2

1942 Words
“BAKIT hindi po ako puwede sa Maynila?” nagdadabog na tanong ni Cameron sa kanyang ina habang tinutulungan niya itong magbunot ng mga ligaw na damo sa hardin. Nasa malawak na hardin sila ng Villa Cattleya. Isa ang kanyang ina sa mga hardinera ng villa. Mahusay ito sa pag-aalaga sa mga tanim kaya ipinagkakatiwala rito ni Doña Ancia ang mga alagang orkidyas nito.  Napapalibutan ang malaking villa ng magandang hardin. Bawat bintana yata sa villa ay matatanaw ang magandang hardin. May malaking greenhouse rin ang villa kung saan naroon ang mga maseselang uri ng halaman at orkidyas. “Huwag nang matigas ang ulo mo, Cameron. Basta hindi puwede.” Napanguso siya. Hindi naman talaga siya nagtungo roon upang tulungan ito sa trabaho. Naroon siya upang kumbinsihin ito na pumayag na itong mag-aral siya ng kolehiyo sa Maynila. Bata pa lang siya ay pangarap na niyang makapag-aral at makapanirahan sa lungsod. Nais niyang mapuntahan ang mga lugar na napapanood niya sa telebisyon. Nais niyang maranasan kung paano ang mabuhay sa lungsod. “At bakit ba kinukulit mo na ako sa kolehiyo, eh, may isang taon ka pa naman sa high school? Bakasyon pa lang, Cameron. Intindihin mo muna ang pag-e-enroll sa pasukan bago ang pagpasok sa kolehiyo. Baka hindi ka pa makapasa sa high school.” Lalong umusli ang nguso niya.  “Hindi ko po kayo maintindihan, `Nay. `Yong mga ibang anak diyan, walang pangarap sa buhay. Kontento na sa ganitong buhay. Ako, `Nay, gusto kong umangat. Gusto ko namang mabago ang buhay natin.” Totoo naman ang sinabi niya. Kung ang ibang mga kapatid at kaibigan niya ay kontento na sa hacienda, siya ay hindi. Iba siya sa lahat. Ayaw niyang habang-buhay na manatili roon. Nais niyang magtrabaho at mamuhay sa lungsod. Doon din niya nais na palakihin ang mga magiging anak niya. Maganda at tahimik sa Mahiwaga. Mahal niya ang lugar na iyon kahit na paano. Doon na siya namulat mula pagkabata niya. Bihira siyang makarating sa ibang lugar. Noong bata pa lang siya, madalas siyang kuwentuhan ng lola niya tungkol sa Mahiwaga. Sadyang “Mahiwaga” raw ang ipinangalan sa lugar na iyon dahil totoong mahiwaga ang buong bayan lalo na ang mga kabundukan. Maraming mabubuting engkantada ang naninirahan sa mga kakahuyan at nagbabantay sa buong lugar. Kaya raw palaging sagana ang ani sa mga tanim at palaging hitik sa bunga ang mga punong-kahoy. Bata pa man siya ay hindi na siya naniniwala sa hiwaga ng gubat. Dahil best friend niya ang telebisyon mula pa noong ipinanganak yata siya, marami siyang nalaman tungkol sa eksplanasyon ng mga bagay-bagay. Hindi totoo ang engkanto—masasama man o mabuti. Nilikha lang iyon ng mga malikot na imahinasyon ng mga tao. Kahit nga ang lola niya ay aminadong hindi nakakita ng engkanto sa buong buhay nito. Marahil ay nagsawa na siya sa Mahiwaga. Nais naman niyang makarating sa ibang lugar. Nais niyang makakita ng ibang kagandahan. Ayaw niyang umikot na lang ang buong buhay niya sa Mahiwaga kagaya ng ibang kapatid niya, kagaya ng nais ng ibang mga kaibigan niya. Nais niyang magtungo sa lungsod. Bumuntong-hininga ang kanyang ina. Itinigil nito ang ginagawa nito at hinarap siya. “Hindi ba maaaring matupad ang mga pangarap mo habang narito ka lang sa Mahiwaga?” “Wala pa pong university sa Mahiwaga, `Nay.” Hindi siya papayag na hindi siya magkolehiyo. Bunso siya sa limang magkakapatid. Wala pa yatang disiotso ang kanyang mga magulang ay nagpakasal na ang mga ito dahil nabuntis ang kanyang ina. Maayos naman ang naging buhay nila dahil parehong may trabaho ang mga ito. Hardinera ang kanyang ina sa villa at magsasaka naman ang kanyang ama sa napakalawak na bukirin ng mga Castañeda. Palaging masagana ang ani kaya hindi sila sumasala sa pagkain. “Maaari ka namang magkolehiyo sa kabisera. Bakit ba gustong-gusto mo sa Maynila? Sa kabisera, makakauwi ka pa rin tuwing Sabado at Linggo. Kung sa Maynila, napakalayo mo sa `min ng Tatay mo. Labis kaming mag-aalala sa `yo. Wala tayong malapit na kamag-anak sa Maynila, anak. Ang isa pa, malaki ang magiging gastos natin. Baka hindi kayanin ng kita namin ng Tatay mo ang lahat. Alam mo namang hindi natin maaasahan ang ibang mga kapatid mo dahil may kanya-kanya na silang pamilya.” Hindi niya malaman kung bakit maagang nagsipag-asawa ang mga kapatid niya. Walang nabuntis sa mga ito bago ikinasal, ngunit mas pinili ng mga ito na lumagay na lang sa tahimik bago pa man iyon mangyari. Marahil ay alam na ng mga ito na mabubuntis o makakabuntis rin ang mga ito kapag nagtagal kaya nagpakasal na ang mga ito upang may basbas. Pakiramdam niya ay walang pangarap ang mga kapatid niya. Nakatapos naman ang mga ito ng vocational course at nagagamit ng mga ito ang natapos sa hacienda. Buong pamilya niya ay nagtatrabaho sa hacienda. Mahal niya ang hacienda. Ang mga Castañeda ang bumuhay sa kanila sa napakahabang panahon. Ngunit mas nais niyang umiba ng landas sa pamilya niya. Nais niyang magkaroon ng ibang trabaho sa labas ng hacienda. Hindi sa wala siyang utang-na-loob, nais lang niyang makaranas ng ibang buhay. Wala naman sigurong masama sa nais niya. “Kung gastos po ang inaalala n’yo, maaari naman akong kumuha ng scholarship. Honor student naman ako, `Nay. Pangatlo lang ako, pero kung maipapangako n’yong papayagan n’yo akong mag-aral sa Maynila, pagbubutihan ko pa ang pag-aaral para madali akong makakuha ng scholarship.” Scholar siya sa private school na pinapasukan niya dahil kay Doña Ancia. Hininaan niya ang kanyang tinig. “Maaari n’yo rin naman pong kausapin si Doña Ancia para maging scholar pa rin nila ako sa kolehiyo.” Halos lahat ng kabataan doon ay scholar ng mga Castañeda. Basta, nais na mag-aral, sinusuportahan ng pamilya. Malaki ang pagpapahalaga ng mga Castañeda sa edukasyon. “Kahit na tulungan nila tayo, magastos pa rin,” anito. “Hindi lang naman tuition ang magiging gastos. Siyempre, uupa ka ng silid. Magastos ang pang-araw-araw na pangangailangan sa kolehiyo lalo na kung sa Maynila ka mag-aaral.” “Bakit po si Ate Luisita?” Ang tinutukoy niya ay anak ng isang kasamahang magsasaka ng kanyang ama. Magkalayo sila ng bahay ngunit kilala ito ng lahat dahil sa pagiging malapit nito sa tatlong apo ni Doña Ancia. Nag-aaral ito sa Maynila sa kasalukuyan dahil na rin sa tulong ng matanda. Nakikita naman niya na hindi gaanong nahihirapan ang mga magulang nito.  Ang totoo, maraming dalaga ang naiinggit dito. Marami kasi ang nangangarap na sana ay mapansin ang mga ito ng mga apo ng doña. Karamihan sa mga apo ng matanda ay mga lalaki at lahat ay may kanya-kanyang angking kaguwapuhan. Kontento na lang ang ilang mga dalaga na tumingin nang palihim mula sa malayo. Hanggang pangarap lang naman ang mga iyon. Hindi naman palaging nangyayari sa totoong buhay ang kuwento ni Cinderella. Napakalabong mangyari na magkakagusto ang isang mayamang prinsipe sa katulad nilang mga dukha. Kinaiinggitan niya si Luisita dahil nakakapag-aral ito sa lungsod.  “Iba naman kasi si Luisita, Cameron. Nag-iisang anak lang siya. Napaglaanan na ng mga magulang niya ang pag-aaral niya sa Maynila. Iba ka, iba siya.” “`Nay, please,” pagsusumamo niya. “Kung gusto n’yo po, magtatrabaho po muna ako pagkatapos ko ng high school. Mag-iipon ako ng pera para may pantustos ako sa pag-aaral ko. Basta po, sa Maynila ako mag-aaral at ayoko ng vocational course. Ayaw n’yo po bang magkaroon ng anak na nakatapos ng four-year course?” “Siyempre, gusto ko pero iba ang Maynila. Mas masukal pa ang lugar na `yon kaysa sa mga kagubatan natin dito. Hindi ko maintindihan kung bakit gustong-gusto mong mag-aral doon.” “`Nay, mas maraming oportunidad sa Maynila. Mas maraming magagandang mangyayari sa `kin. Mas uunlad ako roon.” Pinigilan niya ang kanyang sarili na sabihin na minsan ay stagnant na ang buhay sa Mahiwaga. Tila hindi na umuusad. Pare-pareho na lang ang nangyayari sa araw-araw. Tila masaya naman ang iba sa ganoon, ngunit hindi siya. Nagpakawala uli ito ng buntong-hininga. “Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa bagay na `yan. May isang taon pa naman para pag-isipan mo ang lahat.” May isang taon pa ako para kumbinsihin ka, `Nay. Hindi magbabago ang isip ko. Matagal ko nang pangarap na makapag-aral sa Maynila. Hindi kita titigilan sa loob ng isang taon, `Nay. Pangako `yan. “Ituloy mo na `yang ginagawa mo. Kailangang maging maganda ang hardin dahil nag-uumpisa nang magsiuwian ang mga anak at apo ni Doña Ancia.” Tumalima siya. Ang nais ng mabait na doña ay palaging perpekto ang ayos ng hardin. Noong nabubuhay pa kasi ang asawa nito ay palagi nitong sinisiguro na maayos ang mga halaman sa hardin. Ang namayapa nitong asawa talaga ang mahilig sa mga halaman at bulaklak. “Sino-sino na po ba ang dumating?” kaswal na tanong niya. Tuwing summer vacation, naroon ang halos lahat ng mga apo ni Doña Ancia kaya palaging abala ang mga tauhan sa villa. “Sina Travis at Damian pa lang,” anito habang ipinagpapatuloy na rin nito ang ginagawa. “Next week daw darating ang iba pa.” Napatango siya. Hindi niya gaanong maalala ang hitsura ni Travis, ngunit kilala niya si Damian. Ang totoo, kilala ito ng halos lahat. Palagi itong sumasama sa ama nito na si Sir Utoy na siyang namamahala ng buong hacienda. Mahilig ito sa mga hayop. Hindi ito maselan. Hindi ito napapangiwi kapag napuputikan o nadudumihan ito. Palagi itong may nakahandang ngiti sa lahat. Kilala niya ito ngunit hindi pa sila nagkakaroon ng pagkakataong magkausap.  Mabait ang buong pamilya Castañeda, ngunit hindi mawawala ang pangingilag ng mga katulad nila. Nahihiya silang makipag-usap o makihalubilo minsan. Kahit na ano kasi ang gawin nila, mananatili silang mga tauhan lang. Nang mabunot niya ang lahat ng mga damo sa paligid ay nagpaalam siya sa kanyang ina na magtutungo muna sa kusina. Makikiinom lang siya dahil uhaw na uhaw na siya. Kilala niya ang halos lahat ng kawaksi sa villa.  Bubuksan na sana niya ang back door patungo sa kusina nang biglang bumukas iyon. Kung hindi siya maagap na napaatras, malamang na tinamaan siya ng pinto. Kapwa sila natigilan ni Damian na siyang nagbukas ng pinto. Kaagad naman itong nakabawi at nginitian siya nang matamis. May ilang mga dalagang kawaksi ang nagsabi sa kanya dati na si Damian na ang may pinakamatamis at pinaka-charming na ngiti sa mga apo ni Doña Ancia. Hindi nagsisinungaling ang mga ito. Sa katunayan, napatulala siya rito. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ito nang malapitan. Guwapo na ito sa malayuan ngunit mas guwapo ito sa malapitan. Ang tangkad-tangkad pa pala nito. “Hi, I’m Damian,” anito sa palakaibigang tinig. Pilit niyang inayos ang kanyang sarili. “Alam ko—este, alam ko po, Señorito.” Alam niya na hindi karaniwang nagpapatawag ng “señorito” o “señorita” ang mga apo ng doña, ngunit tila kabastusan kung basta na lang niya ito tatawaging “Damian.” Amo pa rin ito ng kanyang ina. “Just call me Damian, Cameron.” Nagsalubong ang mga kilay niya. “Alam mo ang pangalan ko?” Sandaling natigilan ito. “O-of course. Tinanong ko kay Lola Ancia.” Hindi na niya ginawang big deal iyon. Nakakatuwa nga na alam nito ang pangalan niya. Marahil ay kaswal nitong naitanong sa lola nito ang tungkol sa kanyang ina at nabanggit ng matanda na anak siya nito.  Nginitian niya ito. “Maligayang pagdating po. Papasok lang po muna ako sa kusina. Magtutungo po ba kayo sa hardin?” Tango lang ang itinugon nito. Tumuloy na siya sa kusina. Nais pa sana niya itong makausap ngunit nahihiya siya. Baka hindi ito interesadong makipag-usap sa isang katulad niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD