Paluwas na kami ni Dax ng Maynila ngayon dala ang weding gown na binili namin ni Mama kanina. Hindi ko maalis ang ngiti sa labi ko dahil hindi pa rin ako makapaniwalang napapayag namin ang pamilya ko.
“Ako nang bahala sa mga alahas mo,” sabi ni Dax dahil alam niyang simple lang ang pinili kong gown. He said he wanted me to be the most beautiful bride.
May sasabihin sana ako kay Dax nang biglang mag-ring ang phone niya. Hindi ko alam kung sasagutin ko ito dahil siya ang nagmamaneho ng kotse. Nanahimik na lang ako habang naririnig namin pareho ang ringtone niya.
“Could you please answer the phone for me?” malambing na sabi niya kaya kinuha ko agad ‘yung phone at dito natigilan pagkakitang Gonzales na naman ang pangalang nasa screen. Bumagsak ang balikat ko at ngayon lang bumalik sa akin ang tungkol sa kanya.
“Are you sure?” iniharap ko ‘yung screen ng phone niya sa kanya dahil baka magbago pa ang isip niya.
Gonzales.
Mabilis na tiningnan ni Dax ang screen ng phone niya bago binalik ang tingin sa daan. “Baka importante,” dagdag ko pa kahit may kirot sa loob ko.
“You can answer it for me,” confident si Dax nang sabihin niya ito. Para bang gusto niyang ipakita na wala siyang tinatago sa akin.
Kaya naman sinagot ko ito gaya ng gusto niya.
“Hello? This is Reign Valderrama, Daxon’s wife.”
Natahimik ang tao sa kabilang linya. Hindi yata inasahan na ako ang sasagot sa kanyang tawag.
“H-Hello?” malat na boses ng babae ang narinig ko maya-maya. “Kasama mo ba si Dax? Please pakibigay ‘yung phone sa kanya.”
Richelle Gonzales.
At Dax din talaga ang tawag niya ah. Sino ba siya sa akala niya?
Nanginig ang kalamnan ko sa mga binitiwan niyang salita lalo na sa tonong ginamit niya. Hindi ko pa man siya nakikita ay ramdam ko nang hindi kami magkakasundo. Ayaw ko sa lahat ‘yung mga taong paawa o pa-victim. Sa boses niya kasi ay parang iyon ang pagkataong gusto niyang ipakita.
Siguro’y dahil na rin ito sa iba ako sa kanya. Mahirap para sa akin buksan ang sarili ko sa iba. Lalo na ang pagbahagi ng mga sugat ko sa pamilya ko o kay Dax. Mas gusto kong nakikita nila akong matatag o matapang.
Suminghot siya na para bang umiiyak pa. “Please… alam kong katabi mo siya. Parang awa mo na… pakibigay sa kanya ang phone.”
But I could sense that this woman’s different. Alam niyang gamitin ang awa as a leverage kaya dapat akong mag-ingat sa kanya.
“Ms. Gonzales, I’m sorry but my husband is driving. If this is really urgent, pwede mo namang sabihin sa akin para masabi ko sa asawa ko kaagad,” habang sinasabi ko ito kay Richelle ay nakatingin ako kay Dax. Binibigyang diin ko ang salitang ‘husband’ at ‘asawa’. Hindi naman siya napalingon sa akin kahit narinig niya ang mga sinabi ko. Akala ko kasi ay aagawin niya ang phone ko dahil parang inaaway ko ito.
May narinig akong tunog ng pagbasag bago naputol ang tawag. Hindi ko alam kung saan iyon nanggaling pero nagkibit-balikat na lang ako. Inintay kong tanungin ako ni Dax tungkol sa pagtawag ni Richelle kaya lang sa ilang minutong lumipas, hindi siya nagsalita tungkol dito.
Pagtingin ko sa phone ni Dax, plain black background lang ang wallpaper niya. Wala ring masyadong apps dito. Parang hindi pa nga yata siya nakakapag-download ng kahit na ano. Hindi ko na tinangka pang buksan ang messages niya dahil privacy niya iyon pero may napansin nga lang ako na ipinagtaka ko.
“Talagang walang password ang phone mo?” pinatay at bukas ko ito para masigurado.
“Oo, pag urgent kasi ayoko nang maabala pa sa pag-input ng password.”
“Pero mahalaga ang password, paano kung may makakuha ng phone mo? Baka marami pa namang importanteng bagay na nandito at madali lang nilang magalaw.”
“I can just ask an investigator and my lawyer to look into it if ever that happens.”
Tumawa ako. “You don’t have to go that far kung sa simula pa lang, poprotektahan mo na ang iyo.”
Base sa phone niya, dahil pareho ang mayroon kami, alam kong may facial-recognition technology ito. Kaya animo may bumbilyang lumitaw sa ibabaw ng ulo ko.
“Let’s set up your Face ID!” pag-aya ko. Hindi ko pa rin ito nasusubukan pero sabi nga, there’s always a first in everything.
Ayaw sana ni Dax pero pinilit ko siyang itabi muna ang sasakyan para ma-set up namin ito. Pagkatapos ng ilang click sa phone niya, itinaas ko ito ng pa-portrait sa harapan niya. Natawa pa ako kasi ang cute niya habang sumusunod sa anumang direksyong ibigay ko. Siguro’y ilang minuto lang ang tinagal bago kami natapos sa pag-set up at nang subukan niyang buksan ‘yung phone niya, iniharap lang niya ‘yung mukha niya rito at nag-unlock na.
Dahil successful sa kanya, ginawa ko rin ito sa phone ko na ikinatuwa ko. Kaya maging ako, mukha na lang ang kailangan para makapag-unlock ng phone.
“Mas madali ‘di ba?!” masayang tanong ko kay Dax at pagbaling ko ng tingin sa kanya ay humagalpak ako ng tawa.
Paano ba naman ay naabutan kong nakanguso ito sa harap ng phone niya. I can guess that he was trying to create different facial expressions to check the accuracy of the Face ID. Pinanuod ko siya at dahil para siyang bata sa ginagawa niya ay nagnakaw ako ng isang litrato. Sumakto pa sa abot taingang pag ngisi niya. Minsan ko lang siyang makitang ganito kaya gusto kong magkaroon ng remembrance.
Abala ako sa sarili kong phone nang iabot ni Dax bigla ‘yung phone niya sa akin. “Set up yours as well,” binukas-sara ko ‘yung mga mata ko sa kanya. Hindi ko lang nakuha ‘yung sinabi niya. “Para pag gusto mong buksan ang phone ko, madali na lang.”
I have no idea why but he just gave me butterflies again. Kinagat ko ang labi ko para mapigilan ang pagngiti bago kinuha ang phone niya. Ganito ba kalaki ang tiwala niya sa akin para hilingin niya ito? And is he really not trying to hide anything?
“Sabagay…sige, para maprotektahan ko ‘yung akin,” Sana’y nakuha niya ‘yung ibang kahulugan ng sinabi ko.
I was busy setting up my Face ID in his phone when he suddenly grabbed my phone. Akala ko kung anong gagawin niya kaya natigilan ako.
Aba’t nauna pa siya sa akin mag-set up ng Face ID sa phone ko!
“Para maprotektahan ko rin ang akin.” Nag-init ang pisngi ko dahil nakuha pala niya ang ibig kong iparating.
Napailing na lang ako at natawa sa malaking pagkakaiba ng Dax na kasama ko ngayon sa Dax na una kong nakilala. I can’t believe a man can change overnight!
Ilang minuto rin kaming nanatili sa tabing kalsada para sa Face ID nang mapansin ko ang ganda ng tanawin sa labas. Sa tulay pala kami huminto. Kitang-kita sa pwesto namin ‘yung malawak na dagat. Tuloy ay naalala ko ‘yung huling beses na pagpunta ko sa beach. Matagal na rin iyon kaya na-miss ko bigla ngayon. Laking dagat pa naman ako.
“Punta tayo ng beach pagkatapos ng kasal,” nasabi ko kay Dax at nang akala ko’y tatanggi siya agad dahil sa trabaho ay iba ang naging sagot niya.
“Where do you want to go?” tanong niya at dahil dito parang tumataba ang puso ko.
“Are you sure? It’s Monday,” paalala ko sa kanya dahil baka nakalimutan niya ito. “Sa Palawan ko gustong magpunta pero ‘di ba ang sabi mo hindi tayo pwedeng umabsent? Am I gonna be fired for this boss?”
He chuckled. “Okay, we’ll go there after the wedding. Wala pa naman tayong napipiling puntahan para sa honeymoon.”
Nag-init ang pisngi ko dahil sa huling salitang binanggit niya. “H-Honeymoon?”
Nakakalokong ngiti ang binigay niya bago pinaandar ang sasakyan. Hinintay ko ang sagot niya pero parang hindi ata niya naintindihan na nagtatanong ako. It was not a mere reaction!
“I was not informed that there will be a honeymoon!” parang batang reklamo ko.
“Do you want to go to Palawan?”
“Yes!”
“Then we’ll have our honeymoon.”
Kumunot ang noo ko at natawa na lang dahil napagdugtong niya talaga ang dalawang magkaibang bagay. Siguro ayos na rin ito para mas mapalapit kami sa isa’t isa. Alam ko namang iyon ang gusto kong mangyari kaya hindi na ako nagbigay pa ng ibang komento.
Kinuha ko ‘yung phone niya at tinapat ang mukha ko rito. Binuksan ko ito para tingnan ang playlist niya. Gusto kong magpatugtog dahil malayo pa ang byahe namin. Kaya lang wala akong nakitang kahit anong tugtog dito.
“Wala ka bang hilig sa music? Ano bang bet mong mga tugtugan? Maka-OPM ka ba?” sunod-sunod na tanong ko pero natahimik lang siya. “Fine, dahil no comment ka, no choice ka rin. OPM tayo ngayon.”
Nilabas ko ang phone ko. I connected it to the speakers of his car at pagkatapos ay pumunta sa Spotify. May playlist na ako rito for OPM songs at ni-click ko ito.
Saktong tumugtog ang “Rainbow” na isa sa mga gusto kong kanta ng South Border noong nagaaral pa lang ako. Kaya instrumental pa lang, alam ko na kung anong kanta ito. Nakahanda na akong sabayan ito para hindi maging boring ang byahe namin pabalik ng Maynila.
“I dedicate this song to you!” itinapat ko ‘yung phone ko sa bibig ko at ginawa itong parang mic. Hinarap ko si Dax habang ang buong atensyon niya ay nasa kalsada at sasakyang minamaneho niya.
“Falling out, falling in, nothing's sure in this world no, no,” itinapat ko kay Dax ‘yung mic para kantahin niya ang sunod na linya pero umiling lang siya. “Hindi mo ba alam ‘yung kanta?”
“I can’t sing.”
“Everyone can sing. Hindi nga lang lahat magaling,” humagikgik ako. “Naririnig mo naman siguro ako ngayon,” I can sing but I’m not a good singer.
Bumalik ako sa pagkanta nang hindi na magsalita si Dax dahil paborito ko ang sunod na linya. “Say goodbye, say hello to a lover or friend, sometimes we never could understand why some things begin then just end...”
Binaba ko ‘yung bintana ng kotse at hinayaan kong pumasok ang malamig na hangin galing sa labas. Napapikit ako habang tumatama ito sa balat ko. Pagtingin ko kay Dax ay ginaya rin pala niya ang ginawa ko. Nakapatong ang siko niya sa bukas na bintana habang nakahawak sa labi ang ilang daliri niya na para bang nagpipigil ito ngayon ng ngiti. Isang kamay lang ang gamit niya sa manibela.
Umangat ang magkabilang dulo ng labi ko at alam kong labas ngayon ang dimples ko dahil sa sobrang saya ko. Parang gusto kong tumigil na lang dito ang oras kung kailan sobrang gaan lang ng lahat.
“Take a little time baby! See the butterflies colors! Listen to the birds that were sent to sing for me and you! Can you feel me?! This is such a wonderful place to be!” Hinilig ko ang ulo ko kay Dax at narinig ang mahinang paghalakhak nito dahil sa pilit kong itinataas ang pagkanta kahit hindi ko naman maabot at pangit pakinggan.
Itinapat kong muli ‘yung phone ko sa bibig niya at nagbakasakaling sasakyan na niya ang trip ko ngayon. At naramdaman ko na lang na para bang natutunaw ang puso ko nang marinig ko ang malalim na boses niya.
“Even if there is pain now… everything would be all right. For as long as the world still turns there will be night and day…” huminto rin agad si Dax na para bang nahiya kahit ang ganda ng boses niya. Pero sapat na ito para patigilin ang mundo ko.
Kung kailan at paano nagsimulang mahulog ang loob ko kay Dax ay hindi ko rin alam.
There's a rainbow always after the rain
Dahil hanggang ngayon, patuloy pa rin akong nahuhulog. Kung gaano kalalim ay malalaman ko pa lang.
***
Kulog ng kulog ang tyan ko kaya nagkunwari na lang akong tulog.
Nakakain naman kami ng lunch bago umalis ng bahay pero ang dali ko pa ring nagutom. Kaya ngayong nasa Maynila na kami at ilang minuto na lang makakarating na sa bahay nila Dax, ito na naman ang tyan ko’t nageeskandalo.
Na-traffic kami ni Dax kaya malapit nang lumubog ang araw. Hiyang-hiya ako ngayon kaya mas gusto kong matulog na lang. Gusto ko lang naman maging maganda kapag magkasama kami ni Dax pero bakit parang ang hirap. Parang lagi kong ipinapahiya ang sarili ko.
“What do you want to eat?” tanong ni Dax sa akin kaya naman nagising agad ako.
“Samgyup!” Nahampas ko pa ang braso niya sa tuwa.
“Akala ko ba tulog ka?” nangingiting tanong niya.
“Narinig ka ng tyan ko kaya ginising ako nito,” walang kwentang sagot ko pero nagpatawa sa kanya. Nagipon na lang ako ng hangin sa bibig ko at nanahimik dahil baka ano pa ang ibang masabi ko.
Tumingin muna ako sa phone ko para ma-check kung may bago akong messages. Pero wala pa rin. Wala pa ring balita kay Miguel. Walang bagong posts sa f*******: niya. Hindi ko rin naman alam ang number niya kaya hindi ko siya matawagan bukod sa messenger.
Nagaalala na lang ako ngayon sa kanya. Ano kayang nangyari sa lalaking ‘yon at basta na lang hindi nagparamdam sa akin? Hindi talaga ako sanay na ganito siya, dati kasi ay halos araw-araw kaming magkausap, nangangamusta siya o ‘di kaya nagse-send ng random quotes or memes.
Inalis ko na lang muna siya sa isip ko dahil mas nagugutom lang ako.
Ilang minuto lang ay nakarating na kami ni Dax sa Samgyupsal. Isa ito sa gusto kong puntahan sa Maynila kasama si Joaquin pero dahil sa mga nangyari ay hindi na ito natupad. Kaya ngayon ay takam na takam talaga ako. May Joaquin man kasi o wala, nakaplano talaga akong kumain dito.
Pagpasok namin sa loob ng Samgyupsal ay humanap agad ako ng bakanteng lamesa. Nauna akong maupo rito at kasunod ko naman si Dax. Pagkaabot ng menu ay ako na ang nagturo ng pagkain dito, tinanong ko si Dax pero hinayaan lang niya ako kaya naging mabilis lang ang pag-order namin. Hihintayin na lang namin ma-serve ito.
“You’re really an easy woman…” Sinimangutan ko si Dax. “I mean, you’re easy because you know who you are and what you want. Hindi mo na kailangan pang magdalawang isip kapag nagdedesisyon para sa sarili mo hindi gaya ng iba na simpleng pagkain lang hindi pa makapili.”
“Bakit naman kasi gagawing mahirap ang mga bagay-bagay. Decision-making is easy if you really understand what you want,” which I know is not always the case for me. Minsan kahit alam mo ang gusto mo, ang dami mo pa ring factors na kino-consider. “And you also need to have strong self-love.”
“Sana maging magkaibigan kayo ni Bobbie. ‘Yan kasi ang problema niya madalas. Ginagawa niyang kumplikado lahat dahil hirap siyang magdesisyon para sa sarili.”
“Baka naman kasi nasanay siya na hindi siya nakakapagdesisyon para sa sarili niya. Sa amin kasi sa bahay, you need to have strong opinions. Hindi pwede ang go with the flow lang kung hindi ay mahihirapan ka talagang makasabay. Lalo na ako, ako lang ‘yung naiisang babae. Kung hindi ko ipaglalaban ang mga gusto ko, mauuwi ako sa gusto ng mga kuya ko.”
Tumango-tango siya na para bang naiintindihan ang sinasabi ko.
“But still, you should learn how to stop being impulsive,” pangaral niya sa akin at tumango lang ako dahil gutom na ako. “Iyon naman ang maganda kay Bobbie, pinagiisipan niya nang mabuti bawat desisyon niya sa buhay.”
May point din naman siya. Siguro iyon na rin ang maituturing kong weakness. Masyado kasi talaga akong impulsive.
“Kung hindi ako impulsive, wala siguro ako ngayon sa harapan mo,” sabi ko at nahuli kong nangiti siya. Tingin ba niya magkikita kami kung hindi ako naging impulsive at nagpunta talaga ako sa Maynila para makipagkita sa ex ko?
Nag-ring ang phone niya pero naka-silent ito kaya nag-vibrate lang sa lamesa. Hindi ko nakita kung sino ang tumatawag dahil tinalikod lang niya ang kanyang phone at hindi pinansin. Medyo kinabahan na ako dahil malakas ang kutob ko na kilala ko kung sino ang tumatawag.
Dumating naman agad ‘yung pagkain kaya hindi na kami nakapagusap pa. Pagkababa ng lahat ng side dishes at meat na napili ko, kinuha ni Dax ‘yung meat strips at inilagay ito sa ibabaw ng grill plate. Pinagmasdan ko lang siya habang ginagawa niya ‘to dahil hindi pa rin ako makapaniwala na kasama ko siya rito.
“Why?”
“Wala lang. Parang ibang tao ka lang nitong nakakaraan.”
“And is that a good thing for you?”
“Oo naman! Kung alam mo lang kung gaano ka ka-intimidating noon, sasangayon ka rin sa akin ngayon.”
“Parang sanay ka naman na sa mga kapatid mo,” sabi niya at naisip ko agad si Kuya TJ. Muntikan na akong matawa.
“They’re just really protective pagdating sa akin. Pero kapag mas nakilala mo sila, malalaman mo na mabait naman sila at masayang kasama.”
“Nakasundo rin ba nila ‘yung mga naging boyfriend mo noon?” binaliktad niya ang niluluto. Parang kung titingnan ay wala siyang interes sa kanyang binabatong tanong.
Lumukot ang noo ko. “First boyfriend ko si Joaquin at ‘yung apat na taong relasyon namin online lang. So technically, parang wala pa talaga akong nagiging boyfriend.”
“Then good,” parang nakuntento siya sa sagot ko. “There won’t be anyone else.”
Napalunok ako. Hindi ko inasahan ang sinabi niya. Tuloy ay halos hindi ko maibukas ang bibig ko.
“T-Totoo ‘yan. Istrikto kasi talaga ‘yung pamilya ko. Maswerte ka na’t hinayaan ka nilang isama ako. Pero nagdududa talaga ako kung pumayag ba talaga sila Kuya na magpakasal ako sa ‘yo. Baka sila Mama at Papa ang nasunod kaya wala silang nagawa.”
Magsasalita pa lang sana siya nang mag-vibrate ulit ang phone niya. Parang kanina pa ito tumatawag kaya kinuha na niya. Napatitig muna siya sandali sa screen nito bago sinagot ang tawag.
“Hello?” umigting ang panga niya habang nakakikinig sa kausap sa kabilang linya. Para bang may seryosong siyang pinakikinggan ngayon.
May kaba sa loob ko na unti-unting nabubuo dahil dito. Hindi ko alam kung paranoid lang ba ako. ‘Yung usok ng niluluto ay humaharang sa paningin ko ngayon pero tumitig lang ako kay Dax.
“Okay. Wait for me,” sabi niya bago binaba ang tawag.
Tumayo siya at para bang nakalimutang kaharap niya ako. Akmang aalis na siya nang habulin ko siya’t hawakan sa braso para pigilan. Ito na ‘yung kaba ko na bumalot sa buong katawan ko.
“Saan ka pupunta?” tanong ko pero nakangiti pa rin.
“Ipapasundo na lang kita kay Harold. Sorry…” yumuko siya.
“Saan ka nga pupunta?” parang madaling-madali siya.
“I’m sorry-”
“Don’t say you’re sorry! Sabihin mo lang kung saan ka pupunta!” naputol na ang pasensya ko.
Pilit kong binasa ‘yung mga mata niya nang hindi siya magsalita at isang pangalan lang ang pumasok sa isip ko. Ito na naman ‘yung kurot sa dibdib ko.
“Hindi ba pwedeng iba na lang ang papuntahin mo?” My voice cracked.
“I’m sorry…” sabi niya ulit bago inalis ang pagkakahawak ko sa kanya at naglakad papalabas ng pinto. I’ve never felt this kind of pain before – ‘yung may halong selos at inggit dahil iba ang pinipili niya. Akala ko kasi okay na e, ako na ‘yung kasama niya.
Wala sa sarili’y bumalik ako sa pagkakaupo. Nang makitang nasusunog na ‘yung isinalang ni Dax ay hinawakan ko ito agad gamit ang mga daliri ko para alisin sa grill. Kaya napaso ako’t napasigaw ng malakas. May lumapit agad sa akin para tingnan ang nangyari.
“Ma’am nasaktan po ba kayo?!”
Oo! Sa sobrang sakit ay nakakamanhid!
Richelle Gonzales. Ano pa bang kailangan mo kay Dax?