11

2088 Words
NAPANGITI nang malapad si Cameron nang makita niyang naghihintay sa labas ng gate ng university si Damian. Nakalimutan agad niya ang mga alalahanin niya tungkol kay Royce. Ngiting-ngiti na lumapit siya rito. Dapat ay nasasanay na siyang makita ito, ngunit patuloy pa rin sa pagtibok nang mabilis ang kanyang puso tuwing nasisilayan niya ito. Kung may pagbabago sa reaksiyon niya rito, mas nagkakagulo ang buong sistema niya basta nasa malapit lang ito. “Hi,” masiglang bati niya. Isang napakatamis na ngiti ang iginanti nito sa kanya. “Hello,” anito bago kinuha ang kanyang mga libro. “How are you?” “Okay naman. Ikaw? Ang aga mo yata ngayon. May klase ka pa dapat, hindi ba?” Memoryado niya ang schedule nito kagaya ng memoryado nito ang schedule niya. Madalas siya nitong sunduin at yayaing lumabas.  Hindi nga siya makatagal nang isang araw na hindi niya ito nakakasama o nakikita man lang. “Wala akong prof sa huling subject kaya pinuntahan na lang kita. Alam kong wala ka nang klase, eh. Mall tayo?” Sunod-sunod ang naging pagtango niya. Wala naman siyang masyadong kailangang gawin na assignment. Nais niya itong makasama upang tuluyang mabura na sa isip niya si Royce. Nagsimula na silang maglakad nang may bigla na lang umakbay sa kanya. Bago pa man siya makalingon, nahagkan na siya sa pisngi. “`Bye, love. `See you tomorrow!” ani Royce bago ito nakangising lumayo. Sa sobrang gulat niya ay hindi agad siya nakapag-react. Nang mahimasmasan siya ay tuluyan nang nakalayo sa kanila si Royce. Galit na galit siya. Nanggigigil siya dahil wala man lang siyang nagawa upang makatanggi o makaiwas sa atake nito. Naiiyak siya dahil sa sobrang galit. Mas nagagalit siya dahil nangyari ang lahat sa harap ni Damian. Nang tingnan niya ito ay natagpuan niya itong nakatulala at tila hindi malaman ang gagawin. Pinahid niya ang luhang umalpas sa kanyang mata. Ano na ngayon ang iniisip nito sa kanya? Baka makabuo ito ng maling konklusyon tungkol sa kanila ni Royce. Ayaw niyang isipin nito na may gusto siya sa ibang lalaki. Ito lang ang gusto niya. “D-did h-he just k-kiss you?” nauutal na tanong nito. Tila hindi pa ito nakaka-recover sa shock nito. “Damian,” naiiyak na sabi niya. “Hindi ko siya gusto. Wala kaming kahit na anong relasyon.” “Pero bakit ka niya hinagkan?” Tuluyan na siyang umiyak. “Dahil iniinis niya ako. Nanliligaw siya pero hindi ko talaga siya gusto. Sinabi ko sa kanya na hindi ko siya gusto. Damian, I swear hindi ko siya gusto. Naiinis ako at nagagalit dahil nahagkan niya ako nang ganoon na lang. Huwag mo sanang iisipin na ginusto ko ang halik o may gusto ako sa kanya.” Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. Pinahid nito ang mga luha sa kanyang mga mata. “I believe you. Don’t cry.” Yumakap siya rito. Sumama ang pakiramdam niya. Naiiyak pa rin siya sa sobrang galit ngunit alam niyang wala na siyang magagawa pa. Nahagkan na siya. Hindi na niya maibabalik ang lahat. Galit na galit siya sa kanyang sarili dahil hinayaan niyang mangyari ang lahat. Marahang hinagod nito ang kanyang likod. “It’s okay,” mahinahong sabi nito. May kakaiba sa tinig nito ngunit hindi naman niya masabi kung ano iyon. “Hindi okay,” sumisinghap na sabi niya. Ikaw lang dapat ang nakakahalik sa `kin.  Niyakap siya nito at paulit-ulit na ibinulong sa kanya ang “It’s okay” hanggang sa kumalma siya. Nangako siya na hindi na magagawa sa kanya ni Royce ang bagay na iyon. Hindi na niya ito hahayaan. Ayaw niyang mabahiran ang pag-ibig na mayroon siya para kay Damian. Kahit na magkaibigan pa lang sila at wala pang matatawag na romantikong relasyon, faithful na siya rito. Nais niyang maging karapat-dapat sa pag-ibig nito. Matiyaga pa rin siyang maghihintay hanggang sa pormal na itong manligaw sa kanya.  NANLAKI ang mga mata ni Cameron nang makita si Damian na nakaupo sa receiving area ng dormitoryo niya. Sanay na siya at ang mga kasama niya sa madalas na pagbisita ng binata. Hindi lang siya sanay na may dala itong malaking pumpon ng mga bulaklak. Hindi niya alam ang iisipin niya. Para ba sa kanya ang mga bulaklak na iyon?  Pinagmasdan muna niya ito at hindi agad nilapitan. Tila hindi ito mapakali sa kinauupuan nito. Tila ito kinakabahan na hindi niya mawari. Nang makita siya nito ay pumormal ito. Hindi niya alam kung matatawa siya, maiilang, kakabahan, o kikiligin na. Malakas ang pakiramdam niya na may mangyayaring kakaiba sa pagbisita nitong iyon. Nilapitan niya ito at nginitian. “Napadalaw ka?” kaswal na tanong niya nang umupo sa tapat nito. Hindi ito nagpasabi na magtutungo roon nang gabing iyon. Ang alam kasi niya ay abala ito sa ilang projects nito. Siya rin ay abala sa pagre-review. Sa susunod na linggo na kasi ang exam nila. Tumikhim ito. “Alam kong busy ka sa pagre-review, I hope you don’t mind me being here. Sana ay hindi ako masyadong nakaabala sa `yo,” tila nahihiyang sabi nito. “Okay lang. Tapos na akong magbasa-basa. Akala ko nga, hindi ka makakadalaw ngayon kasi sabi mo busy ka sa projects mo.” “I’m not that really busy, you know. Makakagawa at makakagawa naman ako ng oras para sa `yo.” Kinilig siya ngunit sinikap niyang huwag ipahalata iyon. Ayaw niyang mag-isip nang kung ano-ano at baka mali naman pala siya. Sinubukan din niyang huwag tumingin sa magagandang bulaklak na hindi pa rin nito ibinibigay sa kanya dahil baka hindi naman iyon para sa kanya at mapahiya lang siya. “Cam?” “O?” “Talaga bang wala kang gusto ro’n sa manliligaw mong basta na lang nanghalik sa `yo?” tanong nito sa tinig na puno ng alinlangan at kaba. Napasimangot siya. Hindi niya maiwasan dahil muling nagbalik sa kanyang alaala ang pangit na pangyayari. Ayaw na sana niyang maalala ang bagay na iyon. Hanggang ngayon ay kinukulit pa rin siya ni Royce, ngunit ginagawa niya ang lahat upang makaiwas dito. Hindi niya ito pinapansin hanggang sa kaya niya. “Puwede bang `wag na nating pag-usapan ang lalaking `yon, Damian? Sinisira mo ang mood ko, eh,” naiinis na sabi niya. Naiinis siya rito dahil paano nito naisip na magkakagusto siya sa isang katulad ni Royce? Kabisado na siya nito kaya dapat alam na nito na ito ang tipo niya. “I’m sorry. `Wag ka namang mainis. Sinisiguro ko lang naman na wala talaga.” Marahas siyang napabuga ng hangin. Manhid ba talaga ang lalaking ito? Tuluyan na sana siyang maiinis kung hindi nito inilapit sa kanya ang magagandang bulaklak. “For you,” anito. Tila kabadong-kabado ang uri ng pagkakangiti nito. Tuluyan nang nawala sa isip niya ang lahat ng tungkol sa ibang bagay. Tanging ito lang ang nasa isip niya sa kasalukuyan. Nakatulala lang siya sa mga bulaklak. Sa wakas ay nabigyan na siya nito ng mga bulaklak. Sa wakas ay may isang senyales na nagkakagusto na ito sa kanya. Safe naman marahil mag-isip nang ganoon dahil hindi basta-basta nagbibigay ng bulaklak ang isang lalaki sa isang babaeng kaibigan. Nakatulala pa rin siya habang tinatanggap iyon. Hindi mapakali ang kanyang puso.  “Puwede bang manligaw?” Pakiramdam niya ay nalaglag ang kanyang puso sa kinalalagyan niyon. Tama ba ang narinig niya o dinadaya lang siya ng mga tainga niya? Baka naman nagkamali lang siya ng dinig.  “Hindi ko alam kung ito na ang tamang panahon para ligawan kita pero naisip ko na malaki ang posibilidad na maunahan ako ng iba kung hindi ako kikilos ngayon. Alam ko na bata pa tayo. Alam ko rin na gusto mong lahat ng focus mo ay nasa pag-aaral ngayon. Alam kong hindi mo gustong biguin ang mga magulang mo. Hindi naman kita mamadaliin, Cam. Maghihintay ako hanggang sa gustuhin mo rin ako nang higit pa sa kaibigan. Hindi ko ipipilit ang sarili ko. Gusto ko lang malaman mo kung ano ang nararamdaman ko para sa `yo. Gusto kong maging malinaw. I don’t want you as a friend anymore.” Halos hindi niya mawawaan ang mga sinabi nito dahil napakabilis nitong magsalita. Parang may hinahabol ito na hindi niya malaman. Dahil siguro iyon sa sobrang kabang nararamdaman nito. Hindi niya alam ang sasabihin niya kaya natulala na lang siya rito. “Hindi pa dapat ako manliligaw, eh,” pagpapatuloy nito. Bahagya nang bumagal ang pagsasalita nito. “Hihintayin ko pa sana na pareho tayong umabot sa tamang edad. Ayoko sanang magmadali. Ang sabi ko pa, we have all the time in the world. Step by step dapat. Dahan-dahan para sigurado. May proseso sana akong susundin. Kaso, hindi ko makalimutan `yong nasaksihan ko noong isang araw. Napagtanto ko na napakadali mo palang mawala sa `kin. I don’t have all the time in the world. You’re so pretty kaya hindi na nakapagtataka na maraming lalaki ang susubok na manligaw sa `yo. Naisip ko na paano kung may magustuhan ka at hindi ako `yon? Magsisisi ako nang husto kasi hindi ako nagsabi agad sa `yo. Magagalit ako sa sarili ko kasi ang kupad-kupad ko. “Ayokong maunahan pa ng iba. Gusto kong ako lang ang gustuhin mo, ang mahalin mo. Hindi ko pala kaya na makita na kasama mo ang ibang lalaki. Hindi ko gusto na may ibang lalaki na aakbay at hahalik sa `yo. Kaya kahit na kabadong-kabado ako ngayon, sasabihin ko pa rin ang totoong nararamdaman ko. Magtatapat pa rin ako kahit na takot na takot ako sa magiging reaksiyon mo, sa magiging sagot mo. Alam ko na mabuti tayong magkaibigan pero hindi naman masama kung susubukan nating maging higit pa, hindi ba? Ipinapangako kong hindi kita sasaktan o paluluhain. Hindi ako mawawala sa tabi mo kahit na ano ang mangyari. I will always be here to make you happy. Aalagaan kita nang husto. I’ll never stop loving you.” “Damian...” Pakiramdam niya ay hihimatayin na siya nang mga sandaling iyon. Wala nang pagsidlan ang kaligayahan niya. Totoo ba ang lahat ng nangyayaring iyon? Hindi ba nananaginip lang siya? Sana ay hindi. Labis siyang madidismaya kung panaginip ang lahat ng iyon. “I love you. Matagal na kitang mahal. Wala kang ideya kung gaano na katagal. Huwag mo akong tatanungin kung sigurado ako sa nararamdaman ko dahil alam kong siguradong-sigurado na ako. Sigurado rin ako na kaya kong tuparin ang lahat ng mga ipinangako ko ngayon. Let me love you. Let me be with you. No pressure, I promise. Liligawan kita nang tama. Susuyuin kita sa paraang gusto mo. Hayaan mo lang akong manligaw.” Gustong-gusto na niyang sabihin dito na mahal din niya ito, ngunit hindi niya magawang magsalita sa sobrang kaligayahan. Tila maiiyak na nga siya sa sobrang sayang nararamdaman niya. Hindi niya inakala na maaari siyang maging ganoon kasaya. Mas naging sigurado tuloy siya na si Damian na ang lalaking makakapagpaligaya nang lubos sa kanya. Hindi na niya pinilit ang kanyang sarili na magsalita. Naisip niya na nais niyang suyuin at ligawan siya nito. Gusto niyang malaman kung ano ang magiging pakiramdam niya. Nais din niyang may maikukuwento siya sa mga magiging anak at apo nila balang-araw, kung paano nabuo ang pag-iibigan nila ng ama at lolo ng mga ito. Ayaw niyang maging boring ang love story nila. Ayaw rin niyang masabihan na masyado siyang mabilis na bumigay. “H-hahayaan mo ba akong manligaw?” nag-aalangang tanong nito nang hindi siya magsalita sa mahabang sandali. Tumango na lang siya dahil hindi pa rin niya magawang magsalita. Tila noon lang ito nakahinga nang maluwag. Bumakas ang relief sa mukha nito. Ubod ng lapad at ubod ng tamis ang ngiting ibinigay nito sa kanya. “Maraming salamat. Hindi ka magsisisi. Gagawin ko ang lahat para gustuhin mo rin ako. Mamahalin mo rin ako kagaya ng pagmamahal ko sa `yo. I’ll be a great boyfriend, Cam. You’ll be happy with me.” Nag-init ang sulok ng kanyang mga mata. Kahit na hindi nito sabihin ang mga bagay na iyon, alam na niya. Mahal na mahal na niya ito at masaya siya dahil mahal din siya nito. Hindi kaibigan lang ang pagtingin nito sa kanya. Alam niya na hindi niya kailanman pagsisisihan na ito ang lalaking minahal niya. Wala nang hihigit pa rito. He would always be great because he was born to be a great man. Wala nang ibang lalaki na makakapagpasaya sa kanya nang higit dito. Si Damian ang kailangan niya. Ito ang mahal niya. Narito ang kaligayahan niya. Alam niya na hindi mauubos ang pagmamahal sa puso niya para dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD