Ang kumikirot na ugat sa sentido ni Urduja ang gumising sa nahihimbing niyang diwa. Habang nakapikit ang mga mata ay inangat niya ang isang kamay upang sapuhin ang kaniyang ulo. Mula sa patihaya niyang pagkakahiga sa ibabaw ng kama ay tumagilid siya, subalit awtomatikong dumulas ang maigting na daing mula sa lalamunan niya nang gumuhit ang hapdi sa ibabang parte ng kaniyang katawan—lalo na sa pagitan ng kaniyang mga hita. Tila may napunit na kung ano at nasugat sa bahaging iyon.
Umungol siya at pinuwersa ang mga matang dumilat. Inilibot niya ang tingin sa paligid at nagsalubong ang mga kilay niya nang matiyak na wala siya sa kaniyang kuwarto. May namuong kaba sa dibdib niya. Binalikan niya sa utak ang mga nangyari kahapon—sumama ang loob niya kay Anthoine kaya lakas-loob siyang nagpunta sa pinakamalapit na nightclub. Nakipagkaibigan siya sa mga taong doon niya lang nakilala. Nakipag-inuman siya sa mga ito kahit hindi naman talaga siya umiinom ng alak.
Pagkatapos no’n, ano pa ang nangyari?
Biglang nag-flashback sa isipan niya ang ilang eksena—ang pagsulpot ni Anthoine sa nightclub, ang paghatak nito sa kaniya, ang madilim na ekspresyon ng mukha nito, ang pagdating nila sa condo unit ng binata, at ang…
Namilog ang mga mata ni Urduja at natutop niya ang tapat ng bibig. Naalala niya ang pagkuyom ng kamay niya sa isang matalim na piraso ng nabasag na vase. Instinktibo ang pagbaba ng tingin niya sa kaniyang palad upang tingnan kung totoong may sugat siya at dumoble ang pamimilog ng kaniyang mga mata nang makitang nakabalot sa bandage ang kamay niya.
Kung totoo ang sugat niya, ibig sabihin ay…
Animo malakas na buhos ng ulan ang pagbagsak ng mga senswal na eksenang naganap sa pagitan nila ng binatang abogado. Nagsalimbayan sa gunita niya ang mga pinagsaluhan nilang halik, ang maiinit na paghaplos nila sa katawan ng isa’t isa, at ang lubusan nitong pag-angkin sa katawan niya.
Napasulyap siya sa bedside table at umawang ang kaniyang mga labi nang makita ang kahon ng condom na wala nang laman. Sa loob ng trash bin ay nandoon ang maraming piraso ng rubber na ginamit ng lalaki.
Sumabog ang pamumula sa magkabilang pisngi ng dalaga, at dahan-dahan… paunti-unti… ay lumingap siya sa kaliwang bahagi ng kama. Nahigit niya ang paghinga nang tumambad sa kaniya ang natutulog na anyo ni Atty. Anthoine La Guarcho. Nakahain sa mga mata niya ang bista ng hubad nitong katawan. Mabuti na lang at mula baywang nito pababa ay natatabunan na ng kumot, pero siyento porsiyento ay nakatitiyak siyang wala itong suot na saplot sa ilalim niyon.
Pinagmasdan niyang mabuti ang mukha ng lalaki. Tunay na napakaganda ng pagkakahulma sa hitsura nito. Umangat ang kamay ng dalaga, hindi niya napigilan ang sariling paraanan ng daliri ang tulay ng matangos nitong ilong. Tapos ay dumako sa mapula nitong mga labi ang tingin niya. Napalunok si Urduja sapagkat naalala niya kung gaano kaigting humalik ang mga labi nitong iyon.
“What are you doing?” matigas na tanong sa kaniya ni Anthoine, bigla itong nagising. Matalas ang kislap na pumupulso sa bilog ng mga mata ng lalaki. Ang talim din ng tinging ipinupukol nito sa kaniya. Marahas nitong hinuli ang kamay niya upang ilayo iyon mula sa mukha nito.
“H-hinawakan lang ho kita para matiyak ko kung… kung totoong nasa tabi nga kita ngayon,” aniya.
“I’m here. Nakikita mo naman siguro.”
“Ibig sabihin, totoong may nangyari sa atin?” tanong niya pa rin kahit sigurado naman siyang mayro’n talaga.
Napahugot ito ng malalim na paghinga at bumangon. “I’m naked, and you’re naked. What else could have happened? We had s*x, yes,” direkta nitong wika.
Nalaglag ang panga ni Urduja. Kahit alam niyang may nangyari sa kanila ng binata ay bumilis pa rin ang t*bok ng puso niya nang marinig ang kumpirmasyon mula sa bibig mismo ng abogado. Gumalaw ang tapat ng lalamunan niya dahil mukhang iritado si Anthoine.
“N-nagsisisi ka ba?” tanong niya sa binata.
“Do you want an honest answer? Yes! Gusto kong kastiguhin ang sarili ko ngayon dahil hindi ko nakontrol ang katawan ko. I shouldn’t have touched you! I shouldn’t have f*cked you! D*mn it!” Naupo ito sa gilid ng higaan at naihilamos ang mga palad sa mukha.
Nasaktan si Urduja sa nakikitang reaksiyon ng lalaki. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin dito. Sasabihin ba niyang okay lang siya, o itatanong ba niya kung pakakasalan na siya nito?
Lumingap sa kaniya si Anthoine. “Don’t even think about using this to force me to marry you!” asik nito sa kaniya.
Kumuyom ang mga kamay ng dalaga sa kubrekama. Wala pa rin pala itong balak na gawin siyang legal nitong asawa. Bakit ba matigas ang pagtanggi nito sa kaniya? Bakit hindi siya sapat para rito? Sa tingin ba nito’y para siyang nalagas na tuyong dahon sa lupa na nagpipilit maabot ang mataas na sanga ng kahoy kahit imposible? Kahit sobrang tayog ng mithiing iyon?
Napayuko siya ng ulo, hindi niya napigilan ang sunud-sunod na pagpatak ng mga luha niya.
Nakita iyon ng binata kaya napaungol ito. “Huwag kang umiyak diyan, Urduja,” anito, eksasperado ang tono ng baritonong tinig.
“I-ibabalik mo pa rin ako sa poder ng mga magulang mo?” mahina niyang tanong dito, basag ang boses.
Umiling ito. “How can I afford to do that after what happened between us?”
Nakasilip ng katiting na pag-asa ang dalaga. Nag-angat siya ng mukha. “Hindi mo na ako ipagtatabuyan?” paniniyak niya.
“I’m not that heartless. Pero huwag ka pa ring umasa na pakakasalan kita dahil lang may nangyari na sa atin. But from now on, I’ll try my hardest to be good to you.”
Sapat na iyon, sa loob-loob niya. “Susubukan mo na rin bang kilalanin ako?”
“Yes,” tipid nitong tugon, matabang.
“S-sana magustuhan mo ako,” pag-asam niya.
Hindi ito nagkomento sa sinabi niyang iyon. Bumuntong-hininga si Anthoine, matiim siya nitong tinitigan sa mga mata. “Huwag na huwag kong malalaman na nagpupunta ka ulit sa nightclub at umiinom ng alak. If I catch you drinking beer again, I’ll cut your tongue out. Maliwanag ba?”
Sunud-sunod ang ginawa niyang pagtango. “Maliwanag na maliwanag. Hindi na ulit ako iinom ng alak. Magpapakabait lang ako rito. Hindi kita bibigyan ng sakit ng ulo.” Umaliwalas ang mukha niya. Huminto na ang pagdaloy ng luha mula sa kaniyang mga mata.
“And don’t tell my parents about… this. Na may nangyari na sa atin. Ako ang magsasabi sa kanila. Maghahanap lang ako ng tamang tiyempo.”
“Pangako, wala akong sasabihin sa kanila.”
“Good. Magbihis ka na at bumalik ka na sa kuwarto mo.”
“Sige po, Señorito,” tango niya.
Pagkatapos niyang magbihis ay tinungo na niya ang pinto. Nakaupo pa rin sa gilid ng kama si Anthoine. Pasimple pa niya itong nilingon. Nakatanaw ito sa labas ng salaming pader, malalim ang iniisip. Marahil ay iniisip pa rin nito ang nangyari sa kanilang dalawa.
Kahit hindi pa rin sigurado ang lugar niya sa buhay ng binata ay may kudlit ng sayang sumibol sa puso niya. Kahapon, akala niya ay matutuldukan na ang oras niya sa piling ni Anthoine. Pero ngayon, nagkaroon siya ng panibagong pag-asa.
‘Sana magustuhan siya ni Anthoine. Sana…’