23 pagbibinyag, pagtatapos Nasa harap ako ng computer nang dumating ang panganay at si Lope. Graduation ngayon ng panganay. Natapos din niya ang kaniyang masters. Isinasama niya ako. Ang aking bunsong lalaki nama’y may graduation ball. Tapos na siya ng hay-iskul. Inabiso niya, malayo pa, na gagamitin ang aming kotse sa naturang okasyon. Ayaw kong pumayag. Hanggang sa araw na ito’y nagtatalo pa kaming mag-ina. “Gagamitin ng ate mo, graduation niya,” ang katwiran ko kahit na sa hapon naman ang graduation ng panganay at hindi sa gabi. Ang tunay na dahila’y natatakot akong may mangyari sa aking bunsong lalaki. Labimpito pa lang siya. Bukod sa gabi, sa Makati pa gaganapin ang okasyon at nag-aalala akong hindi pa niya kayang magmaneho sa lugar na iyon. Lumabas siya agad nang matunugang m

