Kabanata 11

2409 Words
"Caleb…" "Kyrielle…" Parang may kung anong humipo sa puso ni Kyrielle nang banggitin ni Caleb ang pangalan niya. Nag-aalalang pinagmasdan niya ang lalaki dahil hindi maganda ang lagay nito noong huling makita niya ito dahil sa pananakit ni Murphy. "Anong ginagawa mo dito? Hindi ka pa ba nadadala sa nangyaring gulo dahil sa'yo?" tanong niya sa lalaki. Pinilit niyang maging matapang ang boses niya sa harapan ng lalaki. "Let's talk," seryoso nitong sabi sa kanya at kalauna'y hinila na nga siya nito palabas ng club. Hindi niya alam kung bakit pinagtataksilan siya ng kanyang katawan at mabilis lang siyang napasunod ni Caleb. Batid niyang masasaktan lamang siya ulit ni Murphy kapag nalaman nitong nandito na naman ngayon si Caleb para sa kanya. Pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit mabilis lamang siyang sumunod sa lalaki. Nang makalabas na sila ay hinarap siya nito saka nagsalita, "Kumusta ka?" may pag-aalala nitong tanong sa kanya. Sariwa pa ang mga sugat at pasa sa mukha ni Caleb. Gusto niya sana itong hagkan nang mga sandaling iyon. Batid niyang hindi deserve ng binata ang masaktan ng ganoon nang dahil lamang sa kanya. Pero kailangan niyang magpakatatag. Hindi siya maaaring mahulog nang tuluyan sa binata. Hindi siya ang babaeng para dito, bukod doon ay masasaktan lang ito lagi kapag hinayaan niya pa itong pumasok nang tuluyan sa buhay at sa puso niya. "Alam mo, mas mabuti siguro kung ititigil mo na ang lahat ng ito, Caleb," wika niya. "No. Wala akong balak itigil ang lahat ng ito, Kyrielle. Seryoso ako sa'yo. Gusto kita—" Hindi niya na ito pinatapos pa sa sinasabi nito. "Hindi mo ba naiintindihan lahat? Caleb may kinakasama ako." "Pero hindi mo naman siya mahal. Alam kong matagal na kayong walang relasyon." Napalunok siya pero muli ay pinilit niyang maging matatag sa harapan nito. "Kahit mahal ko o hindi, may relasyon man kami o wala, wala ka nang pakialam doon, Caleb. "Pero, Kyrielle–" "Tama na!” mabilis na putol niya sa lalaki. "Tigilan mo na ako pakiusap. Hindi mo ba nakikita ang sitwasyon ko? Caleb kung totoong nagmamalasakit ka para sa akin, please lang! Tigilan mo na ako. Nakikiusap na ako sa iyo. At sana ay huling beses na ito ng paglapit mo sa akin." Hindi niya man gusto ang mga sinabi niyang iyon, ay wala siyang lakas ng loob para bawiin pa iyon at sabihin dito ang totoo. Ang totoo na unti-unti na siyang nahuhulog sa lalaki. At ang katotohanan na iyon ang siyang naging batayan niya upang tuluyan siyang magising sa katotohanan. Nakita niya ang pagdaan ng sakit sa mga mata ni Caleb at parang may kung anong humihiwa rin sa loob niya nang mga sandaling iyon. Sa huli ay tinalikuran niya na lamang ito at nagsimula na siyang humakbang palayo sana mula sa binata, pero nagulat na lamang siya nang bigla siya nitong hawakan sa palapulsuhan niya. "Aray!" daing niya dahil sa marahang paghawak ng binata sa kanya. Nagulat naman si Caleb sa naging reaksyon niya kaya agad din siya nitong binitiwan. Kapwa silang nagulat pero nang makabawi si Caleb ay muli nitong kinuha ang kamay niya, at doon na nito nakita ang mga pasang natamo niya mula kay Murphy. "Ano 'to?" kunot-noo at nag-aalala nitong tanong sa kanya. Nag-iwas siya ng tingin kay Caleb saka niya binawi ang kanyang kamay niya dito. "W-Wala," tugon niya. Lumapit ito sa kanya at pinagmasdan ang mukha niya. Kinagat niya ang ibabang labi niya habang nakaiwas pa rin ng tingin sa binata. Sa sobrang lapit na nito ay amoy na amoy niya na ang mabangong amoy nito. "Bakit may sugat ka sa labi mo? Bakit may mga pasa ka?" tanong nito sa kanya. Kinapalan niya ang paglalagay ng makeup kanina para sana hindi mahalata ang mga pasa niyang iyon. Well, hindi naman talaga iyon halata kung hindi nga lang pagmamasdan ng mabuti. "Sinaktan ka niya? Sinaktan ka ba ng lalaking 'yon?" Naramdaman niya ang galit mula sa tinig ni Caleb na iyon. "Caleb, hayaan mo na kasi kami—" "Hindi, Kyrielle! Hindi kita hahayaan na saktan na lang palagi ng lalaki na 'yon! Hindi na ako papayag," sabi nito sa kanya. "Caleb–" "Sumama ka na sa akin, Kyrielle. Iwan mo na siya," pagkuwan ay tila desididong sabi ni Caleb sa kanya. "Hindi mo alam ang sinasabi mo, Caleb–" "Alam ko. Alam ko at sigurado ako sa gusto ko. Iwan mo na siya," pakiusap nito sa kanya. Hirap na napalunok si Kyrielle dahil sa mga sinasabi ni Caleb sa kanya. "Hindi ko pwedeng gawin iyon. Hindi ko siya pwedeng iwan kahit gustuhin ko." Naramdaman niya ang pag-init ng magkabilang sulok ng mga mata niya. Parang may kung anong gustong lumabas mula doon. Alam niyang ang pag-iwan kay Murhpy ang siyang nararapat niyang gawin at ang siyang dapat ay matagal na niyang ginawa. Pero heto na naman siya at tila pinanghihinaan ng loob. Masyado na yata siyang nakulong sa takot na baka wala lang ding kahantungan na maganda ang paglaban niya sa demonyong lalaki na iyon. "Bakit, Kyrielle? Bakit hindi pwede? Bakit hindi mo siya pwedeng iwan?" "Gusto mo malaman kung bakit?" "Oo. Gusto ko malaman kung anong mayroon sa lalaking iyon at bakit hindi mo siya magawang iwan sa kabila ng ginagawa niyang pananakit at pang-aabuso sa'yo." Nangungusap ang mga mata ni Caleb sa kanya at para siyang mapapaso sa mga titig nito sa kanya. Huminga siya ng malalim saka nagsalita at ipinagtapat sa binata ang totoo. "Hindi ko siya magawang iwan dahil… may anak kami," pagtatapat niya na siyang sandaling nagpatigil sa binata. "May anak kami ni Murphy, Caleb. At hindi ko siya pwedeng iwan dahil siya lang ang nakakaalam kung nasaan ang anak namin." Nakita ni Kyrielle ang pagkabigla sa mukha ni Caleb, pero nanatili lamang ang mga titig nito sa kanya. Tahimik ito at hindi umiimik matapos niyang sabihin dito ang katotohanan. "Wala ka man lang bang sasabihin? Ang sabi ko may anak na ako, may anak kami ni Murphy–" "I love you, Kyrielle," mabilis na putol ni Caleb sa kanya na siyang nagpakabog naman ng mabilis sa puso niya. Para siyang nabingi at hindi niya maintindihan kung bakit parang may nagkakagulo sa buong sistema niya ngayon. "A-Anong sinabi mo?" "Huh?" "Ikaw, ano 'yong sinabi mo?" "A-Ang sabi ko... I love you," sabi nitong muli sa kanya na parang nahihiya. Nakita niya din ang pamumula ng magkabilang pisngi nito. "Huh?" "Huh?" "I mean… bakit? Paano mo nasabi? Okay ka lang ba talaga?" naguguluhan niyang tanong sa lalaki. "Yes. Of course I'm fine," tugon nito sa kanya. "Pero bakit mo sinabi ‘yon?" "Hindi ko din alam." "Ano?" Napakunot ang noo niya sa lalaki. "Basta, bigla ko na lang naramdaman na kailangan kong sabihin 'yon. Na—kailangan kong maging totoo sa nararamdaman ko para sa'yo," tugon nito sa kanya. Napalunok siya saka napakurap-kurap ang mga mata. Hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi sa kanya ng lalaking nasa harapan niya ngayon. "Okay ka lang ba talaga? Nagsabi ako na may anak na ako, tapos nag-confess ka pa rin talaga sa akin?" "Gusto ko lang malaman mo na kahit na ganoon, seryoso pa din 'yong nararamdaman ko para sa'yo." "Caleb–" "Hindi ko naman sinasabi na mahalin o gustuhin mo rin ako. Ngayon na nalaman ko na 'yong isang bagay na nililihim mo, siguro deserve mo din malaman 'yong lihim ko. 'Yong lihim kong tunay na nararamdaman para sa'yo." Alam niyang gusto siya ng binata. Minsan na itong nagtapat sa kanya. Pero hindi niya inaasahan na sa kabila ng mga nangyari at nalaman nito mula sa pagkatao niya ay magagawa pa rin siya nitong mahalin. "H-Hindi talaga kita maintindihan." Hindi niya maitanggi ang sayang unti-unting umuusbong sa loob niya. Pero hindi maiwasan na hindi siya makaramdam ng takot at pangamba. Paano kung tuluyan na siyang mahulog sa lalaki? Hinawakan ni Caleb ang kamay niya at seryoso itong muling tumingin sa kanya. "Hayaan mo lang akong mahalin ka, Kyrielle," seryosong sambit ni Caleb sa kanya. Marahang inilapit ni Caleb ang mukha nito sa kanya hanggang sa maramdaman niya na ang paghinga nito. Para siyang biglang nakaramdam ng matinding panghihina sa mga tuhod niya. At parang may kung anong kumikiliti sa tiyan niya. Nagulat na lamang siya nang bigla niyang maramdaman ang mga labi nito sa kanyang noo. At dahil doon, tuluyan na ngang nagwala ang puso niya. Parang gusto na nitong lumabas mula sa loob niya dahil sa sobrang lakas ng pagkabog nito. Naramdaman niya ang pamumula ng magkabilang pisngi niya. At matapos siya nitong halikan sa noo ay bahagya itong lumayo sa kanya at pinagmasdan siya. Hindi niya na magawang makipagtitigan pa sa lalaki, kaya naman napayuko na lamang siya. Pakiramdam niya kasi, matutunaw lang siya sa mga titig nito sa kanya. Nawala siya sa kanyang sarili dahil sa pagwawala ng puso niya, kaya naman ang sumunod na lamang na eksenang alam niya, ay nasa loob na siya ng sasakyan nito. "Kumain ka na ba? Saan mo gustong kumain ngayon?" masuyong tanong ni Caleb sa kanya. "Ikaw ang bahala. Kahit saan ay ayos lang," nakangiti niyang tugon dito. Nginitian rin siya pabalik ni Caleb saka ito patuloy na nagmaneho ng sasakyan. Niyakap ng jacket na pinasuot sa kanya ni Caleb ang sarili niya, at naging komportable siya dahil sa init na dulot no'n. Ilang sandali pa nang abutin ni Caleb ang kamay niya habang nagmamaneho ito. Napatingin na lamang siya dito at wala ng nagawa pa. Kahit ngayong gabi lang, gusto niya munang maging masaya at pagbigyan ang kanyang sarili. "Thank you, Kyrielle," saad ni Caleb sa kanya. "Thank you saan?" tanong niya. "Sa lahat," nakangiti nitong tugon. "Wala naman akong ginagawa para sa'yo–" "Akala mo lang na wala, pero ang totoo, ikaw ang isa sa dahilan kung bakit sumasaya ako." Bakit ba ang hilig magpakilig ng lalaking ito sa kanya? "Pagkatapos nating kumain, dederetsyo tayo sa hospital para mapatingnan 'yang mga sugat at pasa mo," dagdag pa nito sa kanya. "Okay lang ako. Ikaw ang dapat na magpatingin sa doctor. Mas grabe 'yong mga pasa mo. Bakit kasi hindi ka lumaban? Pwede mo naman siyang gantihan ng suntok hindi ba? Bakit nagpagulpi ka lang sa kanya?" "Ayaw ko kasi siyang patulan. Ayaw kong makasakit. Kaya mas okay nang ako na lang 'yong saktan niya nang saktan." "Kung minsan, hindi talaga kita maintindihan," saad niya. Naputol ang usapan nilang dalawa nang biglang tumunog ang cellphone nito. "Sagutin mo na, may tumatawag yata sa'yo," sabi niya kay Caleb. "Kapag sinagot ko 'yan, kakailanganin kong bitiwan ang kamay mo," wika nito sa kanya na siyang nagpalabas ng ngiti sa mga labi niya. "Hindi naman ako mawawala dito, ‘no. Sige na, sagutin mo na iyan." Marahang natawa si Caleb saka maingat na binitiwan ang kamay niya. Bigla siyang nakaramdam ng pangungulila sa pagbitiw ng kamay nito sa kanya. "Yes, hello?" pagsagot ni Caleb sa tawag nito. "Nasaan na siya? Okay sige, papunta na ako. Thank you." Iyon lang at ibinaba na nito ang tawag. Nakita niya ang biglaang pag-aalala sa mukha ni Caleb kaya naman hindi niya maiwasan ang hindi magtanong dito, "Okay ka lang ba? Anong nangyari?" "Uhm... okay lang ba kung mamaya na tayo kumain? Or kung gusto mo mag-drive thru na lang tayo." "May nangyari ba?" nag-aalalang tanong niya. "Hinahanap raw kasi ako ng pamangkin ko. May sinat kasi siya kanina." "Dumeretsyo na tayo sa inyo. Bilisan mo na," tugon niya. "T-Talaga? Okay lang ba sa'yo?" "Oo naman. Baka umiiyak na siya sa paghahanap sa'yo. Kaya ang mabuti pa puntahan na natin siya." Ilang minuto lang ay narating na nga nila ang bahay nina Caleb. Nang mapagmasdan niya ang lugar ay tila ba pamilyar ito sa kanya. Parang minsan na siyang nakapunta dito. Mabilis na pumasok sa loob si Caleb. Sinalubong naman ito ng isang kasambahay. "Nasan na siya?" agad na tanong ni Caleb sa kasambahay. "Nasa kwarto po niya, Sir. Kasama si Ma'am Arkysha," tugon ng kasambahay nila. Dumeretsyo si Caleb sa loob at naiwan na nga siya sa may sala. Hindi niya na ito nagawang sundan pa dahil sa bilis nito. Kitang-kita niya ang labis na pag-aalala nito para sa pamangkin nito. Siguro ay mahal na mahal nito ang pamangkin. Pahakbang na sana siya para sundan na lamang ito nang biglang bumalik sa isipan niya ang sinabi nito sa kanya noon. "Nag-iisang anak lang ako. Lumaki ako na 'yong mga katulong lang ang kasama ko lagi sa bahay. Busy lagi si daddy at mommy sa family business namin. Oo may pamilya ako, pero parang wala. Oo naibibigay nila sa akin lahat ng gusto ko, pero hindi nila maibigay sa akin ang oras nila." Tama, nag-iisang anak lamang ito. 'Yon ang sabi nito sa kanya dati noong nagkausap sila. Pero paanong nagkaroon ito ng pamangkin? "Miss, Juice po para sa inyo," wika ng kasambahay nina Caleb na papalapit sa kanya habang may dalang isang baso ng juice na nasa tray. "Naku, salamat. Hindi ka na sana nag-abala pa," nakangiting saad niya sa kasambahay. "Ayos lang po iyon. Maupo na po muna kayo," sabi pa nito sa kanya. Tumango na lang siya at sinunod ang sinabi ng kasambahay. Kinuha niya ang juice at naupo siya sa may sofa. Ilang saglit pa ang lumipas ay may isang aso ang biglang lumapit sa may paanan niya. Inamoy-amoy siya nito, pagkatapos ay dinilian pa siya nito. "Ang cute mo naman," nakangiting bulong niya sa aso. Inilapag niya ang basong hawak niya para mahimas niya ang cute na asong lumapit sa kanya. "Anong pangalan mo? Ang cute-cute mo naman," naaaliw niyang sabi dito. Ngunit nang mapagmasdan niya ito ng mabuti ay bigla niyang naalala 'yong kawawang tuta na nababasa ng ulan na nakita niya noon sa may tapat ng waiting shed. ‘Yong tinulungan niyang makasilong dahil sa labis na lakas ng ulan. Plano niya nga sana na balikan ang kawawang tuta na iyon kinabukasan pero hindi na niya nagawa pa dahil iyon na din ang araw na ibinenta siya ni Murphy sa matandang lalaki na si Don Evasco. Napahigit siya ng malalim na paghinga. Ayaw na niyang maalala pang muli ang gabi na iyon. Muli niyang pinagmasdan ang cute na aso na nasa harapan niya. Kung lapitan at tingnan siya ng aso ay para bang matagal na silang magkakilala nito. Samantalang wala naman siyang ibang aso na natatandaang napalapit sa kanya maliban sa kawawang tuta na iyon. Pero, imposible naman na iisa lang sila. Baka sadyang magkamukha lang talaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD