(Kakaibang tunog) Mabilis akong bumangon kasabay ng aking mga kasama. Gaya ng dati, maayos kong niligpit ang aking higaan bago pumunta ng silid kainan. Bahagya akong napatingin sa higaan ni 1696, wala sya dito, maaga na naman syang nagising.
1122? May pagtatakang tawag sa akin ni 5425 ng mapansin nya akong nakatingin sa kama.
Si 1696 ba? Marahan nitong sambit. Kilala mo naman yun, sinasanay nya ang sarili nyang gumising ng maaga at maghanda ng pagkain para sa almusal. Ilang buwan na lang tayo naman ang gagawa sa gawaing iyon. Pagpapaliwanag nito.
Hindi ko na pinahaba pa ang usapan, tumango na lang ako at nakangiting naglakad palabas ng pinto.
Dahan-dahan akong naupo sa aking pwesto sa mesa kasama ang mga bata. Ang lugar na nagbubuklod sa aming lahat. Sino nga bang hindi matutuwa sa isang pangyayari na kasama mo ang iyong pamilya at masayang nagsasalo-salo sa isang malaking hapag-kainan?
Ito lang ang sandaling nagiging blanko ang aking isipan. Mabilis kong nakakalimutan ang mga problema kapag nararanasan ko ang perpektong pagkakataon na ito.
Nagsimula ang salita ng pagdarasal kasabay ng pagtahimik ng paligid. Ginagawa ito tatlong beses sa isang araw bago magsimulang kumain ang bawat isa. Ang pagpapasalamat sa biyayang natanggap.
Dahan dahan kong iminulat ang aking mga mata kasabay ng masayang pagsasalo-salo. Wala ng mas hihigit pa sa pagkakataong ito.
"22" Pagtawag sa akin ni Ms. Melinda.
"Pwede bang magpalit kayo ng upuan mula ngayon. Itinuro ng kanyang mga mata ang bagong bata na inosenteng nakaupo at nakaharap sa aking pwesto. Nahihirapan syang abutin ang lamesa, masyadong mababa ang upuan na ito para sa kanya."
Syempre naman. Walang problema Ms. Melinda. Magiliw kong tugon.
Marahan akong umupo sa aking bagong pwesto habang pinagmamasdan ang mabagal nyang pagkilos. Dahan-dahan itong naupo na para bang isang matanda o kaya naman ay isang batang may kapansanan. Ilang sandali pa ay bigla itong natigilan. Tila ba mayroon itong nahawakang kakaibang bagay sa ilalim ng upuan. Binaling nito ang kanyang tingin sa akin. Nangungusap ang mga mata nito na para bang mayroong iniisip na isang bagay. Tuluyan na itong naupo at sinimulang isubo ang kanyang pagkain, ipinapahiwatig na walang kakaibang nangyari.
Mabilis kong Ibinaling ang aking paningin kay Ms. Melinda, nakangiti ito habang nakatingin sa kanya na mabilis ko namang ikinagulat. Sigurado akong hindi lang nagkataon ang pagpapalit namin ng pwesto.
Nagmamadali kong tinapos ang aking pagkain at matyagang naghintay sa silid-palaruan hanggang matapos ang umagahan. Kung ano man ang masasaksihan ko sa araw na ito, nakakasiguro akong mayroon itong kinalaman sa mga nangyayari sa paligid.
Tila ba napakatagal lumipas ng oras para sa napakaiksing sandali. Masusi kong tiningnan ang bawat isa na noo'y masayang naglalaro. Gaya na lamang ng aking hinala ay sya lang ang nag-iisang hindi dumaan sa lugar na ito. Wala syang ibang pupuntahan kundi ang silid-palikuran, silid-tulugan, at ang kusina kasama ang silid-kainan.
Nagmamadali akong bumalik sa silid-kainan at doon humarap sa akin ang kanyang mga mata. Tila ba inaasahan na ako nito sa umpisa pa lang. Ang paghihintay sa isang bagay na alam nyang darating.
"Ikaw pala 1122." Nakangiti nitong sabi. Ang mga matatandang mag-aaral na nito'y abala sa pagliligpit ng pinagkainan.
"Maaari mo bang punasan ang lamesa? Malumanay na pakiusap nito."
Mabilis ko namang kinuha ang isang tela na nasa ibabaw ng lamesa malapit sa kinauupuan ng bata.
Tila isang pangungutya ang pagsunod nya sa aking galaw. May kung ano itong tinitingnan sa kanyang upuan na nakakuha ng aking atensyon.
Pumukaw ang mahinang tunog sa katahimikan ng paligid. Nagmumula ito mismo sa kanyang upuan. Ilang sandali pa ay marahan nyang ginalaw ang tablang kahoy sa ibabaw nito. Doon, bumungad ang isang aklat na kulay itim. Ang aklat na nakakubli sa mga mata ng mahabang panahon. Mayroong nakasulat na salita sa ibang wika ang pabalat nito, kasing kulay ito ng ginto.
"May problema ba 1122?" Tanong nito na may halong pagdududa. Isa sa mga matatandang mag-aaral. May hawak hawak itong walis na tila ba naalintala ang kanyang ginagawa.
Ha? Balisa kong tanong. Mabilis akong napatingin sa lamesa, napansin kong wala pa pala akong nasisimulan. Pasensya na meron lang akong iniisip. Mahinahon kong tugon. Di ko namalayang kanina pa pala ako nakatitig sa ginagawa ng munting bata.
Dali-dali kong pinunasan ang lamesa paikot hanggang sa matapos ito, habang ang munting bata naman ay muling naupo na para bang tinatago nya ang aklat.
Para kanino? Ang nagtataka kong tanong sa aking isipan.
Ipagpapatuloy nito ang kanyang ginagawa sa oras na huminto ako, at titigil naman kapag umalis ako sa aking pwesto. Wala itong pakialam sa mga mag-aaral na nito'y naglilinis sa paligid, subalit mayroon itong pinagtataguan na kung anong bagay.
Ano bang mayroon sa aklat na yun? Tanong ko sa aking sarili. Walang dahilan para itago ng maigi ang isang bagay ng mahabang panahon. Sigurado akong hindi lang ito isang ordinaryong libro. Hindi nahuhumaling ang isang tao sa simpleng papel lamang, kundi kung ano ang mga salita na nakapaloob dito.
Mabilis akong bumalik sa dati kong kinatatayuan kasabay ng muli nyang paggalaw. Maingat nitong binalutan ng tuwalya ang aklat, nagmistulan itong isang ordinaryong tuwalya na walang laman. Kahit sino hinding hindi ito paghihinalaan. Masusi nitong ibinalik ang upuan sa dati nitong pagkakaayos. Sa mga sandaling ito, wala parin akong kaide-ideya sa kung ano mang nasa isip nito.
Ilang sandali pa ay marahan itong tumayo. Hawak-hawak nya ang tuwalyang may lamang aklat at maingat nya itong ibinigay sa akin.
Para saan ba ang tuwalyang ito? Naiinis kong tanong sa aking sarili. Masyado na syang tahimik para sa isang bagay na dapat puro pagpapaliwanag ang lumalabas sa kanyang bibig. Bago ito umalis ay nag-iwan ito ng mga salita.
"Kung sa tingin mo kakaiba ang mga nakita mo. Kung nagtataka ka kung bakit sa isang upuan may nakatagong aklat. Wala kang kaalam-alam sa misteryong nakapaloob mula dito. Pakinggan mo ang iyong isipan. Sa oras na gustuhin mong maunawaan ang nilalaman ng libro, marahil alam mo kung saan ako makikita."
Mahigpit kong hinawakan ang tuwalya habang nakalapat ito sa aking dibdib. Gaya na lamang ng isang munting batang niyayakap ang kanyang kumot. Kung sino man ang mas nararapat na magbasa ng aklat na ito, walang iba kundi ang mag-aaral na may sapat na kaalaman.
Gaya ng dati, malakas kong binuksan ang pintuan. Doon, makikita ang walang pagbabagong mag-aaral na si 5050.
"Ano na naman bang ginagawa mo dito 22?" May halong takot nitong tanong.
Nagmamadali kong tinanggal ang nakabalot na tuwalya sa aklat at mabilis itong ibinigay kay 5050.
Hindi parin sya nagbabago. Hindi sya nawawalan ng interes sa mga bagong bagay. Mahal nya ang lahat ng sariwa sa kanyang paningin.
Dahan-dahan nyang binuklat ang bawat pahina. Kung gaano kahinahon nyang pinagmasdan ang aklat ay ito namang labis nyang ikinagulat ng makita ang mga salita.
"Hindi ako maaaring magkamali! Ito lang ang salitang nawawala sa lahat ng mga lengguahe." Namamangha nitong sambit.
Hindi naiiba ang mga titik ng bawat salita ngunit hindi ko ito maunawaan. Nagmistulan itong isang salita na ginulo ang mga letra.
Nababasa mo ba ang mga nakasulat? Tanong ko sa kanya.
"Hindi." Garalgal nitong tugon. Mahigpit ang pagkakahawak nya sa aklat habang masusing pinagmamasdan ito. Ngayon ko lang nakita ang labis nyang pagkagusto sa isang bagay.
Gusto mo bang malaman kung anong nakasaad mula dito? May isang batang nakakaalam at nakakaunawa sa aklat na ito. Panghihikayat ko sa kanya.
Masaya itong tumango habang hindi parin inaalis ang kanyang paningin sa misteryosong libro. May pagdududa man sa isipan ngunit alam kong ito lang ang nag-iisang paraan para baguhin ang nakasanayan nyang buhay.
Dahan dahan nyang inabot sa akin ang aklat. Nakangiti ito at bakas sa kanyang mga mata ang pagiging masigasig.
Mabilis kong binalutan ang aklat ng tuwalya eksato sa kung paano ito ginawa ng munting bata. Marahan akong naglakad na para bang walang nangyari, habang si 5050 naman ay nakasunod lang sa aking likuran. Wala talaga syang pinagbago, ginagawa nya parin akong pananggala.
Iisang lugar lang naman ang tinutukoy ng munting bata. Ang lugar na madalas nyang puntahan. Ang silid-aklatan.
Marahan kong binuksan ang pinto. Katulad na lang ng aking hinala naroroon nga ito.
Nakaupo sya, patalikod sa harap ng pinto at matiyagang naghihintay. Mabilis itong humarap sa amin.
"Masyado kang natagalan." Nakasimangot nitong sambit. Tumingin sya kay 5050 na nito'y nakatago parin sa aking likuran.
"Ayos lang ba sya?" Tanong nito.
Wag mo syang pansinin, naririto lang sya para malaman ang nilalaman ng aklat. Pagpapaliwanag ko.
Iniabot ko sa kanya ang aklat na nakabalot parin sa tuwalya. Wala naman itong ginawang kakaibang reaksyon, nagpapahiwatig na maayos lang ang lahat.
Mabilis nyang inalis ang nakabalot na tuwalya at mariin itong pinagmasdan. Marahan nyang hinawakan ang kakaibang nakasulat dito gamit ang kanyang daliri. Tila ba mayroon syang nakikita sa kumikislap na liwanag na nagmumula sa kulay nito. Tumayo ito sa kanyang kinauupuan at marahang hinawakan ang aklat.
Sa kanyang seryosong mga titig kasabay ng pagkawala ng inip sa kanyang mukha, ay matalinghaga nyang sinimulan ang pagbabasa.
"Kung naiintindihan mo ang mga salitang ito. Marahil isa ka sa may mga katanungan, mayroong pagdududa sa nangyayari sa paligid. Hindi ko na babanggitin ang mga detalye kung paano ko nalaman, wala na akong natitirang oras.
Mga batang maikukumpara sa kagandahan, ngunit isa lamang bagay kung ituring. Didiligan, papalakihin, ihahanda hanggang sa maaari na itong anihin.
Sa dalawang taon kong pagsisiyasat, pag-aaral ng ibat ibang lengguahe. Ito lang ang nagiisang hindi nila kayang intindihin, sa ngayon. Pinilit kong unawain ang lahat ng mga wika sa loob lamang ng dalawang taon. Mahabang oras ang ginugol ko sa pagaakalang ito ang posibleng maging paraan para makalabas sa kulungang ito. Ginagawa ko ng umaga ang gabi para lang makahanap ng sulosyon at maintindihan ang lahat. Subalit lubhang napakaiksi ng natitirang panahon.
Mabilis na lumilipas ang oras, bago pa man ako maka gawa ng plano para sa pagtakas ay hindi ko napansin na itinakda na pala ang sandali. Ang sandali upang mamaalam.
Sa malaking pintuan ng munting silid. Ang silid na ipinagbabawal para sa lahat. Sasalubong sayo ang walang humpay na ngiti, ang ngiti na binubuo ng kataksilan.
Ngunit bago pa man dumating ang araw na ito. Sinubukan ko ang isang bagay, ang nag-iisang pagkakataon na maaaring maging susi upang makita mo ang buong paligid.
Oo, hindi lamang ito isang simpleng bahay. Sa paroroonan mo ay maaari kang makatuklas ng isang silid na kumukunekta sa lahat. Ang lugar na hindi pa napupuntahan ng sino man.
Mula sa gitna ng buong lugar, bandang kaliwa kung saan naroroon ang silid-aklatan. Mula sa pintuan, magbilang ka ng anim na hakbang pasulong at tatlong hakbang pakaliwa. Dito haharap sayo ang nakahanay at makakapal na mga libro. Sa pinakailalim ay dahan-dahan mong tanggalin ang limang malalaking libro. Kusang babagsak ang mga ito kapag higit sa bilang ang mawawala. Kung magkagayon, hindi kusang lilitaw ang isang susi.
Sa pinakadulo ay mayroon kang mapapansing isang munting sinulid. Marahan mo itong hilahin ng tatlong beses at lalabas ang isang lagusan. Ang lagusan na kumukunekta sa bawat bentilasyon.
Ito lang ang magagawa ko para sa iyo. Wag mong sasayangin ang nag-iisang pagkakataon.
Alam kong hindi na sapat ang labing dalawang araw para sa preparasyon ng plano, kaya itong liham na lang ang magagawa ko para sayo. Araw-araw nagbibigay ako ng ilang mga sulat sa aking mga kasamahan . Walang araw na hindi nila ako itinuring na baliw dahil hindi nila maunawaan ang nakapaloob dito. Sinasaktan, sinisigawan, at ang iba ay sinusumbong ako sa tagapag-alaga. Ngunit ayos lang ang lahat, yun ang naging dahilan para kumilos ang plano.
Mabilis lumipas ang labing limang araw. Sa huling pagkakataon, ngayon ko lang nakitang unti-unting nabubura ang ngiti sa mukha ng tagapag-alaga habang pilit na iniintindi ang nakapaloob sa liham. Alam kong yun na ang sagot, at alam ko ring hindi nya papayagang isulat ko ang sagot na yun sa papel ng mga katanungan. Bago pa man maubos ang mga nalalabing minuto sa aking kamay, mabilis kong kinuha ang panulat at sa harap ng mapagmasid nyang mga mata nabuo ang liham.
Isa lang at ang huli ang maipapayo ko. Huwag mong susubukang lamangan ang tagapagbantay. Kung sa tingin mo ligtas ang mga plano mo nagkakamali ka. Ginagawa mo pa lang, alam nya na ang kalalabasan. Hindi lang yun, mayroong mga bagay na nagmamasid sa buong paligid. Maliliit ang mga ito, nakalagay sa parte ng bawat silid, sa isang lugar na hindi mo sukat aakalain.
At para sa huli, wag kang lilingon habang binabasa mo ang liham na ito. Palagi syang nakamasid, maingat na sumusubaybay, naghihintay ng pagkakataon para sa mga pagkakamali.
Base sa reaksyon mo, sigurado akong napagtanto mo na. Para kang bukas na librong madaling basahin ngunit mahirap intindihin. Hinihiling kong umabot ka hanggang sa huli, Paalam!"