CHAPTER 9

1240 Words
“What the hell is your problem?” Nabigla si Urduja sa biglang pagsusungit ni Anthoine sa kaniya. Ano na naman ang nagawa niyang mali? “B-bakit ho?” nalilito niyang tanong. May mga emosyong nagsasalimbayan sa bola ng mga mata ng lalaki—takot? Pagkagilalas? Baka dinadaya lang siya ng mga mata niya sapagkat wala namang dahilan para matakot o makaramdam ito ng pagkagilalas. “Marami pa akong trabahong kailangang asikasuhin. Bakit hindi mo ako ginising? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang magdesisyon na hayaan akong matulog?” “Wala naman ho akong masamang intensiyon—” “Please, Urduja, huwag kang nagpapasya para sa akin. Palagi mong tatandaan—you’re just someone my parents are forcing on me. And I’m not interested in you.” Gumuhit ang kirot sa puso ng dalaga. Bakit parang labis ang pagkasuklam sa kaniya ng binata? Pati ang tungkol sa pagtulog nito ay naging issue pa. Akala naman niya ay okay lang. Mukha itong pagod na pagod kanina at masakit ang ulo nito. Bago naman niya ito hinayaang matulog ay nagtanong muna siya sa office assistant nito kung may mahalaga itong meeting. “Don’t act like a wife, okay? It’s disgusting,” sabi pa nito, halos pasikmat na. Kumuyom ang mga kamay ng dalaga dahil hindi lang masakit sa tainga ang mga ibinabato nito sa kaniya ngayon, kundi masakit din sa dibdib… sa puso. Tila punyal na tumatarak. Humihiwa. Nag-init ang mga mata niya hanggang sa nanubig ang mga iyon. “Ano, iiyak ka ngayon? Sige, umiyak ka. Kung gusto mo, mag-alsa-balutan ka na rin at bumalik ka na sa bahay ng mga magulang ko.” Tinataboy talaga siya nito. Tumiim-bagang ang dalaga at itinaas ang mukha, tumitig sa kisame. Mabisang paraan iyon upang pigilin ang luhang nag-aambang bumulwak mula sa mga mata niya. Hindi siya iiyak. Kasabay ng pagtingin niya sa kisame ay ang sunud-sunod niyang paghugot ng malalim na paghinga. Pilit niyang pinapayapa ang pumipintig sa sama ng loob niyang damdamin. “You don’t have to pretend you’re okay. Natural lang na umiyak ka. So, cry all you want. Cry it all out. Hanggang sa matuyo na ang mga luha mo. And when the tears on your cheeks have finally dried, you can stop pestering me.” Sa kabila ng mga matatalim na salitang binibigkas ni Anthoine ay pinuwersa pa rin ni Urduja na pasungawin ang ngiti sa mga labi niya. Bagaman mapait at pilit na pilit ang ngiting iyon. “Pasensiya na po, Señorito, kung hindi kita ginising agad at hinayaan kitang matulog lang. Hindi na po mauulit.” “It’s good that you know you’re wrong.” “Sorry po.” “That’s it? Just sorry? Wala ka bang ibang gustong gawin? Hindi mo ba gustong bumalik na sa bahay ng mga magulang ko?” “Wala po. Dito lang ho ako sa poder mo,” matatag niyang wika. Nagsalubong ang malalagong kilay ng abogado. “You will regret staying with me, Urduja.” “Kung ibabalik mo ako ngayon sa poder nina Señora Anita at Señor Alonso, ibig sabihin ay dapat mo akong pakasalan na. Kasi ang napag-usapan ay kailangang kupkupin mo ako sa poder mo para hindi nila ipilit sa iyo ang kasal.” “Hah.” His face twisted in disgust. Tapos ay nagdilim ang anyo ng mukha nito. “Masasaktan ka lang sa ginagawa mong ito, Urduja,” anito. “I’m going out. The air here is suffocating me.” Pagkasabi niyon ay marahas siya nito nilampasan at tinalikuran. Tinungo nito ang pinto. Para sa dalaga, ang bista ng likod ni Anthoine ay tila malamig na bloke. Blokeng naghahatid ng napakangilong lamig sa puso niya. ‘Magugustuhan mo rin ako, Señorito… Sisikapin kong magustuhan mo rin ako…’ anas ng tinig na puno ng pag-asam sa likod ng utak niya. _____ HINDI na mabilang ni Urduja kung ilang ulit na siyang sumulyap sa orasang nakakabit sa dingding ng opisina ng binatang abogado. Pagbalik nito kanina ay dinaanan lang siya nito na parang hangin at nag-focus na ito sa trabaho. Minasdan niya ito. Subsob pa rin ito sa mga dokumentong binabasa. Nakikita niya ang repleksiyon ng screen ng laptop nito sa suot nitong salamin sa mata. Puro trabaho ang nakikita niya sa mga iyon. Hindi talaga ito marunong magpahinga. Tumanaw ulit siya sa orasan—alas otso na ng gabi. Wala pa rin ba itong planong umuwi? Nagugutom na siya. Hindi naghapunan si Anthoine kaya wala ring laman ang tiyan niya. Nahihiya naman siyang magsabi ritong nagugutom na siya kanina pa. Wala siyang dalang pera. Wala siyang baong pagkain. Tumayo siya, puno ng pag-aalinlangan ang mga hakbang niya palapit dito. Tumindig siya sa harapan ng mesa ng binata. “Stay away from me, Urduja,” malamig nitong wika, hindi nag-abalang mag-angat ng mukha. Mainit pa rin ang ulo nito sa kaniya. “Señorito, h-hindi pa ba tayo uuwi?” mahina niyang tanong. Kung sisinghalan siya nito ay hindi na siya magugulat. Nang marinig iyon ng lalaki ay tumingin ito sa kaniya. Matalas kaagad ang kislap sa mga mata nito. “Pagod ka nang magpaka-dekorasyon dito? Dapat kasi hindi ka nagpapahila sa mga magulang ko kung saan ka nila gustong dalhin. Or maybe you knew they were coming here, so you agreed a little too eagerly, hmm? Tama ba ako?” Nakagat ng dalaga ang ibabang labi. Totoong nakaramdam siya ng tuwa nang sabihin ni Anita La Guarcho na nais siyang isama ng mga ito sa opisina ni Anthoine. “Hindi ka makaimik diyan dahil totoo? Tsk!” Pumalatak pa ito. Malinaw sa bukas ng mukha nito ang pang-uuyam sa kaniya. “But that’s good. Not opening your mouth is good. Manahimik ka lang diyan dahil marami pa akong ginagawa rito.” Pasimpleng sinapo ni Urduja ang tiyan. Tila may kukong humahalukay sa sikmura niya dala ng labis na gutom, subalit hindi na lang siya dumaing at piniling itikom ang mga labi. Bumalik siya sa couch at naupo. Tama ang abogado, para lang siyang dekorasyon doon. Napatingin siya sa mga nakasabit sa dingding. Napatingin siya sa floor-to-ceiling shelves na nasa isang panig ng silid. Puno iyon ng mga librong may kinalaman sa batas. Mabuti pa nga ang mga librong iyon, napapansin ni Anthoine. Pagdating kasi sa kaniya, pilit na pilit ang kakarampot na atensiyong ibinibigay nito. Dinaan na lang ni Urduja sa tulog ang paghilab ng tiyan niya. Nagising siya sa matigas na boses ni Anthoine. Nagmulat siya ng mga mata. “Kung hindi ka pa tatayo riyan, iiwan kita rito,” bigkas nito, mariin. “Ha?” Dali-dali siyang tumayo kahit tila may isang parte pa ng utak niya ang hindi pa tuluyang nagigising. Napilitan siyang kumilos. Naunang lumabas ng opisina si Anthoine. Nakasunod siya rito. Lakad-takbo ang ginagawa niya upang magawa niyang umagapay sa malalaking hakbang ng mga paa ng binata. “Walk faster,” sabi pa nito sa kaniya, iritado. “Opo, Señorito. Binibilisan ko naman ho ang paglalakad.” Paglulan nila sa loob ng kotse nito, muling humapdi ang sikmura niya. Tumingin siya sa binata. Ilang beses muna siyang lumunok bago niya ibinuka ang bibig. Gusto niyang humiling dito na ibili siya ng kahit bibingka na itinitinda ng mga nakapuwesto sa gilid ng kalsada. Okay na okay na iyon sa kaniya. “Señorito—” “I’m driving, don’t disturb me,” anito, pasuplado. Napayuko na lang siya. Mukhang mabubusog naman pala siya ngayon—mabubusog sa labis na sama ng loob.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD