“KUNG palagi kang ganyan, walang mangyayari sa `yo, pinsan.”
Napatingin si Damian kay Travis na abala sa pagpindot ng mga control ng PlayStation. Pinagbigyan na ito ni Lola Ancia sa paglalaro dahil wala rin naman itong magawa. Nasasalisihan itong palagi ni Travis. Ang gusto sana ng lola niya ay malimitahan ang paglalaro ni Travis ng video games. Masyado na raw itong nahumaling sa laro. She wanted them to exercise and play real games instead.
“I don’t know what you’re talking about,” aniya habang panay rin ang pagpindot niya sa mga kontrol. Hindi siya gaanong mahilig sa video games ngunit napilit siya ni Travis na maglaro. Wala raw itong kalaban.
“I’m talking about Cam, dude. You’re obviously into her. Kahit na `yong kapatid mo, napapansin na malaki ang pagkagusto mo sa kanya.”
Natahimik siya. Hindi niya alam kung aamin na siya o hindi. Ganoon na ba siya ka-obvious sa lahat? Napapansin din ba ni Cameron ang damdamin niya para dito?
Natalo siya ni Travis sa laro. Tinapik nito ang balikat niya. “Ang hindi ko maintindihan, bakit hindi ka pa kumikilos?”
“Kumikilos na ako, Travis.” Noong mga nakaraang bakasyon, wala talaga siyang ginagawa. Ngayon ay may progreso nang matatawag. Nagawa na niyang makipagkaibigan dito. Malapit na sila sa isa’t isa. Marami na siyang nalaman tungkol dito. Hindi na ito naiilang sa kanya.
Masaya siya kapag magkasama sila. Mahalaga sa kanya ang bawat sandali na magkasama sila. Labis ang kaligayahang nadarama niya kapag naririnig niya ang mga tawa nito. Pinapakinggan niyang maigi ang mga kuwento nito, ang mga pangarap nito. Itinatatak niya ang lahat ng mga sinasabi nito sa kanyang isip.
“Ang kupad mo, `tol!” kantiyaw nito sa kanya. “Matatapos na ang bakasyon, wala pa ring nangyayari sa inyo.”
“May nangyari naman, ah. Magkaibigan na kami.”
“Lame!” Binatukan pa siya nito. Bahagya siyang nainis kaya gumanti siya.
“Hindi mo ako naiintindihan, Travis, eh,” sabi niya nang sumandal siya sa sofa. “Hindi lang basta babae si Cam. She’s special. Hindi siya katulad ng mga naging girlfriend mo. Hindi siya summer fling. Hindi puwedeng minamadali ang development ng lahat sa pagitan namin. I want to be good friends with her first. I want us to establish a strong friendship. Magandang pundasyon ang pagkakaibigan sa isang romantikong relasyon.”
“Crap,” anito. “Friendship? Para mo na ring niloloko ang sarili mo dahil alam mo naman sa kaibuturan ng puso mo na hindi mo gustong maging kaibigan lang siya. Pati si Cam ay niloloko mo. Baka isipin niya na pagkakaibigan lang talaga ang habol mo sa kanya sa kupad mo. Ni hindi ka man lang nagpapahiwatig. Paano made-develop ang feelings niya para sa `yo kung ganyan ka?”
“So, ligawan ko na lang basta? Walang pasakalye?” Hindi na niya sinubukan pang ikaila ang damdamin niya para kay Cameron. Kahit na ano naman yata ang gawin niya ay mahahalata iyon ni Travis. He must have been so transparent about his feelings.
“Yes,” walang anumang tugon nito. “Go straight to the point. Just tell her how you really feel about her. Pursue her. Pamper her, silly.”
Napailing siya. Hindi niya gusto ang masyadong mabilis. “Kaya siguro hindi mo na nagiging kaibigan ang mga ex-girlfriend mo.” Tatlo na ang naging girlfriend nito at walang nagtagal sa mga iyon. Hindi na siya gaanong nagtataka kung bakit.
Pumalatak ito. “Sa palagay mo ba ay maisasalba ang pagkakaibigang sinasabi mo sa sandaling matapos na ang romantikong relasyon na namagitan sa inyo? Here’s the truth, bro, exes can never ever be friends. Kapag tapos na ang relasyon, tapos na rin ang pagkakaibigan. Mawawasak `yon na parang salamin na hindi mo na kailanman maibabalik. So what’s the point of building a great friendship with her?”
“Maybe because I want her for keeps. I want to be with her forever. Hindi ko intensiyong matapos kung sakali mang tatanggapin niya ang pag-ibig ko. I want us to start out as friends so it’ll be easy for us to be together. Mas maiintindihan namin ang isa’t isa. Mas magiging komportable kami. Mas magiging madali ang lahat.”
Natahimik itong bigla kaya nilingon niya ito. Napansin niyang tila namamangha at nagugulumihan ito.
“You’re that serious about her?” tila hindi makapa-niwalang tanong nito.
Tumango siya. “Is it wrong? She is a special beautiful girl. The first time I saw her, I just knew she was the one. I know it sounds corny, but it’s true. Siya na `yong gusto kong makasama sa buong buhay ko.”
Tila lalo yata itong namangha sa narinig nito mula sa kanya. “Baliw ka na ba, bro? I mean, paano mo nasasabi `yan samantalang hindi ka pa nagkakaroon ng girlfriend kahit na kailan? Si Cam ang first crush mo, siya na kaagad habang-buhay? Hindi mo man lang bibigyan ng tsansa ang ibang mga babae? Ikukulong mo ang sarili mo sa iisang babae? You’re too young to be serious about something like this.”
“She’s not just a crush to me. At kung magsalita ka, parang expert na expert ka na sa ganitong larangan. Magkaedad lang naman tayo. Hindi ka pa rin naman nakakarami ng girlfriends. Wala ngang nagtagal sa piling mo. I’m in love with her, Travis. I’m sure of it. Dahil mahal ko siya, hindi ako magmamadali. I’ll take our relationship a step at a time. Hahayaan kong may mabuong espesyal na damdamin para sa `kin sa puso niya.”
Ang totoo ay natatakot siya na baka hindi tanggapin at tugunin ni Cameron ang pag-ibig niya. Natatakot din siya na baka purong pakikipagkaibigan lang ang nais nito sa kanya. Natatakot siya na sa ibang lalaki ito magkagusto at umibig. Hindi siya masyadong confident sa kakayahan at personalidad niya. He could be boring. Hindi siya katulad ni Travis na bukod sa biniyayaan ng guwapong mukha at magandang pangangatawan ay striking at hindi boring pa ang personalidad nito. Masyado raw siyang seryoso at nag-aalala siya na baka hindi niya mapatawa si Cameron.
“You can’t be that sure about being in love with her,” ani Travis habang umiiling. “You’re too young. We’re too young to be that certain about your feelings for someone. Wala pa nga tayong alam sa buhay. Matinding crush lang `yan, dude. `Wag mong hayaan ang sarili mo na maging seryoso kaagad sa pag-ibig.”
“Hindi na ako makikipag-argumento sa `yo. Wala rin namang mananalo sa `ting dalawa. Ipipilit mo `yang opinyon mo at ganoon din ako. Opinyon mo naman `yan kaya wala akong magagawa. Sana lang ay makahanap ka ng magiging katapat mo. Ewan ko lang kung saan ka pupulutin sa paniniwala mong `yan. Once you’ve fallen in love with a woman—iyong tipong hindi mo na ma-imagine ang hinaharap na hindi siya kasama—pagtatawanan kita.”
He scoffed. “That’ll never happen.” Inabot nito ang control at nagsimula na naman itong maglaro.
Napailing na lang siya. Alam niya na darating din ang araw na makakahanap ito ng katapat nito. Siguro ay matatagalan pa, ngunit darating din iyong araw na iyon. Lubos na siya nitong maiintindihan kapag umibig na rin ito kagaya niya.
Tama rin marahil ito na masyado pa silang bata upang malaman ang totoong kahulugan ng pag-ibig, ngunit tila may tinig na nagsasabi sa kanya na hindi siya nagkakamali sa nararamdaman niya. Si Cameron na ang babaeng nais niyang makasama habang-buhay. Ito na ang babaeng nais niyang mahalin hanggang sa tumigil sa pagtibok ang kanyang puso.