Habang magkasalong kumakain sa hapag ay paulit-ulit na napapasulyap si Urduja sa binatang abogado. Seryoso at pormal pa rin ang anyo ng mukha nito, at de-numero ang bawat pagsubo ng pagkain sa bibig. Tuwid na tuwid din ang likod nito at ang linya ng malapad nitong mga balikat.
Kahit kalkulado ang bawat galaw nito ay masaya na ang dalaga. Dati, ayaw nitong kumain kasama siya. Ngayon ay hindi na ito tumatanggi. Tinatanggap na rin nito ang mga pagkaing niluluto niya kaya mas sumidhi ang gana niya sa pagserbisyo rito. Gusto niya itong pagsilbihan, alagaan, at ibigay ang lahat ng makakaya niyang ialay para rito.
“Stop staring at me, Urduja, I’m eating,” saway nito sa kaniya, marahan lang. Hindi ito nag-angat ng tingin at nakapako lang ang mga mata sa pagkaing nasa plato nito.
Umawang ang mga labi niya. Nagulat siya sa sinabi ng binata. “Ay, s-sorry ho, Señorito. Ang sarap mo po kasing panoorin habang kumakain. Puwede ka pong commercial model ng mga restaurant, tiyak na marami ang mai-engganyong kumain kapag ikaw ang nag-endorso. Sa paraan ng pagsubo at nguya mo pa lang kasi, parang sobrang malasa na ang putahe.”
“What?” Kumunot ang noo nito—hindi galit o iritado, kundi napapantastikuhan. Sa puntong iyon ay tumitig na ito sa mga mata niya, bagay na nagpalaktaw ng isang t*bok sa puso ng dalaga. “In my thirty years, I’ve never met anyone who told me I’d make a good restaurant endorser. You’re the first.”
“Totoo naman ho kasi!” giit niya, namilog ang mga mata at napakurap-kurap pa.
“Well, I didn’t say you were lying. I just said you were the first to tell me that.”
Dumoble ang pagkakaawang ng mga labi niya. Pati timbre ng boses ni Anthoine, masarap sa pandinig. Wala sa loob na nangalumbaba siya at tumitig sa mukha ng lalaki. “Ang galing mo rin hong mag-English. Kung ikaw ang professor ko, hindi talaga ako a-absent sa klase. Makikinig ako nang husto at—” Biglang naitakip ni Urduja ang palad sa tapat ng mga labi. Nagiging madaldal na ba siya? Baka mainis na naman ang señorito niya at magsuplado ulit ito. Ayaw na niyang bumalik ito sa dati.
“What’s wrong?” tanong nito nang mapansing natigilan siya.
“Baka kasi naiingayan ka na po sa akin,” kimi niyang wika.
Umangat ang mga kilay nito. “It’s fine. Basta huwag ka lang maging maingay kapag nagtatrabaho ako o natutulog.”
“Oo naman ho! Kapag busy ka po o tulog, tiyak na nakatikom nang mariin ang bibig ko.” Ngumiti siya.
Napatingin si Anthoine sa ngiting kumurba sa kaniyang mga labi, at bumilis ang pagrigodon ng dibdib ni Urduja dahil nahuli niya ang pagsungaw ng kakaibang kislap sa bola ng mga mata nito. Gusto ba nitong halikan siya? Mula no’ng gabing may nangyari sa kanila, hindi pa ulit siya hinahalikan ng binata. Sana ay muli siyang hagkan nito para malasap niya ang init ng mga labi ng kaniyang señorito.
“What am I doing?” halos pabulong lang na tanong ni Anthoine, na tila ba sinasaway nito ang sarili.
Kumunot ang noo niya. “Ano po iyon?” pang-uusisa niya rito.
“Nothing.” Itinuro nito ang plato niya. “Dagdagan mo iyang pagkain sa plato mo. Kumain ka nang marami.”
“Busog na po ako, eh.” Nalukot ang ilong niya. Mayamaya ay may naalala siya. Tumayo siya, kumukutitap ang mga mata. “Señorito, may ibibigay ho pala ako sa ’yo. Sandali, kukunin ko lang ho.” Bago pa magawang tumugon ng binata ay tumakbo na siya patungo sa service area kung saan nandodoon ang kaniyang kuwarto. Paglabas niya ay may dala na siyang maliit na notebook. Inilapag niya iyon sa ibabaw ng mesa.
“Ano iyan?” tanong ng abogado.
“Mga bagay ho tungkol sa akin. Para mas mabilis mo akong makilala.” ‘…at baka mas mapabilis ang pagkakahulog ng loob mo sa akin,’ dagdag ng maliit na tinig sa likod ng utak niya. Hindi niya itatanggi na may malaking parte ng puso niya ang umaasam na magustuhan siya ni Anthoine oras na makilala siya nito nang lubusan. Naniniwala siyang hindi naman siya mahirap mahalin. Mabait naman siya, maalaga, at hinding-hindi siya titingin sa iba. Solong-solo ng binatang La Guarcho ang puso niya. Isa pa, nakuha naman na nito ang katawan niya, kaya kung may pag-aalayan ito ng apelyido, baka siya na iyon.
Sana siya na…
Siguro naman, unang-una ang pangalan niya sa listahan ng mga babaeng nanaisin ni Anthoine na pakasalan. Siya rin ang gusto ng mga magulang at abuela nito para rito. At may nararamdaman siya para rito.
“Okay, I’ll keep this notebook,” sabi nito.
“Babasahin mo?” tanong niya, naninigurado na hindi nito itatambak lang sa isang tabi ang maliit na kuwaderno.
“Yes, babasahin ko,” tango nito.
Lumapad ang matamis na ngiti sa mga labi ni Urduja. “Kapag nabasa mo na ang mga isinulat ko riyan tungkol sa sarili ko, huwag kang masyadong humanga sa akin, ah? Baka bigla mo akong hatakin at puwersahing magpakasal, eh,” pagbibiro niya, pero ang totoo’y inaabangan niya ang magiging reaksiyon nito sa sinabi niya.
Natawa lang ang lalaki. “I’m a lawyer. I would never obtain my future spouse’s consent through violence, intimidation, or fraud. I know that could expose me to criminal liability,” anito.
Natuwa si Urduja nang hindi kinontra ni Anthoine ang tungkol sa sinabi niyang hahatakin siya at pakakasalan. Kung dati iyon, ididiin na nitong wala itong balak na maging asawa siya. Ibig bang sabihin niyon ay lumalaki na ang posibilidad na mauwi na talaga sila sa pag-iisang dibdib?
Kinilig siya.
Namimilipit ang bituka niya sa ibayong kilig. Kung wala lang sa harapan niya ang lalaki ay baka nagtatatalon na siya sa sobrang saya. Ramdam niya rin ang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi.
_____
“PARANG kakaiba ang ngiti mo ngayon, hija?” tanong ni Señora Anita La Guarcho kay Urduja. Dumalaw ang ginang sa condo unit ng anak nito. Kasalukuyan itong nakaupo sa sofa at titig na titig sa kaniya.
Marahang inipit ng dalaga ang buhok sa likod ng kaniyang kanang tainga. Imbes na mabawasan ay mas tumamis pa ang ngiting nakapaskil sa mga labi niya. “Masaya lang ho ako,” aniya.
“Nakikita ko ngang masaya ka. Bakit? Ano ang nangyari?”
“Ahm, magkasundo na po kasi kami ni Señorito Anthoine. Hindi na po siya nagsusungit sa akin.”
Napa-‘ohh’ ang ginang. “Totoo ba iyan?” manghang-mangha nitong tanong.
Sunud-sunod ang ginawa niyang pagtango. “Opo! Sobrang bait na po sa akin ni Señorito.
Humayon ang matiim na titig ni Anita sa kabuuan niya—mula ulo pababa. Walang pangmamata, at puno lang ng pagkagiliw. “Sabihin mo sa akin, ano ba ang nangyari at biglang naging maganda ang pakikitungo sa iyo ng anak kong iyon?” Tinapik pa nito ang espasyo ng sofa sa tabi nito. “Maupo ka rito, at ikuwento mo sa akin.”
Naupo naman si Urduja sa tabi ng ina ni Anthoine. “Ano po kasi… ahm—” Bago pa niya madugtungan ang litanya ay bumukas ang pinto ng unit, at pumasok ang binatang siyang paksa ng kanilang usapan.
Awtomatiko ang pagkislap ng pagkabahala sa bola ng mga mata nito. Dali-dali nitong nilapitan ang magulang. “Ma? What are you doing here?”
Nagsalubong ang mga kilay ni Anita. “Binibisita ka. Tuwing nagpupunta ako rito, kailangan bang itanong mo sa akin iyan?”
“Sorry,” anito, nasapo ang ulo, tila nakukunsumi. Nagpalipat-lipat ang tingin nito sa ina at sa dalaga. “Ano ang pinag-uusapan n’yo?” tanong nito.
“Tinatanong ko lang dito kay Urduja kung ano ang nangyari at bigla ka raw bumait sa kaniya—”
“Nothing happened!” mabilis na tugon ng lalaki.
“You sound defensive, hijo.”
Umungol si Anthoine. “Ma, I have a meeting in the office in an hour. Isasama ko si Urduja. We need to leave now.”
Napatingin ang dalaga sa binatang abogado. Bakit parang nababahala ito nang husto? Pakiramdam niya, takot na takot itong mabanggit niya ang tungkol sa gabing nalasing siya at inangkin siya nito. Akala niya, naghahanap lang ito ng tiyempong ipagtapat sa mga magulang nito ang bagay na iyon? Hindi pa rin ba nito nasasabi?
“Urduja, let’s go,” lingap sa kaniya ng binata.
Umawang ang mga labi niya. Hindi naman kasi nito sinabi nang patiuna na isasama siya sa opisina nang araw na iyon. “Nakapambahay lang ho ako at—”
“Okay na iyan. Sino ba ang pupuna sa iyo ro’n? Tara na.”
“Pero—”
“Let’s go!” matigas at matalim na nitong bigkas.
Napayuko siya. “Okay po.” Hindi niya alam kung bakit may tila malamig na kamay ang kumuyom sa puso niya. Pero base sa ekspresyon ni Anthoine, parang balewala lang dito ang nararamdaman niya. Nakatutok sa ina nito ang atensiyon.
“Ma, bibisita na lang kami ni Urduja sa inyo sa susunod,” anito.
Napabuntong-hininga si Señora Anita. May laman ang tinging ipinukol nito sa anak, tapos ay lumipat iyon sa dalaga, at bumalik kay Anthoine. “Hijo, huwag ka sanang gagawa ng bagay na ikakasakit ng kalooban ng ibang tao. Baka dobleng sakit ang maging balik sa iyo.” Pagkasabi niyon ay tumayo na ang ginang.