“MAY PUPUNTAHAN ka ba ngayon?” nagtatakang tanong ni Yaya Teresa kay Bettina nang mapansin nitong aligaga siya ng umagang iyon.
“Ngayon po ang interview ko sa Antigua Navigations,” tugon ni Bettina habang sinisipat ang kanyang mukha sa compact mirror.
“Anong oras ba iyon, iha?”
Isinara ni Bettina ang kanyang salamin at ibinalik ito sa kanyang shoulder bag. “Mamayang ten pa po iyon. Pero kailangan ko ng umalis ngayon para hindi ako maabutan ng traffic,” katwiran niya.
“Gano’n ba? Halika na at ihatid na kita sa labas. Baka naghihintay na sa iyo si Dario,” wika ni Yaya Teresa at hinila pa nito ang kamay niya.
Pagdating nila sa labas ay naghihintay na roon si Manong Dario.
“Alis na po ako, yaya,” sambit ni Bettina saka hinalikan sa pisngi ang yaya niya bago siya sumakay.
Eksaktong nine-thirty nang dumating siya sa Antigua Towers. Nagmamadaling tinungo niya ang kinaroroona ng elevator. Sa pagmamadali niya ay hindi sinasadyang may nabangga siya. Sa lakas ng impact ay nahulog ang dala niyang folder at shoulder bag. Nagliparan sa sahig ang mga dokumento na laman ng folder niya. Dali-dali niya itong dinampot. Nang sulyapan niya ang bumangga sa kanya ay napansin niya ang isang matangkad at guwapong lalaki na nakayuko sa kanya.
“Sorry,” wika lang nito saka siya nilagpasan.
Gusto sanang murahin ito ni Bettina ngunit pinigilan na lang niya ang sarili. Hindi man lang kasi siya tinulungan nitong pulutin ang mga nahulog niyang gamit. Guwapo nga ang lalaki pero bastos naman.
Pagkatapos niyang mapulot ang mga nagkalat niyang papel ay dumiretso na siya sa elevator. Pagdating sa thirty-six floor ay dumiretso siya sa naroong receptionist. Pinaghintay siya ng receptionist sa labas ng opisina ng taong mag-i-interview sa kanya. May nadatnan na rin siyang tatlong aplikante roon. Malamang sila ang pagpipilian para sa posisyon. Natatandaan niyang mahigit sampu silang aplikante noon. Ngayon ay apat na lang sila na mai-interview.
Habang naghihintay na tawagin siya ay nagsisimula na rin siyang kabahan. Nang siya na ang pinapasok sa opisina ay kabadong-kabado na siya.
Pagpasok niya sa loob ng opisina ay halos himatayin siya. Ang lalaking nakaupo sa swivel chair ay kamukha ng lalaking nakabangga niya kanina sa may elevator. Ang kaibahan nga lang ay naka-black suit ito at hindi navy blue na katulad ng nakita niyang suot nito kanina.
Nang mapatingin siya sa nameplate nito sa ibabaw ng mesa ay napakunot ang noo niya nang mabasa ang pangalan nito – Cyrene Railey V. Antigua, Vice President and CEO.
Pamilyar sa kanya ang pangalan nito. Parang narinig na niya iyon. Hindi lang niya maalala kung saan at kailan.
Tumikhim siya. “G-good morning, Sir,” kinakabahang bati niya rito.
Nag-angat ng tingin si Mr. Antigua mula sa binabasa nitong papel. “Please sit down,” seryosng sabi nito at iminuwestra ang upuan sa harap ng mesa nito.
Agad naman siyang umupo.
“So, you are Miss Bettina Aizen Lantano?” tanong nito.
“Yes, Sir,” tumatangong sagot niya.
“Can you tell me something about yourself aside from those written in your resume?”
Hindi na kailangang mag-isip pa ni Bettina ng isasagot dito. Pagbukas pa lang ng bibig niya ay kusang lumabas ang mga salitang kabisadong-kabisado na niya. Sino nga ba naman ang higit na makakakilala sa kanya kung hindi ang sarili din niya? Pero siyempre iniwasan niyang banggitin ang tungkol sa kaugnayan niya sa CL Shipping Lines. Mahirap na baka lalong hindi siya matanggap kapag nalaman nito ang pinagmulan niya.
“Impressive!” sabi ni Mr. Antigua matapos niyang sagutin ang tanong nito.
“Thank you, Sir,” nahihiyang tugon ni Bettina.
“Okay. Tell me, why did you apply in this company?” panibagong tanong nito.
Inaasahan na ni Bettina ang tanong na iyon. May naihanda na rin siyang sagot para dito. Kaya lang panay kasinungalingan ang nabuo niyang sagot. Hindi niya sana gustong magkaila pero wala siyang magagawa dahil iyon ang utos ng Daddy niya.
Pinilit na lang niya itong sagutin sa paraang hindi mahahalata na nagsisinungaling siya. Pinilit niyang gawing convincing ang kanyang sagot sa tanong nito.
Tumango-tango lang si Mr. Antigua pagkatapos niyang magsalita. “The Human Resources Department will call you again if you are hired for the position. For now, you may go on your way,” sabi nito.
“Thank you, Sir. Thank you for your time,” wika ni Bettina bago siya tumayo at lumabas ng opisina nito.
Paglabas niya ay wala na roon ang mga kasama niyang aplikante. Mukhang umuwi na ang mga ito. Nang makita siya ng HR personnel ay sinabihan siya nitong tawagan na lang daw siya kapag natanggap siya sa trabaho. Nagpasalamat naman siya rito bago siya nagtungo sa elevator.
Mag-isa lang niya sa elevator kaya sumandal siya sa dingding at pumikit siya. Naglalaro sa kanyang isipan ang mukha ng lalaking nakabangga niya sa may elevator. Kamukhang-kamukha ito ni Mr. Antigua. Pero bakit kaya hindi siya nito namukhaan? To think na nag-sorry pa ito sa kanya kanina. Wala namang dalawang oras ang dumaan mula ng mabangga niya ito at nang magkaharap sila sa opisina nito.
Ganoon na ba makalilimutin si Mr. Antigua? Ang bata pa nito, ah. Tantiya niya ay nasa late twenties lang ito, kung hindi man early thirties. Bata pa ito para maging ulyanin. Unless noong nakasalubong niya ito ay may ibang iniisip ang CEO ng Antigua Navigations., malamang makalimutan nga siya nito.
Nagbukas siya ng mata. Nang sulyapan niya ang mga mata ay napatingin siya sa elevator keypad. Nasa twenty-one floor pa lang ang elevator. Malayo pa siya sa ground floor.
Binuksan niya ang kanyang shoulder bag at kinuha roon ang compact mirror. Ilang sandali niyang pinagmasdan ang sarili sa salamin. Hindi niya mapigilang mapailing.
Madali lang sigurong kalimutan ang mukha niya. Hindi naman siya kasingganda ng mga kandidata sa mga beauty pageant. Ang height lang naman niya ang pang-pageant pero hindi ang mukha niya. Hindi maamo ang kanyang mukha. Fierce, iyon ang description sa kanya ni Elaine, ang nag-iisa niyang naging kaibigan sa buong buhay niya. Anak ito ng kapitbahay nila na nag-migrate na sa US pagka-graduate nila ng high school.
Isa pa’y sobrang puti niya. Para siyang binalatang sibuyas. Kaya nagmumukha siyang maputla at animo’y walang dugo. Kung itatabi nga siya sa mga magulang niya ay malayo ang itsura niya sa kanila. Maputi din naman ang Daddy niya, mas maputi nga lang siya rito. Pero ang Mommy niya ay kayumanggi. Bukod doon wala talaga siyang pagkakahawig sa mga features ng mga umampon sa kanya.
Ilang sandali pa ay bumukas na ang elevator. Paglabas niya rito ay nag-uunahan ang mga tao na pumasok sa loob. Kaya muntik na siyang maipit rito.
Nakaramdam siya ng panunubig kaya nagpasya siyang pumunta sa CR. Tinanong niya sa may reception kung nasaan ang CR ng building.
Pagkatapos maituro sa kanya kung nasaan ang CR ay tinalunton niya ang daan papunta roon. Nakayuko siya sa kanyang dinadaanan kaya hindi niya agad napansin ang nasa harapan niya. Pag-angat niya ng tingin ay muntik na siyang mapasigaw. Mabuti na lang at natakpan niya agad ang kanyang bibig.
Ilang hakbang na lang ang layo niya sa CR ng mga babae nang matuon ang kanyang mga mata sa dalawang nagmi-makeout sa labas nito. Namukhaan niya ang babae – ito iyong nasa reception noong una siyang pumunta dito sa opisina ng AN. Pamilyar din sa kanya ang mukha ng lalaking kasama nito. Kamukha nito si…Mr. Antigua?
Biglang napasulyap sa kanya ang lalaki. Nakakunot ang noo nito nang mapatingin sa kanya.
Kamukha nga nito ang lalaking nag-interview sa kanya kanina. Pero napansin niyang iba ang suot nito, naka-navy blue ito na business suit. Hindi kaya…ito iyong nabangga niya kanina malapit sa elevator?
What the f!