Naiwan si Kyrielle na mag-isa sa sala kasama ang cute na asong lumapit sa kanya. Malaki ang bahay nina Caleb. Para itong isang mansyon sa ganda at lawak nito. Sa pagkainip niya sa lalaki ay nilibang na lamang niya ang sarili niya sa paglilibot sa bahay nito. Hanggang sa mapagmasdan niya ang mga litratong naka-display doon. Nakita niya ang ilan sa mga larawan ni Caleb noong bata pa ito. Napangiti siya nang pagmasdan niya ang mga iyon. Bata pa lang ay kitang-kita na ang kagwapuhan nito.
Pero agad ding nawala ang mga ngiti sa mga labi niya nang ibalin niya ang tingin niya sa isa pang larawan na katabi nito. Kinuha niya iyon at tinitigan ng mabuti. Hindi siya pwedeng magkamali. Sigurado siyang iyon nga ang taong ito. Pero bakit? Bakit sila magkasama sa mga larawan na ito? Anong mayro'n sa kanila?
Agad na nagkaroon ng maraming katanungan ang isipan niya. Kung ano-ano ding palaisipan ang pumasok sa isipan niya. Matagal na nga ba siyang kilala ni Caleb?
"Kyrielle? Kanina pa kita hinahanap." Kumabog ang dibdib niya nang marinig ang boses ng binata. Dahilan upang mabitawan niya ang picture frame na hawak niya, kaya naman nabasag ito. Dahil doon ay mabilis siyang nilapitan ni Caleb ng may pag-aalala. "Okay ka lang ba?" tanong nito sa kanya.
Hindi niya ito sinagot at sa halip ay mainam niya lamang itong tiningnan. Dumako naman ang mga tingin ni Caleb sa picture frame na nabasag sa sahig. Natigilan ito saglit pagkakita doon saka siya muling tiningnan.
"Kyrielle," pagbigkas nito sa pangalan niya.
"Sino ka ba talaga?" mahinang tanong niya sa binata.
"Hayaan mo akong magpaliwanag," saad nito sabay lapit sa kanya. Kusa naman siyang napaatras sa paglapit nito sa kanya.
"Kaano-ano mo siya? Bakit kayo magkasama sa larawan na iyan? Kaya ba una pa lang ay kilala mo na ako? Huh? Sino ka ba talaga? Ano mo si—Don Evasco?" sunod-sunod na tanong niya kay Caleb.
Kahit ilang taon na ang lumipas ay hinding-hindi niya makakalimutan ang gabi na iyon. Kung paano siyang sinaktan at ibinenta ni Murphy noon kay Don Evasco. Kung gaano siya katakot noon. At kung paanong may isang lalaki ang nagligtas sa kanya noon.
"Kyrielle—"
"Sabihin mo kung ano mo siya? Ano mo si Don Evasco?" paulit-ulit na tanong niya dito. Naramdaman na din niya ang pag-uulap ng kanyang mga mata.
"Tiyuhin ko siya," deretsyong sagot ni Caleb na siyang nagpatigil sa kanya.
"A-Ano? Tiyuhin?"
"Kapatid siya ni Daddy. Uncle ko siya Kyrielle," pagtatapat ni Caleb sa kanya. "At kung ano man ang nagawa niyang kasalanan sa'yo noon, matagal na niyang pinagbabayaran ang mga iyon ngayon."
"Kaya una pa lang, kilala mo na ako?" mapait na tanong niya sa binata. Hindi niya alam kung bakit ganito 'yong nararamdaman niya. Nasasaktan siya. Nasasaktan siyang isipin na baka guilty lamang ito sa nagawa ng Uncle nito sa kanya kaya ganito ito magmalasakit sa kanya.
"Let me explain first, Kyrielle." Nang mga sandaling iyon, biglang parang ayaw na niyang marinig pa ang mga paliwanag nito. Ayaw niyang manggaling mismo rito na totoo nga ang naiisip niya. Kaya naman, mabilis na siyang naglakad palayo sa binata. At hindi niya namalayan na kusa na palang tumutulo ang mga luha niya. "Kyrielle, sandali!" awat ni Caleb sa kanya.
"Kaya mo ba ginagawa ang lahat ng ito ay dahil sa nagi-guilty ka sa ginawa sa akin noon ni Don Evasco?" mapait na tanong niya kay Caleb nang pigilan siya nito sa tuluyang pag-alis.
"Hindi sa gano'n—"
"Tama na, Caleb. Naiintindihan ko na ngayon lahat. Kaya pala lagi mo akong kinukulit. Kaya pala lagi mo akong tinutulungan. Kaya pala nagmamalasakit ka sa akin. Akala ko, totoo lahat ng ipinapakita mo. Pero mali ako! Mali na naman ako." Humahapdi ngayon ang puso ni Kyrielle. Hindi niya alam kung bakit labis siyang nasasaktan at nakakaramdam ng pagkadismaya ngayon.
"Hayaan mo muna kasi akong magpaliwanag, Kyrielle," pakiusap ni Caleb sa kanya. Hindi niya alam kung kailan pa naging marupok ulit ang puso niya. Sinabi niya na noon sa kanyang sarili na hinding-hindi na siya iiyak pang muli ng dahil lang sa lalaki. Pero bakit ganito? Bakit nasasaktan na naman siya?
"Pinapatawad ko na ang Uncle mo sa kung ano man ang nagawa niya sa akin noon." Huminga siya ng malalim saka muling nagsalita. "Kaya pwede mo nang itigil ang lahat ng ginagawa mo. Huwag mo na ulit akong guguluhin pa—"
"No, Kyrielle. Hindi ko gagawin 'yan," matigas na sabi ni Caleb sa kanya.
"Tama na, Caleb—" Hindi niya natapos ang sinasabi niya dahil agad na nagsalita muli si Caleb sa kanya.
"Mahal kita, Kyrielle," sabi nito ng may seryosong tingin sa kanya. "Hindi ko alam kung bakit pero no'ng una pa lang kitang makita, nabihag mo na ang puso ko." Sa mga sinabi nito ngayon, parang nakaramdam ng kiliti ang puso niya. Pero mali. Hindi na dapat siya magpadala pang muli sa mga mapang-akit nitong pananalita.
"Enough, Caleb! Hindi mo na ako maloloko pa sa mga sinasabi at sasabihin mo. Utang na loob, tigilan mo na ako," saad niya.
"I'm sorry, Kyrielle, but hindi ko talaga magagawa 'yan. Mahal kita—" Pinutol niya ang mga sinasabi ng binata.
"Naaawa ka lang sa akin, Caleb. Hindi pagmamahal ang nararamdaman mo. Guilty ka lang. Hindi mo ako gusto." Pagkasabi niya no'n ay para bang bigla siyang nahirapan sa paghinga. Mapait niyang pinahid ang mga luhang tumutulo mula sa mga mata niya. Saka siya tuluyang tumalikod sa binata at nagsimula nang humakbang palayo sa lalaking muling nagpatibok at nagpasaya sa puso niya.
"Umuulan noon nang makita kita," wika ni Caleb na siyang nagpahinto sa kanya sa paghakbang. "Habang nakasilong ako sa ilalim ng puno, nakita ko ang isang babae sa kabilang kalsada, na ipinangsusukob ang bag niya para sa isang tuta." Namilog ang mga mata niya nang marinig niya ang mga sinasabi ni Caleb ngayon sa kanya. "Hindi ko alam kung bakit, pero bigla ko na lang siyang nilapitan, at—pinayungan." Unti-unting bumibilis ang t***k ng puso niya. Hinarap niya ito at nakita niya ang seryoso at punong-puno na emosyon na mga mata.
"I-Ikaw?" Naalala niya ang araw na iyon maging ang lalaking lumapit sa kanya no’n at nag-abot ng asul na payong.
"Mula nang sandaling iyon, hindi ka na nawala sa isipan ko. Hanggang sa no’ng kinagabihan, nakita kita sa shower room na halos mahubaran na kasama ang Uncle ko. Gusto kitang makita ulit pero hindi ko inaasahan na sa ganoong paraan kita makikita ulit." Tuloy-tuloy lang sa pagpatak ang mga luha niya habang nakikinig sa lalaki. Kung ganoon ay siya din pala ang lalaking dumating noon kaya hindi naituloy ni Don Evasco ang balak nito sa kanya. "Hiyang-hiya ako no'n sa'yo dahil sa ginawa ni Uncle. Kaya naman, pagkatapos ng lahat, lumayo na muna ako at sinubukan kong kalimutan ka. Pero hindi ko magawa-gawa na kalimutan ka."
"Ikaw… Ikaw ang lalaking 'yon? Ang nagbigay sa akin ng payong na asul dati? At ang nagligtas sa akin mula kay Don Evasco?" sunod-sunod na tanong niya kay Caleb.
"Oo, Kyrielle. Ako nga iyon. Sorry kung ngayon ko lang sinabi sa'yo ang lahat. Hindi ko kasi alam kung papaano ko sasabihin sa'yo na... matagal na kitang gusto." Parang malulunod sa tuwa at saya ang puso niya nang mga sandaling iyon. Hindi siya makapaniwala na totoong una pa lang ay gusto na nga siya nito. Kung kanina ay parang napupunit ang puso niya sa paghapdi, ngayon naman ay mabilis iyong napalitan ng kakaibang kagalakan.
"P-Pero bakit? Sino ba ako para mahalin mo ng ganyan?"
Ngumiti si Caleb at lumapit sa kanya. Hinawakan nito ang kamay niya at ang isang kamay nito naman ay punong-puno ng pagmamahal na pinapahid ang mga luha niya.
"Gusto kita dahil gusto kita, Kyrielle."
"Caleb..."
"Totoo ang nararamdaman ko para sa'yo."
Sa huli ay napangiti na lamang siya sa mga sinabi nito. Ngumiti din ito pabalik sa kanya saka siya masuyong hinagkan. Hinagkan niya din naman ito pabalik. Hindi niya alam pero sobrang saya niya. Matagal na palang may nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya ng ganito.
Sobrang na-appreciate niya lalo si Caleb ngayon. 'Yong lahat ng ginagawa nito para sa kanya, doon niya na-realize na never pa iyon nagawa sa kanya ni Murphy kahit noong bago pa lang sila. Iba 'yong pagmamahal na pinakita sa kanya noon ni Murphy, sa pagmamahal na ibinibigay at ipinapadama sa kanya ni Caleb ngayon.
"What you're doing?" Napahiwalay sila sa isa't isa ni Caleb nang may magsalita mula sa likuran nila.
"Yana," ani Caleb.
Agad siyang lumingon at laking gulat niya nang makita ang isang batang babae na hindi niya inaasahan na makikita niyang muli.
"Ate pretty?" gulat na tanong ni Yana habang nakatingin sa kanya.
"Y-Yana? Is that you?" manghang tanong niya. Parang may kung anong lumukso sa loob niya. Parang biglang nawala 'yong pangungulila ng puso niya. Hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag iyon. Basta, sobrang saya at tuwa ng puso niya ngayon. Na para bang sa wakas ay nakumpleto 'yong matagal ng kulang.
"Did you know each other?" tanong sa kanila ni Caleb.
"Yes, Tito. She's that girl," sagot ni Yana kay Caleb. Nilingon siya ni Caleb na parang nabibigla pa din na magkakilala sila ni Yana.
"So, ikaw 'yong bumili at nagbigay ng chocolates sa pamangkin ko?" malambing na tanong sa kanya ni Caleb. Napangiti siya. Ang liit nga naman ng mundo! Dahil ang sinasabi palang Tito ni Yana noon ay walang iba kung ‘di si Caleb.
"Ikaw ang naalala ko kaya ako nagpunta sa chocolates boutique at nakita ko nga siya doon," tugon niya kay Caleb.
"Mag-friends po pala kayo," sabat ni Yana sa kanila ni Caleb. Lumapit si Caleb kay Yana at lumuhod ito upang pumantay sa bata.
"Yes. We know each other too," ani Caleb kay Yana.
"That's why you we're hugging?" inosenteng tanong ni Yana sa kanyang tiyuhin. Bigla namang namula ang mga pisngi ni Caleb at nagpabalik-balik ang tingin nito sa kanila ni Yana.
"Uhh... Uhmm..." usal nito na tila hindi malaman ang sasabihin sa pamangkin. Palihim siyang napangiti dahil doon habang pinagmamasdan ang mga ito.
Pagkuwan ay lumapit siya kay Yana at hinaplos ang buhok nito. "Dapat natutulog ka na sa ganitong oras. Bakit gising ka pa?" pag-iiba niya ng usapan nila.
"I'm thirsty. I just want to drink," sagot ni Yana sa kanya.
Nakangiting kumuha si Kyrielle ng pitchel na may lamang tubig sa fridge nina Caleb. Isinalin niya iyon sa isang malinis na baso at iniabot niya iyon kay Yana. "Here."
"Thanks ate Pretty. You're so nice and pretty," pambobola ng bata sa kanya.
"Yana, after this, balik ka na sa room mo huh. Mainit ka pa," wika ni Caleb sa bata.
"Yes po, Tito," magalang na tugon naman ni Yana.
Sinamahan ni Caleb ang bata na magtungo sa kwarto. Hindi niya naman mapigilan ang sarili niya na hindi sumunod sa mga ito. Para bang gusto niya lagi makita si Yana at nalulungkot siya sa tuwing malalayo ito sa paningin niya. Hindi niya alam kung bakit ganito ang nararamdaman niya.
Nahiga si Yana sa kama nito. Naupo naman sa tabi nito si Caleb habang si Kyrielle ay nakatanaw lamang sa kanila sa may pintuan.
"Kyrielle, come here," nakangiting yaya ni Caleb kay Kyrielle. Pinapaupo siya sa tabi nito. Marahan siyang humakbang papalapit dito. Hinawakan ni Caleb ang kamay niya para maiupo siya sa tabi nito.
"Tito, are you inlove with her?" Kapwa silang nagulat ni Caleb sa itinanong ng bata.
"What? Bakit ba ganyan ang mga tanong mo?" namumulang tanong ni Caleb kay Yana.
"Wala lang po. The way you look and smile with ate pretty kasi, is the way that ate Arkysha looks and smiles at you," tugon ni Yana.
Sino si Arkysha?
"Ang bata-bata mo pa, kung ano-ano na 'yang nalalaman mo. Matulog ka na Yana, para gumaling ka na, then, we will gonna play with Beauty. Okay?" panunuyo ni Caleb kay Yana. Tumango lamang si Yana at tuluyan nang ipinikit ang kanyang mga mata. Pinagmamasdan niya lamang ang mga ito habang hinehele at pinapatulog ni Caleb si Yana. At ilang minuto pa ang lumipas ay tuluyan na ngang nakatulog ang bata.
"Sorry, late na masyado. Ihahatid na kita," sabi ni Caleb sa kanya.
"Sino si Arkysha?" bigla niyang naitanong sa lalaki.
"Huh?" Natigilan siya. Bakit nga ba niya biglang naitanong iyon sa lalaki?
"Uhm... ang ibig kong sabihin, nasaan na siya? Hindi ba't sinabi ng kasambahay ninyo na kasama niya dito sa kwarto kanina ang pamangkin mo?"
"Pinauwi ko na siya pagkadating ko dito. Nakakahiya na din kasi dahil late na at naabala pa siya," tugon nito sa kanya.
"Ah gano'n ba."
"Hindi mo ba siya nakita kanina no'ng bumaba siya?" Umiling siya. Hindi niya nakita ang babaeng iyon. Siguro marahil ay naglilibot siya noong mga sandaling iyon sa bahay nina Caleb. Hinawakan ni Caleb ang kamay niya. "Let's go," yaya nito sa kanya at hinila na nga siya nito palabas ng kwarto ni Yana.
At sa huling sandali ay muli niyang sinulyapan si Yana, na mahimbing nang natutulog.