahat ng nangyari—ang mga desisyon na hindi kanya, ang papel na ginampanan niya para sa iba.
“Bumalik na talaga siya,” bulong niya sa sarili. Wala pa siyang reply sa mensahe ni Olivia kahapon.
Napatayo si Alice mula sa kinauupuan niya. Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman. Halo-halo ang emosyon sa dibdib niya—may tuwa, may kaba, at may panghihinayang na hindi niya maipaliwanag.
Masaya siya dahil okay si Olivia. Matagal din niyang inalala ang kaibigan. Pero kasabay ng saya ay ang bigat sa puso.
Tahimik siyang naglakad papunta sa bintana at tumingin sa labas. Mariin niyang hinigpitan ang hawak sa cellphone.
“Thanks for the info. It means a lot to me, Wilbert.” Iyon ang ipinadala niyang sagot sa mensahe ng lalaki.
Pagkatapos, tahimik na ibinaba ni Alice ang cellphone. Napaisip siya.
Bakit kaya wala man lang nababanggit si David tungkol kay Olivia? Magkaibigan sila—malapit na magkaibigan. Malamang alam na ni David ang tungkol sa pagbabalik nito.
Ngunit siguro pinili na lang ni David na manahimik.
Baka ayaw na nitong magkwento pa tungkol sa bagay na iyon. O baka, sa totoo lang, wala na siyang karapatan pang malaman.
Napabuntong-hininga si Alice. Masakit isipin, pero kailangan niyang tanggapin. Hindi lahat ng bagay ay para sa kanya pa.
Magulo man ang isip ni Alice sa mga sandaling iyon, minabuti na lamang niyang maghanda ng pagkain para kay David dahil malapit na rin ang tanghalian.
Hindi pa man siya tuluyang nakakapasok sa kusina ay tumunog ang doorbell. Napahinto siya at agad nagtungo sa pinto upang pagbuksan ang bisita.
“Good morning, Mrs. Ledesma,” magalang na bati ni Alice. “Kung si David po ang hinahanap ninyo, alam n’yo naman po ang working hours niya.”
Bahagyang ngumiti ang ginang. “Ikaw talaga ang sadya ko.”
Napatingin si Alice, bahagyang nagulat. “Kung ganun po, tuloy po kayo.”
Maarteng pumasok ang ginang sa loob ng unit, marahang iniikot ang paningin sa kabuuan ng bahay, tila sinusuri ang bawat sulok.
“May gusto po ba kayong inumin?” alok ni Alice.
“No, thanks,” sagot nito. “Hindi ako magtatagal. Gusto lang sana kitang makausap, iha.”
Umupo ang ginang at huminga ng malalim. “Pasensya na sa lahat ng mga nasabi ko noon. Sana mapatawad mo pa ako. Sinabi na sa akin ni Olivia ang lahat—na wala kang kasalanan at nag magandang-loob ka lang.”
Napangiti si Alice ng marahan. “Wala na po ‘yon, Tita. Masaya po akong nakausap n’yo na si Olivia. Ang mahalaga po ay okay lang siya.”
“Okay siya,” tugon ng ginang. “Miss ka rin daw niya. Babalik na raw siya para ayusin ang lahat ng pagkakamali na nagawa niya. Isa na roon ang pagpapanggap mo bilang asawa ni David. Humihingi rin siya ng paumanhin dahil naipit ka sa sitwasyon na hindi mo naman ginusto.”
Tahimik na nakinig si Alice.
“Kapag bumalik siya,” dugtong ng ginang, “alam mo na sana ang dapat gawin. Makakaasa ba ako sa’yo, iha?”
Tumango si Alice. “Oo naman po, Tita. Alam ko po.”
Ngumiti ang ginang, ngayon ay mas malambot na ang anyo. “Maraming salamat sa pag-unawa mo. Napakaswerte talaga ng unica hija ko dahil ikaw ang naging matalik niyang kaibigan.”
Tumayo ang ginang. “Kailangan ko na ring umalis. Welcome ka pa rin sa bahay namin kahit kailan.”
Tumayo rin si Alice at yumuko ng bahagya.
“Salamat po, Tita.”
Nang makaalis ang ginang, nanatiling nakatayo si Alice sa sala. Mabigat ang dibdib niya, ngunit malinaw na sa kanya ang isang bagay—alam na niya kung ano ang inaasahan sa kanya.
At kahit masakit, handa na siyang gawin iyon.
Pagkaalis ng ginang, tila nawalan ng gana si Alice na kumilos. Bumalik na talaga ang kanyang best friend. Sandali siyang natigilan, pero pinilit niyang maging normal. Tahimik siyang nagtungo sa kusina upang ipagpatuloy ang ginagawa.
Simpleng ulam lang ang niluto niya, kaya mabilis din siyang natapos. Nagmamadali na siya dahil malapit na ang tanghali.
Eksaktong alas-dose nang makarating si Alice sa kumpanya. Agad siyang sumakay ng elevator. Sigurado siyang gutom na si David. Hindi mawala sa isip niya ang naging usapan nila ng mama ni Olivia. Pagbukas ng elevator, diretso siyang naglakad papunta sa opisina ng asawa.
“Good afternoon po, ma’am,” sabi ng secretary. “Wala po rito si Sir David.”
Napahinto si Alice. “Talaga? Saan po siya pumunta?”
“Kaninang umaga pa po siya wala, ma’am. Wala po siyang iniwan na mensahe. Mukhang hindi po related sa trabaho.”
“Ganoon ba,” mahinang sagot ni Alice. “Sige, salamat. Sa’yo na lang itong pagkain.”
Nagulat ang secretary. “Talaga po, ma’am? Ibinibigay n’yo sa akin?”
“Oo,” tumango si Alice. “Pakisabi na lang sa sir mo na tawagan niya ako pagdating niya.”
“Sige po, ma’am. Maraming salamat po sa pagkain,” masayang sagot ng secretary.
Lumabas si Alice ng opisina na may mabigat na dibdib. Napapaisip siya kung saan nagpunta si David. Ito ang unang pagkakataon na hindi niya ito naabutan sa opisina.
Kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang numero ni David. Tumutunog ang linya—ibig sabihin, hindi ito busy. Naghintay siya, pero hanggang dial tone na lang ang narinig niya.
Muli niyang tinawagan ang numero. Tumutunog ulit, pero biglang naputol.
“Pinatayan niya ba ako?” sa isip ni Alice.
Tinawagan niya ulit. Ngayon, busy na ang linya.
Napahinga siya nang malalim. Kinansela niya ang tawag at mabilis na lumabas ng building, dala ang bigat ng mga tanong na unti-unting bumibigat sa kanyang dibdib.
____
Naalimpungatan si Alice sa kinauupuan niya nang marinig ang doorbell. Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya habang naghihintay kay David. Alas-otso pa lang, pero pagod na pagod ang katawan niya.
Tumayo siya at pinagbuksan ang pinto.
Bumungad sa kanya si David—lasing, halatang hirap tumayo.
Hindi nagsalita si Alice. Agad niya itong inalalayan papasok. Hindi niya alam kung paano ito nakarating sa bahay sa ganoong kalagayan. Tahimik lang siya habang inaakay ang lalaki paakyat sa hagdan.
“I’m sorry, sweetheart… kung late na akong nakauwi,” bulol na sabi ni David.
Hirap na hirap si Alice dahil mabigat ang lalaki. Nakahinga siya nang maluwag nang makarating sila sa kwarto.
“Hey, wife,” sabi ni David, bahagyang nakangiti. “Galit ka ba sa akin? Bakit hindi ka nagsasalita? Bakit hindi mo ako tinanong kung saan ako galing? I miss you, wife.”
Napailing si Alice. Marahan niyang inihiga si David sa kama, pero bigla siyang hinila nito at mahigpit na niyakap.
“David, bitawan mo ako,” sabi niya. “Kailangan kitang linisin. Amoy alak ka.”
“Ayaw ko,” sagot ng lalaki. “Gusto kitang yakapin. Hindi mo ba ako namiss?”
Tahimik si Alice. Alam niyang wala sa tamang pag-iisip si David. Hindi siya naniniwala sa mga sinasabi nito.
“David!,” mariing sabi niya. “Bitawan mo ako. Kung gusto mong matulog nang maayos, pakawalan mo ako.”
Ngumiti ang lalaki. “Ang ganda mo kapag galit ka.”
“Hindi ako galit,” sagot ni Alice na pinipilit maging kalmado. “Nag-aalala lang ako. Hayaan mo akong tulungan ka para makatulog ka nang maayos.”
Sandaling tumigil si David. Nakatingin siya kay Alice nang may malalim at malagkit na titig, habang isa-isa nitong tinatanggal ang mga butones ng suot niyang suit.
“Ang ganda mo, wife,” bulong ng lalaki.
“Lasing ka lang, David,” sagot ni Alice na parang walang pakialam, kahit ramdam niya ang bilis ng t***k ng dibdib niya. “Kaya mo nasabi ‘yan.”
Nagpatuloy siya sa pagtanggal ng mga butones ng damit ng lalaki.
“I want to try again… those kissable lips of yours,” sabi ni David.
Nagulat si Alice nang marahang hawakan ng lalaki ang kanyang labi. Napaisip siya sa salitang again.
“David—”
“Hush,” mahinang sabi ni David. “Huwag ka munang magsalita, wife.”
Bago pa siya makapagsalita, marahan ng dumampi ang labi ni David sa kanya. Isang banayad na halik, puno ng pag-iingat, pero ramdam ang init ng damdamin.
Hindi nakapagsalita si Alice. Sa halip, ipinikit niya ang mga mata. Kahit Mali man sa paningin ng iba, hindi niya maitatanggi ang nararamdaman niya. Gusto niya ang ginagawa ni David, kaya sinabayan niya ang bawat galaw nito.
“Saka na ang mga consequences,” bulong ng puso niya.