12 isang biyaya “Ma, si Lola,” napukaw ako sa tawag ng aking pangatlo. Kasalukuyan kong binabawasan ng dahon ang tanim kong petsay at mustasa. Nasisiyahang tinapunan ko muna ng tingin ang aking mga halaman bago nagmamadaling pumasok sa bahay. Tigib ng pag-aalala ang boses ng pangatlo nang iabot niya sa akin ang telepono. “Nanlalambot daw si Lola.” Ang ina ko’y namumuhay nang mag-isa. Ayaw pumisan sa akin na tanging anak niyang nasa Pilipinas. Ayaw rin niya ng katulong. Hinahatiran ko siya ng pagkain araw-araw. Matanda na—walumpu’t anim na—kaya’t kumakatok na ang kaniyang makina. Sa buong maghapon, tawag siya nang tawag sa akin sa telepono. Sa kalagitnaan ng aking pagsusulat—ibibitin ko ang salita, sa kalagitnaan ng siyesta—mapuputol ang pangarap, sa kalagitnaan ng aking pagtatanim,

