“OKAY ka na ba dito?” tanong kay Cameron ni Damian.
Nakangiting tumango siya. Pinaupo niya ito sa isang sofa sa receiving area ng dormitoryo na tutuluyan niya. Kadarating lang niya roon. Maayos doon. Hindi iyon gaanong kamahalan at malapit lang sa unibersidad na papasukan niya.
Kasama niyang lumuwas ang mga magulang niya, ngunit bumalik din agad ang mga ito sa probinsiya nang maayos na siya. Hindi maubos ang bilin ng kanyang ina at tila maiiyak na ito habang yakap-yakap siya. Noon lang niya ito nakita na nagkaganoon. Siya man ay naiiyak kanina. Iyon ang unang pagkakataon na mawawalay siya sa mga magulang niya.
Mabuti na lang at binisita siya ni Damian doon dahil nami-miss na niya ang kanyang mga magulang. Kahit na paano ay mababaling dito ang atensiyon niya.
“Para nga pala sa `yo,” sabi nito habang iniaabot sa kanya ang ilang paper bags.
“Ano ang mga ito?” nagtatakang tanong niya.
“Padala ni Mom. Mga lutong pagkain at ilang mga prutas. May cookies din siyang ipinadala. Siya mismo ang gumawa. Masarap, try it out later.”
“Maraming salamat. Pakisabi na rin sa mom mo, thank you. Hindi na sana kayo nag-abala pa.” Natutuwa siya dahil gusto siya ng ina nito.
“Wala `yon. Kaunting bagay lang naman `yan. Excited ka na para sa first day ng college life?”
Sunod-sunod ang naging pagtango niya. “Oo naman. Ang tagal kong hiningi ito, eh. Ang tagal kong pinangarap na makapag-aral dito sa Maynila. Nakaka-miss ang mga magulang ko pero kakayanin ko. Hindi ako magpapadaig sa homesickness. Magsisikap talaga ako. Hindi ko bibiguin ang mga umaasa sa `kin.”
“`Yan ang gustong-gusto ko sa `yo, eh. You’ll make your dreams come true, I know.”
“Ikaw, excited ka na ba sa pag-uumpisa ng college? `Buti ikaw wala nang gaanong adjustment na pagdaraanan.”
Nagkibit-balikat ito. “I’m excited to meet new friends and professors.”
Bahagya siyang nakaramdam ng pag-aalala. Mas malawak na ang mga mundong gagalawan nila mula ngayon. Mas maraming babae na itong makikilala at makakasalamuha. Mga babaeng higit pa sa kanya. Nag-aalala siya na baka hindi na siya kailanman ma-promote sa pagiging kaibigan. Baka iba ang makahuli sa puso nito.
Ang guwapo-guwapo pa naman nito at napakabait pa, kaya alam niyang dudumugin ito ng kababaihan.
“Huwag kang masyadong makipagkaibigan sa mga lalaki, ha?”
Napatingin siya rito. Muntik na siyang mapangiti nang mapansin na tila hindi nito masalubong ang kanyang mga mata. Tila bigla itong nahiya na hindi niya mawari. Ganoon ito kapag hindi ito komportable.
Pareho ba sila ng iniisip? Nagbunyi ang kanyang kalooban. Hirap na hirap siyang pigilin ang kanyang ngiti.
“Promise,” sabi na lang niya. Nais sana niyang sabihin dito na para sa kanya ay wala ng lalaking hihigit pa rito. Kahit na sino pa ang makilala niya na ubod ng guwapo, hindi niya ito ipagpapalit. Mananatili ito sa kanyang puso kahit na ano ang mangyari.
Napangiti ito nang matamis. Nagningning na naman ang buong mukha nito.
“HI, CAM!”
Pilit na nginitian ni Cameron si Royce kahit na ang totoo ay nais niya itong simangutan. Umagang-umaga ay sinisira nito ang araw niya. Araw-araw ay nahihiling na lang niya na sana ay hindi niya kaklase ang lalaking ito na ubod ng yabang.
Inakbayan siya nito ngunit kaagad siyang lumayo rito. Hindi niya gusto na napapalapit dito. Hindi niya maintindihan kung bakit ito lapit nang lapit sa kanya kahit na palagi siyang lumalayo. Tatlong buwan na silang magkaklase at first day pa lang ay nakadikit na ito sa kanya. Hindi ba nito nahahalata na ayaw niya rito?
“Ang ilap mo talaga, Cam. Ano ba ang problema sa `kin?” mayabang na tanong nito. Tila nairita ito sa paglayo niya. “Guwapo naman ako at mayaman. Ano pa ang hahanapin mo?”
Magandang ugali? Pagiging maginoo? Bawasan mo kaya ang yabang mo at baka magustuhan pa kita.
“Mag-uumpisa na ang klase, Royce,” sabi na lang niya bago siya naglakad patungo sa upuan niya. May kinse minutos pa bago dumating ang professor nila.
Sumunod ito sa kanya. Sinenyasan nitong umalis sa upuan ang katabi niya at umupo ito roon. Napabuga na lang siya ng hangin. Kailangan niya itong pagtiyagaan.
“`Pasalamat ka ikaw ang nagustuhan ko at hindi iba. `Pasalamat ka, gusto talaga kita at hindi ako titigil hangga’t hindi ka napapasaakin.”
Isa pa iyon sa ikinaiinis niya rito. Kung umasta at magsalita ito ay tila utang-na-loob pa niya rito na sa kanya ito nagkagusto. Hindi niya hiniling na magkagusto ito sa kanya. Kung ito rin lang, hindi bale na. Mayaman at guwapo lang ito, ngunit hindi niya gusto ang sama ng ugali nito.
Hindi niya gusto ang uri ng panliligaw na ginagawa nito. Kung minsan ay nakakatakot na ito. Iba na kasi ang nababasa niya sa mga mata nito kapag nakatingin ito sa kanya. Hindi lang paghanga ang naroon. Tila determinado itong maangkin siya. Hindi niya maintindihan kung bakit patuloy siya nitong kinukulit kahit na ilang beses na niyang sinabi rito na wala pa siyang planong makipag-boyfriend. Hindi niya malaman kung bakit ayaw siya nitong tantanan. Marami namang ibang babae na higit pa sa kanya na maaari nitong pagtuunan ng pansin.
Mayaman talaga ang pinanggalingan nitong pamilya. Nangingilag ang mga tao rito. Pakiramdam nito ay superior na superior ito sa lahat dahil uncle nito ang presidente ng unibersidad at bunsong anak ito ng senador. Mas matanda ito nang dalawang taon sa kanya dahil ang alam niya ay nasangkot ito sa gulo noong high school ito na naging dahilan ng expulsion nito. Panahon ng election daw noon at nagpapabango ng pangalan ang ama nito kaya napilitan itong magtago muna.
Hindi pa niya ito nakitang naging mabait sa kapwa nito. Kahit na sa mga professor ay maangas ang dating at pakikitungo nito. Kung makaasta ito ay tila pag-aari nito ang lahat ng mga nasa paligid nito.
Hindi ito katulad ni Damian na kahit na galing ito sa mayamang pamilya ay palaging naroon ang pagpapakumbaba. Wala itong ere. Hindi nito ipinangangalandakan ang kayamanan ng pamilya nito.
Bakit ba minalas-malas siya at nakakilala siya ng katulad ni Royce? Tila hindi pa sapat ang kamalasang iyon dahil nagkagusto pa ito sa kanya.
“Sino ba ang ipinagmamalaki mo, ha? `Yong loser na madalas na sumusundo sa `yo? Ano ang nagustuhan mo ro’n, eh, mukhang plato naman? Mukhang tanga.”
Tuluyan na siyang nainis. “Wala kang karapatang magsalita nang ganyan dahil hindi mo naman kilala si Damian!” naiiritang sabi niya. “Wala kang karapatang laitin siya dahil wala kang panama sa kanya. Oo, ipinagmamalaki ko siya kasi hindi siya mayabang na katulad mo. Napakabait niyang tao, hindi katulad mo.”
Dumilim ang mukha nito. “Bawiin mo ang mga sinabi mo! Ang kapal ng mukha mong babae ka na magsalita sa `kin nang ganyan. Ikaw na nga itong sinusuyo at nililigawan.”
“Hindi ko naman gustong sinusuyo o nililigawan mo ako, ah! Kung panunuyo at panliligaw nga ang ginagawa mo. Hindi ko naman hiniling na magkagusto ka sa `kin. Sa totoo lang, nakakairita ka na, eh. Hindi ka makaramdam. Hindi kita gusto. Si Damian ang gusto ko. At kahit pa wala akong gusto kay Damian, hindi pa rin kita magugustuhan dahil ang sama ng ugali mo.”
Kung alam lang nito na matagal na niyang tinitimpi ang mga iyon. Na matagal na niyang gustong sabihin ang mga iyon upang masupalpal naman ito. Nagtimpi lang siya dahil ayaw niya ng gulo, ayaw niya na makuha niya ang atensiyon ng iba. Palaging ipinananakot nito sa mga kapwa nila estudyante na kaya nitong mapaalis sa university ang sinumang kumalaban dito. Kaya rin nitong kausapin ang mga professor upang ibagsak ang isang estudyante.
Siguro ay takot nga siya rito dati. Nais niyang maging matiwasay ang buhay niya na pagiging estudyante. Ngunit sobra na ito sa panlalait kay Damian. Hindi niya kayang marinig mula sa iba ang kahit na anong panlalait para sa lalaking lihim niyang iniibig. Si Damian na ang pinakamabuting lalaki sa mundo at walang karapatan ang sinuman na magsalita nang masama rito.
Marahas na hinila nito ang braso niya. Natakot siya dahil iyon ang unang pagkakataon na naging marahas ito sa kanya. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa kanya. “Akin ka, tatandaan mo `yan, Cameron. Wala akong babaeng ginusto nang ganito katindi kundi ikaw lang. Gagawin ko ang lahat para mapasaakin ka at walang magagawa ang walang binatbat mong Damian. Lahat. Whatever it takes. Akin ka, itatak mo `yan sa isip mo. Wala kang kawala sa `kin.”
Bago pa man siya makatugon ay marahas na itong nakatayo at iniwan siya. Nasapo niya ang dibdib niya na matindi ang kabog dahil sa kaba at takot. Nakakatakot ang hitsura nito habang nagbabanta. Seryoso ito at tila kaya nitong gawin ang lahat upang makuha siya.
Kahit na nagle-lecture na ang professor ay kinakabahan pa rin siya. Hindi siya gaanong makapag-concentrate dahil bumabalik sa isip niya ang banta ni Royce. Makakaya kaya talaga nitong gumawa nang masama upang makuha siya? Dapat nga ba siyang matakot?
Ipinangako niya sa sarili na lalo niyang pagbubutihan ang pag-iwas dito.