Lumot, Lamat, Limot Batid ni Konsehal Lumot, ang pinakamatandang lingkodbayan na aktibo sa Konseho ng Mga Taklobo, na hindi na tulad ng dati ang relasyon nila ng Diwatang Tamuneneng. Noong nabubuhay pa ang ama ng kasalukuyang Hari ng Dagat ng Ayisa, at si Lumot pa ang Colonel na pinuno ng mga bodyguard ng Hari, ang Diwatang Tamuneneng ang pangunahing tagapayo ng Konseho, lalo na pagdating sa larangan ng panloob na pamamalakad ng kaharian at ng pangkalahatang seguridad nito. Sa tuwing may session noon ang Konseho ng Mga Taklobo, hindi magsasara ang sahig ng pag-uusap at debate kung hindi maglalahad ng isang talindaw, o dalit, o tanaga, o di kaya’y bugtong ang naturang orakulo’t babaylan. Ang salita ng Diwatang Tamuneneng noon ay singhalaga ang bigat sa mismong tubig ng Dagat ng Ayisa. S

