UMAGANG-UMAGA ay nagambala ang tulog ni Maurice dahil sa malakas na tunog ng kaniyang cellphone na nakalagay sa ilalim ng kaniyang unan. Tinatamad siyang sagutin ang tawag dahil inaantok pa siya dulot ng madaling araw na siyang nakatulog. Hanggang sa napagod na lang ang tumatawag at tumigil na ito.
Inis na dinukot ni Maurice ang cellphone sa ilalim ng unan at nang tingnan niya kung sino ang tumatawag ay nanghinayang siyang hindi niya nasagot iyon. Ang nagtatangkang kausapin siya ay ang bestfriend niyang si Jean.
Nami-miss na niya si Jean dahil dalawang buwan niya na itong hindi nakikita. Ito na marahil ang pinakamatagal nilang hindi pagkikita sa loob ng maraming taon na naging mag-bestfriend sila. Kahit kailan ay hindi niya inasahang magkakalayo silang dalawa dahil halos hindi sila mapaghiwalay.
Iginala ni Maurice ang paningin sa kaniyang napakalawak na silid. Isang buwan na siya ngayong araw sa bahay na ito at nababagot na siya sa kaniyang buhay dahil naging limitado ang kaniyang mga galaw. Wala siyang ibang ginawa kundi ang sayangin ang kaniyang oras sa mala-palasyo na bahay kung saan siya ngayon. Ito na ang kaniyang bagong buhay magmula nang umalis siya sa kompanya ng kaniyang kapatid.
Nang matuklasan ni Maurice ang mga dukomentong may kinalaman sa kaniyang tunay na pagkatao mahigit dalawang buwan na ang nakakaraan ay mag-isa niyang hinanap ang mga kasagutan at iba pang mga detalye. Nakiayon naman sa kaniya ang panahon kaya naman sa loob lamang ng isang buwan ay natagpuan niya ang kaniyang tunay na magulang.
Ang kaniyang ina ay natagpuan niyang sa Eden Garden Cemetery nakalibing. Ang kaniyang ama naman ay may iba na ring pamilya at mayroon siyang tatlong kapatid dito, bale dalawang lalaki at isang babae.
Sa ngayon wala pa ring kamuwang-muwang ang kinalakihang pamilya ni Maurice na alam na niya ang totoo. Ang buong akala ng mga ito ay nasa ibang bansa siya at ini-enjoy ang kaniyang buhay dalaga. Ngunit ang katotohanan ay nasa isang sulok lang siya ng Maynila at nakatira sa bahay na pagmamay-ari ng kaniyang tunay na ama.
Masakit man ang dahilan kung bakit siya napunta sa pamilya ng mga Monteverde. Ang katotohanan na inabandona silang mag-ina ng kaniyang ama at ipinagpalit sa babaeng nanggaling sa mayamang angkan na siyang makakatulong sa pagtakbo nito sa larangan ng pulitika. Ngunit ano pa man ay hindi niya magawang magtanim ng galit sa kaniyang ama. Mas nangingibabaw iyong pagmamahal niya at pagnanais na makasama ito upang mabigyan ng pagkakataon na magpakaama sa kaniya ngayon.
Aminado naman si Maurice na nakokonsensiya siya sa ginawa. Napaniwala niya ang lahat ng tao na nagmamahal sa kaniya na nasa ibang bansa siya ngayon. Maging ang kaniyang matalik na kaibigan ay paniwalang-paniwala rin. Masasabi niyang ito na ang pinakamalaking kasinungalingan na nagawa niya sa tanang buhay niya. Ngunit ano pa man, ito lang ang alam niyang paraan upang hindi madamay ang mga Monteverde. Dahil sa oras na mabunyag ang kaniyang tunay na pagkatao ay malaking gulo iyon sa nasabing pamilya.
Hihingi na lang siya ng tawad sakaling malaman ng mga ito na nagsinungaling siya. Ang mahalaga sa kaniyang ngayon ay ang makasama ang kaniyang tunay na ama. Nais niya lang maramdaman kung paano siya mahalin at tanggapin nito bilang tunay na anak.
Pagkaraan ng ilang sandali ay nakarinig ng mahihinang katok si Maurice sa pintuan ng kaniyang silid. Agad siyang nataranta at sinuklay ng daliri ang buhok bago lumapit sa pinto. Weekend ngayon at inaasahan niyang ama na niya ang kumakatok dahil pinangakuan siyang bibisita ito sa kaniya ngayong araw. Buhat kasi nang ihatid si Maurice ng kaniyang ama sa bahay na ito ay hindi na sila muling nagkita pa. Tanging sa text at tawag lang ang kanilang ugnayan dahil abala ang kaniyang ama sa bawat araw.
Ang ama ni Maurice na si Marciano Sandoval ay isang kagalang-galang na senador ngayon at sa darating na halalan ay nagbabalak itong tumakbo bilang pangulo ng bansa. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit itinatago siya ng kaniyang ama ngayon at ayaw pa siyang ilantad sa publiko dahil baka magamit iyon ng magiging kalaban nito sa pulitika. Naiintindihan naman iyon ni Maurice at walang problema sa kaniya. Ang tanging hinihiling niya lang sa kaniyang ama ay bahagian lang siya ng konting oras para makasama ito kahit limang oras lang tuwing araw ng sabado.
Matinding excitement ang nararamdaman ni Maurice nang hawakan niya ang doorknob at binuksan ang pinto sa pag-aakalang ama niya ang kumakatok. Subalit nang bumukas ang pinto ay bumungad sa kaniya ang nakaunipormeng maid na si Iska.
“Magandang umaga, ma’am! Handa na po ang iyong almusal sa baba.” mahinahong wika nito sa kaniya.
“Salamat, Manay Iska! Wala pa ba si Daddy?” aniya.
“Ho? Ang alam ko hindi si Mr. Senator makakapunta rito, ma’am. May dadaluhang malaking event daw siya kasama ang mga kapartido niya.” tugon ng maid.
“Ganoon po ba, manay? Sige, baba na lang po ako maya-maya lang para mag-almusal.” malungkot niyang wika.
Nang maisara niya ang pinto ay malungkot siyang naupo sa kama. Ang sama ng pakiramdam niya dahil unang beses na may taong nagpaasa sa kaniya at iyon ay kaniyang ama pa. Sa pamilyang kinalakihan niya ay hindi niya pa naranasang umasa sa wala.
Nami-miss niya tuloy ang kaniyang Mommy Beth at Daddy Lucas. Pagdating kasi sa kaniyang mga kinalakihang magulang ay prinsesa siya kung ituring at siya ang prayoridad ng mga ito. Maging sa kaniyang mga kapatid ay ganoon din kaya naman hindi nakakapagtataka na pinalaki siyang nasusunod ang kaniyang gusto at lahat ng ninanais.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Maurice bago ayusin ang sarili at lumabas ng kaniyang silid. Tinahak niya ang pasilyo papunta sa hagdan. Bababa muna siya sa may sala upang marating niya ang malawak na dining area ng bahay.
“Nanggigil talaga ako sa mga kabit na ‘yan! Mga salot sa isang pamilya!” gigil na boses ng babae.
Narinig iyon ni Maurice habang nasa pang-anim siya na baitang ng hagdan. Boses iyon ni Gema na isa ring maid. Nanonood ito ng TV sa sala at ang palabas na pinapanood nito ay kabitan ang tema.
“Ahheemm!” malakas na tikhim niya. Sinadya niyang lakasan iyon upang mapansin siya nito.
Napalingon si Gema at natarantang pinatay nito ang TV nang makita siya.
“Sorry po, ma’am! Kanina pa ba kayo riyan? May narinig po ba kayong sinabi ko?” sunod-sunod na tanong ni Gema habang nakayuko. Halatang takot ito sa kaniya.
“Narinig na ano? May sinabi ka ba tungkol sa akin? Kinakausap mo ba ako?” maang-maangan at balik-tanong ni Maurice rito.
Umiling si Gema pagkarinig ng sinabi niya. Humarap ito sa kaniya at iginiya siya patungo sa may dining area. Doon ay pinagsilbihan siya ni Gema para makakain siya ng umagahan.
Kaya ganoon na lang ang reaksiyon ni Gema nang makita siya habang nanonood ito ng palabas sa TV dahil ang buong akala ng mga taong kasama niya sa bahay na iyon ay kabit siya ng senador. Iba ang nasa isip ng mga ito dahil ganoon na lamang siya kung itago ni Mr. Sandoval. Dumagdag pa na ibinilin sa mga itong walang dapat na makakaalam na may inuwi itong babae sa bahay na iyon.
Makailang beses narinig ni Maurice mula kay Gema na tinawag siya nitong kabit. Minsan naman ay nababanggit nito ang katagang sugar daddy dahil nga daddy ang tawag niya kay Mr. Sandoval. Sa limang maid at mahigit sampung bodyguards na kasama niya ngayon sa bahay na iyon ay wala man lang nakapag-isip na anak siya ng senador dahil hindi niya kamukha ang kaniyang ama.
Wala ring nakakakilala sa kaniya na isa siyang Monteverde. Kahit na kilala ang mga Monteverde sa buong bansa dahil sa mga bigating negosyo ng mga ito, hindi naman gaanong kilala si Maurice. Pinalaki siyang pribado ang kaniyang buhay at bantay-sarado siya ng kaniyang kinilalang magulang at mga kapatid. Marahil ang kaniyang pagiging ampon ang dahilan kung kaya’t ganoon na lang siya protektahan ng mga ito.
Sa mga lumang litrato ni Maurice ay kamukha niya ang kaniyang ina. Subalit noong isinilang siya ay nagkaroon siya ng hiwa sa itaas na bahagi ng kaniyang labi kaya’t ilang beses siyang sumailalim sa operasyon. Laking pasasalamat lang ng kaniyang Mommy Beth dahil hindi naapektuhan ang kaniyang pananalita.
Nang magdalaga naman siya ay pinaayos ang kaniyang ilong at ginaya ang lip shape ni Samantha upang nagkaroon siya ng hawig rito. Pumayag naman siya at kailanman hindi sumagi sa isip niya na ampon lang siya. Ang akala niya totoo ang sinabi ng Kuya Daniel niya na nakalimutan lang ng Mommy at Daddy nila na patangusin ang ilong niya noong ginawa siya, kung kaya’t sa kanilang apat na magkakapatid ay siya lang ang pango. Iyon pala ay hindi niya talaga ito mga kadugo kaya’t hindi niya ito kahawig.
Subalit anu’t ano pa man ang naririnig ni Maurice ngayon mula sa mga taong kasama niya sa bahay na iyon ay binabalewala niya. Bagkus naisipan niya pang panindigan ang hinala ng mga ito. Tutal, darating din ang araw na kakainin ng mga ito ang sinasabi sa kaniya. Sigurado siyang pagkatapos na pagkatapos ng eleksiyon ay pormal na siyang ipapakila sa publiko.
Magiging maayos din ang lahat at darating din ang araw na kikilalanin siya ng mga taong kasama niya ngayon hindi bilang kabit, kundi bilang panganay na anak ni Sen. Marciano Sandoval. Iyon ang pangakong pinanghahawakan niya mula sa kaniyang ama.