Kabanata 9

2577 Words
Inayos ni Kyrielle ang suot niyang two piece habang nakatingin sa salamin. Nang matapos siya doon ay pinatungan naman niya ulit ng pulang lipstick ang kanyang mga labi. Ilang sandali pa ang nakalipas at nang patapos na siya sa pag-aayos ng kanyang sarili ay bigla namang dumating si Tamuni. "Kyrielle, hindi ka magpe-perform ngayon," sabi nito sa kanya na siyang ikinakunot ng noo niya. "Huh? Pero bakit hindi?" tanong niya sa matanda. "Basta hindi ka pwedeng mag-perform ngayon. May customer kang naghihintay sa labas. Lakad at puntahan mo siya," tugon nito sa kanya. Lalong kumunot ang noo niya sa mga sinabi ni Tamuni sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit pinagbabawalan siya nitong mag-show ngayon, samantalang, ito pa nga ang gabi-gabing nagpupumilit sa kanya noon na mag-perform para lumakas ang kita ng club. Sa huli ay binalewala niya na lamang iyon at nagpasya na nga lang siya na labasin ang sinasabi ni Tamuni na customer niya. Pero laking gulat niya ulit nang pigilan siya ng babae. "Sandali, magpalit ka ng damit," awat ni Tamuni sa kanya. "Huh?" "Huwag ka mag-two piece. 'Yong maayos na damit ang isuot mo. Huwag ito at masyadong kita na ang lahat sa'yo," sermon ng babae sa kanya na siyang labis niyang ikinalilito. "Okay lang ho ba kayo? Hindi ko maintindihan bakit pinagbabawalan mo ako ngayon sa suot kong ito. May problema ba?" naguguluhan na tanong niya sa matandang babae. "Eh kasi, ang bilin sa akin ng customer mong iyon ay huwag kitang pagsuotin ng mga ganyang damit," tugon nito sa kanya. "Sino ho ba ang customer na tinutukoy niyo?" tanong niya ulit dito. "Ah basta. Ang dami mo namang tanong eh. Sino ba ang boss sa ating dalawa dito? Ang mabuti pa ay magpalit ka na, pagkatapos ay labasin mo na ang customer mo. Maliwanag ba? Sige na, aalis na ako," pagkasabi nito no'n sa kanya ay lumabas na nga ito ng dressing room at tuluyan na siyang iniwanan. Napahigit siya ng malalim na paghinga at sa huli ay sinunod niya na lamang ang bilin nito sa kanya. Nagpalit siya ng maayos-ayos na damit. Isang denim shorts at pulang off-shoulder blouse ang isinuot niya. Pagkatapos ay lumabas na nga siya. "Hi," salubong naman sa kanya ng lalaki. "Ikaw?" "Wala ng iba," nakangiti nitong tugon sa kanya na siyang nagpagalaw na naman sa puso niya. Nakasuot ito ng gray na polo shirt at denim pants. Mapupungay ang mga mata nitong nakatingin sa kanya habang matamis itong nakangiti. Nakadagdag sa perpekto nitong awra ang perpektong hugis ng kanyang ilong at ang mapuputi nitong ngipin. Mabilis niyang naalala ang huling pagkikita at pag-uusap nila ng lalaki kagabi. Dahil doon ay naramdaman niya ang pag-init ng magkabilang pisngi niya. "A-Ano na namang kailangan mo?" tanong niya kay Caleb habang nag-iiwas siya ng tingin ngayon dito. Sinubukan niyang maging masungit ang tono ng boses niya pero sumablay siya dahil nagmukhang nahihiya ang tinig niyang iyon. "Hindi naman nagbabago ang kailangan ko. Ikaw pa rin," tugon nito sa kanya na muling nagpagalaw sa puso niya. Nang dahil sa lalaking ito, gusto na niyang isipin na may sakit siya sa puso. Nakagat niya ang ibabang labi niya sa pagpipigil ng kanyang nararamdaman. Para kasing may kung anong kumikiliti sa loob ng kanyang tiyan. "Hi, Mr. Handsome." Sasagutin niya sana ang lalaki kaya lang biglang lumapit naman si Audrey sa kanila. Ipinulupot ni Audrey ang kamay nito sa leeg ni Caleb habang idinidikit nito ang katawan sa lalaki. Nakita niya ang pagngiwi ni Caleb at alam niyang hindi ito komportable ngayon dahil sa ginagawa ni Audrey. Hindi pa nakuntento si Audrey at inilapit pa nito ang mukha nito sa tainga ni Caleb at tila may ibinubulong pa ito dito. Hindi niya naman alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng pagkairita sa ginagawa ng babae kay Caleb. "Umalis na tayo," biglang sabi niya na kahit siya ay nabigla sa sarili niya nang sabihin niya iyon. Kapwa natigilan si Audrey at Caleb at parehong napatingin ang dalawa sa kanya. Napalunok siya. "L-Labas na tayo," sabi niya pa kay Caleb. Nakita niya naman ang pagtataka sa mukha ng lalaki pero agad din naman siya nitong tinugon, "Sure," nakangiting sabi nito sa kanya. Lumayo ito kay Audrey at inialis ang kamay na nakapulupot sa leeg nito. "I'm sorry, Miss, pero selosa kasi siya," sabi pa ni Caleb kay Audrey. "Ano?" Napakunot ang noo niya dahil sa sinabing iyon ni Caleb. Nginitian lang naman siya nito sabay hawak sa kamay niya. "Tara na," yaya nito sa kanya at hinila na nga siya nito palabas ng club. Naiwan nila si Audrey na umuusok na naman ang ilong sa galit sa kanya. Bakit niya alam? Advance kasi siya mag-isip. Kilala na niya ang babae kaya alam niyang nanggagalaiti na naman iyon ngayon sa galit sa kanya. Dumeretsyo sila ni Caleb sa kotse nito. Tahimik lang siya hanggang sa makasakay sila pareho sa loob. Hindi niya pa din kasi maintindihan ang sarili niya at bakit niya nagawa iyon. Bakit nga ba siya nag-react ng gano'n kanina? Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang nairita nang makita niyang ang lapit-lapit ni Audrey kay Caleb. Napasubo tuloy siya ngayon. Parang siya pa ang lumalabas na nagyaya kay Caleb ngayon. "Nag-dinner ka na ba?" masiglang tanong ni Caleb sa kanya. "O-oo," simpleng sagot niya. "Saan mo gustong pumunta?" tanong nito ulit sa kanya. "H-Huh?" Saan niya nga ba gustong pumunta at bakit niya ito niyayang umalis sa loob ng club? Nababaliw na yata talaga siya. "Alam ko na. Star gazing tayo? Gusto mo?" excited na tanong ni Caleb sa kanya. "Huh?" Sandali siyang natigilan nang sandali siyang mapatitig sa gwapong mukha ng binata. Dahilan upang pamulahanan siya kaya naman mabilis siyang nag-iwas dito ng tingin. "I-Ikaw ang bahala," tipid na sagot niya. Ngumiti lamang ito sa kanya bilang pagtugon, saka nito binuhay ang makina ng sasakyan at pinatakbo na ito. Ilang sandali pa ang lumipas nang itinigil ni Caleb ang sasakyan sa tapat ng isang dress shop. Nagtatakang nilingon niya naman ito. "Bakit tayo nandito?" "Mas okay kung magpapalit ka na muna ng damit mo. Baka ginawin ka niyan dahil sa suot mo," wika nito sa kanya. Binilihan nga siya ni Caleb ng maayos at mas komportableng damit at pantalon sa dress shop na tinigilan nila. Pagkatapos no’n ay dumaan naman sila sa isang super market upang mamili ng pagkain at inumin nila. Puro orange juice at tubig ang mga inumin na binili nila at wala man lang kahit na anong alak. At dahil alam naman niyang hindi kasi ganoong klase ng lalaki si Caleb ay hindi na lang siya nagreklamo sa mga binili nito para sa kanila. Pagkatapos nilang mamili ay nagtungo na nga sila sa people's park na pinuntahan nila noong unang gabi na nagkasama sila. Naglatag si Caleb sa damuhan ng asul na tela. Naupo sila doon habang kinakain ang mga binili nilang pagkain. Hindi niya alam kung bakit nang mga sandaling iyon ay parang ang gaan-gaan ng pakiramdam niya. Na para bang kahit hindi niya aminin sa sarili niya ay may kakaibang saya na nabubuhay sa loob niya. At kahit na hindi niya sabihin iyon ay nakikita naman iyon ngayon sa mga mata niya. "Ang ganda ng mga bituin, ‘no?" marahang sabi ni Caleb sa kanya habang gwapo nitong pinagmamasdan ngayon ang kalangitan. Marahan niyang binalingan din ng tingin ang pinagmamasdan ng binata. Agad na dumampi sa balat niya ang sariwang hangin habang pinagmamasdan niya ang maganda at payapang kalangitan. Hindi niya namalayan na napapangiti na pala siya ng marahan dahil doon. "Oo, tama ka. Ang ganda nga nila," pagsang-ayon niya kay Caleb habang namamangha siyang patuloy na pinagmamasdan ang kumikinang-kinang na mga bituin doon. "Ngayon ko na lang ulit napagmasdan ang mga bituin sa kalangitan." Hindi niya alam kung bakit may lungkot sa boses niya nang sabihin niya ang mga salitang iyon. "Huwag ka mag-alala, lagi mo na ulit silang makikita mula ngayon," saad ni Caleb sa kanya. Nilingon niya ito at nakita niya na namang muli ang mga magagandang ngiti nito. Ang mga ngiti nitong may dalang kung anong saya sa kanyang damdamin. "Sabi nila watching the clear night sky can quiet your thoughts, at mukhang tama naman sila doon," malamyong dagdag ng binata habang naroroon pa rin ang mga ngiti nito sa labi. Dahil sa mga ngiti nito, sandali siyang nakalimot sa pait ng kanyang buhay. Pero bigla din siyang bumalik sa reyalidad dahil sa pamilyar na kanyang nararamdaman. Oo. Tama. Minsan niya na itong naramdaman. Masaya oo, nakaka-excite pero sa una lamang iyon. Dahil tulad ni Murphy, tiyak siyang magbabago din ang lahat. "Bakit mo ba ito ginagawa?" seryoso niyang tanong sa lalaking nagpapagulo ng damdamin niya. "Ang alin?" tanong nito pabalik sa kanya. "Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin. Ano ba ang-motibo mo sa lahat ng ito?" Kinagat ni Caleb ang ibabang labi nito saka seryosong tumitig sa kanya. "Dahil gusto kita," deretsyahan nitong sagot sa kanya. May kakaiba siyang naramdaman sa loob niya nang aminin ng lalaki sa kanya ang bagay na iyon. Pero agad niya din iyong isinantabi, dahil alam niya naman na sa una lang ito. Hindi magtatagal ay magbabago rin ang lahat. "Paano mo naman nasabi?" tanong niya ulit kay Caleb. "Hindi mo naman ako lubusang kilala. Kaya bakit mo ako magugustuhan?" "Ikaw din naman eh," saad nito sa kanya. "Huh?" "Hindi mo din naman ako lubusang kilala, pero nagtitiwala ka pa rin sa akin." "Alam mo naman kung anong klaseng trabaho ang mayroon ako. Kahit sinong lalaki sinasamahan ko. Basta babayaran ako," tugon niya dito. "Alam ko. At alam ko rin na nagtitiwala ka sa akin, dahil nararamdaman ko." "Mali ka. Wala na akong pinagkakatiwalaan na kahit sino. Masyado na akong maraming sakit na naranasan dahil sa pagtitiwala ko," giit niya sa lalaki. "Alam ko." "Hindi mo alam. Hindi mo ako kilala. Hindi mo alam 'yong mga pinagdaanan ko." "Well, tama ka naman. Hindi ko alam 'yong eksaktong pinagdaanan mo o 'yong naramdaman mo. Si Lord lang naman ang nakakaalam ng lahat. Siya lang 'yong nakakaalam ng mga naranasan at naramdaman mo," wika nito na siyang nagpa-init ng ulo niya. "Except sa akin," matigas niyang sabi. "Huh?" "Kung alam Niya 'yong mga naramdaman ko dahil sa mga pinagdaanan ko, tingin mo, anong klaseng Diyos Siya?" mapait na tanong niya kay Caleb. "Kyrielle..." "Mula nang ipinanganak ako sa mundong ito, pinabayaan na Niya ako. Pinaglaruan. Hinayaang mabasag ng paulit-ulit. Ewan ko ba, masyado yata Siyang natutuwa kapag nakikita Niyang nasisira, nasasaktan, at nahihirapan ako." Hindi niya na namalayan na halos nag-uulap na pala ang paningin niya. Ito na naman siya. Nagiging emosyonal siya palagi kapag tungkol sa Diyos na iyon ang usapan. Na para bang gustong sumabog ng lahat na naipon na sama ng loob niya dito. "Kyrielle, hindi totoo iyan. Kahit kailan, hindi Siya natutuwa na makita kang nasasaktan o nahihirapan," marahan na pagtutol ni Caleb sa sinabi niya. Pagak siyang tumawa dahil doon at pagkuwan ay pinahid niya ang mga luhang nagbabantang tumulo mula sa mga mata niya. "Syempre, iyan ang sasabihin mo dahil hindi naman ikaw ako, hindi naman ikaw ang nasa sitwasyon ko," mapait na sabi niya sa lalaki. Uminom si Caleb ng orange juice nito saka nagpakawala ng malalim na paghinga. "Nag-iisang anak lang ako," panimula nito sa kanya. "Lumaki ako na 'yong mga katulong lang ang kasama ko lagi sa bahay. Busy lagi si daddy at mommy sa family business namin. Oo may pamilya ako, pero parang wala. Oo naibibigay nila sa akin ang lahat ng gusto ko, pero hindi nila maibigay sa akin ang oras nila." Nang puntong iyon ay nanatili lamang siyang tahimik at patuloy na pinakinggan ang lalaki. "Noong nasa grade school ako, may naging teacher ako na napakabait sa akin. At dahil lagi kong nami-miss ang daddy ko, naging malapit ako sa kanya. Lagi siyang nakikipaglaro sa akin ng basketball at mga video games. Dahil doon, kinuha na din siya ng parents ko para maging tutor ko sa iba't-ibang subject. 'Yong pangungulila ko noon sa parents ko, nabawasan kahit na papaano dahil sa kanya. Pinagkatiwalaan ko siya. Tinuring ko siyang kuya, kaibigan..." Nakita ni Kyrielle ang tila pamumuo ng tubig sa mga mata ni Caleb. Nakaramdam siya ng kirot sa kanyang puso habang pinagmamasdan niya ang lalaki. "Pero isang araw, bigla na lang niya akong minolestya," sabi ni Caleb na unti-unting tila nababasag ang boses. Nagulat siya sa ipinagtapat nito sa kanya hanggang sa takasan na ng luha ang binata. "C-Caleb... "Sobrang sakit kasi pinagkatiwalaan ko siya. Ninakaw niya ang mura kong kaisipan. Pinagbantaan niya ako noon at dahil sa bata pa ako, natakot ako. Kaya naman, paulit-ulit niyang sinamantala ang kahinaan ko." Hindi niya namalayan na tumutulo na din pala ang mga luha niya. 'Yong sakit na nakikita niya ngayon sa mga mata ni Caleb, ganoon din 'yong sakit na paulit-ulit na nagiging bangungot niya dahil sa nakaraan niya. "Dahil doon, naging miserable ang buhay ko. Hindi lang ang buhay ko, maging ang buhay ng mga magulang ko. Alam mo kung bakit? Nalaman din kasi namin ni daddy noon, na may relasyon na rin pala si mommy at ang guro ko na iyon. Nakakaewan 'di ba? Minomolestya ako ng taong kabit ng mommy ko. Dahil doon, naghiwalay ang parents ko. Tapos, noong lumipas 'yong mga taon, nabalitaan namin na… pinatay ng taong 'yon si mommy." Sandali itong tumahimik habang patuloy sa pagtulo ang mga luha nito. "Sumuko na ako no'n. Sumuko na ako sa sarili ko, sa buhay ko. Kaya—" Hindi nito maituloy ang sinasabi nito sa kanya. "Huwag mong sabihing..." Lumakas ang pagkabog ng dibdib niya. "Sumubok akong magpakamatay," pagtutuloy nito. Napapikit siya ng mariin at umiwas ng tingin sa lalaki. Hindi niya na ito kayang pagmasdan pa. "Caleb, tama na," saad niya. "Pero alam mo, mabuti ang Diyos," sabi nito sa may payapang tinig. "Kasi, hindi Niya ako sinukuan. Himala na nabuhay pa rin ako matapos kong mag-take ng poison noon. Tapos, 'yong naging doctor ko. Siya 'yong paulit-ulit na nagsabi sa akin na mahal ako ng Diyos." Muling napatingin si Kyrielle kay Caleb dahil sa mga sinabi nito sa kanya. "Ang sabi niya sa akin, may mabuting plano daw ang Diyos sa buhay ko. At kahit na gaano man daw akong kasira, nakahanda Siya na muli akong buuin.” Nagbago bigla ang ekspresyon sa mukha ng lalaki. Ang kaninang sakit sa mga mata nito ay naging bakas na lamang ngayon. Nakangiti ito sa kanya saka nito inabot ang kamay niya upang masuyo iyong hawakan. Habang marahan namang pinapahid ng binata gamit ang isang kamay nito ang mga luhang naglandas mula sa kanyang mga mata. "For the second time, nagtiwala ulit ako. Hindi na sa tao, kung 'di sa Panginoon. After few months, nakulong 'yong gumawa no'n kay mommy. Masakit at mahirap pero, natuto na din akong magpatawad." "Magpatawad? Paano mo nagawa 'yon? Paano mo nagawang patawarin ang taong sumira sa'yo?" kunot-noong tanong ni Kyrielle kay Caleb. "Sa totoo lang, hindi ko din alam, Kyrielle. Basta nagtiwala lang ako sa Diyos. Nagdasal ako. Tapos, naniwala ako sa Kanya," tugon ni Caleb sa kanya. Hinawakan ni Caleb ng mahigpit ang kamay niya saka muling nagsalita. "Alam kong iba tayo ng pinagdaanan. Pero, sigurado ako na iisa lang 'yong kailangan natin. Magtiwala ka sa Panginoon. Hindi ko sinasabi na agad-agad, may proseso para diyan at alam kong, magagawa mo din 'yon." Parang may kung anong humaplos sa puso niya. Bigla siyang nakaramdam ng lambot at parang biglang gusto na naman niyang maiyak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD