CHAPTER 3: Escaped

1635 Words
PASADO oras ng tanghalian ay sinubukang tawagan at i-text ni Maurice ang kaniyang ama. Subalit sa tuwing tinatawagan niya ito ay kusa nitong pinapatay at hindi man lang marunong mag-reply ng text sa kaniya. Dahil doon ay inis na inis siya at kulang na lang ay ibato niya sa pader ang hawak na cellphone. Sa isip ni Maurice ay nag-e-enjoy ang kaniyang ama kasama ang pamilya nito. Siya naman ay mag-isa na, nagngingitngit pa sa galit at sobrang selos. Hindi siya tuloy sigurado kung masaya ba talaga ang kaniyang ama ngayong nagkita na silang dalawa. Hindi ito ang kaniyang inaasahan nang talikuran niya ang dating buhay. Upang maibasan ang kaniyang dinadamdam ay tinungo niya ang balkonahe ng kaniyang silid para magpahangin. Nasa pangalawang palapag siya ng bahay kaya’t kitang-kita ang mga nangyayari sa bakuran sa ibaba. Napapikit siya at huminga ng malalim nang dumampi sa pisngi niya ang malamig na hangin. Sa mga sandaling iyon ay tila kumalma siya lalo na nang makita niyang may bunga sa sanga na nakadantay sa steel railing ng balkonahe. May malaking puno ng mangga na nakatayo sa bakuran. Ayon kay Iska ay tumubo lang iyon at hindi na pinaputol ng kaniyang ama dahil nakakadagdag lilim sa bakuran. Malaki na ang nasabing mangga kaya’t umabot na ang sanga sa kaniyang balkonahe dahil hindi naman kalayuan ang puno niyon. Sa laki ng sanga ay maari ng gawing hagdan pababa at makakalabas ng gate nang walang nakakapansin sa gabi. Maliban lang kung alerto ang mga bodyguards na kinuha ng kaniyang ama ngunit sa kaniyang napapansin ay mga tutulog-tulog ang mga ito at ilang beses niya pang nahuling nag-iinoman magdamag. Nilapitan niya ang bunga ng mangga at hinimas iyon. Sa itsura ng bunga ay mukhang alanganin pang pitasin. Dahan-dahan niyang binatawan ang bunga at iginila ang mga mata sa malawak na bakuran. Nakapamaywang siya habang nakatayo at tumingin sa malayo. Nag-iisip sa kaniyang gagawin upang makalimutan ang ama at malibang ang kaniyang sarili. Naisipan ni Maurice gumala muna upang malibang ang sarili at makalabas muna sa bahay na ito. Tutal, paubos na ang skin care niyang ginagamit kaya’t pupunta na lang siya ng mall ngayon at mamili ng mga personal niyang gamit. Bumalik si Maurice sa loob ng kaniyang silid at sinara ang sliding door na pinto papunta sa balcony. Tinted ang nasabing pinto ngunit isinara niya pa rin ang kurtina gamit ang remote control bago siya pumasok sa kaniyang walk-in closet para magbihis ng damit-panlakad. Sunod ay umupo siya sa harapan ng kaniyang vanity na may kalakihang salamin. Doon ay naglagay siya ng makapal na make-up dahil baka may makakita sa kaniya mamaya. Iniba niya rin ang istilo ng kaniyang pananamit upang hindi siya makilala. Nang matapos siyang mag-ayos ay kinuha niya ang maliit na hand bag na cellphone at wallet lang naman ang laman. Kinuha niya rin ang susi ng kaniyang sasakyan na bagong bili at nagmartsa na palabas ng silid. Dere-deretso siyang bumaba sa may hagdan at nilapitan siya ni Gema nang marinig ang tunog ng takong niya. Hindi ni Maurice pinansin si Gema at binuksan niya ang double door na pangunahing pinto ng bahay. Akmang lalabas na sana siya ngunit hinarangan siya ni Iska na nagpataas ng kaniyang kilay. “Ma’am… eh… kuwan… A-Alis po ba kayo?” nauutal na wika ni Iska. “Yes, manay! May problema ba?” Nakataas pa rin ang kilay niya habang nakatingin dito. “Ma’am, kuwan… Ibinilin ni Senator Sandoval na bawal kayong umalis ng bahay.” Nanginginig ang labi ni Iska habang kausap siya. “What?” angil niya. “May kailangan akong bilhin, manay! Babalik naman ako kaagad,” pahayag niya pa. “Bawal po, ma’am. Kami naman po mapapagalitan ni Senator Sandoval kapag umalis kayo. Bumalik na lang po kayo sa kwarto niyo, ma’am.” May halong pakiusap na ang mga salitang lumalabas sa bibig ni Iska. Hindi siya natinag sa pakiusap ni Iska. Buong buhay niya nakukuha at nasusunod niya ang kaniyang gusto. Ito iyong pinakaayaw niya sa lahat, iyong pinagbabawalan siya. “Magsasama ako ng tatlo bodyguards, manay!” pamimilit niya. “Pasensiya na, ma’am.” Umiling si Iska. “Hangga’t hindi pa raw tapos ang eleksyon, manatili muna kayo rito. Sumusunod lang po kami sa bilin ng amo namin, ma’am.” “Kainis naman!” Salitang binitawan niya at nagmamadaling bumalik sa taas. Inis na pumasok sa loob ng kaniyang silid si Maurice at nagtungo muli sa balkonahe. Ang lalim ng bawat paghinga niya dala ng emosyon na hindi niya alam kung paano ilabas. Maya-maya pa ay nakarinig siya ng malakas na hiyawan at nang dumungaw siya ay nakita niya ang mga tauhan ng Daddy niya ang nag-uumpukan habang naglalaro ng chess. Mukhang libang na libang ang mga ito at kung tatangkain niyang tumakas ay paniguradong hindi siya ng mga ito mapapansin. Bumalik siya sa loob ng kaniyang silid at pinalitan ng puting sapatos ang four inch high heels sandal na suot. Sa sanga ng mangga niya binabalak na dumaan para hindi siya makita nina Iska at Gema. Magiging madali sa kaniya na makababa kapag nakasapatos lang dahil may mga lumot na ang sanga dulot ng walang masyadong umaakyat sa puno. Pinagdarasal niya lang na walang pulang langgam para mas mabilis pa sa alas-kwatro siyang makababa. Nang maisuot ni Maurice ang medyas at sapatos ay dali-dali niyang kinuha ang hand bag na bitbit niya kani-kanina lang. Iniwan niya ang susi ng kotse sa kaniyang kama dahil hindi niya naman iyon magagamit. Mamaya na lang niya poproblemahin kung saan siya sasakay, ang mahalaga lang ngayon ay kung paano siya makalabas ng bahay. Maingat siyang lumipat sa sanga ng mangga mula sa balkonahe ng kaniyang kwarto. Naka-stretchable faded jeans siya kaya’t malaya siyang gumalaw at walang siyang pakialam kung madumihan man. Dahan-dahan at maingat ang bawat galaw niya habang nasa sanga ng mangga dahil isang maling galaw lang mahuhulog siya. Sa taas ng puno baka magiging habambuhay siyang baldado sakaling mahulog. Mabuti na lang at wala siyang fear of heights kaya’t matagumpay siyang nakababa ng ligtas. Tumago muna si Maurice sa puno ng mangga nang makababa. Pinagpag niya ang damit at iyong buhok niya may mga bulaklak pa ng mangga kaya’t sinuklay niya muna. Iyong palad niya ay may dumi rin dahil sa higpit ng kapit niya sa sanga kaya naman ay nilinis niya muna iyon gamit ang hand sanitizer na nakakabit sa zipper ng hand bag. Sa ilang minuto niyang nanatili sa puno ng mangga ay wala pa ni isang nakapansin, marahil wala ni isang nakapag-isip na gagawin niya ito. Nagsimula siyang humakbang papunta sa malaking gate. Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang hiyawan ng mga tauhan ng daddy niya habang nag-uumpukan at naglalaro ng chess na sa tingin niya ay may pustahan. Wala silang kamalay-malay na ilang sandali na lang ay nasa labas na siya at sa maliit na gate siya dumaan na napapagitnaan ng dalawang malalaking poste. Doon siya dadaan dahil sa liit ng katawan niya pwede siyang tumago roon habang unti-unting binubuksan ang gate. Papatunayan niya sa sariling walang sinumang makakapigil sa kaniyang mga kagustuhan. “Perfect!” mahinang sambit niya nang matagumpay siyang nakalabas ng gate. Kumaripas si Maurice ng takbo habang nagdarasal na sana makahanap agad siya ng maari niyang masakayan. Lakad-takbo ang ginawa niya at nagulat siya nang biglang may bumusina mula sa kaniyang likuran. Sinuot niya muna ang sunglasses niya bago lumingon sa sasakyan na patuloy na bumubusina ng malakas buhat sa kaniyang likuran. “Hey, miss! Tumabi ka naman!” sita ng lalaking driver sa kaniya. Nakaawang ang labi niya dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Hanggang sa tuluyang lumabas ng sasakyan ang lalaki at napanganga siya nang lumapit ito sa kaniya. “Miss, okay ka lang ba?” tanong ng lalaki na ngayo’y kaharap niya na. Walang sagot na nanggaling sa kaniya. Nakatitig lang siya sa gwapong lalaking kaharap niya ngayon na napaka-hot ng dating. Sa kapal ng pilik-mata at tangos ng ilong parang may lahing arabo. Sa tangkad at ganda naman ng pangangatawan ay maiihahambing niya ito sa kaibigan ng kuya niya, na si Blake. “Miss!” pukaw sa kaniya ng lalaki. Nahimasmasan naman si Maurice at humingi ng paumanhin. Ngumiti ang lalaki sa kaniya kaya’t sinamantala niya ang pagkakatataon na humingi ng tulong kung saan siya maaring makasakay ng taxi papunta sa pinakamalapit na mall. “Mahihirapan ka ritong makahanap ng taxi, miss. Pero kung okay lang sa’yo pwede kitang ihatid sa pinakamalapit na mall dito.” alok nito. Nahihiya man ay tinanggap niya ang alok ng lalaki. Sumakay siya sa sasakyan nito at nagpahatid sa mall. Pareho silang tahimik habang nasa loob ng sasakyan. Subalit sinusulyapan niya paminsan-minsan ang lalaki at mukhang likas na matulungin itong tao. “By the way, I’m Julius…” pagpapakilala nito. “Ahm, I’m Maurice…” nahihiya niyang pagpapakilala. “Nice to meet you!” pormal nitong sabi at nakipagdaupang-palad sa kaniya. Hiyang-hiya siya nang hawakan ng lalaking nagpakilalang Julius ang kamay niya at mapansin na madumi ang kaniyang kuko. Mga lumot na mula sa sanga ng mangga ang dumi na nasa kuko niya at hindi niya man lang iyon nakita nang maglinis siya ng kaniyang palad kanina. Parang matutunaw siya sa sobrang hiya at tila hindi na niya kayang makasama ng matagal ang lalaking ito. Mabuti na lang tanaw na niya ang mataas na mall tower sign at senyales iyon na malapit na siyang bumaba. Hindi nagtagal huminto ang sasakyan at sinabihan siya ng lalaki na pwede na siyang bumaba. Bumaba naman siya at nagpasalamat. Pagkasara niya ng pinto ng sasakyan ay bumusina pa ang lalaki bago umalis. At kasabay ng pagkawala ng sasakyan sa kaniyang paningin ay ibunulong niya sa hangin na sana hindi na muling magtagpo pa ang landas nilang dalawa ng lalaking iyon. Na sana ito na ang una at huli nilang pagkikita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD