Pumara ng taxi si Urduja nang makita niyang lumabas mula basement parking ang kotse ni Anthoine. “Manong, sundan n’yo lang ho iyong kotseng iyon,” turo niya sa sasakyan ng binatang abogado na nasa unahan lang nila.
Tumango ang driver.
Habang tumatakbo ang taxi, hindi magawang umupo nang tuwid ni Urduja. Kalahati lang ng puwit niya ang nakalapat sa upuan, ang natitira ay nakalawit na sa hangin. Paano kasi’y tensiyonado siya, at kumakabog nang malakas ang kaniyang dibdib, na tila may naghahabulang mga daga sa loob. Ang dalawang kamay niya ay nakakapit pa nga sa likod ng sandalan ng front seat habang mulat na mulat ang mga mata niyang nakatanaw sa hulihang parte ng kotse ni Anthoine.
Pumarada sa tapat ng mamahaling restaurant ang kotse ng binata. Huminto naman ang taxi ilang dipa ang layo mula sa kung saan tumigil ang sasakyan ng abogado. Ang gusto pala nitong puntahan ay malapit lang sa condo building na tinitirhan nila.
“Dito na lang ho ako, Manong,” aniya sa driver. “Ito po ang bayad. Maraming salamat ho,” magalang niyang sabi bago siya bumaba.
Dalawang palapag ang restaurant. Moderno ang estilo. Gawa sa malinaw na salamin ang pader kaya makikita ang mga customers na kumakain doon. May parte rin sigurong pribado sa pinakaloob. Mula sa kinatatayuan ni Urduja sa labas ng establisyimento, nakikita niya ang mga eleganteng aranyang nakakabit sa kisame, at ang mga mamahaling palamuti’t kubyertos na nakalatag sa ibabaw ng bawat mesa.
Sa isang sulok, na kaya pa ring abutin ng kaniyang tingin, ay natanaw niya si Anthoine. Para sa dalawang tao ang mesang inokupa nito. May kaharap itong babae—maganda, sopistikada, at pinong kumilos. Pormal ang suot na damit ng babae: isang itim na bestidang tinernuhan ng blazer. Nakalugay ang mahaba nitong buhok. Makintab iyon.
Kumuyom ang mga kamay niya—na kasinghigpit ng nararamdaman niyang tila pagkuyom ng kung ano sa puso niya.
Una, ang sabi ni Anthoine ay gusto lang nitong huminga, tapos gusto nitong mapag-isa, hanggang sa sinabi nitong may katatagpuin itong importanteng tao. At totoo palang babae ang kasama nito.
Nasasaktan siya.
Hindi pa siya sigurado kung sino ang babaeng kausap ngayon ng binatang La Guarcho, pero sumibol ang maigting na inseguridad mula sa kailaliman ng dibdib niya. Nanliliit siya. Kiming bumaba ang tingin niya sa sarili, hinayon ng tingin ang kaniyang kabuuan. Lumang bulaklaking bestida ang suot niya. Hanggang tuhod ang haba niyon. Walang mamahaling tatak. Hindi galing sa kilalang boutique. Ngunit isa iyon sa mga paborito niya.
Wala siyang laban sa taglay na kariktan ng babaeng kausap ni Anthoine nang mga oras na iyon. Napaka-elegante nitong tingnan. Bagay na bagay ang mga ito.
Pero kung bagay ang dalawa, saan pa niya ilulugar ang sarili niya? May puwang pa bang para sa kaniya?
Mapait niyang nakagat ang ibabang labi.
Sa bawat segundong pinagmamasdan niya si Anthoine na may kasamang iba, lalong bumibigat ang dibdib niya. Ngunit nanatili pa rin siya roon, nakatitig sa mga ito. Ang mga mata niya, nakatuon sa binata, subalit ang mga mata nito ay nakatutok sa mukha ng babaeng kasama nito. Tila pinakikinggan nitong mabuti ang sinasabi rito ng kausap.
Nilamon siya ng matinding selos.
Ang kaniyang señorito ay hindi ganoon sa kaniya. Hindi sila nag-uusap nang matagal. Tuwing magkatabi sila sa kama, iyon lang ang tanging pagkakataong titingnan siya nito nang buong tiim sa mukha. Sa labas ng mga oras na iyon, palaging maikli ang pasensiya nito sa kaniya, palagi itong istrikto.
Kumuyom ang kamay niya sa tapat ng dibdib. “Señorito…” anas niya, mahapding-mahapdi ang lalamunan sa pagpipilit na huwag humagulhol.
Tila nakiramay pa sa kaniya ang panahon sapagkat biglang bumuhos ang malakas na ulan. Napatingala siya sa kalangitang nagkukulay abo dahil sa mabibigat na ulap. Nabasa na siya bago pa siya nakahanap ng masisilungan.
Sumiksik lang siya sa entrada ng isang bukas na tindahan ng mga segunda-manong damit. Pumayag naman ang dalawang babaeng nagbabantay sa puwesto na manatili siya roon. Nakatingin siya sa bumubuhos na ulan habang mahigpit na niyayakap ang sariling katawan upang maibsan ang ginaw. Malakas ang ihip ng hangin, isinasayaw ang kaniyang buhok at ang laylayan ng suot niyang bestida.
“Neng, pumasok ka rito sa loob. Naaabot ka pa rin ng ulan diyan. Nangangaligkig ka na sa lamig, o,” anang isang babaeng nagbabantay sa puwesto.
Umiling siya. “Okay lang ho ako rito. Mababasa pa po ang sahig sa loob kapag pumasok ako. Aalis na rin naman ho ako mayamaya.”
“Ha? Ang lakas pa ng ulan, hindi pa titila iyan.”
“Malapit lang ho naman ang tinutuluyan ko rito.”
“Sigurado ka ba?” paniniyak ng mga ito, nag-aalala.
Tumango siya. Wala pang limang minuto ay nagpaalam na siya sa dalawang babae. Sinugod niya ang ulan kahit malakas pa ring bumubuhos iyon. Yakap-yakap lang ng mga kamay niya ang sarili. Iyon lang ang pinakapanlaban niya sa hampas ng lamig.
Nilakad niya lang pauwi. Hindi naman ganoon kalayo, at kulang na rin ang dala niyang pera pambayad sa taxi.
Pagdating niya sa lobby ng condo building ay nagulat ang naka-duty na receptionist. “Urduja, ano’ng nangyari sa iyo? Saan ka galing? Bakit basang-basa ka ng ulan?” sunud-sunod nitong tanong.
Itinapat niya ang hintuturo sa harap ng labi. “Shh, huwag mo akong isusumbong kay Attorney. Pagagalitan ako no’n,” pakiusap niya, may kislap ng lungkot sa kaniyang mga mata.
Matagal siyang pinagmasdan ng receptionist, bago ito tumango. Naawa siguro ito sa kaniya. “O sige, sige. Hindi kita isusumbong. Pero umakyat ka na para maligo, at mapalitan na ng tuyong damit iyang suot mo ngayon. Baka magkasakit ka pa niyan.”
“Salamat ho!” Dali-dali na siyang pumasok sa loob at lumulan sa elevator. Habang umaakyat ang elevator ay nakatutok lang sa sahig ang natutulala niyang mga mata. Halos hindi siya kumurap. Hindi nga niya namalayang pumatak na pala ang mga luha niya. Napansin niya lang ang patak na bumagsak sa sahig.
Hindi maalis sa gunita niya ang imahe ng binatang abogado na may kasamang magandang babae.
Ayaw ba talaga sa kaniya ni Anthoine?
Kung ayaw nito sa kaniya, bakit pumapayag itong paulit-ulit na may mangyari sa kanila? Tuwing nasa kama sila at nasa ilalim siya ng hubad nitong katawan, ang dami nitong ibinubulong sa tainga niya. Ang sabi nito, maganda siya at mabait.
Tuwing pinag-iisa nito ang mga katawan nila, palagi nitong sinasabing ayaw nitong may makaniig pang iba at tanging siya lang ang gusto nito.
Hindi ba totoo ang lahat ng iyon? Tulak lang ba ng bibig ang mga salitang binibigkas nito, at walang tapat na timbang at kahulugan?
Pagdating sa loob ng condo unit ay dumiretso siya sa banyo at naligo. Hinayaan niyang humalo sa tubig ang mga luha niya. Nilakasan niya ang bukas ng shower para lamunin ng ingay ng lagaslas ng tubig ang tunog ng kaniyang pag-iyak.
Akala niya, kapag natutong pumintig ang puso niya ay magiging masaya siya. Pero bakit nasasaktan lang siya?