14

1477 Words
NAGISING si Cameron na masakit ang ulo at katawan niya. Nasapo niya ang kanyang ulo. Puting kisame ang bumungad sa kanya. Pilit niyang inalala kung ano ang nangyari sa kanya nang nagdaang gabi ngunit wala siyang maalala. Tila malabo ang lahat sa kanya. Habang pinipilit niyang makaalala ay lalo lang sumasakit at kanyang ulo. Sinukuan niya ang pag-alala. Pinakiramdaman na lang niya ang kanyang katawan. Nananakit ang katawan niya partikular na ang gitnang bahagi. Nagsalubong ang mga kilay niya nang may naramdaman siyang kakaiba. Nagkukumahog na bumangon siya kahit na hindi maganda ang pakiramdam niya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makitang wala siyang saplot. Tanging puting kumot ang nakapaikot sa katawan niya. Binundol ng matinding kaba at takot ang buong pagkatao niya. Noon lang siya nakadama nang ganoong uri ng takot. Hindik na hindik siya—sindak na sindak. Tila katapusan na ng kanyang mundo. Alam niya na may hindi magandang nangyari sa kanya nang nagdaang gabi. Nananakit ang sentro ng kanyang p********e. Tila kinukumpirma niyon ang kinakatakutan niya. Nahihintakutang binalingan niya ang gilid niya. Natutop niya ang kanyang bibig at kaagad siyang napaiyak. Nakadapa sa tabi niya sa kama si Royce at wala rin itong saplot! Pakiramdam niya ay papanawan siya ng ulirat. Nahiling niya na sana ay panaginip lang ang lahat ng nangyayari sa kanya. Pilit niyang ginigising ang kanyang sarili ngunit hindi siya makawala.  Ibinalot niya ang kanyang sarili sa kumot at tulirong pinagdadampot niya ang mga damit niya sa sahig. Nilingon niya ito na himbing pa ring natutulog sa kama. May munting ngiti sa mga labi nito. Sumiklab ang matinding galit sa buong pagkatao niya. Dali-dali niyang tinungo ang banyo at nagbihis. Paglabas niyang muli ay pinagbabato niya ang natutulog na si Royce ng kahit na anong madampot niya. Patuloy sa pagdaloy ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata. Galit na galit siya. Takot na takot. Ano ang nangyari sa kanya? Ano ang ginawa sa kanya ng walanghiyang lalaking ito? Bakit niya hinayaan na mangyari na lang ang lahat ng ito? Nagising si Royce nang tamaan niya ng figurine ang dibdib nito. “What the hell?!” galit na bulalas nito. Kaagad niya itong nilapitan at pinagsasampal. Hindi siya nakontento kaya pinagbabayo pa niya ang dibdib nito. Nasasalag nito ang mga kamay niya kaya gigil na gigil na sinabunutan na lang niya ito. “Walanghiya ka! Ano ang ginawa mo sa `kin?! Bakit ka narito?!” galit na galit na hiyaw niya. Ayaw magpaawat ng kanyang mga luha. Kahit na masakit ang ulo at katawan niya, pinilit pa rin niyang saktan ito hanggang sa makakaya niya. Bakit wala siyang maalala sa mga naganap sa kanila bukod sa pagkahilo niya pagkatapos niyang uminom ng orange juice na ipinainom sa kanya ni Yvette? Marahas at mariin nitong hinawakan ang mga braso niya. Nagpumiglas siya ngunit mas diniinan nito ang pagkakahawak nito. Nasasaktan siya ngunit patuloy siyang nagpumiglas. Hindi niya nais na hinahawakan siya nito. Nandidiri siya rito. Nginisihan siya nito nang nakakaloko. Ang tingin niya rito nang mga sandaling iyon ay isang demonyo na tuwang-tuwa dahil natupad ang masamang binabalak. “Ano ang ginawa ko sa `yo?” tanong nito sa nakakalokong tinig. Inilapit pa nito ang mukha sa kanya at akmang hahagkan siya ngunit naging maagap siya sa pag-iwas. “Ano ang ginawa natin sa magdamag? Hindi mo maalala kung paano kita pinaligaya? Hindi mo maalala kung paano ka nasiyahan?” Puno ng malisya na hinagod nito ng tingin ang kabuuan niya. Nangilabot siya. Pinilit niyang kumawala ngunit wala siyang panama sa lakas nito. Lalo pa siya nitong hinila palapit dito. “Tumigil ka sa kakapumiglas!” marahas na utos nito. “May nangyari na sa `tin, Cameron. Wala ka nang maipagmamalaki sa `kin. Nakuha na kita. Naangkin nang buong-buo. Hindi ba, sinabi ko na sa `yo dati na akin ka lang? Walang ibang lalaki ang makikinabang sa `yo. Ako lang ang lalaking nararapat para sa `yo. Hindi ka kasi nakikinig sa `kin, eh. Pakipot ka pa, sa `kin din lang naman ang bagsak mo. Pinahirapan mo lang ang sarili mo.” “Demonyo!” “Akin ka!”  Nagpumiglas siya ngunit ayaw siyang pakawalan nito. Dinuraan niya ang mukha nito. Malutong na mura ang nasambit nito nang pakawalan siya. Kaagad siyang lumayo rito. Nadampot niya ang vase at walang pag-aalinlangan na inihataw niya iyon dito. “Hindi ako kailanman magiging sa `yo. Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa `kin!” hiyaw niya habang palabas ng silid. Nagmamadaling lumabas siya ng bahay. Hindi niya pinansin ang mga kaibigan niyang nakakalat sa sala at himbing na himbing sa pagtulog. Paglabas niya ng bahay ay nasalubong niya si Yvette. Naka-bikini pa rin ito at sabog na sabog ang buhok. Puno ng buhangin ang katawan nito at tila kagigising lang. Sa dalampasigan yata ito natulog. Inaantok na nginitian siya nito. “`Morning, Cam,” bati nito. Hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Ubod-lakas niya itong sinampal. Napasinghap ito nang malakas. “Ano’ng problema mo?!” Nasapo nito ang pisngi nitong kaagad na namula. Pinanlisikan niya ito ng mga mata. Hindi mahirap pagtagni-tagniin ang nangyari kahit na wala siyang gaanong maalala. Bigla na lang siyang nahilo nang painumin siya nito ng orange juice. Malamang na kasabwat ito ni Royce. May inilagay itong kung ano sa inumin niya nang nagdaang gabi. “Anong klase kang kaibigan?!” galit na singhal niya rito. “Paano mo ito nagawa sa `kin? Sinira mo ang lahat para sa `kin.” Bago pa man ito makapagsalita ay mabilis na iniwan niya ito. Mabilis ang mga hakbang niya palayo roon. Hanggang sa tumatakbo na siya. Hindi niya alam kung saan siya patungo ngunit wala siyang pakialam. Kailangan lang niyang makaalis at makalayo sa lugar na iyon. Hindi niya alintana ang sakit ng kanyang katawan. Mas masakit ang nararamdaman niya sa loob. Binaboy siya. Pinagsamantalahan siya. Hindi maampat ang kanyang mga luha. Halos hindi na siya makahinga dahil sa pagtakbo at pag-iyak. Miserableng-miserable ang pakiramdam niya. Gusto na niyang mamatay. Bakit nangyari ang lahat ng ito sa kanya?  Humagulhol siya nang madapa siya. Ano ang gagawin niya? “AYOS ka lang ba, `neng?” Hindi makasagot si Cameron sa tanong na iyon ng isang ginang na hindi niya kilala. Sinabi na nito sa kanya kanina ang pangalan nito ngunit hindi na niya matandaan. Wala siya sa kanyang sarili. Tulala lang siya habang tahimik na umiiyak. Kahit na ano ang gawin niya ay hindi maampat ang kanyang mga luha.  Nang madapa siya ay nanatili siya sa lapag at hindi na sinubukang tumayo. Nadapa siya sa harap ng isang tindahan. Hindi marahil siya natiis ng tindera at nilapitan siya at itinayo. Dinala siya nito sa tindahan nito at paulit-ulit na tinanong kung okay lang siya, kung ano ang nangyari sa kanya. Hindi niya ito masagot dahil wala siyang ibang nais na gawin kundi ang umiyak. Umaasa pa rin siya na panaginip lang ang lahat at magigising siyang maayos na uli ang buhay niya.  Ngunit bakit ang tagal-tagal niyang magising? “Hija, kanina ka pa iyak nang iyak,” anang tindera na tila nauubusan na ng pasensiya sa kanya. “Ano ba talaga ang nangyari sa `yo? May gumawa ba sa `yo nang masama? May telepono ako. May gusto ka bang contact-in na kapamilya o kaibigan para masundo ka niya rito?” Bigla siyang nahimasmasan. Biglang lumitaw sa kanyang isip si Damian. Matutulungan siya nito. Mailalayo siya nito roon. Magagawa nitong tama ang lahat. Kailangan niya ito. “P-puwede p-po b-bang m-makitawag?” pautal-utal na tanong niya. Nagawa na rin niyang punasan ang kanyang mga luha. Itinuro nito sa kanya ang kinalalagyan ng telepono. Kaagad siyang tumawag sa bahay nina Damian. “Hello?” Nagpasalamat siya na ito mismo ang nakasagot ng telepono. “Hello.” “Damian...” Iyon lang ang nasambit niya at napahagulhol na naman siya. Ang akala niya ay kaya niyang sabihin dito kung ano ang nangyari sa kanya, hindi pala. Ang tanging nais niya nang mga sandaling iyon ay makita ito at maramdaman ang seguridad na palagi nitong ipinaparamdam sa kanya. Ngunit hindi niya magawang makapagsalita.  “Cam?” natatarantang sabi nito mula sa kabilang linya. “Ano ang nangyari sa `yo? Bakit ka umiiyak? Talk to me, please. Cameron?” Alam niyang labis na itong nag-aalala sa kanya. Hindi naman kasi siya madalas na umiiyak kaya mag-aalala talaga ito. Paulit-ulit nitong tinanong kung bakit siya umiiyak at ano ang nangyari sa kanya, ngunit hindi niya magawang tumugon dahil ang tanging nais niya ay umiyak.  Nang kunin sa kanya ng tindera ang telepono ay hinayaan na lang niya ito. Ito ang kumausap kay Damian. May sinabi itong kung anong address bago nito ibinaba ang telepono. “Parating na raw ang kaibigan mo, hija. Huwag ka nang umiyak, tahan na.” Bahagyang napayapa ang kanyang kalooban sa narinig. Unti-unti siyang tumigil sa pag-iyak. Tahimik na hinintay niya ang pagdating ni Damian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD