Pagkatapos siyang i-tour ni Aling Rosita sa iba't-ibang parte ng mala-mansion na bahay na iyon ay tinipon nito ang mga kasamahan sa sala upang isa-isang ipakilala sa kanya. Dahil siya ang pumalit sa isa sa umalis na assistant cook ay apat ang makakasama niya sa kusina pwera pa sa head cook o private chef na siyang namamahala ng mga lulutuin sa araw-araw lalo na sa mga importanteng okasyon. Anim naman ang nakatoka sa paglilinis ng mansion kasama na ang taga-laba at tiga-plantsa. Lima ang mga lalaking hardenero at taga-maintain sa malaking hektaryang lupain ng doktor. Ang mga ito na rin ang naatasang magkumpuni ng mga kung ano-anong mga bagay na nasisira sa loob at sa labas ng mansion.
“Teka, nasaan si Erwin?” tanong ng mayordoma nang makitang kulang ng isa ang nakalinyang mga hardenerong naroroon.
“Nasa labas pa po yata. Kadarating lang kasi ng mga in-order ng Don na gagamitin sa linggo, sinisimulan na siguro niyang i-assemble,” sagot ng isa.
“Ganun ba? Sige na at bumalik na kayo sa kani-kaniya ninyong ginagawa,” utos ng mayordoma na tila ipinagtabuyan ang mga ito sa malaking sala. Nagkanya-kanya namang punta sa iba't ibang direksyon ang mga sinabihan. “Karina, halika at ipapakita ko pa sa iyo ang iyong magiging kuwarto,” saad nito sa babae kapagkuwan.
Tumango lang naman siya at sinundan ito.
Nilakbay nila ang mahaba at malawak na pasilyo papunta sa basement kung saan naroroon ang servant quarters. Pero bago pa makarating doon ay dinaanan nila ang malaki at may pagkamodernong pagkaka-style ng kusina ng mansion. Pagbaba sa anim na baitang ng konkretong hagdanan ay bumungad sa kanila ang dirty kitchen, nasa gitna nito ang mahabang dining table na ginagamit ng lahat ng kasambahay sa tuwing sabay sabay na naghahapunan. Paliko na sana sila sa servants quarter nang matigilan sa biglaang narinig na ingay sa loob ng kusina.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Aling Rosita na bago pa ay nilingon muna ang direksyong pinanggalingan kanina, baka kasi sakaling may makita pa itong kasambahay na mauutusan. Sa reaksyon nito ay mukhang alam na nito kung ano ang lumikha at saan galing ang ingay na iyon.
“Hmp! Sinabi nang huwag hahayaang makapasok ang pusa dito at palaging itinutumba ang basurahan,” inis na sambit nito habang tinutungo ang loob ng dirty kitchen.
Tama nga ito at nakita pa nilang mabilis na tumakbo ang pusa at lumabas sa nakaawang na pagkakabukas na pintuan. Nakasimangot nitong nilinis ang mga basurang nagkalat sa sahig. Tinangka niya pang tulungan ito pero tumanggi ito. Nang maiayos na iyon ay binitbit na nito ang nangangalahating laman na trash bag papunta sa pintuan na siyang lagusan patungo sa isang malaking porch sa likurang bahagi ng bahay. Doon ay nabungaran nito ang lalaking hinahanap kanina. Ito ang pinakabatang hardinerong nagtatrabaho roon.
“Erwin! Ang pusa mo, nangalkal na naman ng basura!" galit na sambit nito sa lalaki.
"Naku, sorry po, Aling Rosita. Sa sobrang busy ko po kasi ay nakalimutan ko na naman pong pakainin kaya siguro naghahanap ng makakain,” paumanhin nito sa matandang babae kasabay ng pagkamot sa ulo.
"Ikaw talagang bata ka! Huwag ka na ngang mag-alaga ng pusa kung palagi mong nakakalimutan pakainin. Pati ang pintuan, palagi mong nakakalimutang isarado," sermon ng matanda. "Oh, itapon mo muna ito sa basurahan," sabay bigay nito ng hawak hawak. "Isama mo na rin si Karina sa pagpunta roon para malaman niya kung saan natin inilalagay ang mga basura natin dito," utos pa nito sa lalaki na siyang nahinto naman sa ginagawa. Samantalang nilingon lang ng mayordoma si Karina na tila ba sinasabing ipinapaubaya muna ito sa lalaki.
Nagkatinginan naman ang dalawa kasabay ng pagbibigay ng simpleng pagngiti sa isa't isa. Inabot ni Erwin ang basurang hawak ng mayordoma at binitbit. Nanguna ito sa paglalakad sa konkretong pathway, papunta sa tapunan ng basura na hindi naman ganoon kalayuan.
“Ikaw ang bagong pasok na kasambahay?” tanong ng lalaki na siyang nauna nang umimik para makipag-usap sa kasama.
“Oho,” nangingimi niya itong nilingon.
“Erwin nga pala,” pagpapakilala nito kasabay ng paglahad ng palad upang makipagkamay.
“Kat-- Karina,” tugon niya rin na muntikan pang magkamali sa pagbibigay ng gamit na pangalan. Sandali niyang nakalimutan na iba na pala ang pangalan niya ngayon. Inabot niya ang kamay ng lalaki at nakangiting nakipag- hand shake.
“Hmm, parang ang bata mo pa para magtrabaho ah. Alam ba ng mga magulang mo na nandito ka?” sunod-sunod na tanong nito na sandali pang napatigil sa paglalakad.
Hindi siya nakapagsalita sa mga katanungan nito. Paano’y ganoon ba talaga siya kabatang tingnan para pagkamalang wala pa sa tamang edad para magtrabaho, eh buong buhay niya nga ay banat na ang mga buto niya sa paghahanap-buhay?
"Eighteen years old na po ako," pagsisinungaling niya ulit pagkatapos balewalain ang pangalawang katanungan nito.
"Maka-po ka naman sa akin, parang ang tanda-tanda ko na, eh hindi naman nagkakalayo ang edad natin," ani ng binata kasabay ng pagkamot sa batok.
"Ganun po ba? Eh, ilang taon na po ba kayo?" tanong niya rin.
"Twenty-two pa lang ako kaya huwag mo na akong po-po-in!," sagot rin ng lalaki.
"Ah, eh, ganun rin naman ho iyon, matanda ka pa rin sa akin," sandali niyang ikinatawa ang pagsasabing iyon. Ganito talaga siya, mahilig mamu-po, kahit pa ilang taon lang naman ang agwat sa kanya ng kausap. Bilin kasi dati ng ina na palaging gumalang sa nakakatanda. Isa pa, ang totoo ay may pagka-mature rin naman talaga ang mukha ng lalaki. Siguro ay dahil sa kulay ng balat nito gawa ng pagbibilad lagi sa araw.
Sinundan rin naman iyon ng pagtawa ni Erwin.
Agad silang nagkapalagayan ng loob noong mga oras na iyon. Nagkakwentuhan habang naglalakad, hanggang sa matigilan si Karina nang mapadaan sila sa isang may kalaking greenhouse kung saan mula sa labas ay makikita ang pagkarami raming tanim na mga herbs pati na rin ng iba’t ibang uri ng mga gulay. Sa bandang gilid ng mga iyon ay may nakatambak na sako sakong lupa at pataba.
"Wow. Meron pa lang ganito dito?" namamangha niyang sabi. Natutuwa siya at gusto sana niyang pumasok sa loob ngunit agad siyang pinigilan ng lalaki.
“Dalawang tao lang ang pinapayagan ni Don Manuel na pumasok diyan, si Kuya Arnulfo, ang lubos na pinagkakatiwalaan niyang hardenero dito at si Aling Rosita. Iyan ang madalas na pinagkakaabalahan ng Don kapag wala siyang ginagawa.” salaysay nito.
“Ganun ba. May green thumb rin pala si Don Manuel, noh?” aniya na nanguna na sa paglalakad ulit patungo sa abot tanaw na na mga malalaking trash bin sa di kalayuan.
“Oo, magaling iyon humimas ng mga halaman. Kagaya ng gaano din iyon kagaling humimas sa katawan ng mga kababaihan dito,” medyo hininaan nito ang boses sa huling pangungusap na binitawan.
“Huh? Anong sabi mo?” napalingon naman siya dito kasabay ng pagkunot ng noo.
“Wala,” natatawang turan ng lalaki na tila ba isang joke lamang ang sinabi kanina.
“Anong wala. May sinabi ka kaya,” tila pangungulit niya dito. Kung hindi siya nagkakamali ay may narinig siyang ibinulong nito pero hindi malinaw. Sa kabilang banda ay alam niyang patungkol iyon sa taong pinag-uusapan nila, ang Doktor.
“Wala nga,” iling na nito na bahagyang binilisan na ang paglalakad at sadyang iniwan ang babae para hindi na kulitin ng kasama tungkol sa binitawang pangungusap.
Wala pang ilang minuto ay nakarating na rin sila sa harapan ng tatlong malalaking trash bin. Magkatulong nilang inihiwalay ang mga basurang dinala roon para ilagay sa kani-kanilang lalagyan, sa nabubulok man o hindi. Pagkatapos maghugas ng kamay sa kalapit na gripo ay agad rin namang bumalik sa likurang veranda ng mansion.
"Para saan ang mga 'yan?” siya na ang nagbukas ng usapan nang makita ang mga nakalagay na sa lapag na mga anik-anik na nakabalot pa sa transparent na plastic bag.
“Mosquito repellent torches, para sa dinner na gaganapin sa rooftop sa linggo ng gabi. Ako kasi ang inatasan ni Don Manuel na i-assemble isa-isa ang lahat ng mga ito." Pumulot ito ng isa upang ipagpatuloy ang ginagawa kanina
"Tulungan na kita,” presinta niya na kumuha na rin ng isa na nakabalot pa sa transparent na plastic bag.
“Sigurado ka? Baka pagalitan ka pa. Mahigpit si Aling Rosita, kung ano lang ang iniutos niyang trabaho sa iyo, iyon lang ang dapat mong gagawin,” wika pa nito habang ipinapagpapatuloy ang ginagawa.
"Ok lang naman siguro. Tatawagin naman niya ako kapag kailangan na ako sa loob ng kusina,” saad niya.
Hindi na siya nag-atubili pa at sinimulan nang buksan ang hawak-hawak. Maya-maya pa ay sinubukan nang pagdugtong dugtungin ang magkakahiwalay na parts ng mosquito torch. Nang hindi malaman kung ano ang uunahin ay tumingin na ito sa kasama upang gayahin ang ginagawa nito.
“May step by step guide diyan kung paano ang tamang pag-assemble, iyon na lang ang basahin mo para mas madali,” saad ng lalaki habang busy na sa ginagawa.
Kumilos siya upang tingnan ang booklet na tinutukoy ng lalaki, nang biglang matigilan.
“Oh, bakit?” tanong nito nang makitang ibinaba ni Karina ang hawak-hawak na maliit na libro kasabay ng pagpapakawala ng malalim na buntong hininga.
“Um, wala…" pilit siyang ngumiti upang itago ang naramdamang pagkadismaya sa sarili.
Sinipat ni Erwin ang dalaga na tila hindi naniniwala sa sinabi nito. "Maniwala ako?"
Humugot ulit siya ng buntong hininga. Isa ito sa suliranin niya sa tuwing mag-a-apply ng trabaho. Feeling niya ay nanliliit siya sa sarili. Dapat nga ay sanay na siya sa pakiramdam na iyon, pero hindi.
"Umm.. Hindi ko kasi alam kung paano basahin ang mga ito,” walang pagdadalawang isip na sambit niya. Kahit pa ganun ang kanyang nararamdaman ay pinili niya pa ring ipagtapat rito ang totoo. Wala naman siyang choice. Mas maganda na ito at maaga pa ay malaman na ng mga katrabaho niya ang tungkol doon. Unlike dati na itinatago niya iyon, na nagiging dahilan minsan nang pagdiskriminate sa kanya at kalaunan ay pagpapatalsik sa trabaho.
Sandaling natahimik si Erwin sa narinig. “Huh? Seryoso ka?” tanong nito nang mag-sink in na sa utak ang sinabi ng babae.
Tumango lang siya ng ilang beses.
“Pero paano ka natanggap dito bilang--?” hindi na nito naipagpatuloy pa ang sasabihin dahil baka ma-offend lang ang kausap. Datapwat ay nakaramdam ito ng pag-aalala sa babae. Napakahigpit kasi ng matandang si Aling Rosita pagdating sa pagkuha ng kasambahay sa mansion lalo na bilang isa sa mga cook roon. Ikaw ba naman kasi ang maaatasang magluto ng pagkain ng kapitapitagang Doctor na si Don Manuel. Bilang cook kailangan ay may sapat kang kaalaman sa ina-apply-an mong trabaho. Alam mo dapat ang ginagawa mo, particular na sa pagsunod sa iba’t ibang putaheng ipinapaluto ng Doktor. Paano nito masusundan ang recipe kung hindi nito alam kung paano magbasa? Minsan pa ay matotoka ito sa pamamalengke dala ang pagkahaba-habang listahan ng iba’t ibang uri ng mga prutas, gulay at condiments na sure itong mahihirapan ang babae na pakahanapin sa store kung hindi nga ito marunong magbasa.
“Hindi naman talaga tagaluto ang ina-apply-an ko dito kung hindi taga linis lamang ng bahay. Hindi ko alam na doon ako matotoka,” may pag-aalala na sa tono ng boses niyang sambit kapagkuwan.
Hindi makapagsalita ang binata na tila hindi pa rin makapaniwala sa narinig. Actually, first time nitong makakilala ng isang taong kagaya ni Karina. Sa modernong panahon ngayon na puro high tech na ang lahat ng bagay, ang babae na lang yata ang hindi pa marunong magbasa. On the other hand ay bilib din ito sa pag-amin ng babae tungkol doon. Hindi ito nahiyang ipagtapat ang sariling kalagayan.
“Magsabi na kaya agad ako kay Aling Rosita, baka magbago ang isip niya at ilagay niya na lang ako bilang tagapaglinis ng bahay,” suhestiyon niya.
“Huwag!” mabilis na saad ng lalaki. “In the first place, isang cook naman kasi talaga ang kailangan nila dito. Baka tinanggap ka ni Aling Rosita dahil wala na siyang choice dahil nangangailangan sila ng maraming tagapagluto para sa linggo. Mas maganda na huwag mo na lang sabihin ang tungkol diyan dahil baka bigla ka lang paalisin,” saad nito na tuluyan nang nahinto sa ginagawa.
Nanghitakutan siya bigla sa sinabi nito. Ilang taon niyang ninanais na makapasok bilang kasambahay sa mansion ni Don Manuel at ngayon ay natupad na ang kagustuhan niya ay hindi siya gagawa ng isang bagay na ikapapatalsik niya agad.
Hindi siya nakaimik bagkus ay isang malalim na buntong hininga na lamang ang pinakawalan niya.
“Ang totoo ay alam ko naman talaga ang magbasa ng tagalog, at nakakaintindi ako ng ibang ingles na salita, pero hirap pa rin ako magbasa lalo na ang mga mahihirap at mahahabang salitang ingles,” patuloy na pangungumpisal niya dito.
Grade 2 lamang ang kanyang natapos at pasang-awa pa iyon dahil mas marami ang nililiban niya kesa sa ipinapasok sa klase. Sa batang edad niya kasi ay kinailangan na niyang dumiskarte para may makain ang kanyang sakitin na ina at lasingero na ama. Katunayan sa mga nagdaang taong paninilbihan sa mayayamang angkan ay hindi pa nga niya naranasan magpasa ng resume o bio-data. Personal siyang nagbabahay-bahay sa tuwing maghahanap ng trabaho. Gaya ng ginawa niya kanina noong mag-apply bilang kasambahay sa malaking mansion ng Doktor. Hindi pa nga siya sana kukunin ni Aling Rosita noong wala siyang maibigay na listahan ng pagkakakilanlan at ekperiensya sa trabaho, nagkataon lang na nangangailangan daw talaga ng isa pang kasambahay. And, at the last minute niya lang nalaman na doon pala talaga siya matotoka sa kusina.
"Gusto mo turuan kitang magbasa?" pagmamagandang loob na ni Erwin sa babae. "Education ang kinuha kong kurso sa kolehiyo. Huminto lang muna ako ngayong taon para makaipon dahil alam kong maraming gastusin ang kakaharapin ko pagdating ng fourth year. Pero sa susunod na pasukan ipagpapatuloy ko na ang pag-aaral ko,” paliwanag ng lalaki. “Ano, gusto mo ba?" tanong ulit nito.
"Oo naman. Sino bang ayaw? Pero, sigurado ka ba? Baka mahirapan kang turuan ako," mababanaag ang pinaghalo-halong excitement, hiya at pag-aalala sa kanyang mukha. Ang totoo’y sariling sikap kung kaya natuto siyang magbasa, pinilit niya ang sarili na kahit tagalog ay malaman niyang basahin para kahit papaano ay may alam rin siya. Sa ingles lang talaga siya nahihirapan.
"Madali ka nang matututo. Sabi mo naman ay marunong ka nang magbasa ng tagalog di’ba?" paninigurado ni Erwin.
Tumango siya. "Naku, maraming salamat po. Matagal ko na talagang gustong matuto, nahihiya lang akong magpaturo sa mga kasamahan ko. Kapag magaling na ako magbasa, matututunan ko na rin magsalita ng ingles. Hindi na ako mahihiyang makihalubilo lalo na sa mga malalaking tao,” sa sinabing iyon ay pinatungkulan niya ang Doktor habang pinapasadahan ng tingin ang mansion nito sa kanyang harapan.
Sandaling napatitig lang naman si Erwin sa babae. "Sigurado ka ba talaga na dito mo gustong magtrabaho?" tanong pa nito.
"Oo naman po. Matagal ko nang pinapangarap na makapasok bilang kasambahay dito," sagot niya.
"Teka, kilala mo ba si Don Manuel?" tanong ulit ng binata.
"Oo naman noh! Eh, sino bang hindi nakakakilala sa kanya dito?" natatawang saad niya na bumwelo na upang tumayo. Napagpasyahan niya na lamang na pumasok sa loob ng bahay at hanapin na si Aling Rosita para ipagpatuloy ang nabinbin na pagpapakita sa kanya ng kanyang kuwarto kanina.
“Gusto lang kitang balaan. Ang mga katulad mo ang tipo ni Don Manuel Guevara. Bata, inosente. Kaya mag-iingat ka sa kanya, Karina,” seryosong anas ng lalaki.
Sandali siyang natigilan kasabay ng pagkunot ng noo sa sinabi ng kausap. Ano ba ang ibig nitong sabihin? Bakit kailangan niyang mag-ingat? Oo nga’t sa pagkakaalam niya ay may pagka-istrikto ang Doktor pero sa tingin niya ay mabait naman ito. Matatandaang isa na nga siya sa natulungan nito noon pa. Iyon nga ang dahilan kung bakit sa kabila ng mga naririnig na mga negatibong haka-haka laban sa pagkatao ng lalaking iyon ay ginusto niya pa rin na mamasukan dito bilang katulong.
Naikibot niya ang gilid ng mga labi. Hindi siya sumasang-ayon dito kung kaya mabilis niyang iwinaglit sa isipan ang paalala ng lalaki, bagkus ay isinuksok sa utak ang iba pang salitang narinig mula dito. At ayon nga dito ay ang mga babaeng gaya niya daw ang tipo ng Don. Ang ibig sabihin ba noon ay malaki ang pag-asa na magkagusto rin sa kanya ang Doktor? Pagkatamis tamis niyang ikinangiti ang isiping iyon, maya-maya pa ay pumasok na sa loob ng bahay na kapagkuwan ay nakasalubong rin ang mayordoma.