CAROLINE Nakakaloka. Simula nang marinig ko 'yong sinabi ni Elexir, hindi na ako mapakali tuwing nakikita ko siya. Naaamoy ko pa lang siya, tatakbo na ako palayo o kaya naman ay magtatago kung saan. Iba ang epekto nito sa akin... at hindi ako natutuwa. Hindi ko maintindihan kung bakit parang may kung anong nagliliparan sa tiyan ko kapag naaalala ko 'yong sinabi niya, para bang mga bulate na nagre-wrestling sa loob. Parang kinikiliti ang mga laman loob ko. Why do you look so sad, yet still beautiful in my eyes?' Anak ng! Napahilamos na lang ako ng mukha sa inis. Paulit-ulit sa utak ko ang mga salitang iyon!"Caroline—" "Ay, beautiful!" Gulat na sambit ko nang tawagin ako ni Celeste, napatayo pa ako dahil sa pagkabigla. Kahit siya ay mukha ring nagulat dahil nakataas pa ang dalawang kamay sa ere. Para kaming tanga na nakanganga sa gitna ng pasilyo, pareho gulat ang mga hitsura. "Ako? Wow, thank you pero alam ko na 'yon." Humahagikhik na aniya. Napaikot na lang ang bilog ng mata ko. Ang kapal ng mukha, ah. "Saan ka pupunta?" Nagtatakang tanong ko nang mapasing hindi ito nakasuot ng uniporme namin. Pantalon at kulay pink na t-shirt na may disenyong pusa ang suot nito ngayon at mukhang may lakad. Idagdag mo pa 'yong mapupulang pisngi at labi niya, mas mahaba rin ang pilik-mata nito kumpara noon. Kumunot ang aking noo. "Pupunta kasi akong supermarket, malapit na maubos ang stocks natin dito. Ako 'yong inutusan ni lola Olivia lumabas." Napatango ako.Si lola Olivia ang mayordoma ng mansyon. May katandaan na rin ito kaya hindi na masyadong nahahagilap dahil kadalasang nasa loob ng silid lamang ito, pero siya pa rin ang gabay naming lahat sa bahay. Kahit na retired na dapat ito sa trabaho ay hinayaan na lang nina Madam Alesandra na manirahan siya rito dahil wala na itong mauuwian pa. Sinama niya na rin kasi ang kaisa-isang apo na si Evelyn. Silang dalawa na lang ang magkasama sa buhay.Nakakalungkot lang isipin. Paano kung wala si Evelyn? Paano kung hindi sina Madam Alesandra ang amo niya? Sino ang kasama niya na mag-aalaga sa kanya? Naalala ko na naman tuloy ang pamilya ko."Ah, gano'n ba? Eh, ano naman ngayon?" Nagmamalditang tanong ko dahil napansin kong panay ang ayos niya sa sarili. Kanina pa hinahawi ang bangs niya tapos ay titingin sa maliit na salamin, akala mo naman ay magbabago bigla ang kanyang itsura. Tinawanan niya lang ako."May mens ka, 'no? Taray-taray mo ngayon, bakla! Ano bang meron? Kanina ka pa wala sa mood, ah?" Pinaningkitan niya ako ng mata. Wala sa mood? Mukha ba akong wala sa mood? Sabagay, kanina pa malalim ang iniisip ko kaya hindi ako nakakasabay sa kanilang usapan. Bigla na lang nga akong umalis sa harap nila no'ng maaninag ko ang anino ni Elexir na papalapit sa amin. Ni hindi ko man lang nasagot 'yong tanong ni Celeste kanina kung kailan ang kaarawan ko.Wala sa kalendaryo ang birthday ko, 'no! Nalipasan na 'yon ng panahon."Wala naman. Ano ba kasi 'yon? May huling habilin ka ba o ano?""Huling habilin amp*ta. Kaltukan kaya kita sa kidney?" Natatawa nitong biro. "Tatanungin kasi kita kung gusto mo ba sumama sa akin? Pinaalam na rin naman kita kay lola Olivia." Taas-baba pa ang kilay nito na parang sinasabing sumama-ka-na-bilis.Nag-isip muna ako saglit. Linggo ngayon at nagkataon na walang pasok si Elexir. Kung sasama ako sa babaeng 'to ay malamang hindi magtatagpo ang landas naming dalawa ngayon, which is a good thing dahil– ewan, basta good thing siya! At pag-vacuum lang naman ng living room ang gagawin ko ngayong umaga. Ang kaso nga lang, mukhang may ibang plano itong si Cynthia ngayon. Tinatamad pa naman akong lumabas dahil sa lakas ng sikat ng araw ngayon. Idagdag mo pa 'yong polusyon sa labas."Sige, sasama ako. Magpapalit lang ako ng damit," sagot ko na lang at naglakad na papuntang kuwarto.I wore a white flowy above-the-knee dress paired with leather brown gladiator shoes. Nabili ko pa itong sapatos sa Paris noong minsan akong nagpadpad roon. Basta ko na rin lang tinali ang aking buhok para madaling matapos. Hindi naman ako mahilig mag-ayos, eh, kung ano lang ang nandyan na damit ay 'yon na ang isusuot ko. Karamihan din sa mga damit ko ay bestida kaya wala na rin akong magagawa. Hmm, magpapasama na rin siguro ako kay Cynthia na bumili ng mga damit, tutal ay nando'n na rin lang kami sa mall."Caroline! Mga ilang oras ka pa ba matatapos diyan?" Kumatok si Cynthia sa pinto na mukhang naiinip na sa paghihintay. Kinuha ko muna iyong pitaka ko sa ibabaw ng lamesa at sinipat ang sarili sa salamin bago lumabas ng kuwarto."Tara," pagyaya ko sa kanya at sabay na kaming naglakad papunta sa mga kasama namin para magpaalam.Hindi naman ako taong-bahay pero mas gugustuhin ko pang manatili sa loob kesa naman makihalubilo sa ibang tao sa labas. Ibang-iba na rin ang panahon ngayon kumpara noon. Nakakapaso na ang sikat ng araw at nakakasuka ang amoy ng polusyon, usok ng mga sasakyan, at mga nagkalat na basura. Pati iyong mga puno na nagsisilbing lilim at nagbibigay ng aliwalas sa paligid ay mas pinili nilang putulin para lamang patayuan ng mga konkretong gusali. Unti-unti nang nauubos ang pinagkukunan natin ng natural na yaman. Nakakalbo na ang mga kagubatan, nagiging basurahan na ang karagatan, at polusyon na ang nagsisilbi sa ating oxygen.World is changing. And I am a witness."Aba, aba! Hindi naman yata supermarket ang pupuntahan niyo, ah?" Pagbungad sa amin ni Bong habang may ngisi sa labi. Nagsilingunan din 'yong iba at binigyan kami ng nakakalokong tingin, lalo na ako."Ang daya! Gusto ko rin sumama!" Reklamo naman ni Celeste, muntik na akong matawa dahil nakabusangot ang mukha niya habang nakahalukipkip ang mga braso. Mukhang katatapos lang nilang kumain ng snacks dahil sa mga platito at tasa na nasa ibabaw ng mesa."Gusto mo sumama, Celeste? Tara, paalam tayo kay lola Olivia!" Suhestiyon ni Cynthia, mabilis namang tumango 'yong isa at lakad-takbo silang dalawa papunta sa silid ng matanda. Napapailing na lang ako sa kilos nila na parang mga bata. Mukhang alam ko na ang mangyayari mamaya, ah."Ang ganda mo talaga, Caroline. Nakakainggit naman," nakangiting usal ng katabi ko dahilan para mabilis akong mapalingon sa kanya.Si Evelyn... magmula noong makita ko 'yong sugat niya sa pupulsuhan, parang lumayo na rin ang kanyang loob sa akin. Napapansin kong hindi niya na ako kinakausap 'gaya noon na panay pa ang kuwento niya tungkol sa iba't ibang bagay. Mayroon pa ngang araw na hindi man lang ako tinapunan ng tingin o kaya ay tatalikod na lang bigla kapag magkakasalubong kami. Aaminin kong nalulungkot ako dahil hindi ko alam kung ano ang dahilan para maging ganito ang trato niya sa akin. Wala naman akong ginagawa sa kanyang masama."Hindi naman, ah. Ikaw ang maganda," nakangiting sagot ko pero agad ring nawala ang mga ngiting iyon. Magsasalita pa sana ako kaso dumating na 'yong dalawang maingay at umalis na rin si Evelyn sa tabi ko."Yehes! Magbibihis lang ako, teka!" Panandalian akong natigilan.
Namamalik-mata lang ba ako o... talagang tiningnan ako ni Evelyn nang may nanlilisik na mata?