CHAPTER 20

1055 Words
Pagkatapos maligo at magbihis ni Urduja ay lumabas siya ng kuwarto. Wala pa rin si Anthoine sa loob ng condo. Madilim pa rin ang paligid. Tahimik. Nakagat ni Urduja ang ibabang labi. Sobrang hapdi na ng lalamunan niya at mugtung-mugto ang kaniyang mga mata dahil sa walang tigil niyang pag-iyak. Akala niya, naubos na niyang ibagsak ang mga luha kanina sa shower, pero ngayon ay nag-iinit na naman ang mga mata niya. Naiiyak na naman siya. Natutop niya ang tapat ng bibig, pilit na sinisikil ang pag-alpas ng tunog ng pagtangis mula sa kaniyang lalamunan. Napatingin siya sa nakasaradong pinto ng kuwarto ng binatang abogado. May sarili siyang susi, puwede niyang buksan iyon. Binigyan siya ng spare key ni Anthoine para tuwing ipinapatawag siya nito sa kalagitnaan ng gabi ay maaari siyang pumasok kaagad. Ngayon ay may nagtutulak sa kaniyang buksan ang pinto. Nagpadala siya sa pang-uudyok ng maliit na tinig sa likod ng utak niya. Sa kabila ng panlalamig ng kaniyang mga kamay ay nagawa niyang ipasok ang susi sa butas ng seradura. Humakbang siya sa loob ng kuwarto. Kinapa niya ang switch, pinindot iyon, hanggang sa kumalat ang liwanag. Lumipas ang mahabang sandali na nakatulala lang siya sa kawalan. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa niya ro’n. Napipiho niyang kapag nalaman ni Anthoine ang mapangahas na pagtapak niya sa loob ng pribado nitong silid nang walang permiso mula rito ay baka ito na mismo ang magsilid ng mga damit niya sa loob ng kaniyang maleta upang itaboy siya pabalik sa kung saan siya nagmula. Kailangan na niyang lumabas. Iyon ang pinakatamang gawin. Pero ayaw gumalaw ng mga paa niya. Ayaw umalis. Inilibot niya ang tingin sa paligid. Napatingin siya sa aparador. Lumapit siya ro’n at tumingala. Sa ibabaw niyon, doon ipinatong ni Anthoine ang notebook na ibinigay niya rito. Lumingap siya sa paligid, naghanap ng mapapatungan. Nakita niya ang maliit na stool. Kinuha niya iyon at ipinuwesto sa tapat ng aparador. Pumatong siya roon at inunat ang kamay. Kinapa niya ang ibabaw, hanggang sa nahawakan na niya ang kuwaderno. Kinuha niya iyon at pinagmasdan. Nanlumo siya nang makitang puno iyon ng alikabok. Ibig sabihin, hindi man lang iyon naalalang tingnan ng binata. Ang sabi ng abogado, nabasa na nito nang kaunti ang iilang nakasulat doon. “Napakasinungaling mo, Señorito,” mapait niyang anas, humalo sa hangin ang mahina at mabuway niyang boses. Parang mawawasak ang dibdib niya. Pinipiga sa sobrang sakit ang puso niya. Bakit kailangan pang sabihin ni Anthoine na nabasa nito ang kuwaderno—na babasahin nito ang mga isinulat niya ro’n—kung ang totoo’y wala pala itong interes sa pinaghirapan niyang buuin? Gumuhit ang mapaklang ngiti sa namumutla at nanginginig niyang mga labi. Kailanman ay hindi siguro talaga magiging interesado sa kaniya ang isang Atty. Anthoine La Guarcho. Muling lumitaw sa gunita niya ang imahe ng lalaki na may kasamang sopistikadang babae sa isang mamahaling restaurant. Bagay na bagay ang dalawa—isang respetadong abogado at isang eleganteng babae. Pareho ang estado sa buhay ng mga ito. Pero paano siya? Iyon ang palagi niyang tanong—paano siya? Nang yumuko siya ay sumabay din ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Pumatak sa notebook. Mariin niyang ikinuyom ang kamay kaya nalukot ang hawak niya. Kung ayaw ni Anthoine sa kuwaderno, at kung wala itong balak na basahin ang mga detalyeng tungkol at may kinalaman sa kaniya, ay babawiin na lang niya iyon. Mabuti pang nasa kaniya na lang ulit iyon kaysa itapon lang ng binata sa basurahan dahil iyon naman siguro ang tingin nito roon—basura at walang kuwenta. Hindi ba, kinuwestiyon pa siya nito kung ano ang halaga ng ‘mumurahin’ niyang notebook? Oo nga naman, ano ba ang halaga niyon? Wala. Kung ikukumpara sa mga legal na dokumento at kontratang inaaral at binabasa nito araw-araw, walang kabuluhan ang notebook niya. Pinahid niya ang mga luhang dumaloy sa kaniyang namumulang mga pisngi. Lumabas na siya ng kuwarto at ni-lock ulit ang pinto. Nagkulong siya sa sarili niyang silid pagkatapos isiksik sa pinakailalim ng maleta niya ang kuwaderno. Dumapa siya sa ibabaw ng kama, ibinaon ang mukha sa unan, at humagulhol. Gusto niyang umiyak nang umiyak hanggang sa mabawasan ang bigat na nakadagan sa kaniyang dibdib. Nagpatung-patong na ang mga bagay na nagpapakirot sa puso niya. _____ NAGSALUBONG ang mga kilay ni Anthoine nang pagbukas niya sa pinto ng condo, ang bumulaga sa kaniya ay ang madilim na unit. Walang nakabukas na ilaw. Kahit isa, wala. Nakapatay lahat. Tahimik din ang paligid. May kumalampag na kaba sa dibdib niya—kabang hindi niya tiyak kung saan nagmumula. Ang alam niya, kusang lumipad ang tingin niya sa service area. Parang may sariling utak ang kaniyang mga paa na mabilis na humakbang at tinungo ang tapat ng silid ni Urduja. Hindi agad siya kumatok. Pinakinggan niya lang kung may masasagap ang kaniyang pandinig na kahit katiting at mahinang kaluskos mula sa loob, pero wala. Bumilis ang t***k ng puso niya. Inangat niya ang kamay at sunud-sunod ang ginawang pagkatok sa dahon ng pinto ng dalaga. Malakas. “Urduja? Are you there?” tanong niya. Dumaan pa muna ang ilang segundo bago may sumagot. “S-señorito, n-nandito po ako sa loob.” Namamaos ang boses nito, na ipinagtaka niya. Ano ang nangyari rito? “Are you sick? You sound… not okay,” pamumuna niya. “O-okay lang ho ako. Sumakit lang ho kasi ang ulo ko. Itutulog ko lang ho ito at magiging okay na ako bukas.” “Are you sure?” Parang ayaw niyang maniwala. Bakit may hinala siyang may nangyaring hindi niya alam. And he wanted to know, but he had a feeling that even if he asked, Urduja wouldn’t tell him. “Opo,” tipid lang nitong sagot. Bumuntong-hininga siya. “Can I come in?” “H-huwag na ho! Medyo sinisipon din ho kasi ako ngayon. Baka trangkaso ’to. M-mahawaan pa po kita.” Gumagawa lang ba ito ng dahilan? Did she want to avoid him? Malamang ay nagtatampo ito sa kaniya sapagkat hindi niya ito isinama kanina, at may mga nasabi siya ritong hindi maganda. Hah! Fine. Kung ayaw nitong humarap sa kaniya, hindi niya ito pipilitin. Marami pa siyang kailangang asikasuhing may kinalaman sa kasalukuyan niyang problema. Kailangan niyang unahin iyon. “Alright. Rest well,” kulang sa emosyon niyang sabi at tumalikod na.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD