12

1684 Words
WALA nang mairereklamo pa si Cameron sa panliligaw ni Damian. Ang totoo ay atat na atat na siyang sagutin ito. Pinipigilan lang niya ang kanyang sarili. Natutuwa  siya sa mga bagay na ginagawa nito. Madalas siyang may bulaklak mula rito. Madalas din siya nitong bigyan ng cookies na ito mismo ang gumagawa. Paborito kasi niya ang homemade cookies ng ina nito kaya nag-aral daw ito kung paano ang pag-bake niyon. Halos araw-araw ay sinusundo siya nito sa eskuwelahan. Minsan ay kumakain sila sa labas. Hindi ito lumalagpas sa linya nito. Nananatili itong maginoo sa kabila ng lahat. Lahat ng mga kaibigan niya ay napapansin ang kakaibang kasiglahan niya. Madalas na siyang tinutukso na in love. Hindi niya alam kung nahahalata rin iyon ni Damian ngunit hindi na niya masyadong alintana. Mahirap pigilin ang kaligayahan ng isang tao. Mahirap kimkimin iyon dahil kusa iyong lumalabas. Nais niyang sagutin si Damian sa isang espesyal na sandali. Nais niyang may moment sila. Nais niya na hindi nila makakalimutan kailanman kung paano sila naging opisyal na magnobyo. Hinahanapan pa niya  ng tiyempo ang pagsagot niya rito. Pakanta-kanta siya habang papasok sa loob ng classroom nang umagang iyon nang bigla siyang harangin ni Royce. Hindi na sana niya ito papansinin at lalampasan na lang, ngunit hinawakan nito ang braso niya. Iwinaksi agad niya ang kamay nito ngunit agad din siyang nahawakan uli nito.  “Bitiwan mo nga ako!” naiinis na sabi niya habang nagpupumiglas. Ayaw siya nitong pakawalan. “Bakit lagi mo na lang kasama `yong mukhang loser na `yon, ha?!” marahas na tanong nito na tila narito ang lahat ng karapatan upang mag-demand sa kanya. “Wala kang pakialam! Wala kang karapatang magtanong sa `kin nang ganyan, Royce. Bitiwan mo nga ako! Pinagtitinginan na tayo ng mga kaklase natin, ano ka ba?” Bahagya na niyang nararamdaman ang sakit sa kanyang braso dahil sa higpit ng pagkakahawak nito. Nakakaramdam na siya ng takot. Habang tumatagal ay lalo yatang lumalala ang ugali ni Royce. Napapansin niyang palagi na lang itong galit. Nanlilisik ang mga mata nito. “May pakialam ako dahil akin ka!” “Hindi ako sa `yo!” sabi niya kahit na natatakot siya. Dapat ngayon pa lang ay alam na nito ang dapat nitong lugaran. Hindi niya ito gusto at hindi kailanman magugustuhan. “May boyfriend na ako kaya tigilan mo na ako sa mga ganyang hirit mo. Respetuhin mo naman ako. Bitiwan mo ako at nasasaktan na ako.” Hindi naman siya nagsisinungaling. Hindi magtatagal ay magiging opisyal na silang magnobyo ni Damian. Doon din sila patungo. Maigi na iyong alam ni Royce na wala na ito ni katiting na pag-asa sa kanya. Marahas nitong binitiwan ang braso niya. “Hindi ako kailanman papayag na mapunta ka sa iba, Cam. Akin ka. Tatandaan mo palagi `yan. Akin ka lang. Hindi ka nababagay sa loser na `yon.” “Tigilan mo na ito, Royce,” pakiusap niya. Nakakatakot na ang pag-akto nito nang ganoon. Hindi na ito normal. Hindi naman niya malaman kung bakit ipinipilit nito ang isang bagay na hindi puwede. “May mahal na akong iba. Ibaling mo na lang sa iba `yang nararamdaman mo. Marami naman diyan na nakakahigit pa sa `kin. Huwag mo na akong pahirapan. Huwag mo na ring pahirapan ang sarili mo.” “Ikaw lang ang gusto ko, Cam. Mananatiling ikaw lang.” Bago pa man siya makabuo ng tugon ay pumasok na sa loob ng classroom ang professor nila. Pilit na lang niyang itinuon sa lecture ang atensiyon niya at sinikap na kalimutan si Royce. Sa susunod na semestre ay sisiguruhin niya na hindi na niya ito magiging kaklase. “ANG GANDA dito,” natutuwang sabi ni Cameron kay Damian habang inililibot niya ang kanyang paningin sa paligid. Napakaraming makukulay na bulaklak doon. Hindi niya inakala na may ganoong klaseng lugar sa Maynila. Dinala siya nito sa isang botanical garden. Kasama nila si Travis kanina ngunit humiwalay ito sa kanila. Mabuti na rin iyon dahil kanina pa sila nito tinutukso. Si Travis daw talaga ang may ideya kung bakit naroon sila. May kailangan kasi itong pag-aralan na exotic flower para sa isang subject nito. Naisip ni Damian na isama siya.  “Naisip ko kasi na baka nami-miss mo na ang Mahiwaga kaya dinala kita rito.” Mas lumapad ang ngiti niya. “Maraming salamat.” Hindi ito nagkakamali. Missed na missed na nga niya ang Mahiwaga. Matagal niyang pinangarap na manirahan sa lungsod, ngunit nang magtagal-tagal na siya roon ay hinahanap-hanap na niya ang Mahiwaga. Labis na siyang nangungulila sa tahanan niya. Natutuwa ang mga mata niya sa nakikitang makukulay na bulaklak. Ang gaganda ng mga iyon. Lalong nadagdagan ang kulay at ganda ng paligid dahil kasama niya si Damian. Awtomatikong bumilis ang t***k ng kanyang puso nang abutin nito ang kamay niya at hawakan. Nginitian siya nito na ginantihan niya. Okay lang sa kanya na hawakan nito ang kamay niya. Gustong-gusto nga niya iyon. “Kumusta na `yong aso na sinagip mo mula sa mga lasenggo noong isang araw?” kaswal na tanong niya.  Naikuwento nito sa kanya na may nasagip na naman itong aso na hinahabol ng ilang mga lalaki na balak na gawing pulutan ang kawawang aso. Hindi niya malaman kung saan nagpupunta si Damian at natatagpuan nito ang mga ganoong uri ng tao at aso. Ito na marahil ang itinuturing na Superman ng mga hayop. Lahat na lang ay kinukupkop nito. Kung hindi nga lang bawal ang hayop sa dormitoryo niya ay baka binigyan na siya nito ng sangkatutak na kuting. Nakita na niya ang mga hayop nito sa likod ng bahay nito. May kanya-kanyang kulungan ang bawat alaga nito. May tagapag-alaga nga ang mga ito. Kahalubilo ng mga pure breed ang mga walang breed. Walang special treatment sa mga mamahaling hayop. Pantay-pantay ang mga ito. Nakita rin niyang hindi nag-aaway-away ang mga ito sa loob. Tila magkakaibigang matalik ang lahat ng mga hayop na naroon. Hindi talaga masukat ang pagmamahal ni Damian sa mga hayop. Dahil sa ugali nitong ganoon kaya lalo itong napapamahal sa kanya. Kaya nitong mahalin kahit na ang pinakagusgusin at pinakamarusing na hayop sa lansangan. “He’s doing well na. Hindi na siya natatakot. Nakapalagayan na niya ng loob ang mga housemate niya. Ilang araw lang, tataba na siya at gagaling na ang mga sugat niya. Magiging maayos din siya. He’ll grow up to be a great dog.” “Magkano naman ang nalagas sa allowance mo?” Alam niya na hindi basta-basta ibibigay ng mga lasenggo ang aso rito.  Nagkibit-balikat ito. “Not much. Ibinili ko na lang sila ng ibang pulutan.” “Ano ang pangalan ng bagong aso mo?” “Andres Bonifacio. It suits him because he’s brave. Kahit na marami siyang sugat na tinamo, hindi siya basta sumuko. He just kept on running to save his life.” Banayad siyang natawa. “Ang bait-bait mo talaga. Baka isa sa mga araw na ito ay ipahamak ka ng sobrang kabaitan mo. Baka sa pagliligtas mo sa mga kawawa at inosenteng nilalang ay ikaw naman ang masaktan. Paano na lang kung hindi pumayag `yong mga lasenggo na basta na lang ibigay sa `yo si Andres? Paano kung nakainom na pala sila? Worst, paano kung nakatira sila ng drugs at pinag-trip-an lang pala nila `yong aso? Paano kung ikaw `yong napagbalingan? Paano kung hinataw ka at ikaw naman ang nasugatan?”  Bahagya siyang nangilabot sa mga pangit na senaryo na pumasok sa isip niya. Ilang beses na kasi nitong nakaharap ang mga lasenggo. Ilang beses na itong nagbigay ng pera upang bilhin ang mga kawawang hayop na balak gawing pulutan ng mga ito. Paano kung sa susunod ay mainsulto na ang mga lasenggo rito at magalit? Hindi yata niya kaya kapag napahamak ito. Ayaw niyang masaktan ito sa kahit na anong paraan.  Tumigil ito sa paglalakad at hinarap siya. Napakasuyo ng mga mata nitong nakatingin sa kanya. Tila siyang-siya ito sa concern niya base sa matamis na ngiti nito. Pinalis nito ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa mukha niya. Hindi niya mapigilan na mapatulala rito.  Sinalubong nito ang kanyang tingin. Nabasa niya ang paghanga at pag-ibig sa mga mata nito. Hindi niya gaanong maipaliwanag kung gaano siya kasaya nang mga sandaling iyon. Umaapaw ang pag-ibig sa kanyang puso. Napalunok siya nang unti-unting bumaba ang mukha nito sa kanyang mukha. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Kinakabahan siya ngunit naroon din ang antisipasyon. Mararanasan na ba niya ngayon ang kanyang totoong unang halik? Naipikit niya ang kanyang mga mata nang malapit na malapit na ang mga labi nito sa mga labi niya. Hindi nagtagal ay naramdaman na niya ang pagdampi ng malambot na mga labi nito sa kanyang mga labi. Hindi niya maipaliwanag ang kaligayahang dumagsa sa kanyang buong pagkatao. Ganoon pala ang pakiramdam na mahagkan ng taong mahal na mahal niya. Pakiramdam niya ay tama ang ikot ng mga planeta. Tila sasabog siya sa kaligayahan.  Kahit na nakapikit siya, tila may nakikita siyang makukulay na fireworks at bulaklak. Pakiramdam niya nang mga sandaling iyon ay wala na siyang mahihiling pa sa kanyang buhay. Nag-umpisang gumalaw ang mga labi nito sa kanyang mga labi. Iyayakap na sana niya ang mga braso niya rito nang bigla na lang siyang napahiwalay rito dahil may narinig siyang sigaw mula kay Travis. “Help! Tulungan n’yo ako! Help me, I’m dying!”  Hindi nila makita si Travis ngunit dinig na dinig niya ang natatarantang pagsigaw nito. Hindi nagtagal ay lumitaw ito mula sa kung saan. Tumatakbo ito nang mabilis dahil hinahabol ito ng mga bubuyog. “Oh, my God!” tili nito. “Bees! Help me! Damian, do something, damn it! Kaibiganin mo `tong mga bubuyog at utusan mo silang tantanan ako!” Umismid si Damian. “Why would I do that? Binulabog mo siguro sila kaya ka hinahabol. Loko ka kasi. `Yan ang napapala ng mga taong naninira ng moment nang may moment.” Napangiti na lang siya. Masaya siya na ito ang kanyang unang halik. Hindi niya pinagsisisihan na nagpaubaya siya. Kahit na hindi gaanong nagtagal dahil inistorbo sila ni Travis, masaya pa rin siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD