CHAPTER 17

1140 Words
Pagkatapos ng naging mapusok at maigting na pag-angkin sa kaniya ni Anthoine, pakiramdam ni Urduja ay nakalutang siya sa alapaap. Masayang-masaya siya. Kinikilig. Tila hinihele siya sa walang kapares na ligaya. Si Anthoine La Guarcho ang ugat ng kaniyang saya ngayon lalo na’t naging napakapusok ng pagniniig nila. Sa pagkakataong ito, pareho nilang ginustong may mangyari ulit sa kanila. Walang impluwensiya ng alak. Tuwid ang pag-iisip nila. Sumulyap siya sa binatang abogado habang itinataas nito ang zipper ng suot na pantalon. Galing na itong banyo kanina. Nilinis nito ang dapat linisin. Tinulungan din siya nitong punasan ang pribadong parte ng katawan niya. “Señorito,” sambit niya. “Yes?” Lumingon ito sa kaniya, nagtatanong ang ekspresyong nakaguhit sa mestizo nitong mukha. “M-masaya ako na inangkin mo ulit ang katawan ko,” buong tapat niyang wika, bahagya pang nag-init ang magkabila niyang pisngi. Umangat ang mga kilay nito, bago unti-unting umukit ang magaan na ngiti sa mga labi ng binata. “I’m glad to hear that.” “Eh, ikaw, Señorito? Masaya ka ba?” tanong niya. Sana masaya rin ito. Siguro masaya naman ito, ’di ba? Hindi naman niya ito pinuwersa at kusang-loob nitong pinag-isa ang mga katawan nila. Matagal muna itong tumitig sa mga mata niya. Hindi agad ito tumugon. Lumapit ito sa kaniya at pinaraanan ng daliri ang manipis na tulay ng kaniyang ilong bago nito hinaplos ang mga labi niya. “Yes. And I’ll be happier if you promise to keep these lips sealed.” “Ano po ang ibig mong sabihin?” “Na hindi mo ikukuwento sa iba ang nangyayari sa atin ngayon.” Tumuwid ang likod niya, sunud-sunod ang ginawa niyang pagtango. “Oo naman po! Makakaasa kang hindi ako magsasalita. Hihintayin ko ang araw na ikaw ang magsabi sa mga magulang mo ng tungkol sa atin. Na ikaw ang magbahagi sa mga tao ng kung ano ang mayro’n tayo. Gusto kong manggaling sa ’yo.” “Very good.” “Señorito…” “Hmm?” “Nasimulan mo na bang basahin ang notebook na ibinigay ko sa iyo?” tanong niya sa binata, nagkukumislap sa antisipasyon ang kaniyang mga mata. “What notebook?” kunot-noo nitong tanong. Ang matamis na ngiting nakaguhit sa mga labi niya ay iglap na naglaho. “Ang… ang notebook ho na ang laman ay tungkol sa akin… para… para mas makilala mo ako.” “Ah, yes! Of course! That notebook.” Sumungaw ang pilit na ngiti sa mga labi ng lalaki. “Yes, I’ve read it,” anito. “Totoo po?” “I did, a little. Wala pa kasi akong libreng oras para matutukan ang pagbabasa sa mga isinulat mo ro’n.” Bumuntong-hininga ito. “Nakikita mo naman sigurong palaging tambak ang trabaho ko, ’di ba? Are you upset?” Ngumiti siya, umiling. “Okay lang ho ako! Naniniwala naman ho ako na kung maluwag lang ang schedule mo ay tiyak na babasahin mo ang kuwaderno.” “That’s right. Kilala mo na talaga ako,” tango nito. May isang parte ng utak ni Urduja ang nagsasabi sa kaniyang huwag ibuhos ang siyento porsiyentong tiwala sa binatang La Guarcho, pero mabilis niyang pinatahimik ang maliit na tinig na iyon. Naniniwala siya kay Anthoine. Dapat ay buo ang pagtitiwala niya rito dahil ito ang lalaking inaasam niyang maging kabiyak. Ito ang lalaking nais niyang makasama sa buhay. Dapat lang na walang lugar ang pagdududa sa puso niya. _____ “SEÑORITO, may gusto sana akong itanong, pero baka kasi magalit ka…” nag-aatubili bigkas ni Urduja. Nasa loob sila ng pribadong kuwarto ng binatang abogado. Abala ito sa mga binabasang dokumento—malinaw iyon sa mga mata nitong tutok na tutok sa mga nakalapag na papeles sa ibabaw ng mesa, at sa maigting na pagsasalubong ng mga kilay nito. Ibinaba niya ang bote ng green juice sa harapan nito. Pinaraanan niya ng tingin ang pinagkakaabalahan nitong pag-aralan at basahin, pero wala siyang maintindihan. May mga property surveys, mga kontrata, at iba pa. “What is it? Ask me now,” tugon nito, hindi nag-angat ng mukha. Tumikhim siya, tila may sariling utak ang mga kamay niyang napadaklot sa gilid ng kaniyang palda—na para bang doon ay may makukuha siyang lakas ng loob. “Hindi mo pa rin ba nasasabi sa mga magulang mo ang tungkol sa atin?” Sa wakas ay naitulak niya rin palabas ang bagay na matagal na niyang gustong itanong sa lalaki. Alam niyang sinabi niya ritong nakahanda siyang maghintay, subalit mula nang naulit ang pagtatalik nila ay nasundan na iyon nang nasundan. Gabi-gabi na siyang pinapatawag ni Anthoine. Doon na siya halos natutulog sa kuwarto nito maliban na lang kung may mahalagang trabaho itong kailangang pagpuyatan. Sa opinyon niya, namumuhay na silang dalawa na tila tunay na mag-asawa. Pormal na seremonya at legal na dokumento na lang ang kulang. Umiling ito, walang pagdadalawang-isip. “No, I haven’t told them yet.” Napahugot siya ng malalim na paghinga. “K-kailan mo balak sabihin sa kanila?” “I will tell them when the time is right. Huwag mo lang akong pangunahan,” anito. “Kailan pa iyon? Ang… ang sinasabi mong tamang oras, kailan iyon?” Nagbuga ng hangin si Anthoine. “Urduja, please. Nakikita mo naman sigurong busy ako ngayon, ’di ba? Ngayon mo talaga i-uungot sa akin iyan?” “Señorito…” Señorito pa rin ang tawag niya rito, at ni minsan hindi nito sinabi sa kaniyang puwede na niya itong tawagin sa pangalan na lang nito. Hindi pa rin ba sapat ang mga nabasa nito tungkol sa kaniya para magustuhan siya nito sa mas malalim na lebel? “Hindi mo pa rin ba tapos basahin ang notebook na ibinigay ko—” “Urduja!” Dumagundong ang boses nito. Pinukol ni Anthoine ng matalim na tingin ang dalaga. “That notebook again? Even a thousand copies of that notebook cannot hold as much significance as the single piece of paper I’m reading right now! Importante itong ginagawa ko ngayon! Nagtatrabaho ako kaya huwag mong ipaalala sa akin ang tungkol diyan. Ano ba ang halaga ng mumurahing kuwaderno mo? Naiintindihan mo ba?” Nasaktan si Urduja. Humapdi ang lalamunan niya, nagsikip ang dibdib niya. Wala palang halaga rito ang notebook na pinaghirapan niyang buuin para rito. Alam niyang mumurahin nga ang kuwadernong ibinigay niya rito, pero lahat ng mga isinulat niya ro’n ay galing sa puso niya. Ang intensiyon niya ay para maipakilala ang sarili niya sa binata. “Urduja, puwede bang lumabas ka na? Hindi ako makapag-focus kung nandito ka. Ang dami mong tinatanong sa akin na walang kinalaman sa trabaho ko. Get out.” Hindi na niya hinintay na ulitin pa nito ang pagtataboy sa kaniya. Kusa na siyang lumabas ng kuwarto bago pa bumagsak ang mainit na luhang naipon sa sulok ng mga mata niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD