22 pabayaan lahat, huwag lamang pagsusulat Pumayag nang magbalik sa pag-aaral ang bunsong babae. Hindi ko na ginawang isyu na sa ibang eskuwelahan niya gustong mag-aral. Baka tulad lang iyon ng pag-iwas kong dumaan sa kalyeng patungo sa ospital na pinagdalhan sa aking kabiyak. Mapapanatag na ako at mas malinaw na ako ngayong makapag-iisip. Sinamahan ako ng panganay sa pagsumite ng lahok sa isang patimpalak pampanitikan. Nadatnan namin doon ang namamahala sa timpalak. Kilala niya ako dahil palagi ako noong isinasama ni Carlos sa mga piging para sa mga nanalo sa timpalak. Nangingiming ibinigay ko sa kaniya ang aking lahok. Halatang nagulat siya. Inisip kayang nabubugak ako? Tinanong niya ang panganay kung may lahok ito. Sinabi nitong wala. Niyaya niya ito sa isang pribadong kuwarto.

