5

1688 Words
PAUWI na sana si Cameron nang harangin siya ng nakangiting si Damian. Mag-isa na lang siyang uuwi dahil nauna na ang kanyang ina. Tila nag-aalangan itong lapitan siya noong una. Pati ang ngiti nito ay tila nag-aalangan din. Hawak nito si Beauty na tila kontentong-kontento sa buhay nito. Napakasuwerte ng pusang iyon. “Hi,” bati nito sa kanya. Ginantihan niya ang ngiti nito. Masaya siyang makita ito bago siya makauwi nang araw na iyon. “Hello.” “Ahm, can you do me a favor? Medyo nakakahiya pero wala na talaga akong maisip na maaaring tumulong sa `kin.” Bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay. Hindi niya maisip kung ano ang maaaring kailanganin nito sa kanya. “Kahit na ano,” sabi niya. Kahit marahil gaano kahirap ang pabor na hihingin nito ay pipilitin pa rin niyang gawin iyon. Kahit na hindi ito apo ng kanilang amo, tutulungan pa rin niya ito. Iniabot nito sa kanya si Beauty. Lalong nagsalubong ang mga kilay niya.  “Would you take care of her? Would you bring her home with you?” “Ha?” Naintindihan niya ang sinasabi nito, ngunit hindi niya maintindihan kung bakit siya ang naisipan nitong hingan ng ganoong klase ng pabor. Mahal na mahal nito ang napulot nitong kuting, bakit nito ibinibigay sa kanya? Napatingin siya sa hawak nitong kuting. Hindi niya masabi kung gusto niya iyong alagaan o hindi. Hindi siya gaanong mahilig sa mga hayop. May mga alaga silang inahing baboy at ilang mga aso ngunit may pakinabang ang mga iyon sa kanila. Nagbibigay ng karagdagang kita ang inahing baboy kapag nakapanganak na iyon. Ang mga aso ay nagsisilbing proteksiyon nila kahit na masasabing tahimik ang Mahiwaga at halos walang naitatalang krimen doon. “Please?” anito habang nakangiti sa kanya nang matamis. “Ako ang bahala sa food niya. Ipapadala ko nang regular. Hindi lang siya safe sa villa habang narito pa si Travis. Hindi siya nagbibiro na tatapakan niya si Beauty kapag napikon siya. He’s cruel to poor animals. Gusto ko lang masiguro na magiging maayos at ligtas si Beauty.” Hindi niya napigilan ang matawa. Noon lang siya nakakilala nang ganoong klase ng tao. Isang tao na sobra-sobra ang pagpapahalaga sa mga hayop kahit na mukha iyong walang silbi. Inilahad niya ang kamay niya at inudyukan itong ilagay roon ang kuting. Alam niya na hindi magagalit ang kanyang mga magulang sa pag-uwi niya kay Beauty sa kanilang tahanan dahil kuting ito ni Damian. “Thank you!” masayang sabi nito, saka maingat na inilagay nito sa palad niya ang kuting. Tinitigan niya ang pusa na nasa kamay na niya. Kahit na wala siyang hilig sa mga hayop, aalagaan pa rin niya ito nang maigi. Natutuwa siyang makita ang kontento at matamis na ngiti sa mga labi ni Damian.  “Ihahatid na kita sa bahay n’yo. Akina uli si Beauty para hindi ka mahirapan,” anito. Hindi na siya tumanggi kahit na pabalat-bunga lang. Nais niya itong makasama. Nais pa niya itong makakuwentuhan. “Madalas mo ba itong ginagawa?” kaswal na tanong niya habang naglalakad sila. Malayo-layo ang bahay nila sa villa ngunit sanay na siyang naglalakad pauwi. Nasira na kasi ang bike na dati niyang ginagamit. Ayaw na niyang magpabili ng panibago dahil hindi niya iyon magagamit nang matagal. “Ang alin?” nagtatakang tanong nito. “Mag-ampon ng mga hayop na pinabayaan o pakalat-kalat.” Lumapad ang ngiti nito. “Yes. I do this all the time. Nasanay na si Mom kapag nag-uuwi ako ng mga kuting at tuta sa bahay na napupulot ko lang sa lansangan. Minsan, mga ibon ang nakikita ko. I once bought a snake from people who wanted to kill him. Basta kapag may nakita akong hayop na pinabayaan na o nasa panganib ang buhay, inaampon ko. Naiinis sa `kin minsan ang mga kapatid ko, lalo na kapag naiingayan na sila. Pero wala silang magawa dahil hindi naman ako mapakali hangga’t hindi ko nasisiguro na maayos ang kalagayan nila.” “Hindi ko ma-imagine ang hitsura ng bahay n’yo,” aniya na bahagyang natatawa. Tuwing sinasabi ng lahat na ito ang apo ni Doña Ancia na siyang pinakamahilig sa hayop, naiisip niya ang isang lalaki na maraming alagang mga aso na may breed. Iyong mga tipo ng aso na cute, mabalahibo, at mas mukhang stuffed toy. Hindi niya inakala na mahilig itong mag-ampon ng mga hayop na galing sa kung saan-saan lang. Tumawa ito nang malakas. Masarap sa tainga ang malutong na tawa nito. “Nagpagawa si Dad ng malaking kulungan ng mga hayop sa likod ng bahay namin. Masyado na kasi silang marami and everyone in the house is starting to freak out because of them. Muntik na ngang himatayin si Mom at Kiyora nang iuwi ko si Bambi sa bahay. Bambi is my snake.” “Bakit naman kasi pati ahas ay inampon mo? `Buti ibinigay nila sa `yo `yon.” Hindi talaga niya ito ma-imagine habang inililigtas ang ahas mula sa mga papatay rito. May mga ahas din doon ngunit kakaunti ang makamandag. Ayon sa kanyang ama, nakakatulong ang ilang mga ahas upang mabawasan ang mga mapaminsalang daga sa bukirin. “I gave them three thousand pesos. Bambi is not venomous. Hindi ko nga alam kung paano siya nakarating sa mga taong `yon. Hindi ko na rin nalaman kung may nagmamay-ari sa kanya o wala. Basta inalagaan ko na lang siya.” “Sino ang nag-aalaga sa kanya kapag wala ka sa inyo?” Pinigilan niya ang kanyang sarili na sabihin dito na ang ahas ay ahas. Hindi ba ito kinikilabutan man lang? “Nag-hire si Mom ng tagapag-alaga ng mga hayop ko para kahit na wala ako sa bahay ay nasa maayos sila. Alam kasi niya na malulungkot ako nang husto kapag may nangyaring masama sa mga alaga ko.” “Maraming-marami na ba sila?” Naisip na naman niya na napakasuwerte ng mga hayop na naampon nito. May sariling bahay na nga ang mga ito, may sarili pang tagapag-alaga. Tumango ito. “`Yong iba nga ay ipinaampon ko sa ibang mga tao na gusto ring mag-alaga. Siyempre, hindi ko basta ipinaaampon ang mga alaga ko hangga’t hindi ko nasisiguro na magiging maayos ang kalagayan nila sa susunod nilang tahanan. I love them so much, you know.” “Ang suwerte-suwerte naman nila.” “Mas masuwerte ako kasi dumating sila sa buhay ko. Napapasaya nila ako nang husto, eh. Hindi naman ako napapagod sa pag-aalaga sa kanila dahil maligaya ako sa ginagawa ko. I’m entrusting Beauty to you. Sana ay alagaan mo rin siyang maigi.” Napatingin siya rito. Halos hindi na niya maialis ang kanyang paningin sa mukha nito. Napaka-gentle ng mga mata nito na nakatingin kay Beauty. Kung ganoon ito sa hayop, paano pa kaya sa mga tao? Napakabuting tao nito. “Ikaw naman ang magkuwento tungkol sa sarili mo,” anito nang hindi na siya magsalita. “Ayokong ma-bore ka sa kuwento ko tungkol sa mga alaga ko.” “Ano naman ang ikukuwento ko?” Tila nahihiya siyang magkuwento rito ng mga bagay tungkol sa kanya. Baka hindi naman ito talaga interesadong malaman, naging polite lang ito.  “Kahit na ano.” Tumikhim siya at sandaling nag-isip. “Simple lang naman ang buhay namin dito sa Mahiwaga. Tahimik na tahimik dito. Minsan, pare-pareho na lang ang nangyayari sa araw-araw. Minsan, nakakabagot kasi walang nangyayaring iba, walang nangyayaring exciting.” “Pero masaya naman dito kahit na tahimik, `di ba? I love this place so much. Tuwing bakasyon, dito ko lang gustong pumunta. All of us consider this our home. There’s no place like home. I want to stay here for good. Maybe I can do that after high school.” “Baligtad pala tayo. Ako, gusto kong sa Maynila mag-aral ng kolehiyo at manirahan balang-araw.” Napahinto ito sa paglalakad. “H-ha?” “Hindi naman sa hindi ko mahal ang Mahiwaga. Mahal ko ang lugar na ito. `Sabi mo nga, there’s no place like home. Pero gusto ko rin namang makakita ng ibang lugar. Gusto ko ring masubukan kung paano ang mabuhay sa lungsod.” “Oh,” tanging nasambit nito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang ekspresyon nito. Tila nadismaya ito na hindi niya masabi. “Hindi naman kasi ako katulad mo na kung gustong makapunta sa ibang lugar ay madali mong magagawa. Tinanggap ko ang trabaho sa hardin ng villa dahil gusto kong makaipon kahit na paano. Gusto ko talagang mag-aral sa Maynila, eh. Parang ayaw naman nina Nanay kasi masyado nilang inaalala ang gastos. Ang sabi ng Lola Ancia mo, tutulungan daw niya ako. Pero parang nakakahiya na masyado sa lola mo. Marami na siyang naitulong sa `min.” Bumuntong-hininga siya. “Gusto ko kasing mabago naman ang takbo ng buhay namin. Ayokong makontento na lang kami sa kung ano ang mayroon dito sa Mahiwaga. Wala namang masama na sumubok, hindi ba?” Hindi niya maintindihan kung bakit napakadali para sa kanya na magsabi rito ng mga bagay tungkol sa pangarap niya. Hindi niya iyon madalas na sinasabi sa mga kaibigan niya dahil madalas ay pinagtatawanan lang siya. Karamihan din sa mga iyon ay katulad ng mga kapatid niya, masyadong kontento na ang mga ito sa katahimikan ng buhay sa Mahiwaga. Tila nakabawi na ito sa pagkadismaya nito. “Wala namang masama sa gusto mo. Kung sa tingin mo ay `yon ang paraan upang umunlad ka, go for it. May kanya-kanya talagang pangarap ang bawat tao. Pero kung ako ang tatanungin mo, mas masukal pa ang Maynila kaysa sa pinakamasukal na kagubatan sa lalawigang ito. But if that would make you happy, then do it. Explore other places. Find your place under the sun.” Nginitian niya ito. Tila may sumibol na panibagong pag-asa sa puso niya dahil sa sinabi nito. “Maraming salamat, Damian.” Masuyong ngiti ang naging tugon nito. Pagdating nila sa bahay nila ay kinuha na niya si Beauty rito. Ibinigay na rin nito sa kanya ang isang paper bag na naglalaman ng mga gamit at pagkain ng kuting. “I’ll see you tomorrow,” anito bago ito nagpaalam sa kanya at sa mga magulang niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD