PATAPOS na ang bakasyon. Nalulungkot si Cameron dahil malapit nang bumalik sa lungsod si Damian. Hindi na niya ito makikita at makakasama palagi.
Dalawang linggo na lang ay pasukan na uli nila. Kailangan na nitong bumalik sa Maynila upang asikasuhin ang pagbabalik-eskuwelahan nito.
Pilit niyang sinasabi sa kanyang sarili na ganoon talaga, wala siyang magagawa. Hindi lang talaga niya maiwasan ang malungkot nang husto. Masyado na siyang nasanay sa presensiya nito at alam niyang hahanap-hanapin na niya ito.
Napapitlag siya nang bigla na lang may pumisil sa pisngi niya. Halos hindi niya namalayan na nakalapit na sa kanya ang lalaking iniisip niya. Nasa hardin siya ng villa at nagbubunot ng mga ligaw na damo.
Nakangiti ito sa kanya nang napakasuyo. Mami-miss niya nang husto ang ngiti nitong iyon.
“Ba’t ganyan ang mukha mo?” tanong nito. “Ba’t ang tamlay mo?”
Kasi aalis ka na bukas. Siyempre ay hindi niya maaaring sabihin iyon dito. Baka pagtawanan lamang siya nito. Ang mas malala, baka magtaka ito nang husto sa kalungkutan niya dahil sa pag-alis nito. Baka maghinala ito na may nararamdaman na siyang espesyal para dito.
Pinilit niya ang kanyang sarili na ngumiti. “Wala. Parang hindi lang maganda ang panahon.” Hindi naman siya nagsisinungaling. Makulimlim nang araw na iyon. Tila nakikiisa ang panahon sa lumbay na nararamdaman niya.
Umupo ito sa damuhan. “Uuwi na ako bukas,” malungkot na sabi nito.
Napabuntong-hininga siya. “Oo nga.”
“Malulungkot ka ba kung aalis na ako?” tanong nito.
Hindi siya makasagot. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin dito na hindi lang siya basta malulungkot.
“Mami-miss mo `ko?”
Itinatanong pa ba ang bagay na iyon? Kailangan ba talaga niyang sabihin na ito ang dahilan ng lumbay niya?
Napangiti ito nang malungkot. “Hindi ka na nakasagot. Kunsabagay, sino ba naman ako para ma-miss mo?”
“Ano ka ba? Siyempre, mami-miss kita,” aniya kahit na bahagya pa siyang nahihiya na umamin. Nagliwanag agad ang mukha nito sa narinig mula sa kanya. Yumuko siya dahil bahagya nang uminit ang mukha niya.
“Bakit?” tanong pa nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Bakit kita mami-miss?” Bakit ba ang daming tanong nito?
Tumango ito.
“Ahm, kasi ikaw na yata ang pinakamabait na lalaking nakilala ko. Itinuturing mo akong kaibigan kahit na apo ka ng amo namin. Hindi ka kasi mayabang. Wala kang ere sa katawan. Nakakalungkot lang na tuwing bakasyon lang kita makikita at makakasama. Nakakapanghinayang nga nang kaunti dahil ngayon lang ako naging malapit sa `yo. Sana, noon pa kita naging kaibigan. Nakakatuwa na naging kaibigan ko ang isang katulad mo.” Hindi niya mapaniwalaan na nasabi niya ang lahat ng mga iyon, ngunit natuwa pa rin siya sa sarili niya. Totoo naman ang lahat ng sinabi niya.
Masaya siya sa naging progreso ng relasyon nila. Sana, sa susunod na bakasyon ay hindi siya nito makalimutan. Sana ay hindi magbago ang pagkakaibigan nila.
Isang malapad at napakatamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. “Ako rin, masaya na nakilala kita. Masaya ako na naging malapit tayo ngayong summer na ito. Nakakalungkot lang nang kaunti dahil aalis na ako bukas, pero babalik pa naman ako, eh. This is my home, Cameron. Kahit saan ako magpunta, kahit saan ako mapadpad sa hinaharap, uuwi pa rin ako rito sa villa. Magkikita pa rin tayo. Magiging mabuting magkaibigan pa rin tayo kahit na magkalayo tayo.”
Ngumiti at tumango siya kahit na tila hindi siya kontento sa naging sagot nito. Tila kasi mahirap tanggapin na pagkakaibigan lang ang habol nito sa kanya. Alam kasi niya sa kanyang sarili na hindi lang simpleng pakikipagkaibigan ang nais niya mula rito. May espesyal na damdamin nang tumubo at patuloy na lumalago sa kanyang puso para sa binata. Hindi lang iyon simpleng crush. Alam niya iyon dahil nagkakagusto naman siya sa ibang binata ngunit hindi ganito. Alam din niya na hindi basta-basta lilipas o mamamatay ang espesyal na damdaming iyon.
“I’ll call you every weekend,” pangako pa nito. “Alam ko na madalas mong tinutulungan ang mama mo dito sa hardin ng villa kapag hindi ka abala. Tatawag ako rito para makausap kita.”
Nasiyahan siya sa sinabi nito. Sisiguruhin niya na palagi siyang tutulong sa kanyang ina sa trabaho nito sa villa kahit na abala pa siya sa eskuwelahan.
“Pangako `yan, ha?” nakangiting sabi niya. Hindi niya ito marahil masyadong mami-miss kapag regular silang magkakausap sa telepono. Iba pa rin kung nakikita at nakakasama niya ito nang personal ngunit makokontento na lang muna siya sa ganoon.
Mas pagpupursigihan niya na makapag-aral sa Maynila. Nais niyang mas malapit siya rito sa susunod na taon. Nais niya itong makasama palagi. Kailangan lang niyang magtiis nang isang taon.
“Pangako,” anito.
TUMUPAD sa pangako nito si Damian. Tuwing Sabado ay palagi itong tumatawag sa villa upang makausap si Cameron. Walang palya ang pagpunta niya sa villa upang tumulong sa kanyang ina sa trabaho nito at upang makausap niya ang binata. Pinagalitan na siya ng kanyang ina dahil nakakahiya na raw kay Doña Ancia, ngunit ang matanda pa mismo minsan ang nagpapasundo sa kanya sa kanilang bahay dahil tatawag daw si Damian. Nang maglaon ay nasanay na rin ang kanyang ina.
Hindi masukat ang kaligayahan niya tuwing umuuwi ito sa villa kapag walang pasok sa eskuwelahan. Kahit na sandali lang niya itong nakakasama, masaya pa rin siya. Lalo tuloy lumalago ang espesyal na damdamin sa kanyang puso.
Inspired siya dahil dito. Nag-aaral siya nang maigi upang makakuha ng matataas na marka. Nagpupursigi siya upang matuloy ang pag-aaral niya ng kolehiyo sa Maynila. Susubukan niyang makakuha ng scholarship para hindi gaanong mahirapan sa gastos ang kanyang mga magulang. Kahit na nangako si Doña Ancia na tutulong sa pag-aaral niya, ayaw niyang iasa na lang dito ang lahat.
Marami siyang mga kaibigan na nakakapansin ng sipag niya sa pag-aaral. Marami rin ang nakakapansin na blooming daw siya palagi. Palagi na raw siyang nakaayos kahit na dati ay wala siyang pakialam kung magulo ang buhok niya. Madalas siyang tinutukso na baka may nagpapaganda na sa kanya. Simpleng ngiti ang palaging tugon niya. Wala siyang pinagsasabihan ng espesyal na damdamin niya kay Damian. Baka kasi kumalat. O baka pagtawanan lang siya ng lahat at sabihin na ilusyunada.
Ayaw muna niyang mag-isip ng mga negatibong bagay. Ayaw niyang isipin na hindi sila bagay sa isa’t isa. Dati niyang pinagtatawanan ang mga babaeng patay na patay sa mga apong lalaki ni Doña Ancia, ngunit ngayon ay alam na niya ang pakiramdam ng mga ito. Hindi talaga niya masisisi ang mga ito na mangarap at mag-ilusyon. Ang kaibahan lang niya sa mga ito, hindi siya basta-basta na lang maghihintay na magkaroon ng fairy-tale love story kagaya ni Cinderella. Kikilos siya. Sisikapin niyang umangat ang estado ng buhay niya. Sisikapin niyang bumagay sa isang Castañeda. Alam niyang hindi madali, ngunit susubok pa rin siya.
Punong-puno siya ng pag-asa na makakaya niyang umangat ang estado sa buhay. Darating ang araw na walang magtataka o magtataas ng kilay kapag nakita siyang kasama ang binata. Walang mag-iisip na hindi sila bagay o hindi sila ang para sa isa’t isa.
Gagawin niya ang lahat upang matupad ang mga pangarap niya. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya nakukuha ang lahat ng gusto niya. Lahat naman ng bagay ay nakukuha sa tiyaga.