Nathalie
"Ikaw ba 'to Nathalie?" Kaagad na bungad na tanong sa akin ni Julia pagdating nya.
Ipinapakita nya sa akin ang isang video na mula sa isang social media account. Isang eksena sa airport kung saan pinagtutulungang bugbugin ng ibang mga babae ang isang babaeng nakabulagta sa sahig.
Ako nga ang nasa video. Hindi ko ipagkakaila iyon. Sanay na ako sa ganyang eksena. Halos makipagpatayan ako para lang makalapit kay Eryx.
Tumitig sa akin si Julia. Napangiwi sya at umiling ng ilang beses.
"Ikaw nga 'to! Ayan ang ebidensya oh, may sugat ka sa noo at may pasa ka sa leeg." Wika nya
Hindi ko na sya tinignan pa. Nagpatuloy lang ako sa pag-proseso ng mga nag-check in at nag-check out sa Hotel. Hindi naman sya nakikinig sa mga kwento ko. Para sa kanya ay mali rin ang ginagawa ko. Pero walang nakakaalam na ito na lang ang nagpapasaya sa akin.
Pumasok sya sa loob ng recep area at nakapameywang sya sa harapan ko. Heto na naman po kami. Alam kong sesermunan na naman nya ako.
"Hindi ka ba talaga titigil sa kabaliwan mo? Baka patayin ka na lang ng ibang Soldiers sa mga pinaggagawa mo." Wika nya
Sa tono ng pananalita nya ay alam kong sobrang nag-aalala sya sa akin. Ilang beses na nya akong pinagsabihan na itigil ko na ang pagiging Haunted Soldiers, pero hindi ko talaga mapigilan. Masaya ako sa tuwing makikita ko sila. Maligaya ako kapag nasisilayan ko si Eryx. Baliw talaga ako sa kanya.
Kaya mahirap sa akin ang sinasabi nya na itigil ang lahat ng kabaliwan kong ito. Hindi ko kaya.
"Masaya ako sa ginagawa ko Julia. Kung ititigil ko ito-- mas ikamamatay ko iyon." Sabi ko
Naramdaman ko ang paghimas nya sa likuran ko. Isang tunay na kaibigan si Julia na handa akong damayan sa lahat ng mga nangyayari sa buhay ko. Pero kahit kailan ay hindi ko sya pinakinggan. Lahat ng mga payo nya sa akin ay isinantabi ko lang at ipinagsawalang bahala ko lamang.
"Ayoko lang na nasasaktan ka. Buti na lang ay galos at pasa lang ang nakuha mo. Paano kung mas matindi pa dyan?" Sabi nya
"Don't worry Julia, ayos lang ako." Sabi ko
Sa itsura nya ay mukhang hindi ko sya nakumbinsi. Bakas pa rin sa kanyang mga mata ang matinding pag-aalala. Hindi pa rin sya sanay sa tuwing may ganitong eksena. Hindi pa rin sya sanay sa lahat ng mga kabaliwang ginagawa ko para kay Eryx.
"Kahit na nagkasugat at pasa ako sa katawan. Sobrang kaligayahan naman ang kapalit nito. Nagawa ko na kagabi ang matagal ko nang gustong gawin kay Eryx!" Kinikilig na wika ko.
Bumilog ang mga mata at bibig ng kaibigan ko nang marinig nya ang mga sinabi ko. Tila kuminang din ang mga mata nya. Hindi siguro sya makapaniwala na nagawa ko na rin sa wakas ang matagal ko nang plano.
Sya kasi ang unang nagsasabi na malabo kong maisakatuparan ang mga plano ko kay Eryx dahil sa dami ng mga bantay na nakapalibot sa kanya. Hindi sya naniniwala na magagawa ko ito. Pero ngayong nagawa ko na ay mas lalong hindi rin nya lubos maisip kung paano ko naisakatuparan ito.
"Oh My God! Nayakap mo na si Eryx?" Gulat na tanong nya
Abot hanggang tenga ang mga ngiti ko sa kanya. Akala nya ay iyon lang ang kaya kong gawin. Tinuruan ako ng Bullet Boys kung paano huwag basta sumuko sa pangarap. Kahit mahirap ay darating din ang panahon na matutupad mo rin ang lahat ng ito. Kagaya ng nangyari kagabi. Hindi ako sumuko ng ganun kadali kaya naman naisakatuparan ko ang matagal ko ng pangarap.
"Hindi lang yakap! Nahalikan ko pa sya. Kaya nga binugbog ako ng ibang Soldiers eh." Pagmamalaki ko pa sa kanya.
Napahawak si Julia sa kanyang bibig at pati sya ay kinilig sa mga ibinulgar ko sa kanya. Kung kanina ay lubos syang nag-aalala sa akin, ngayon naman ay para syang bulate na binudburan ng asin dahil hindi mapakali ang katawan nya sa sobrang kilig.
Hindi pa rin sya makapaniwala sa mga nagawa ko. Kapag buo ang determinasyon mo sa isang bagay ay magagawa mo talaga ito ng walang kahirap-hirap. Ito lang ang nasa puso at utak ko kaya naman nagawa ko ang bagay na iyon.
"Kaya pala binugbog ka ng ganyan dahil hinalikan mo pala eh. Ikaw kaya ang first kiss nya? Ang swerte mo naman!" Wika ni Julia
"Mamamatay na lang sila sa inggit dahil nahalikan ko ang isa sa miyembro ng pinakasikat na grupo sa buong mundo ngayon. Natikman ko rin sa wakas ang labi ni Eryx Parker!" Kilig na wika ko
Umupo sa silya si Julia at hanggang ngayon ay hindi pa rin sya makapaniwala sa mga sinabi ko.
"Ngayong natupad mo na ang isa sa mga pangarap mo, titigil ka na ba? Ano pa ang gusto mong makuha bukod sa halik at yakap nya?" Seryosong tanong ni Julia
Napaisip ako sa tanong nya. Sukdulan na ang pagnanakaw ko ng halik at yakap kay Eryx. Ano pa ba anh nais ko bukod doon?
Ilang saglit akong natahimik dahil sa tanong nya. Ngunit maya-maya rin ay biglang sumibol ang mga ngiti sa labi ko.
"Gusto kong makuha ang puso nya!" Sambit ko
Nang lingunin ko si Julia ay nakailang beses syang umiling sa akin. Alam ko na naman ang sasabihin nya, nababaliw na talaga ako dahil sa mga iniisip ko. Pero walang makapipigil sa akin. Gagawin ko ang nais ng puso ko.
"Okay! Wala na akong masasabi pa. Ikaw na, wala namang imposible sayo di ba! Good luck na lang." Sabi nya
Sa unang pagkakataon ay hindi nya kinontra ang mga sinabi ko. Ibig sabihin ay sinusuportahan nya ako sa planong bihagin ang puso ni Eryx? O ang mga sinabi ko ay alam nyang hindi ko kayang tuparin?
Alam kong imposibleng magkagusto sa akin ang isang Eryx Parker dahil magkaiba ang mundong ginagalawan namin.
Pero anong gagawin ko kung ito naman ngayon ang isa sa mga pangarap ko na kailangan kong tuparin. Kailangan kong makuha ang puso nya. Kailangan ko syang mapaibig. Ito naman ang misyon ko ngayon sa buhay. Ngunit paano ko ito gagawin kung hindi naman ako kilala ni Eryx?
"Kung masaya ka sa ginagawa mo, go lang! Basta ang gusto ko ay mag-iingat ka palagi. Yun lang talaga ang gusto ko friend." Wika nya
Parang gusto kong maluha sa mga sinabi nya sa akin. Sa mundong ito, talagang nakahanap ako ng isang tunay na kaibigan na sinusuportahan ang mga kabaliwan ko.
"Thank you Friend. Hayaan mo, kapag ikinasal kami ni Eryx, ikaw talaga ang bride's maid." Sabi ko
Alam kong pigil ang mga tawa nya sa akin. Nahahalata ko ito dahil namumula na ang pisngi nya. Gusto nyang tumawa pero hindi nya gustong masaktan ang damdamin ko. Ipapakita ko na lang sa kanya balang araw na matutupad ko rin ang isa sa mga pangarap ko. Hindi ako susuko! Makukuha ko rin ang puso ni Eryx.
"Okay sabi mo eh." Sabi nya
Masaya ako dahil wala na akong narinig na hindi maganda kay Julia tungkol sa kabaliwan ko kay Eryx. Marahil ay sawang sawa na rin syang pagsabihan ako dahil hindi rin naman ako nakikinig sa kanya.
Ang susunod kong plano ay ang paibigin si Eryx Parker.
Alam kong imposible ito para sa iba, pero naniniwala ako na mangyayari rin ito balang araw. Alam kong malapit na.
Mapapaibig ko rin sya. At kapag nangyari iyon, ay ako na talaga ang pinakamaligayang babae sa balat ng lupa!
--
Isang linggo sa Hawaii ang grupong Bullet Boys para sa kanilang Fly High World Tour Concert. Namimiss ko na si Eryx. Kapag ganitong may concert sila sa ibang bansa ay talagang hindi ko sya nakikita.
Kapag nandito naman sila sa Pinas ay talagang bumabawi ako, lagi akong may panahon para masulyapan sila sa kanilang condo sa Taguig. Lagi akong nakamasid sa bawat kilos at galaw nila kahit galing pa ako sa Maynila. Hindi mabubuo ang araw ko kapag hindi ko nakikita si Eryx Parker. Kaya ngayong isang linggo ko na syang hindi nakikita ay parang kalahati ng buhay ko ay patay na. Nakakainis!
Kaya naman nang bumalik na sila ng bansa ay hindi pa rin ako nag-aksaya ng panahon para salubungin sya sa airport. Sa pagkakataong ito ay magpapanggap akong matinong Soldier.
Baka makilala na ako ng mga bodyguards nya kapag sumugod ulit ako kay Eryx. Gusto ko lang syang makita. Gusto ko lang masilayan ang mukha nya dahil talagang miss na miss ko na sya.
Nag-aabang na ako ngayon sa airport kasama ang ibang Soldiers para masilayan ang aming iniidolo. Hanggang ngayon ay napapatulala pa rin ako sa tuwing maiisip na nahalikan ko si Eryx Parker. Gusto ko sanang ulitin ngayon ang eksena isang linggo nang nakakalipas, pero alam kong mainit sa akin ngayon ang mga bodyguards nila. Kaya naman magtitiis muna ako sa pasigaw-sigaw at pakaway-kaway sa kanila. Ito lang ang maaari kong gawin sa ngayon.
Hindi ko nga alam kung paano natitiis ng matitinong Soldiers ang sumigaw lang at kumaway. Walang buhay kapag ganito lang ang gagawin ko. Parang hindi sapat ito para sa akin. Tila ba sayang lang ang ipinunta ko dito kung ito lang ang gagawin ko. Pero sabi ko nga, kailangan kong tiisin. Kailangan kong magpanggap na isang matinong Soldier kung gusto ko ng katahimikan.
"I love you Bullet Boys!!!" Sigaw ng isang Soldier.
Nariyan na ang mga inaabangan namin!
Napatayo agad ako sa pagkakasalampak ko sa sahig at agad na napatakbo sa daraanan ng mga mahal ko. Ang dami na agad ng body guards ang nakapalibot sa daraanan nila. Nakakainis naman. Sila lang ay may humigit kumulang na dalawang daang body guards na nagbabantay sa kanila.
"Eryx! Mahal kita!" Sigaw ko habang nakatingkayad at sinusubukang pagmasdan sya.
Nakayuko lang si Eryx habang naglalakad palabas ng airport. Ganito talaga ang attitude nya, tahimik at hindi pala ngiti. Parang akala mo laging suplado at problemado.
Hindi kagaya ng ibang miyembro na palaging nakangiti at kumakaway sa mga Soldiers, si Eryx ay mas pinipiling manahimik at hindi kumikibo. Wala syang ideya na nahulog ang puso ko dahil sa kasungitan nyang taglay.
Nag-isip ako ng paraan upang mapansin nya ako. Kailangan nyang lumingon sa akin. Kailangang mapatingin sya sa mga mata ko dahil ikamamatay ko kapag hindi nya ako napansin ngayong gabi.
Gusto kong matitigan nya ang mga mata ko katulad nung nangyari noong umalis sila papuntang Hawaii. Gusto kong maalala nya ako. Ako yung babaeng humalik sa kanya isang linggo na ang lumipas.
Ipinagsiksikan kong muli ang sarili ko sa malalaking body guards na nakapalibot sa kanila. Huminga ako ng malalim at saka ako sumigaw na para bang walang ibang tao sa paligid.
"Eryx! Ako yung babaeng pinapangarap ka! Ako to! Ako to Eryx!!!" Sigaw ko
Pagmulat ng mga mata ko ay tila nawala na naman ang mga tao sa paligid. Tanging si Eryx lang ang nasilayan ko na nakatayo sa harapan ko. Tumigil sya sa paglalakad dahil sa mga sigaw ko.
At ang mga titig nya na syang pinapangarap ko ay nakuha kong muli sa kanya ngayon. Nakatitig muli sya sa mga mata ko. Sa palagay ko ay parang ang tagal na naming nakatingin sa isa't-isa dahil hindi ko alintana ang ibang tao sa paligid.
Bigla ko na lamang nasilayan ang mga ngiti sa labi nya. Bibihira lang syang ngumiti pero ngayon ay inalayan nya ako ng isang napakagandang ngiti. Hindi ako maaaring magkamali, para sa akin talaga ang mga iyon.
Nakangiti sa akin ang mahal ko. Yung lalaking minsan lang ngumiti ay inalayan ako ng isang napakagandang ngiti ngayon. Hindi ako makapaniwala na nakakuha ako ng magandang smile mula sa taong pinakamamahal ko.
Inakbayan sya ni Rocky at inakay palabas kung saan naghihintay ang kanilang magarang sasakyan.
Nang magsimula syang maglakad muli ay saka ko lamang ulit narinig ang hiyawan, sigawan at tilian ng mga Soldiers sa paligid ko.
Samantalang ako ay naiwang nakatulala.
Nakatatak sa aking puso at isipan ang napakagandang ngiti sa akin ni Eryx Parker. Kilala nya ako. Alam kong natatandaan nya ako.
Kakaibang kilig at kasiyahan ang idinulot nito sa puso ko. At hindi ako titigil hangga't hindi ko nakukuha ang gusto ko. Ang mabihag ang puso ni Eryx Parker.