“Urduja?” sambit ni Anthoine sa pangalan ng dalaga nang pagbukas niya sa pinto ay katahimikan ang sumalubong sa kaniya. Madilim ang buong unit. Nakapatay ang lahat ng ilaw. Kinabahan siya. “Urduja?” muli niyang pagtawag dito.
Wala pa ring tugon.
“D*mn!” Nabalisa siya. Mabilis niyang binuksan ang service area, tapos ay pinihit niya ang seradura ng maliit na silid ng dalaga. Walang tao roon.
Tinungo ni Anthoine ang banyo, wala rin doon ang dalaga.
Nasaan ito?
Saan ito nagpunta?
He wanted to call his parents. Pero tingin niya, wala roon ang babae. Kung nagkusa itong bumalik sa bahay ng mga magulang niya, tiyak na kanina pa nag-uusok sa tawag ng kaniyang ina ang phone niya. But his parents did not call him.
Hindi niya rin matawagan si Urduja dahil hindi naka-save ang numero nito sa contacts niya. He thought it was useless to save or memorize her contact details since he had no plans of any long-term connection with her. Pero ngayon ay malinaw na sa kaniyang napaka-iresponsable pala niyon. He should have asked for her number—just to make sure he knew how to reach her, especially now that she was in his care.
Naturingan pa naman siyang abogado, pero inuna niya ang pagiging arogante niya.
Tsk.
Pinindot niya ang video intercom. “Hi, nakita n’yo ba ang kasama ko rito sa unit?” tanong niya agad sa naka-duty sa front desk. Mababatid sa tono ng tinig niya ang matinding pagkabahala.
“Si Urduja po, Sir?”
“Yes, that’s right.”
“Kanina pong mga alas seis ay lumabas siya ng building. Hindi pa po bumabalik,” imporma ng kausap sa kaniya.
“What? She went out? Alone?”
“Yes po. Mag-isa po siyang lumabas.”
Kumawala ang eksasperadong ungol mula sa lalamunan niya. “Would you know where she went?”
“Wala po kaming idea, Sir. Pasensiya na po.”
Pinutol na niya ang pakikipag-usap sa taong nasa front desk. Dali-dali siyang lumabas ng unit at bumaba. Hindi maipinta ang anyo ng kaniyang mukha. Kahit ang kausap niya kanina sa lobby ay hindi siya makuhang batiin. Natakot sa ekspresyong nakasungaw kaniyang mukha.
Lumabas siya ng gusali kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta at kung saan niya hahanapin ang dalaga. Inisip niya lang na kung masama ang loob ng isang tao, saan ba ito maaaring magtungo?
Sa club.
“Right!” He went to the nearest nightclub. Nagbabakasakali lang siyang nandoon ang dalaga. Iyon ang pinakamalapit, at para sa isang dalagang hindi saulado ang pasikut-sikot ng lugar ay malaking porsiyentong doon ito magpunta.
Pagbukas niya sa pinto ay sinalubong agad siya ng patay-sindi at pumupulsong ilaw. Makapal din ang usok ng mga sigarilyo sa hangin. Urduja was too young to be in a place like that. Hindi ito sanay sa mga ganoong klase ng lugar.
Inilibot niya ang tingin kahit mahirap aninagin ang mukha ng mga taong nandodoon. Sa pinakagitna ay marami pang mga katawang nag-iindakan sa saliw ng maharot na musika.
May nakita siyang isang babae at isang lalaking senswal na nagsasayaw. Naisip niya kung nakipagsayaw din ba si Urduja sa isang estranghero?
Nagtagis ang bagang niya. Hindi niya nagustuhan ang isiping iyon.
Halos limang minuto na niyang inililibot ang tingin sa paligid bago niya nahagip ang pamilyar na pigura ng isang babae. Nasa parehong table ito ng mga lalaki at babaeng nasa bente ang edad. Lima lahat ang nasa mesang iyon. Ang lalaki sa tabi ni Urduja ay malagkit ang pagkakatitig dito. And Anthoine saw how that man offered her a bottle of beer!
Awtomatikong nagdilim ang paningin niya. Malalaki ang hakbang niya patungo sa table ng mga ito. Nang makita niyang tinanggap ni Urduja ang bote ng beer at ininom iyon ay halos mapudpod sa mariing paglalapat ang mga bagang niya.
Mabilis niyang narating ang kinaroroonan ng dalaga at walang pakialam niyang tinabig ang boteng hawak nito. Marahas. Walang ingat. Sa sobrang bigat ng naging pag-igkas ng kamay niya ay lumipad sa ere ang bote at nabasag sa malakas na pagbagsak niyon sa sahig.
Nagulat si Urduja. Tumingala ito sa kaniya. Alam niyang nakita nito ang nagsisiklab na galit sa bola ng kaniyang mga mata, pero hindi niya tiyak kung rumehistro iyon sa utak nito sapagkat namumula na ang mukha nito, at namimigat na ang talukap ng mga mata dala ng epekto ng nainom nitong alak.
He knew the bottle of beer he sent flying mid-air wasn’t her first.
Kumuyom ang mga kamao niya. Lasing si Urduja! Gusto niyang pilipitin ang manipis na leeg ng babae. Ang lakas ng loob nitong makipag-inuman sa mga hindi nito kakilala!
“Teka lang, bro, ano ba ang problema mo? Nag-ienjoy lang kami rito,” sabi ng lalaking katabi ng dalaga. Lasing na rin ito. Nang aktong hahawakan nito si Urduja ay naging maagap ang kamay ni Anthoine sa pagpilipit sa kamay nito.
Napahiyaw ito sa sobrang sakit.
Binitiwan niya rin ito. Nang mabawi nito ang kamay ay sumiksik ito sa gilid ng sofa, malayo sa kaniya. Natakot ito sa bagsik ng eskpresyong nakaguhit sa mestizo niyang mukha.
“Señorito? Ikaw ba iyan?” Humagikhik ang babae na epekto na ng alak sa sistema nito. “Ano ang ginagawa mo rito?”
“I’m here to take you home,” matigas niyang wika kahit hindi siya sigurado kung naiintindihan pa ng utak nito ang sinasabi niya dahil lasing ito.
“Ayoko! Dito lang ako! Ayaw kitang makita!” biglang hiyaw nito. “Masama ang loob ko sa iyo! Laging mabigat ang dugo mo sa akin!” patuloy nitong pagsigaw, awtomatiko ring naipon ang mainit na luha sa mga mata nito.
Tumiim-bagang si Anthoine. Hindi na siya nagsalita at pinangko na lang niya agad ang dalaga. Pumalag pa ito at pasag nang pasag, subalit hindi siya natinag. He would take her out of that club no matter how hard she clawed and kicked him.
Ang ibang taong nasa loob ng naturang club ay napalingon na sa dako nila, nang-uusyuso. But he didn’t care anymore. Bilang kilalang abogado, mahalaga sa kaniya ang kaniyang imahe. Iniingatan niya iyon. Ngunit nang mga oras na iyon ay wala na siyang pakialam. Nagdidilim ang paningin niya.
Pangku-pangko ang dalaga na humakbang siya patungong exit. Ang mga taong nagkukumpulan sa gitna ay awtomatikong nahahawi, kusang nagbibigay-daan. There was something about him that intimidated the people around him. Kung sa talim na nagkukumislap sa mga mata niya o sa ekspresyong nakaguhit sa mukha niya—hindi na niya alam.
Pagpasok niya sa lobby ng condo building ay hindi rin umimik ang mga nasa reception desk. Tahimik lang na pinanood ng mga ito ang tiyak niyang paglalakad.
“Ibaba mo ako!” hiyaw ni Urduja kahit nang nasa loob na sila ng elevator.
“Shut up,” was all that he said.
Pagdating sa kaniyang unit ay marahas niyang ibinagsak ang dalaga sa malapad na sofa. Magulung-magulo na ang buhok nito at malalim ang ginagawa nitong paghugot ng hangin. Taas-baba ang dibdib ng babae. Sinibat pa siya nito ng matalas na tingin.
“What, you hate me?” tanong niya rito, nagtatagis ang bagang. “Naglasing ka dahil galit ka sa akin?”
“Oo!” Tumayo ito at pilit na tumingala sa mukha niya.
“Kung napahamak ka ro’n? Naisip mo ba iyon? Gamitin mo naman ang utak mo, Urduja!”
Nag-unahan sa pagpatak ang mga luha ng dalaga, pero hindi ito kumurap. Nakatitig pa rin ito sa kaniya. “Galit ako sa iyo! Bakit mo ako tinataboy? Bakit ayaw mo sa akin?” Kinuyom nito ang mga kamay at ipinukpok sa dibdib niya. “Bakit hindi mo subukan? Hindi na ako bata! Disiotso na ako!”
“You’re very young and—”
Bigla itong tumingkayad at idiniin ang mga labi sa labi ng binatang abogado.
Natigilan si Anthoine nang maramdaman ang mainit na labi ng babae, pero hindi siya tumugon. He stayed stiff and unresponsive to her.
“Mag-react ka naman!” sumamo nito. “Kapag hindi mo ginanti ang mga halik ko, babalik ako sa club na iyon bukas o kahit saan. Kahit hindi pa ro’n. Kahit sa iba naman. Maghahanap ako ng lalaking hindi ako itataboy palayo at—”
Nakulong ang mga kataga sa loob ng bibig ni Urduja nang bigla niyang hinapit sa baywang ang dalaga. Ang isang kamay niya ay sumapo sa likod ng ulo nito, at bago pa niya mapigilan ang sarili’y una nang sumakop ang mga labi niya sa labi nito. Siniil niya ito ng mapusok at mapagparusang halik.