MULA noon ay naging malapit na si Cameron kay Damian. Madalas na kakuwentuhan niya ito kapag nasa hardin siya at inaasikaso ang mga halaman at mga bulaklak.
Madalas na tumutulong ang binata sa kanya. Kahit na sinasaway niya ito ay patuloy pa rin ito sa pagtulong. Minsan ay dinadala niya si Beauty para magkasama naman ang dalawa.
Madalas ay inihahatid siya nito pauwi. Kahit na kasama na niya ang kanyang ina ay sumasama pa rin ito sa kanila sa pag-uwi. Kasundong-kasundo ito ng kanyang ina. Madalas nitong sinasabi na napakabait ni Damian. Wala na yatang mas babait pa rito.
Araw-araw, excited siyang magtungo sa villa para lang makita at makakuwentuhan ito. Masaya siya palagi basta nasa paligid lang ito. Tuwing ngingitian siya nito nang matamis, bumibilis ang t***k ng kanyang puso.
Ayaw niyang pakaisipin masyado ang nararamdaman niya. Nais muna niyang makontento sa ganoong uri ng relasyon. Tila ayaw muna niyang magkaroon ng bahid ang kanilang pagkakaibigan.
Nais din marahil niyang manatili sa realidad ng buhay. Maaari niyang maging kaibigan ang isang katulad ni Damian, ngunit hindi siya maaaring umibig.
Sadyang mabait lang marahil at palakaibigan si Damian kaya malapit ito sa kanya. Ayaw niyang isipin na espesyal o nakakaangat siya sa lahat sa nabuong pagkakaibigan nila dahil ganoon din naman ito sa iba—sa lahat.
“YOU DON’T have to do this. Allow me.”
Nginitian ni Cameron si Damian habang itinutuloy niya ang ginagawang pagliligpit. Kinuha nito ang mga pinggan sa kamay niya at ito na ang nagpatuloy sa ginagawa niyang pagliligpit. Nasa talon sila nang tanghaling iyon. Katatapos lang nilang magtanghalian at nagkakasiyahan na namang muli ang mga kasama nila sa talon.
Madaling-araw nang dumating ang bunsong kapatid ni Damian na si Kiyora. Nagyaya agad ito na maligo sa talon na tila hindi man lang ito napagod sa biyahe. Kasama rin nila si Travis na kalaro ni Kiyora sa tubig. Malutong ang tawanan ng dalawa.
Si Kiyora mismo ang nagyaya sa kanya na sumama at hindi siya makatanggi. Pati si Doña Ancia ay inudyukan siyang sumama at huwag nang magtrabaho sa hardin nang araw na iyon. Lalo siyang nahiya na tumanggi.
Naisip niya na tutulong na lang siya sa pagliligpit ng mga pinagkainan nila. Kahit na mabait ang magpipinsan at hindi siya itinuturing na katulong, pakiramdam niya ay obligasyon pa rin niyang magligpit. Nahihiya kasi siya kahit na tila tipikal na kaibigan ang turing ng mga ito sa kanya.
Dinampot niya ang mga natirang pagkain at tinakpan. Pinigilan agad ni Damian ang kamay niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit tila napaso siya sa simpleng pagdadaiti ng mga balat nila.
“Ako na sabi,” anito sa kanya. “Hindi mo `to trabaho. Isinama ka namin dito para mag-enjoy. Samahan mo na lang sina Travis sa tubig at mag-enjoy ka.”
“Ako na. Hindi ka naman sanay sa pagliligpit.”
Lumabi ito. “Sino naman ang may sabi sa `yo niyan? Kaya ko na ito. Sige na.”
Umupo siya sa isang bato. Hinayaan niya ito sa pagliligpit kahit na nais niyang siya ang gumawa niyon. Maayos nitong inilagay sa basket ang lahat ng mga natirang pagkain. Inilagay nito ang lahat ng mga basura sa trash bag upang hindi na kumalat ang mga iyon sa paligid.
Napailing ito nang makitang prente siyang nakaupo sa bato. “Ang kulit. Ayaw mo bang maligo?”
“Gusto, kaya lang hindi naman kita maiwan dito na nagliligpit. Parang nakakahiya naman,” aniya.
“`Sus. Sige na. Okay lang ako. Buong summer kang magtatrabaho sa villa kaya hindi mo masyadong mae-enjoy ang summer vacation mo. Pagkakataon mo na ito kaya samantalahin mo na.”
“Tutulungan na lang kita sa pagliligpit pagkatapos ay sabay na tayong lumusong sa tubig. Sige na, patulungin mo na ako para mas mabilis. Para hindi lang kami ang nag-e-enjoy, pati na rin ikaw.”
Wala na rin itong nagawa sa kakulitan niya. “Sige na nga.”
Tinulungan niya ito sa pagliligpit kaya natapos agad sila. Pagkatapos ay sinamahan na nila sina Travis at Kiyora sa tubig. Paborito niya ang talon na iyon. Wala na yatang gaganda pa sa talon doon. Hindi lang sila madalas na nakakaligo roon tuwing summer. Hindi naman sa ipinagdadamot ng mga Castañeda ang talon, sadyang madalas lang na naroon ang mga apo ng matanda tuwing bakasyon. Nahihiya na ang ibang mga tao na magtungo roon at maligo.
Tawanan sila nang tawanan habang naghahabulan sa tubig. Mahusay siyang lumangoy. Nakipagsabuyan din siya ng tubig. Hindi na siya gaanong nailang na kasama ang magpipinsan. Mabait ang mga ito at tila matagal na silang magkakaibigan kung ituring siya.
“DID YOU have fun?” Cameron kay Damian.
Nakangiting tumango siya. Naglalakad sila pauwi sa bahay nila. Nagpumilit ito na ihatid siya kahit na sabihin niyang okay lang na umuwi siyang mag-isa. Kahit na ano ang sabihin niya ay sumama pa rin ito sa kanya. Nais din daw nitong makita si Beauty.
Niyaya siya ng mga ito na mag-picnic kanina. Kasama uli nila sina Travis at Kiyora. Nag-practice si Kiyora ng violin nito at natulog naman si Travis dahil napuyat ito sa paglalaro ng video games nang nagdaang gabi. Sila ni Damian ang nagkuwentuhan nang nagkuwentuhan habang abala ang dalawa.
Palagi siyang kasama ng mga ito sa lahat ng lakad. Hindi siya makatanggi sa tuwina dahil mismong si Doña Ancia ang nagsasabi sa kanya na sumama sa mga ito. Halos hindi na niya nagagawa ang mga trabaho sa hardin. Tila walang kaso iyon sa matanda. Ang kanyang ina ang bahagyang nag-aalala at lubos na nahihiya.
Palagi niyang sinasabi rito na mabait ang magpipinsan sa kanya.
“Maraming salamat, Damian, ha?” aniya rito. “Akala ko, puro ako trabaho nitong summer na ito. Maraming salamat sa palaging pagsali sa `kin sa mga lakad n’yo.”
“Siyempre naman. We’re friends, `di ba?”
Natuwa siya na hindi nito alintana na anak lang siya ng tauhan ng lola nito. Sa katunayan, hindi lang ito ang ganoon, pati na rin ang kapatid at pinsan nito. Walang matapobre o snob sa pamilya nito.
“Ang bait-bait mo. Sana noon pa kita naging kaibigan.”
Tila bigla itong nahiya sa kanya. “Ikaw rin naman, mabait. Noong una, akala ko, masungit ka. Kaya kahit na gusto na kitang lapitan para makipagkaibigan, nag-aalangan ako palagi. Nahihiya at natatakot akong lapitan ka.”
Napabungisngis siya. “Ikaw pa ang nahiya at natakot na lapitan ako? Ano ka ba, ikaw kaya ang amo sa `ting dalawa. Pag-aari n’yo halos ang buong Mahiwaga.”
“Por que ba ganoon, nangangahulugan na wala kaming karapatang mahiya at matakot? Hindi naman namin pag-aari ang damdamin o reaksiyon ng mga taong nakatira sa lupain namin.”
Isa iyon sa mga pinakagusto niya sa pagkatao nito. Hindi ito kailanman umasta na pag-aari nito ang lugar. Hindi ito naging maselan sa mga bagay-bagay. Hindi ito mareklamo. Madali para dito ang makibagay sa lahat ng sitwasyon.
“Mukha ba akong masungit?” Tila mahirap paniwalaan na nahiya at natakot itong lapitan siya dati. Nakikita o napapansin ba siya nito sa paligid dati pa?
Tila nahihiyang tumango ito. “I always see you around. Madalas mong tulungan ang nanay mo sa hardin, `di ba? Gusto kitang kaibiganin pero nag-aalangan naman ako. Baka kasi pagsungitan mo ako. Even worse, baka mangilag ka sa `kin. Ganoon ang ibang mga tao sa `kin dito, eh. Tila hindi sila komportable tuwing nasa paligid kaming mga apo ni Lola. Tila gusto nila kaming paluguran palagi.”
“Bakit mo ako gustong kaibiganin? Sigurado akong marami kang kaibigan sa lungsod. Mukhang kasundo mo naman ang mga pinsan mo. Malapit na malapit kayo sa isa’t isa.”
Napansin niya na namula ang mga pisngi nito. Nag-iwas agad ito ng tingin sa kanya. Nagsalubong ang mga kilay niya. Bakit ito namula?
“Ayaw mo bang maging kaibigan ako dati? Masama ba kung daragdagan ko pa ang listahan ng mga kaibigan ko?”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi naman. Walang masama roon. Siguro, hindi na lang ako dapat na nagta-tanong kung bakit magkaibigan na tayo ngayon. Dapat ay maging masaya na lang ako na naging kaibigan ko ang isang katulad mo.” Bihira na marahil ang mga taong katulad nito at dapat lang na magpasalamat siya nang lubos na magkaibigan na sila. Dapat ay magpasalamat siya na naging parte ito ng buhay niya.
Hinawakan nito ang kamay niya. Pinigil niya ang kanyang sarili na hilahin ang kamay niya mula sa kamay nito. Hindi sa ayaw niya na hawakan nito ang kamay niya. Sa katunayan ay gustong-gusto niya ang pakiramdam. Bahagya lang siyang nahiya.
“I’ll always be here for you. You will never lose me. Always remember that.”
Ngiti lang ang naging tugon niya rito. Sinikap niyang magmukhang kalmado ngunit tila may delubyo sa kanyang kalooban. Tila nais niyang mamilipit sa kilig. Nagwawala ang buong sistema niya. Ang bilis-bilis ng t***k ng puso niya.
Seryoso ang pagkakasabi nito ng mga katagang iyon na tila naging mga pangako. Parang galing iyon sa puso nito. Tila may nagsasabi sa kanya na kaya nitong tuparin ang mga pangakong iyon.
Iba na ang nadarama niya para kay Damian. Nahuhulog na ba ang loob niya rito? Maaari ba niyang hayaan ang kanyang sarili na mahalin ito?