9

1412 Words
NAKANGITING nilapitan ni Cameron si Damian na naghihintay sa kanya sa isang bench sa labas ng examination room. Ang sabi niya rito ay maaari itong mamasyal muna habang hinihintay siyang matapos sa kanyang exam ngunit iginiit nitong maghihintay ito doon. Sinamahan siya nito para sa entrance exam niya. Nang nagdaang araw ay dumating siya sa Maynila. Sinundo siya nito sa terminal ng bus at pinatuloy sa bahay ng mga ito. Napakabait ng mama nito pati na rin ang mga kapatid nito. Hiyang-hiya siya sa mga ito, ngunit iginiit talaga ni Sir Utoy na sa bahay ng mga ito siya makipanuluyan habang nasa lungsod siya. Wala silang malapit na kamag-anak na maaaring kumupkop sa kanya nang ilang araw. Tumayo agad ito nang makita siyang papalapit. “How was it?” excited na tanong nito. “Okay lang. Naipasa ko naman siguro.” Sa palagay niya ay nasagot niya nang tama ang karamihan sa mga tanong. Malakas ang pakiramdam niya na naipasa niya iyon. Lumapad ang ngiti nito. “I’m sure you aced it. Wala ka na bang aasikasuhin? Puwede na tayong mamasyal?” Sunod-sunod na tumango siya. Sa totoo lang, excited siya para sa pamamasyal nila. Excited siyang makasama ito nang matagal. Miss na miss kasi niya ito. Kinokonsola na lang niya palagi ang kanyang sarili na hindi magtatagal ay nasa lungsod na rin siya. Mas magiging malapit na sila sa isa’t isa. “Kumusta ang paghahanap mo ng eskuwelahan?” kaswal na tanong niya habang naglalakad sila palabas ng building. Nais sana niya itong makasama sa unibersidad na iyon, ngunit wala ang kursong nais nitong kunin. “Nakahanap na si Mom. Ipinasa ko na ang mga requirement. May schedule na rin ako ng exam.” May magandang unibersidad sa probinsiya nila. Mahigit isang oras lang ang biyahe mula sa Mahiwaga. Kilala ang unibersidad sa magandang kalidad ng edukasyon sa Agrikultura at Veterinary Medicine. Doon nagtapos ang ama nito. Lubos siyang nagpapasalamat na hindi nito doon naisipang mag-aral. Masaya siya dahil sa lungsod pa rin ito magkokolehiyo. “Sana malapit lang dito para kahit na hindi tayo schoolmates, magkikita pa rin tayo,” hindi niya maiwasang sabihin. “Ikaw lang kasi ang kaibigan ko rito, eh,” dagdag kaagad niya bago pa man ito magtaka. “Basta kapag nandito ka na, palagi tayong magkakasama. Pupuntahan kita palagi.” Masaya na siya sa narinig niya. Hindi na siya makapaghintay na matapos ang high school at masimulan ang kanyang college life. Ipinasyal siya nito sa iba’t ibang lugar sa Maynila. Natutuwa siya sa ganda ng paligid. Nalulula siya sa tayog ng mga gusali. Alam niyang mukha na siyang ignorante at tipikal na galing ng probinsiya ngunit hindi niya gaanong alintana iyon. Ibang-iba kasi ang Maynila sa Mahiwaga. Tila magkaibang mundo ang mga iyon. Nasiyahan siya nang husto sa pamamasyal. Asikasong-asikaso siya ni Damian. Maya’t maya ang tanong nito kung nagustuhan niya ang pinuntahan nila, kung gutom na siya, o kung komportable siya. Lalo tuloy nahuhulog ang loob niya rito. Naging masaya siya hindi lang dahil magaganda ang mga lugar na pinagdalhan nito sa kanya, kundi dahil magkasama silang dalawa. Tila hindi kailanman magkakapuwang ang lungkot sa pagkatao niya kapag nasa tabi lang niya ito. Hindi niya kailangang mag-alala o matakot. Sana ay habang-buhay itong nasa tabi niya. Sana ay hindi ito mawala sa buhay niya. “PARA sa `yo.” Nag-aatubiling tinanggap ni Cameron ang isang parihabang kahon na iniabot sa kanya ni Damian. Nasa talon sila dahil nagyaya itong mag-picnic at mag-swimming. Sila lang dalawa ang magkasama dahil nag-hiking daw ang mga pinsan nito. Bakasyon na naman. Natapos na sa wakas ang high school. Dalawang buwan mula ngayon ay magtutungo na siya sa Maynila. Nilulubos na nila ang pamamasyal bago mag-umpisa ang pasukan. Masaya siya palagi dahil halos araw-araw na naman niyang makakasama si Damian. Hindi na siya malulungkot kapag natapos ang bakasyon dahil magkikita pa rin sila nang madalas sa lungsod. “Ano `to?” tanong niya. “Regalo ko sa `yo sa graduation mo. Sana ay magustuhan mo.” “Hindi ka na sana nag-abala,” nahihiyang sabi niya. Card lang kasi ang naibigay niya rito. Halos sabay sila ng graduation. Ipinadala niya ang card sa ama nito nang lumuwas si Sir Utoy sa Maynila. “Buksan mo.” Tumalima siya. Napasinghap siya nang malakas nang pagbukas niya ng kahon ay bumungad sa kanya ang isang magandang silver bracelet. “Hindi ko matatanggap ito,” sabi niya. Kumunot ang noo nito. “Bakit?” “Mahal `to, eh. `Yong regalo ko sa `yo, card lang. Nakakahiya kung tatanggapin ko na lang ito basta.” Natatawang pinisil nito ang ilong niya. “Dapat, tanggapin mo `yan dahil bigay ko sa `yo `yan.” “Eh, nakakahiya.” “Mas nakakahiya kung ipapahiya mo ako. Just take it. Please?” Nakagat niya ang ibabang labi niya. Hindi niya kayang tanggihan ito kung nakikiusap na ito. Hindi rin niya ito kayang ipahiya. “Maraming salamat. Babawi ako sa `yo. Wala namang binatbat `yong card ko rito, eh.” “Wala naman sa presyo ang regalo. Nagustuhan ko nang husto `yong card na ipinadala mo. Nagustuhan ko `yong mensahe na nakapaloob doon. Iingatan ko `yon habang-buhay.” “Talaga? Walang biro? Walang bola? Baka sinasabi mo lang `yan.” “Talaga, promise.” Nasisiyahang napangiti na siya. Bahagya siyang napapitlag nang hawakan nito ang kamay niya. Inalis nito mula sa kahon ang bracelet at maingat na isinuot iyon sa kanya. “Bagay na bagay sa `yo. Hindi ako nagkamali sa pagpili.” Pinagmasdan niya ang bracelet sa braso niya. Bagay na bagay nga iyon sa kanya. “Maraming salamat.” “Walang anuman. Basta ikaw.” “Damian?” “Hmm?” “Masaya ka ba kapag kasama ako? Hindi ka ba nababagot?” Hindi niya alam kung paano niya nagawang itanong iyon dito, ngunit maigi nang naisatinig niya ang mga tanong na iyon. Nais niyang malaman ang sagot. “Oo naman. Hindi naman ako didikit sa `yo palagi kung hindi ako masaya na kasama at kausap ka, hindi ba? Hindi pa ba halata na masaya ako? Bakit mo naman naitanong?” “Wala lang. Baka lang kasi wala kang choice kundi kaibiganin ako kasi ako lang `yong narito at sawa ka na sa mga pinsan mo.” “I like you. I like being with you.” Masarap pakinggan ang mga sinabi nito ngunit may kulang pa rin. Siguro, hinihintay niya na magpahiwatig ito na gusto na nitong lumagpas sila sa linya ng pagkakaibigan. Gusto lang ba talaga siya nito bilang kaibigan? Baka naman may pag-asa na magustuhan din siya nito bilang isang babae? Paano ba mag-e-evolve ang nararamdaman nito sa kanya? Ano ang kailangan niyang gawin? Hindi naman puwedeng siya ang maunang magtapat. Babae siya at probinsiyana pa. Nais naman niyang maranasan kung paano ang maligawan. At natatakot din siyang magsabi rito ng totoo niyang nadarama dahil natatakot siya na baka hindi pala sila pareho ng nararamdaman. Natatakot siyang mabigo. Sa ngayon ay maghihintay muna siya. Gagawin niya ang lahat upang magustuhan siya nito sa paraang gusto niya. “Ikaw, masaya ka rin bang kasama ako?” tanong nito. Nagkibit-balikat siya at umaktong tila walang gaanong pakialam. “Okay lang.” “Ah, gano’n?” Hindi niya inasahan ang sumunod nitong ginawa. Ni hindi niya inakala na kaya nitong gawin iyon sa kanya. Itinulak siya nito sa tubig. Kasalukuyan silang nakaupo sa ibabaw ng malapad na bato na malapit sa tubig kaya tila bato rin siya na bumagsak sa tubig. “Nakakainis ka!” naiiritang bulalas niya nang lumitaw ang ulo niya sa tubig. Inirapan pa niya ito. Tumawa lang ito nang malakas. Hinubad nito ang kamiseta nito at tumalon na rin ito sa tubig. Sinabuyan niya ito nang lumitaw ang ulo nito. Mabilis na napalis ang lahat ng iritasyon na nararamdaman niya para dito kanina. Masaya silang naglaro hanggang sa mapagod sila. Masayang-masaya siya na kasama niya ito. Iingatan niya ang lahat ng magagandang alaala na magkasama sila katulad ngayon. Pagtanda nila, pareho nilang babalikan ang mga masasayang alaala na iyon. Palagi silang magiging masaya na magkasama. Ito na ang lalaking nais niyang makasama habang-buhay—hanggang sa pumuti na ang lahat ng buhok niya at hanggang sa kumulubot na sila pareho. Ayaw niyang isipin na may ibang kinabukasan na hindi niya ito kasama. Iibig din siguro ito sa kanya. Maghihintay siya rito hanggang sa may tumubong espesyal na damdamin para sa kanya sa puso nito. Matiyaga siyang maghihintay hanggang sa mangyari iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD