“MAGTATAMPO ako sa `yo, Cameron, kapag hindi ka sumama sa `min.”
“Eh, kasi naman gustong-gusto ko nang umuwi sa `min,” tugon ni Cameron sa kaibigan niyang si Yvette. Noong isang linggo pa siya nito pinipilit na sumama sa mga ito sa overnight swimming sa Batangas. May beach house ang pamilya nito roon at niyaya nito ang karamihan sa mga kaklase nila na mag-swimming.
Kaarawan kasi nito sa susunod na linggo at dahil sembreak na, hindi nito makakasama ang ilan sa kanila na uuwi na sa probinsiya. Huling araw ng finals nila at bukas ang plano nitong pagpunta.
“Puwede namang after na ng swimming ka umuwi sa inyo. Bakit ka ba nagmamadali, eh, mahaba-haba naman ang bakasyon natin? Overnight lang naman, eh. Sige na, sumama ka na para masaya. Para na rin mai-celebrate natin ang pagtatapos ng semester. Ayaw mo bang mag-relax at mag-enjoy after ng finals? Sige na, please, Cam.”
“Kasi hindi naman ako pinapayagan sa mga ganyang swimming at overnight ng mga magulang ko, Yvette.” Kahit na mahusay siyang lumangoy, hindi niya ugaling sumama sa mga kaibigan niya sa mga overnight swimming kahit na noong nasa probinsiya pa siya.
“Ang KJ talaga nito. Wala naman ang mga magulang mo dito, eh. Hindi mo naman kailangang magpaalam sa kanila. Gayahin mo ako, hindi na ako nagpapaalam kasi wala namang magbabago. Papayag din naman kasi sila. Sama ka na.”
Napailing siya. Kilalang anak-mayaman si Yvette. Mabait naman ito kahit na spoiled brat at medyo wild. Nang unang araw ng klase nila ay ito ang unang kumausap sa kanya kaya nanatili niya itong kaibigan. Mapagbigay ito at hindi maldita kaya gusto niya ito. Hindi lang siguro niya masakyan ang pagiging party girl nito dahil hindi siya sanay sa mga katulad nito. Ito kasi ang tipikal na modern city girl.
“Magtatampo talaga ako sa `yo, Cam. Hindi na kita kakausapin kahit kailan!” pagbabanta nito. “Isipin mo na lang, baka ito na ang huling pagkakataon na magkasama tayo. Baka hindi mo na ako makasama sa susunod na semester. Birthday ko naman kaya pagbigyan mo na ako.”
“Anong hindi na kita makikita? Magiging magkaklase pa tayo sa susunod na sem.”
Nilabian siya nito. “Siguro magiging kaklase pa rin kita pero sa iilang subject na lang. Kalahati lang siguro ang mga subject na naipasa ko ngayong sem. Next sem, irregular na ako. Ikaw, siguradong regular pa rin. Nasa block section ka pa rin. Hindi naman kasi ako kasintalino mo. Sige na, pumayag ka na kasi. Pagbigyan mo na ako. Ang pagsama mo na ang birthday gift mo sa `kin.”
“Hindi ko talaga alam.”
“Hindi kita titigilan hanggang sa pumayag ka.”
Hindi nga siya tinigilan ng kaibigan niya. Upang makapag-concentrate siya sa exam niya ay pumayag na lang siya. Naisip niya na wala namang masama. Kaibigan naman niya si Yvette at kaarawan nito. Naisip din niyang sumabay na lang kina Damian sa pag-uwi sa Mahiwaga. May natitira pa kasi itong exams kinabukasan. Napagbigyan na niya si Yvette, hindi pa siya maiinip sa mahabang biyahe dahil kasama niya si Damian.
BIGLANG sinalakay ng matinding kaba ang buong pagkatao ni Cameron nang pumasok sa loob ng beach house ang nakakairitang anyo ni Royce kasama ang dalawa pa nitong kaibigan na kasing-angas nito. Nagkakasiyahan silang magkakaibigan nang bigla na lang itong dumating. Ang akala pa naman niya ay hindi ito kasali sa Batangas. Nakahinga na nga siya nang maluwag dahil matagal-tagal niya itong hindi makikita.
“Royce, you made it!” masayang bulalas ni Yvette.
Kaagad siyang nairita sa kaibigan niya. Alam nito na hindi niya nais na makasama si Royce. Alam niyang sinadya nitong hindi sabihin sa kanya na kasama ang lalaki upang sumama rin siya. Kung alam lang niya, sana ay hindi na lang siya sumama sa swimming ng mga ito. Umuwi na lang sana siya sa Mahiwaga at doon nag-swimming.
Sa isang banda, wala siyang karapatang mairita kay Yvette. Ito ang may kaarawan kaya iimbitahin nito ang lahat ng nais nitong imbitahin. Nakakapagtampo lang na kinailangan pa nitong maglihim sa kanya.
“Hi, everyone!” masiglang bati ni Royce sa kanila. Masaya itong binati ng lahat maliban sa kanya.
Lalong nalukot ang mukha niya nang tumabi ito sa kanya. “Hi, babe,” malambing na bati nito bago siya inakbayan.
Kaagad siyang tumayo at lumayo rito. Wala siyang sinabing anuman upang hindi masira ang kasiyahan ng mga kasama niya. Bahagya siyang nagpasalamat dahil hindi siya kinulit o nilapitan uli nito.
Pinilit niyang makisama sa kasiyahan ng mga kaibigan niya ngunit mahirap gawin. Hindi siya komportable na nasa malapit lang sa kanya si Royce. Nakakaramdam siya ng panganib. Hindi mawala ang kaba sa kanyang dibdib. Tila may mangyayari na hindi maganda sa kanya sa gabing iyon. Marahil dahil iyon sa nakalolokong ngiti nito. Sa unang tingin pa lang, masasabi na ng kahit sino na may gagawin itong hindi maganda.
Pilit na lang niyang pinayapa ang kanyang sarili. Mas mag-iingat na lang siya. Habang abala ang mga kaibigan niya sa pakikipagkuwentuhan ay nakigamit siya ng telepono upang matawagan niya si Damian. Napapayapa nito ang kalooban niya. Makakaiwas din siya sa kakaibang tingin sa kanya ni Royce.
Masigla ang tinig nito nang tawagan niya. Kinumusta siya nito. Hindi na niya sinabi rito ang kakaibang kaba na nararamdaman niya dahil kay Royce dahil baka mag-alala ito sa kanya. May exam ito bukas at baka hindi ito makapag-concentrate sa pagre-review. Kahit na gusto pa sana niya itong kausapin nang matagal, siya na rin ang kusang nagpaalam.
Nagyaya ang mga kaibigan niya sa dagat. Sumunod na lang siya. Wala siyang balak na maligo. Kanina ay ninais niyang maglunoy sa dagat dahil malayo ang karagatan sa Mahiwaga, ngunit nagbago ang isip niya nang dumating si Royce.
Pinanood na lang niya ang mga kaibigan niya na enjoy na enjoy sa tubig. Nagpapasalamat siya na hindi gaanong naglalapit sa kanya Royce. Sana ay manatili itong nakadistansiya sa kanya hanggang sa makauwi sila.
Hindi nagtagal ay nagsasayawan na rin ang mga ito sa dalampasigan. May isang gumawa ng bonfire. May naglabas ng radyo at nagpatugtog nang malakas. Tanging siya lang ang nakasimangot nang maglabas ng maraming bote ng alak si Royce. Tuwang-tuwa naman ang mga kaibigan niya.
Mas naging wild ang mga kaibigan niya nang mapasukan ng alkohol ang sistema ng mga ito. Mas lumakas ang mga halakhakan. May ilan na pinipilit siyang uminom ngunit tinanggihan niya. Hindi pa siya nakakatikim ng alak. Hindi niya alam kung madali siyang tablan o kung paano siya tatablan ng alkohol. Ayaw niyang mawala sa kanyang sarili habang nasa paligid lang si Royce. Hindi siya mapakali.
“Have some fun, Cam. Come on!” pamimilit ni Yvette sa kanya habang umiindak sa harap niya. Naka-two-piece bikini lang ito at nag-aalala siya na baka mapigtas ang mga string at lumuwa ang dibdib nito. Disiotso anyos na ito at developed na halos ang katawan nito. Nakikita niyang napapatingin sa gawi nito ang ilang mga lalaking kaklase nila.
Inabutan siya nito ng isang lata ng beer ngunit tinanggihan niya.
Natawa ito nang malakas. “Ang tagal mo na sa Maynila pero manang na manang ka pa rin, Cam. Probinsiyana ka pa rin. Walang masama kung titikim ka ng alak. Hindi ka naman malalasing kaagad nito. Sige na, try it.”
Muli siyang umiling. Hindi na baleng masabihan siya na manang. Kahit pala matagal niyang ninais na manirahan sa lungsod, sa puso niya ay probinsiyana pa rin siya.
Naitirik nito ang mga mata nito. Hindi niya masabi kung naiirita na ito sa kanya. Nagtungo ito sa mesa kung saan naroon ang mga inumin at pagkain. Nakatalikod ito sa kanya kaya hindi niya makita ang ginagawa nito.
Pagbalik nito ay may dala-dala na itong isang baso na may lamang orange juice. Iniabot nito iyon sa kanya. “Baka tanggihan mo pa itong juice? Sige na, inom na. Kanina ka pa diyan nakaupo, eh. Mukha ka nang ewan. Ayaw mong mag-swimming. Ayaw mong sumayaw. Ayaw mong uminom ng alak. Inom ka na lang ng juice. Cheers?”
Tinanggap niya iyon upang hindi ito gaanong mapahiya. Wala namang masama sa pagtanggap ng orange juice. Pinagpingki nila ang baso niya at lata ng beer nito. Bahagya siyang napangiwi nang matikman ang orange juice. May halong alak iyon.
Natawa si Yvette. “Ubusin mo `yan. Kakaunti lang ang inilagay ko diyan. Hindi ka malalasing. Parang juice pa rin `yan. Bottoms up?”
Pinagbigyan na lang niya ito upang hindi na siya nito kulitin. Maririndi lang siya sa pangungulit nito kung patuloy siyang tatanggi. Nang maubos niya ang orange juice ay iniwan na rin siya nito roon at nakihalubilo sa mga kaibigan nila na nagsasayaw sa may bonfire.
Pinanood na lang niya ang mga ito.
Nasapo niya ang kanyang ulo nang bigla na lang umikot ang kanyang paningin pagkalipas ng ilang minuto. Tinablan kaagad siya ng alak? Hindi ba, kaunti lang ang alak na inilagay ni Yvette doon? Orange juice pa rin dapat iyon. Ngunit patuloy sa pag-ikot ang paningin niya. Tila nakalutang ang ulo niya. Mas bumibilis ang pag-ikot ng paligid.
Sinubukan niyang tumayo. Kailangan yata niyang magtungo sa loob ng bahay at mahiga. Kahit na ilang beses siyang nadapa ay pinilit pa rin niyang lumakad. Malapit na siya sa bahay nang may umalalay sa kanya. Hindi niya magawang tingnan kung sino ito dahil talagang umiikot ang paningin niya.
Hinayaan na lang niya itong alalayan siya hanggang sa makapasok sila sa loob ng bahay. Lalong lumala ang nararamdaman niya. Pinangko na siya ng umaalalay sa kanya. Sigurado siya na lalaki ito.
Hindi nagtagal ay naramdaman niya ang malambot na kama sa likod niya. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Tila hindi na niya maramdaman ang sarili niya. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Ganito ba talaga ang epekto sa kanya ng alkohol?
Mayamaya ay may naramdaman siyang mga labi sa kanyang pisngi. Napaungol siya. Nais niyang itulak palayo ang sinumang humahalik sa kanya, ngunit ayaw sumunod ng katawan niya. Unti-unti na rin niyang nararamdaman ang pagkawala ng kamalayan niya.
May labing humahalik sa mga labi niya, iyon ang huling naalala niya.