4

2490 Words
MAGALANG na nginitian ni Cameron si Doña Ancia nang magtungo ito sa hardin na nililinisan ng kanyang ina. Naroon uli siya upang tulungan ito. Bukod sa wala naman siyang gagawin sa bahay nila, nais niyang sumipsip sa kanyang mga magulang. Lubos ang ginagawa niyang pagpapakabait nitong mga nakaraang araw. Wala siyang reklamo sa mga utos ng mga ito. Lahat ay sinusunod niya na may ngiti sa mga labi. Nangako siya sa kanyang sarili na magpapakabait siya nang husto hanggang sa pumayag ang kanyang mga magulang na sa Maynila na siya mag-aral. “Magandang umaga po,” magalang na bati niya rito. Nginitian at binati rin ito ng kanyang ina. “Magandang umaga,” ganting-bati ng matanda sa magaang tinig. Umupo ito sa isang wooden bench na malapit at pinagmasdan ang paligid. “Mahusay ka talagang mag-alaga ng mga halaman, Dolores,” anito sa kanyang ina. “Malusog ang mga halaman. Tila mas gumaganda ang mga bulaklak, mas matingkad ang mga kulay nila.” Napangiti nang malapad ang kanyang ina. Nagliwanag ang buong mukha nito. Hindi mapantayan ang kaligayahan nito tuwing napupuri ito sa trabaho. “Trabaho ko pong panatilihing maganda at malusog ang mga halaman,” anang kanyang ina. “Maraming salamat.” Biglang nahiya ang kanyang ina. “Wala po `yon. Trabaho ko po ito.” Napatingin sa kanya si Doña Ancia. “Napapansin kong palagi mong tinutulungan ang nanay mo, hija. Napakasuwerte naman niya sa pagkakaroon ng masipag at mabait na anak.” “Naku po, may kailangan lang po `yan kaya ganyan kabait at kasipag,” anang kanyang ina. Uminit ang mga pisngi niya. Bigla siyang nahiya. “Nanay,” saway niya rito. Pati ba naman iyon ay sasabihin pa nito sa amo nito? Alam niyang mabait si Doña Ancia kaya malapit ang mga tauhan dito, ngunit may mga bagay na hindi na nito dapat na sinasabi sa iba. Nakakahiya tuloy siya. Banayad na natawa ang matanda. Napatitig siya sa mukha nito. Napakaganda pa rin nito sa kabila ng edad nito. Hindi nawawala ang sopistikasyon at grace sa bawat kilos nito. Tila mabagal ang pagtanda nito. “Ano ba ang gusto, Dolores? Susuwelduhan ko na lang siya upang mabili niya ang gusto niya.” “Naku, `wag na po,” maagap na tanggi ng kanyang ina. Pigil niya ang kanyang sarili na sawayin ito. Maigi kung magkakaroon siya ng suweldo. Kahit na maghapon na siya sa villa sa buong bakasyon ay okay lang. Tutulong siya sa mga kawaksi sa mga gawaing-bahay kung wala nang gagawin sa hardin. Makakatulong sa pag-iipon niya ang magiging suweldo niya kung saka-sakali. Bakit tatanggihan nito ang karagdagang kita? “Ano ka ba naman, Dolores, huwag ka nang mahiya. Nakikita kong nag-e-enjoy naman si Cameron dito sa hardin. Mukhang mamamana niya ang hilig mo sa mga halaman. Para hindi naman masayang ang pagod niya, bibigyan ko siya ng suweldo.” “Maraming salamat po,” aniya bago pa man makapagsalita ang kanyang ina. “Makakatulong po `yon sa pag-iipon ko. Magsisipag po ako.” “Hindi naman po mahilig sa halaman ang batang ito,” anang kanyang ina pagkatapos siyang pasimpleng pandilatan. “May kailangan lang po talaga. Nais na mag-aral sa Maynila pagsapit niya sa kolehiyo.” “O,  ano ang problema?” nagtatakang tanong ng matanda. Nahihiyang yumuko ang kanyang ina. “Nag-aalala po kasi kami ng asawa ko na baka hindi namin kayanin ang gastos.” “Ano ka ba naman, Dolores?” anang doña habang napapailing. “Habang gusto pa ng bata na mag-aral ay hayaan n’yong mag-aral. Narito naman ako para tumulong.” “Nakakahiya na po.” “Tanggalin mo na `yang hiya-hiya na `yan.” Binalingan siya nito. “Mag-aral kang maigi at ako na ang bahala sa pag-aaral mo sa Maynila.” Umabot yata hanggang sa mga tainga ang ngiti niya dahil sa sinabi ng matanda. Napuno ng kaligayahan at pag-asa ang kanyang buong pagkatao. Malaki na ang tsansa na makakapag-aral siya sa Maynila pagsapit niya sa kolehiyo. “Magsisipag po akong maigi,” pangako niya sa matanda. Inakbayan niya ang kanyang ina. “Mag-iipon po ako para makatulong sa mga gastusin. Kaya natin, `Nay.” Alanganing ngiti na lang ang naitugon ng kanyang ina. “Lola...” Sabay-sabay silang napatingin sa pinanggalingan ng tinig. Nakita nilang palapit sa kanila ang dalawang apo ng matanda—sina Travis at Damian. Kaagad na may nakahandang ngiti sa mga labi ni Damian. Hindi niya maiwasan ang mapangiti rin dito.  “Hi,” bati nito sa kanya habang hindi nawawala ang matamis na ngiti sa mga labi nito. “Hello,” aniya sa tinig na bahagyang nahihiya. Bakit habang tumatagal ay lalo itong nagiging makisig sa paningin niya? NATUTUWA si Cameron kapag nakikita niya ang nakangiting mukha ni Damian. Hindi niya maipaliwanag ngunit nagiging masaya siya tuwing nasisilayan niya ito. Dahil dito, excited siyang palagi sa pagpunta sa villa at tumulong sa kanyang ina. Hindi siya nahihirapan sa mga trabaho roon dahil dito. Naging habit na yata nila ang magngitian kapag  nagkakasalubong sila sa villa. Palagi siyang binabati nito. Kahit na “hi” at “hello” lang ang karaniwang palitan nila, okay na rin iyon sa kanya.  Siyempre, hindi niya maiwasang hilingin na sana ay magkaroon sila ng pagkakataong makapagkuwentuhan. Sana ay maging magkaibigan sila. Sa tingin niya ay mabait ito at hindi snob.  Hindi pa niya sigurado kung may crush na siya rito. Dati kasi ay tila hindi niya ito gaanong napapansin. Dahil marahil sa hindi niya ito madalas na nakikita sa mga nakaraang pagbabakasyon nito sa Mahiwaga. Hindi siya nito madalas na nginingitian. Ngayon, tila sa bawat puntahan niya ay naroon ito. Palagi itong may nakahandang matamis na ngiti. Natutuwa rin siyang makita itong kakulitan ang pinsan nitong si Travis. Sa tingin niya ay makulit ang pinsan nito. Ilang beses na niya itong nakita na tila  malapit nang mapikon sa pinsan nito. Kahit na pikon na pikon na at tila sagad na ang pasensiya nito, ang guwapo pa rin nito. “Travis, I’m warning you!” Kaagad siyang napalingon sa pinanggalingan ng pamilyar na tinig ni Damian. Base sa tono nito, sa palagay niya ay tuluyan na itong napikon ni Travis. Nagsalubong ang mga kilay niya. Maaga pa upang magkapikunan ang mga ito. Nasa hardin siya at tinitingnan ang mga bulaklak na maaaring pitasin upang ilagay sa loob ng villa. Ang kanyang ina naman ang namitas ng mga bulaklak na dadalhin sa mausoleum ni Don Andoy. Araw-araw, ang nais ni Doña Ancia ay napupuno ng mga bulaklak ang mausoleum. Nakita niya sina Travis at Damian na palabas ng villa. Kapwa naka-pajama pa at tila kababangon lang mula sa higaan base sa magulong buhok ng mga ito. Hawak-hawak ni Travis ang isang itim, maliit, at mabalahibong bagay. “Don’t hold her so tightly. She might die! Travis, be careful. Act human, for pity’s sake. That’s a living thing.” Halos sumigaw na si Damian. Noon niya malinaw na nakita ang hawak nito: isang kuting. Imbes na makinig ay itinaas pa ni Travis ang hawak nitong kuting. Nanlaki ang mga mata ni Damian. Tila nakahanda itong saluhin ang kuting sa sandaling mahulog iyon mula sa mga kamay ni Travis. “This disgusting thing peed on my pillow! She peed on my pillow! She pees on everything. Bakit mo ba kasi ito inampon? Ang pangit-pangit ng pusakal na ito,” ani Travis na lukot na lukot ang mukha. “Itatapon ko ito sa bukid, sinasabi ko sa `yo, Damian!” “Don’t you dare! Hindi na kita kakausapin kahit kailan!” “Kalilimutan mo ang pagiging magpinsan natin dahil lang sa gusgusing kuting na ito na napulot mo lang sa kung saan? Ang pangit-pangit-pangit niya!” “Wala akong pakialam! Masama ba kung bibigyan ko siya ng tsansa na mabuhay? Itinapon na nga siya ng may-ari sa kanya. Wala siyang mama. Kawawang-kawawa siya. Magiging cute din siya paglaon. Kailangan lang siyang pakainin at linisan nang regular. Give her to me. She’s scared already.” “She pees on everything!” “Kasi baby pa siya. Ikaw ba noong baby ka pa, marunong ka na agad gumamit ng toilet? At gapatak lang naman ang ihi niya. Masyadong OA ang reaksiyon mo. Hindi rin naman siya madalas na umiihi, ah. Isang sheet lang ng tissue ang katapat ng ihi niya. Mate-train ko rin siya na umihi at dumumi sa labas. Give her to me.” “OA? OA! Ako pa ngayon ang OA? Ikaw ang OA sa concern mo sa kuting na ito. Mas concerned ka pa yata sa kuting kaysa sa sarili mong pinsan!” “Travis, let’s not make a big deal out of this. Akina ang kuting ko.” Hindi na niya napigilan ang mapahagikgik sa narinig niyang palitan ng magpinsan. Sabay na napalingon sa kanya ang dalawa. Natutop agad niya ang kanyang bibig.  Ang akala niya ay magagalit o maiirita si Damian nang makita siya. Kahit na hindi niya sinasadyang marinig ang usapan ng mga ito, maaari naman siyang lumayo upang hindi na niya napakinggan ang lahat. Sa halip na mairita ay kaagad na nawala ang pagkakakunot ng noo nito. Tila awtomatiko ang pagngiti nito sa kanya. “Hi,” bati pa nito na tila hindi nakikipagdiskusyon  sa pinsan nito tungkol sa isang itim na kuting. Ginantihan niya ang matamis na ngiti nito. “Hello.” “Oh, for heaven’s sake!” bulalas ni Travis habang ibinababa ang kuting. “Tigilan n’yo na `yang ‘hi’ at ‘hello’ n’yo, utang-na-loob!” Naitirik pa nito ang mga mata nito. “May alam naman siguro kayong ibang mga salita. Puro na lang kayo, ‘hi’ at ‘hello.’ Wala nang nangyari sa inyo sa araw-araw. Hindi na kayo umusad. Try n’yo ‘what’s up’ para cool.” Inihagis nito ang kuting patungo kay Damian. Natatarantang sinalo naman iyon ng binata. Nakahinga siya nang maluwag dahil hindi nasaktan ang kawawang nilalang na kahit na mukhang dugyot ay mahal na mahal ni Damian. Matalim na tingin ang ipinukol nito kay Travis. Tinapik lang ni Travis ang balikat ni Damian na tila walang anuman ang ginawa nito. “Ikaw na ang bahala diyan. Ayoko na `yang makita sa loob ng villa kung hindi tatapakan ko `yan hanggang sa lumabas ang lahat ng lamang-loob niyan. Seryoso ako, Damian!” Naglakad na ito pabalik sa villa. “I’m going back to sleep. Be sure to get rid of that thing. `See you later, Cameron!” Hindi na niya nagawang sumagot dahil tuluyan na itong nakapasok sa villa. Nag-aatubili man, nilapitan niya si Damian na hinihimas na ang kuting na tila ba inaalo iyon. Matagal na niyang alam ang hilig nito sa mga hayop dahil madalas iyong ipagmalaki ng ama nito sa lahat, ngunit ngayon lang niya nakita nang malinaw kung gaano ito nagmamalasakit sa mga hayop. Ordinaryong kuting lang iyon ngunit labis ang pag-aalaga at concern nito. “Ano ang pangalan niya?” kaswal na tanong niya nang makalapit siya rito. Napatingin ito sa kanya. “Beauty,” nakangiting sagot nito. Napatingin siya sa kuting. Kusang tumaas ang isang kilay niya. Sa kanyang personal na opinyon, hindi bagay rito ang ibinigay na pangalan dito. Itim na itim ito at payat na payat. Nakakatakot ang mga mata niyon.  Natawa si Damian. “I know what you’re thinking,” sabi nito. “Hindi man siya kasing-cute ng ibang kuting ngayon, darating din ang araw na magiging bagay na sa kanya ang pangalan niya.” Hinayaan na lang niya ito sa opinyon nito. Kung iyon ang paniniwala nito, bahala ito sa buhay nito. Baka nga naman tama rin ito. Baka lumaki ang kuting na maganda. “Saan mo ba kasi pinulot ito?” Hindi niya alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob na makipagkuwentuhan dito. May mga kailangan pa siyang gawin ngunit hindi siguro masama kung makikipagkuwentuhan siya sandali. “Sa bukid. Kawawa nga kahapon. Iyak siya nang iyak.” Banayad siyang natawa. “Alam mo ba kung bakit inililigaw ng ibang tao ang mga pusa sa bukid?” Umiling ito. “Hindi ko maintindihan kung paano nagagawa ng ibang tao `yon. It’s kinda cruel, don’t you think?” Pinigilan niya ang sarili na lalong matawa.  “Sadyang inililigaw ng mga tao ang mga pusang pasaway. `Yong mga nagnanakaw ng pagkain ng tao, `yong madumi sa bahay. Ibig sabihin, pasaway ang pusang ito.” “Kahit na. Kawawa naman siya kung doon lang siya sa bukid. Wala siyang kakainin doon. Mamamatay siya. Kahit na unwanted siya para sa ibang mga tao, gusto ko pa rin siya. I want to give her a chance to live. Mate-train naman siya, eh. Makikita mo, magiging pinakamabait itong pusang ito sa buong Mahiwaga.” Naisip niya na napakasuwerte ng kuting na iyon. Kahit na itinapon na ito ng iba, may nagmagandang-loob na pumulot dito. Hindi na ito magugutom pa. Sigurado siya na ito ang magiging pinaka-spoiled na kuting sa buong Mahiwaga. “Paano, babalik na ako sa trabaho, ha? Mamimitas pa ako ng mga bulaklak, eh.” Ayaw pa sana niyang magpaalam dito ngunit may kailangan siyang gawin. Kahit na tila masarap pang makipagkuwentuhan dito ay hindi puwede. “Ahm, puwedeng tumulong?” tila nahihiyang tanong nito. “Ha?” “Gusto ko ring mamitas ng bulaklak. Gusto rin ni Beauty na makakita ng magagandang bulaklak. Na-trauma yata siya sa ginawa sa kanya ni Travis. Okay lang na samahan at tulungan kita?” “S-sige,” tanging naitugon niya. Alangan naman kasing pigilan niya ito? Masaya naman siya na makasama at makakuwentuhan pa ito. Ngiting-ngiti siya habang namimitas sila ng mga bulaklak na ilalagay sa mga plorera sa loob ng villa. Nagkuwentuhan sila tungkol sa kung ano-ano. Madaldal pala ito kung tungkol sa mga alaga nitong hayop ang paksa. Nakakatuwang pagmasdan ang mukha nito habang nagkukuwento ito. Engrossed na engrossed kasi ito. Pagkatapos nilang mamitas ay pumasok na sila sa loob ng villa. Ibinigay niya sa isang kawaksi ang basket ng mga bulaklak.  “Nag-almusal ka na ba? Samahan mo kami ni Beauty,” yaya ni Damian sa kanya. “Ha? Eh, kuwan—” Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya papasok sa maliit na dining room bago pa man niya matapos ang sasabihin niya. Napatingin siya sa kamay nito na nakahawak sa kamay niya. Bakit tila may mumunting kuryente na dumadaloy mula sa kamay nito patungo sa katawan niya? Nadatnan nila ang lola nito na nakaupo na sa harap ng hapag. Nakaramdam agad siya ng hiya. Babawiin na sana niya ang kanyang kamay at magpapaalam sa mga ito, ngunit humigpit ang pagkakahawak doon ni Damian. Mas hinila pa siya nito palapit. “Good morning, Lola,” masiglang bati nito sa matanda na nakangiti sa kanilang dalawa. “G-good morning po,” nahihiyang bati rin niya. “Magandang umaga,” masiglang tugon nito. “Umupo na kayo para makakain na tayo.” Pinaupo siya ni Damian sa isang upuan bago ito umupo sa tabi niya. Wala na siyang nagawa kundi ang sumalo sa maglola. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD