HEARTBEAT

3024 Words
CHAPTER  22   Kasalukuyan akong nasa sala ngayon at naghihintay sa kanya. Iniayos kasi nito ang mga kasangkapan na ginamit n’ya kanina sa pagluluto. Habang wala pa ito ay tinitingnan ko naman ang mga nakasalansan na libro sa shelf. Walang anumang bahid ng alikabok ang mga ito. Halatang palagiang nililinis at iniaayos ni Alec ng puwesto. Sobrang linis nito sa unit niya. Walang kakalat-kalat. Kahit mag-isa lang ito ay mukhang pinaglalaanan n’ya talaga ng oras ang pag-ayos. Nakasalampak ako sa sahig habang binabasa ang iilang kinuhang libro. Narinig ko ang yabag ni Alec sa likuran ko. “What are you doing?” takang tanong nito. Ipinakita ko lang sa kanya ang mga hawak na libro. Umupo ito sa couch at nilagay ang kamay sa sandalan. “Xia rito ka oh.” Tinapik-tapik n’ya pa ang puwesto sa tabi n’ya. Mabilis ko lang ibinalik ang mga libro. Wala naman akong balak tapusing basahin ang mga iyon dahil sa sobrang kakapal at dami ng pahina. Matapos na isauli ang mga ito ay pumunta ako sa tabi ni Alec at naupo rin sa couch. “May gusto ka bang puntahan ngayon? Any plans in mind?” Ipinihit pa nito ang katawan sa gawi ko para maayos na makaharap sa’kin. Umiling ako. “Wala akong ibang plano bukod sa puntahan ka rito.” He’s surprised because of my words. Totoo naman kasi iyon, wala naman akong ibang plano para ngayong araw. “You badly want to see me, huh?” Nakangisi n’yang sabi. Sinalubong ko ang matatapang nitong tingin sa’kin. “Ikaw kaya iyon. Ikaw ang nagsabi kagabi na magkita tayong dalawa.” Pagdedepensa ko. Pero tama naman s’ya. Gusto ko rin naman s’ya talagang makita. “You’re right, Xia.” Napayuko na lang ako’t lihim na napangiti. Tumayo ako sa pagkakaupo nang matanawan ang terace n’ya. Bukas kasi ang pinto roon. Hindi ko ‘yon napansin kaninang naririto ako. Kahit na rin noong unang beses kong nakapunta. Lumapit ako rito, naalala ko tuloy ang tanawin sa balkonahe namin. Ganitong-ganito rin. Nakita kong mayroon sa gilid na bahagi ng terace ay mayroong painting. Halatang kakatapos lang nitong gawin at kulayan. Nilapitan ko ito at tiningnan nang mabuti. Sinundan ako ni Alec, nasa likod ko ito. “Do you paint?” Kuryoso kong tanong. Namangha ako sa napakagandang artwork na nasa aking harapan. Pamilyar ito... Pinakatitigan ko ang nakaguhit, hugis ito ng babae at lalaki na nakaupo sa duyan. Nakataas pang pareho ang kamay nila at animo’ng kinukuha ang mga bituin na nakapalibot sa kanila. Hindi ko maiwasang isiping gano’n na gano’n kami noong nakaraang araw, wari ko ay sinadya niyang iguhit kaming dalawa o baka ako ay nagkakamali lang. “Oo, kapag wala ako masiyadong ginagawa ay nagpipinta ako.” Nakita n’yang napako ang tingin ko rito. ‘Di ko pa rin inaalis ang mata ko sa painting. “Puwede mong hawakan, tuyo na iyan. Kagabi ko pa ‘yan ginawa. Nakalimutan ko agad na ipasok dahil pinatutuyo ko pa.” Pinahintulutan ako nitong hawakan ang ginawa n’ya. Tuyo na nga ito. Parang isang propesyunal si Alec. Napakahusay ng pagkakahulma ng mga guhit at ang mga kulay ay nasa tamang lugar at puwesto. “Ang ganda naman nito, ang galing mo Alec. Lahat ‘ata ng talento ay na sa’yo na.” “Marami pa rin naman akong hindi kayang gawin, Xia.” Tumawa ito. Duda ako sa sinabi n’ya. Sa palagay ko ay marami talaga itong talento. Mukhang sa lahat ng bagay ay nag-eexcel s’ya. Lalo ko lang tuloy s’yang hinahangaan. Nagsalita itong muli. “Gusto mo bang subukan?” Na-excite ako nang marinig ang tanong n’ya. Palagay ko pati ang mata ko ay kumikislap ngayon habang nakatingin sa kanya. Isa kasi ito sa mga gusto kong subukan. Dagdag pang s’ya ang kasama ko ngayon at ang magtuturo sa’kin. “Puwede ba? Wala akong masyadong alam sa pagpipinta pero isa ito sa mga gusto kong matutuhan.” Marahan nitong ginulo ang buhok ko at tumango. “Of course, wait there, kukuha lang ako ng mga gamit.” Umalis ito sa harapan ko at tumalikod. Sandali ko ring kinuha sa sala ang cellphone ko, kinuhanan ko ng litrato ang painting na gawa n’ya. Hindi ko talaga maitago ang pagkamangha, higit lalo pang, pakiramdam ko ay kaming dalawa ito. ‘Di nagtagal ay nakabalik na si Alec dala ang kaniyang mga art materials. Agad ko itong tinulungan sa mga bitbit niya. Inilapag lang namin ito sa mesang nasa harap. Lahat din ‘ata ng mga gamit ay pinakatingnan ko pa munang mabuti. Ngayon ko lang kasi nakita at nahawakan ang mga ganitong klase ng art materials. Sa buong buhay ko kasi ay hindi ko pa nasusubukang magpinta, ito palang ang unang beses. “Come here, Xia.” Pagtawag niya sa’kin. Para naman akong batang lumapit sa kanya. “Bakit?” tanong ko pa. Nakita kong mayroon itong hawak na parang apron. Dalawa ito, kulay itim at pula naman ang isa. “This is cobbler aprons, para hindi marumihan ang suot mo habang nagpipinta ka.” Tinulungan pa ako nitong ipatong ang apron na sabi ni Alec ay ‘cobbler apron’ daw ang tawag. Itinali pa nito ang magkabilang gilid upang hindi matanggal. Matapos na maisuot sa’kin ay harap-harapan pa nitong tiningnan ang kabuuan ko. Kung posible lang akong malusaw sa mga oras na ito, paniguradong ako’y naglaho na. “Chootie, turtle.” Matapos n’ya akong tulungan ay nagsuot din s’ya ng cobbler apron. Magkaharap kaming dalawa, naupo lang kami sa tia chair na naririto. Iginiya ni Alec ang mga gamit. Isa-isa rin nitong ipinaliwanag sa’kin kung anu-ano ang mga gamit na nasa harapan pati na rin kung paano iyon gamitin. Para tuloy akong nasa art class. Nakikinig lang ako sa kanya at tumango-tango. Mahinahon naman itong nagpapaliwanag sa’kin at kapag may tanong ako ay lahat naman n’yang sinasagot. Para talagang Professional artist si Alec, ang guwapo rin n’yang tingnan habang suot ang cobbler apron. Looking at him closely, while he’s teaching me, I can say that he nailed it. Pinipigilan kong mag-isip ng kung anu-ano dahil seryosong tinuturuan ako ni Alec sa harapan ko. Nakakahiya namang imbis na ang itinuturo n’ya ang pagtuunan ko ng pansin ay s’ya pa ang nasa isip ko. Nagsimula na akong gumuhit sa canvas ko at ganoon rin naman si Alec. Hindi namin nakikita ang gawa ng isa’t-isa. Napagkasunduan din namin na pagkatapos lang namin ito ipapakita. Nag-eenjoy ako sa ginagawa ko. Pakiramdam ko tuloy ay porke nakahawak na ako ng ganitong mga gamit ay napakagaling ko na. Pasimple kong sinisilip ang iginuguhit ni Alec. Nang makita ako ay tinakpan n’ya ito. “Xia! Huwag kang madaya. Focus on your work.” Seryoso pang sabi nito. “Tingin lang e, damot.” ‘Di na ako nito uli pinansin. Natawa ako. Kala mo naman kasi ay nasa contest kami ngayong dalawa at bawal talaga naming makita ang gawa ng isa’t-isa. Napaka-competitive nga rin naman talaga n’ya. Hindi ako ganoon kahusay sa pagguhit pero ginawa ko ang makakaya ko. Ang sabi kanina ni Alec ang lahat daw dapat ng ginagawa ay mayroong pinagkukuhanan ng inspirasyon para maging maganda ang kalabasan. Kaya heto ako ngayon, sinusubukan kong iguhit ang napakagandang tanawin ng Casa Alta. Inaalala ko pa ang bawat detalye ng resort ng sa gayon ay lahat ng matatagpuan doon ay maisama ko. Masyado akong invested sa lugar kaya iyon ang aking naisip. Pasulyap-sulyap lang din ako sa kaharap, seryoso pa rin ito sa ginagawa n’ya. Saglit kong kinuha ang cellphone ko at pasimple kong kinuhanan ng litrato si Alec. Naka-kunoot pa kasi ito. Nakakadalawang shot na ako nang biglaan itong lumingon sa gawi ko. Naibaba ko tuloy nang mabilis ang cellphone. “Next time, turn off the flash, Xia.” “Mayroon ba? Ano ba ‘yan! Hindi mo dapat alam e.” Pagrereklamo ko sa kanya. ‘Di ito makapaniwala sa sinabi ko.  Itinaas kong muli ang camera,”tingin ka na nga rito,” dagdag ko. Masyadong demanding. Ayaw pa nito noong una at itinatago ang mukha n’ya sa canvas. “Dali na, Alec!” Ngumiti ito sa camera. Lalong umangat ang taglay nitong kakisigan noong malawak na s’yang ngumiti. Itatabi ko talaga itong litrato n’ya sa’kin. Sinimulan ko na ang pagpipinta. Nilagay ko pa ang mga acrylic paint sa palette. Ginagaya ko lang din ang ginagawa ni Alec. Naghahalo pa nga ito ng mga kulay, kaya’t ginaya ko rin s’ya. Lagi ako nitong nahuhuling nakatingin sa kanya, umiiwas na lang ako ng tingin sa tuwing nangyayari ‘yon. “Patapos ka na ba? Bakit ang bilis mo naman?” “Yes, almost.” Malapit ko na ring matapos ang ginagawa ko. Natutuwa ako na kahit na ito ang unang beses kong magpinta ay satisfied naman ako sa nagawa ko. Pinipintahan ko na lang ang gilid. Kumbaga ay finishing touch na lamang. Ilang minuto ang lumipas ay nakita kong tapos na si Alec. Nauna ito sa akin. Nakagawa na nga rin ito ng meryenda at maiinom naming dalawa. Samantalang ako naman ay sinisigurado ko pang maganda ang gawa ko. Kinuha nito ang atensyon ko. “Turtle?” “Bakit?” Saktong pag-angat ko ng tingin sa kanya ay.... “Alec! Bakit mo ko pinahiran ng paint?” Nagulat ako sa ginawa n’ya. Sa ilong pa talaga n’ya itinapat  ang pinturang ipinahid sa’kin. Tawang-tawa ito. “Say, ‘hi’ to the video, Xia!” Ang loko ay mukhang dinodocument pa ang ginawa sa’kin. I pouted. Kunyari ko itong sinamaan ng tingin. ‘Di rin n’ya napaghandaan ang ginawa ko nang mabilis ko s’yang nilapitan at pinahiran sa pisnge ng pintura. Animo’ng vlogger pa ito. Itinutok muli sa’kin nito ang film camera n’ya. “Guys, gumanti po s’ya sa’kin. Tingnan n’yo po kung paano s’ya mainis.” Samantalang ako ay hindi ko na napigilang matawa. Nagpapanggap akong naiinis pero hindi ko talaga kaya. “Stop filming, Penguin!” “Stop pouting and stop being so cute, Xia!” Hawak n’ya sa kaliwang kamay ang camera at ang kanang kamay naman ay kinurot pa ang pisnge ko.He cannot stop laughing. Namumula na ito kakatawa. Napakatindi naman talaga. Noong pareho na kaming napagod sa pagkukulitan ay naupo na kaming muli. Ang sabi n’ya sa’kin ay ang taas daw ng energy ko. S’ya naman din ay ganoon, sinabayan din n’ya ang kakulitan ko at sinabayan pa ‘yon ng pang-aasar sa’kin. Pareho kaming nagkakasundo. This is so overwhelming, I’m so glad to witness this side of him. “Uminom ka ng water. Takbo takbo ka pa ha, lagi naman kitang naabutan. Hindi mo alam, former runner ako.” Inabot nito ang tubig sa’kin. Itinaas-taas pa niya ang kilay n’ya. “Really? Kaya pala ang bilis mong tumakbo. Ang dami mo talagang kayang gawin, bigyan mo naman ako.” Pagbibiro ko pa. Ngunit sumerysoso ito bigla. “You can do so many things, Xia. Don’t underestimate your capabilities, okay?” Ang totoo ay nagbibiro lang naman ako ang kaso ‘ata ay iba ang naging dating sa  kanya. Ganunpaman, pakiramdam ko ay tumaba ang puso ko dahil sa kanyang sinabi. Palagi ako nitong inaangat. Palagi n’yang pinaparamdam na ako ay hindi ‘basta-basta’ lang. Palagi ako nitong sinasabihan at pinapaalahan na marami akong kayang gawin, na naniniwala at proud s’ya sa’kin. Lahat ng iyon, lahat ng pinaparamdam n’ya ay nakatatak at dala-dala ko sa akin. “Nagbibiro lang ako, Alec. Pero, thank you, parati mong pinapaalala sa’kin ang lahat ng mga iyon. Oh, Smile ka na uli.” Sumensyas ako sa kanyang ngumiti s’ya at hindi naman ako nabigo roon. Hindi pa rin namin pinapakita sa isa’t-isa ang gawa namin. Pinapatuyo pa kasi ito. Habang naghihintay naman ay pinanonood ni Alec ang video namin kanina, wala pa ring mapaglagyan ang ngiti nito sa mukha. Hindi rin ‘ata ito napapagod kakatawa. Tiningnan ko ang litrato naming dalawa pati na rin ang stolen pictures n’ya. Ito ang unang mga larawan naming dalawa na magkasama. Sinisigurado kong mayroon na akong pag-aaksayahan ng oras para tingnan. Nakita ko rin ang litrato ni Alec na nakatago sa canvas n’ya. I posted it on my i********: story and captioned. “Free art class with this Maestro,” I also added a penguin emoji at the end. I am smiling proudly right now while looking at his picture that I posted.Wala pang ilang minuto ay nakareply na ang pinsan ko at si Gail. Nakita ko ring nagreact ang ibang mga kaklase ko. Binuksan ko sandali ang reply ni Gail. ‘Sana all naman. Gusto ko lang naman tumingin ng IG story. Saksakin mo na lang sana ako, bestie. Joke! Enjoy sa inyong bonding mga mapagtago ng feelings!’ Natawa ako sa sinabi ni Gail. Napatingin tuloy sa’kin si Alec, nagtataka. Matapos kong mabasa ang kay Gail ay ang message naman ni Sheena ang ini-open ko. ‘Hi Penguin!” Mapang-asar talaga si Sheena. Gusto lang ako nitong buwisitin, sinabi ko kasi sa kanya na ako lang ang tumatawag kay Alec ng ganoon. ‘Di ko na lang sila sinagot at ibinaba ko na muli ang hawak na cellphone. Nang hindi na ako makapaghintay para tingnan ang gawa n’ya at ipakita sa kanya ang gawa ko ay kinuha ko ang atensyon nito. “Alec, patingin na ako ng ginawa mo.” Excited din talaga akong makita kung gaano ito kahusay at ka-creative sa paggawa. Kung talaga namang contest ‘to ay paniguradong magwawagi s’ya. “Okay, I also want to see your work too.” Tumayo kaming dalawa at nilapitan ang gawa namin. Pagkakuha ko noong sa akin ay agad na akong tumalikod. Tumalikod din ito, ginaya ang ginawa ko. “Okay let’s count 1 to 5, Penguin.” Sabay kaming dalawa na bumilang. “1, 2, 3, 4, 5.” Huling bilang ang naging hudyat nang aming pagharap. Literal na napanganga ako dahil sa gawa n’ya. Gaya ko, ang painting rin nito ay sa dagat. Mayroong babaeng nakaupo, nakatalikod  ito at sa malayong bahagi naman ay mayroong lalaking nakatanaw sa gawi noong babae. “Wow! Alec, ang ganda nito!” Napakagaling ng pagkakapinta n’ya. Agad kong kinuha at pinakatitigan ang gawa n’ya. “It’s like, it’s not your first time. Ang ganda rin ng gawa mo, Xia.” “Thank you, natuto ako sa mga tinuro mo sa’kin kanina.” Ibinalik ko ang tingin sa ginawa n’yang painting, ang sa akin naman ay kinuha n’ya rin at kinuhanan ng litrato. Pamilyar ang lugar na nasa painting ni Alec. Pamilyar ang buong ginuhit nito. Wari ko’y nakita ko na ito. Kakaiba sa pakiramdam. I asked him. “Alec, bakit iyan ang ginuhit mo? Kuryoso kong tanong. Sinalubong nito ang tingin ko. “Parati kong ipinipinta ‘yong mga bagay na ayaw kong makalimutan.” “Ibig mo bang sabihin ay nangyari sa’yo ‘yang nasa painting mo?” Casual lang itong sumagot. “Yes..” Pareho kaming natahimik, matapos nang payapang sandali ay s’ya naman ang nagtanong. “Ikaw, ano naman ‘yong tungkol sa painting mo?” “Tanawin ‘yan sa Casa Alta. Hindi lang perpektong kagaya, pero iyon ang ginuhit ko. Memorable kasi sa’kin ng lugar na ‘yon. My first time there was so epic.” I laughed a bit. Interesado itong nakikinig sa kuwento ko. “We do have the same reason behind our art.” Sang-ayon ako sa sinabi n’ya. Kung s’ya ang lahat ng mga ginagawa n’ya ay ‘yong mga bagay na ayaw n’yang makalimutan, ako naman, ay ganoon din para sa aking kauna-unahan, iyon ay dahil ito ang pinaka memorable para sa’kin. “Tara, magpicture tayo.” Inaya ko ito. Hawak ko ang camera at nagselfie kaming dalawa. Napatalon pa ako ng kaunti sa pagkabigla nang maramdaman kong umakbay ito sa’kin at inilapit ako sa gawi n’ya. Hindi namin namalayan ang oras, parang napakabilis nito lalo na ngayong magkasama kami. Nalibang kaming pareho dahil ipinakita n’ya pa sa’kin ang iba pa niyang mga paintings. Ako naman ay interesado sa lahat ng gawa n’ya kaya nakikinig talaga ako rito. Bago pa dumilim ay hinatid na ako nito. Hindi manlang ako nakaramdam ng pagod. Isa lang ang malinaw na nararamdaman ko ngayon... “Never thought that spending the day with you would be this happy, Xia.” Mahina ang boses nito nang sabihin sa’kin, pero sapat lang upang magkarinigan kaming dalawa. Nang sandaling iyon ay nag-uumapaw ang aking pakiramdam, hindi ko na inisip pa ang gagawin ko. Basta ko na lang itong ginawaran ng yakap. I feel him stiffened because of my sudden hug. Even me, I didn’t expect that to come... Mukhang sapat na ‘yon para malaman n’ya kung gaano rin ako kasaya. Naramdaman kong marahan n’ya akong niyakap  pabalik. Walang kumikibo sa aming dalawa at pareho kaming hindi gumagalaw. “Xia, I can hear your heartbeat...” Nang marinig ang sinabi n’ya ay agad akong lumayo, nakakahiyang narinig n’ya ang malakas na pagtibok ng puso ko. Hindi ako makatingin dito, nakayuko lang ako at hindi alam ang dapat na sabihin sa kanya. Sarili ko na rin mismo ang nagtraydor at ang nanglaglag sa’kin. ‘Di pa nagtatagal ng ilang minuto ang pagkakahiwalay namin ay hinatak ako nitong muli para ikulong sa mga bisig n’ya. Ako naman ngayon ang nabigla. “Stay, still.” Nakatingala ako sa kanya. Hinawakan nito ang ulo ko at dahan-dahang isinandal at inilapit sa dibdib  kung saan naroon ang puso n’ya. Nakapikit lang ako ng mga sandaling ito. Wari ko’y wala na ako sa katinuan at nanaginip na lamang. Akala ko’y malakas na ang pagtibok ng puso ko, pero noong oras na marinig ko ang sa kanya ay hindi ko inaakalang may ido-doble pa pala ng lakas ito. I looked at him straight in the eyes. Nakaabang na rin ang mga mata n’ya sa akin at naghihintay. “Now that I’m aware about how you made me feel, can I spend the other days being happy with you?” Napatulala lang ako sa kanya. Walang salitang namutawi sa aking mga bibig. Binigyang pagkakataon ko na ang sariling hawakan ang kanyang mukha. Marahan ko itong hinaplos, ginawaran ko s’ya ng maliit na ngiti, walang pagdadalawang-isip, walang duda, binigyan ko s’ya ng isang tango bilang pagsang-ayon.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD