“AYAW mo pa bang umuwi?” tanong kay Damian ng kanyang ama.
Umiling siya. Nais niyang masaksihan nang personal ang panganganak ng ilang mga baka. Halos madaling-araw na ngunit nasa kulungan pa rin sila ng mga baka. May tatlong baka na nagle-labor sa kasalukuyan. Kasama nila ng kanyang ama, ang vet ng hacienda, at ilang mga tauhan.
Sinubukan ng kanyang ama na mag-crossbreed ng mga baka. Makikita na nila ngayon kung tagumpay ang pagsubok nito.
“Hindi ka pa ba inaantok?” tanong uli nito sa kanya.
“Dad, I want to stay here,” aniya sa mariing tinig.
Banayad itong natawa bago nito ginulo ang buhok niya. Naroon siya hindi lang upang masaksihan ang panganganak ng mga baka. Naroon din siya upang makasama ang kanyang ama. Madalang nila itong nakakasama. Ito ang namamahala ng Hacienda Cattleya, ngunit nasa Maynila sila na pamilya nito.
Noong una ay hindi niya maintindihan kung bakit magkahiwalay ang mga magulang niya. Nagtataka siya kung bakit hindi normal ang samahan ng mga ito katulad ng mga magulang ng mga pinsan at mga kaibigan niya.
Unti-unti rin niyang naintindihan ang sitwasyon. His mother had been a city girl all her life. Hindi nito kayang manirahan sa lugar na malayo sa sibilisasyon at halos pulos berde lang ang nakikitang kulay sa paligid. To her credit, she tried to live in Mahiwaga. Hindi lang nito marahil kaya. Maaaring sabihin ng ilan na napakaselan, napakaarte, at napakahina ng kanyang ina, ngunit iyon talaga ang personalidad nito. She was a great mother. Napakabait nito sa lahat.
Mahal ng kanyang ama ang kanyang ina. Alam niya na kaya nitong gawin ang lahat para sa pinakamamahal nitong asawa. Kung may ibang mamamahala lang marahil ng hacienda, kasama nila ito sa Maynila. Hindi nito maaaring pabayaan ang pinaghirapang ipundar ng ama nito, ng Lolo Andoy niya. Hindi birong hirap ang dinanas nito upang mapalago nang ganoon ang kabuhayan nila para may maiwan ito sa kanila. Ayon sa kanyang ama, hindi raw nais ng lolo niya na maranasan pa nila ang hirap na dinanas ng mga ito noon.
Hindi rin maaaring iwan nang mag-isa ng kanyang ama si Lola Ancia. Tuwing bakasyon lang naman sila madalas na nasa villa. Mag-isa na lang ang lola niya kapag umalis na sila. Ang mga uncle at auntie niya ay may kanya-kanyang trabaho at pamilya. Sa magkakapatid, ang kanyang ama rin lang ang may kakayahang magpatakbo ng hacienda. Mahal na mahal nito ang lupa. Mahusay ito sa pamamahala ng hacienda.
Kahit na hindi nito sinasabi sa kanila, alam niyang lihim na umaasam ang kanyang ama na isa sa kanila ang magnanais na manatili sa Mahiwaga at pamahalaan ang hacienda. Ayaw sana niyang mabigo ito, ngunit tila iyon ang mangyayari. Ang Kuya Mitch niya ay walang hilig sa mga gawain sa bukirin. Kahit na ginugol nito ang halos isang taon doon, hindi pa rin yata nito gugustuhin na pamahalaan ang buong hacienda. He, too, was a city boy, just like his mother. Kiyora, meanwhile, was into music.
Siya ay siguradong mananatili roon ngunit sa palagay niya ay hindi niya gugustuhing kunin ang buong responsibilidad sa buong hacienda. Mahilig siya sa mga hayop. Bata pa lang siya ay alam na niyang magiging veterinarian siya balang-araw. Hindi iyong klase ng beterinaryo na nakakulong sa aircon na clinic at tumitingin sa mga mamahaling breed ng aso at pusa. Alam niyang balang-araw ay gugustuhin niyang manirahan sa Mahiwaga upang alagaan at mas paramihin pa ang mga hayop doon.
Ngunit sa hayop lang siya magaling at may hilig. Namamatay ang halos lahat ng mga itinatanim niya. Hindi rin siya ipinanganak na leader. Hindi siya kailanman naging leader kahit sa eskuwelahan. Sa palagay niya ay babagsak ang hacienda kung siya ang hahawak. Tutulong siya sa sinumang susunod na mamamahala sa hacienda, ngunit hinding-hindi niya kailanman aakuin ang buong responsibilidad.
“Ayaw pa pong umuwi ng anak n’yo, Sir?” kaswal na tanong ni Mang Arthur sa kanyang ama. Sa pagkakaalam niya, anak nito si Cameron. Naroon ito dahil kabilang ang inaalagaan nitong baka sa mga nasali sa crossbreeding experiment. Ito rin ang mag-aalaga ng ipapanganak na crossbreed.
Magalang siyang ngumiti rito. “Gusto ko pong saksihan ang panganganak ng baka.”
Umupo ito sa tabi ng kanyang ama. Malapit ang kanyang ama sa lahat ng mga tauhan. Wala siyang kilala na tauhan na nangingilag dito. Mabait kasi itong talaga at magaling makisama sa lahat. Tila mahirap pantayan ang pamamalakad nito.
“Mahilig ka talaga sa hayop, ano, hijo?” tanong nito sa kanya.
Tumango siya. “Opo. Magiging beterinaryo po ako balang-araw.”
“Sana ay mas piliin mong manatili rito. Ikaw na sana ang humalili sa iyong ama.”
Ngiti lang ang naging tugon niya.
Inakbayan siya ng kanyang ama. “Kung ano ang gustong gawin ng mga anak ko, doon sila. Hindi ko sila pipilitin sa kahit na anuman. Kung mananatili sila sa Mahiwaga, `yon ay dahil gusto nilang manatili rito. Hahayaan ko silang hanapin ang lugar nila sa mundo.”
Mahal na mahal talaga sila ng kanyang ama. Kaya nga mahal na mahal din nila itong magkakapatid. Kahit na hindi nila ito madalas na kasama, he was still the best father of all.
Nakipagkuwentuhan pa sila ng kanyang ama sa ibang mga tauhang naroon habang hinihintay nila ang panganganak ng mga baka. Nang magsimulang manganak ang isa, hindi niya maalis ang kanyang tingin dito. He was in awe.
Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakasaksi siya ng panganganak ng baka, ngunit hindi pa rin nagmamaliw ang pagkamangha niya. Nakakamanghang masaksihan kung paano nagsisimula ang isang buhay.
Papasikat na ang araw nang makapanganak ang lahat ng mga baka. Kaagad na tiningnan ng beterinaryo ang mga bagong silang na baka. Anong tuwa niya nang hayaan siya nitong tumulong.
Lalo yata siyang naging masaya nang dumating doon si Cameron kasama ng ina nito. May dalang thermos at basket ang mga ito. Kape at pandesal ang dala ng mga ito para sa kanila.
Nginitian niya si Cameron na gumanti ng tila nahihiyang ngiti. Nag-iwas din agad ito ng tingin sa kanya. Pinigilan niya ang madismaya. Baka naiilang lang ito sa tingin at ngiti niya. Matagal na niya itong nakikita sa paligid at sigurado siya na kilala siya nito, ngunit hindi sila nagkakausap. Hindi sila nabibigyan ng pagkakataon. Kapag tinatangka niya ay may mga bagay na nangyayari upang maudlot iyon. Kapag nasa paligid din siya, mabilis itong nawawala na tila sadyang umiiwas ito sa kanya. At dahil may pagkamahiyain talaga siya, hindi siya minsan nagkakalakas ng loob na lapitan ito at kausapin.
Matagal na niya itong crush. Malinaw pa niyang naalala kung kailan nagsimulang sumibol ang damdaming iyon sa kanyang batang puso. Sampung taong gulang siya noong mapansin niya ito.
Hinahanap niya noon ang kuting na napulot niya sa bukirin. Napag-trip-an ni Travis ang kuting niya at itinago. Ayaw nitong sabihin kung saan nito itinago ang kuting kaya hinanap niya iyon sa buong villa. Pumasok siya sa guest room na may glass wall na nakaharap sa napakagandang hardin. Nakataas ang mga roman shade kaya nakikita niya ang kabuuan ng hardin. Gagalugarin na sana niya ang silid nang mapatingin siya sa batang naglalaro sa hardin sa labas.
Sa palagay niya ay kaedad lang niya ito. Nakikipaglaro ito sa makukulay na paruparo. Nakasuot ito ng puting bestida. Mahaba ang itim na buhok nito. Malapad ang ngiti sa mga labi nito at tuwang-tuwa ito sa pakikipaglaro sa mga paruparo. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya maalis ang kanyang paningin dito.
She was very lovely. He felt weird. Noon lang siya nagandahan sa isang babae bukod sa kanyang ina at lola niya. Napapaligiran pa ito ng mga bulaklak kaya lalo itong gumanda sa paningin niya. Nakalimutan niya ang hinahanap niyang kuting. Pinanood niya ito hanggang sa may tumawag dito at umalis na ito.
Kinabukasan, inalam niya ang pangalan nito. “Cameron.” Anak ito ng isa sa mga hardinera sa villa. Mula noon, tuwing nagbabakasyon siya ay lihim niya itong tinitingnan, lihim niya itong hinahangaan. Habang tumatagal ay tila lalo lang lumalago ang nadarama niya para dito.
Kahit tuwing bakasyon lang niya ito nakikita, hindi nawala ang paghanga sa puso niya. Kahit na hindi niya ito nakakausap, masaya na siya. Nagiging masaya siya kapag nakikita niya itong masaya at tumatawa. Nagiging balisa siya kapag malungkot ito.
Wala siyang pinagsabihan ng damdamin niyang iyon. Kahit kay Travis ay hindi niya iyon maaaring sabihin. Bukod sa madaldal ito, madalas din siya nitong tutuksuhin. Baka maibuko pa siya nito kay Cameron.
Sa bakasyon niyang iyon, nagdesisyon siya na ipaalam na ang presensiya niya rito. Lalakasan na niya ang kanyang loob at lalapitan na niya ito. Makikipagkaibigan na siya. Nagsasawa na siya sa pagmamasid nang palihim dito. It also didn’t feel right. Pakiramdam niya ay stalker na siya.
Kailangang may magbago sa kanilang dalawa. Hindi na siya mahihiyang makipag-usap at makipagkaibigan dito.
“Hi,” bati niya rito. Mas tinamisan pa niya ang kanyang ngiti.
Tila naiilang na napatingin ito sa kanya. “Hello. Pandesal po?”
Siya naman ang nailang. “Puwede bang huwag ka nang gumamit ng ‘po’? Naiilang kasi ako, eh. Magkaedad lang naman tayo, `di ba?”
Marahan itong tumango. “Sige, kung `yan ang gusto mo.”
Hindi magtatagal ay magkakapalagayan din marahil sila ng loob. Magiging mabuti silang magkaibigan at doon magsisimula ang mas magandang samahan nila.