ALALANG-ALALA si Damian kay Cameron. Hindi siya mapakali at palakad-lakad siya sa harap ng isang guest room. Nasa loob si Cameron kasama ang kanyang ina. Kanina pa sa loob ang mga ito. Nais na niyang pumasok ngunit kabilin-bilinan ng kanyang ina na hayaan muna niya ito roon.
Sinamahan siya ng kanyang Kuya Mitch sa pagsundo kay Cameron nang umagang iyon. Nadurog nang pino ang puso niya nang makita niya ang hitsura nito. Kalunos-lunos ang Cameron na nadatnan niya. Mugtong-mugto ang mga mata nito. Magulong-magulo ang buhok nito. There was so much misery, fear, and anguish in her beautiful eyes. She was a complete mess.
Habang pauwi sila sa kanilang bahay ay tinatanong niya ito kung ano ang nangyari, ngunit hindi ito nagsasalita. Mahigpit lang itong nakayakap sa kanya at tila ayaw nang kumawala. Naguguluhan siya ngunit hindi na niya ito gaanong pinilit na magsalita. Sa ngayon ay kailangan muna nitong maging maayos. Kailangang mapawi muna ang takot sa mga mata nito.
Alalang-alala na rin pati ang kanyang ina. Pagdating kasi nila ay yumakap dito si Cameron. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang makita niya ito sa araw na iyon ay nagsalita ito. Tinawag nitong “Nanay” ang kanyang ina.
Tinulungan ito ng kanyang ina na maligo at magbihis. Lalo silang nag-alala dahil nagsimula itong tumangis. Nagsimula raw iyon nang tulungan ito ng kanyang ina na maghubad. Hindi raw ito tumigil sa pagtangis hanggang sa matapos itong maligo. Tahimik itong humihikbi sa kama pagkabihis nito. Ayaw nitong kumain kahit na ano ang pilit nila.
Pinalabas siya ng kanyang ina sa silid upang makausap nito nang masinsinan si Cameron. Inip na inip na siya, ngunit pilit niyang hinahabaan ang kanyang pasensiya. Alalang-alala siya, ngunit pinipilit niya ang kanyang sarili na huwag masyadong mag-isip ng negatibo, ng malalang pangyayari. Kahit na alam niyang hindi ito magkakaganoon kung hindi masama ang nangyari dito, pilit pa rin niyang pinatatag ang kanyang sarili.
Ipinangako na lang niya sa kanyang sarili na kahit na ano ang mangyari, kahit na ano ang malaman niya, hindi siya mawawala sa tabi nito. He would comfort her. He would make everything right for her. Kung kinakailangan niya itong ipaghiganti sa taong dahilan ng ipinagkakaganoon nito, gagawin niya.
Ilang minuto pa siyang naghintay sa labas bago lumabas mula sa silid ang kanyang ina. Kinabahan siyang lalo at tumaas ang anxiety level na nararamdaman niya nang makita ang ekspresyon nito. Natutulala ito at bahagyang nakaawang ang bibig.
“Mom?” tawag niya rito dahil tila hindi siya nito nakikita. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Hindi niya gusto ang reaksiyon nito. Tila kinukumpirma niyon na mas malala pa sa iniisip niya ang nangyari sa babaeng espesyal na espesyal sa kanyang puso.
Tila robot itong bumaling sa kanya. Nakatitig lang ito at tila hindi magawang magsalita.
“Sinabi na po ba ni Cam kung ano ang nangyari sa kanya?”
Tila robot pa rin na tumango ito.
“Mom, what did she tell you? Please tell me.”
“S-she... s-she has b-been... S-she...” Namula ang mga mata nito at tila hindi malaman kung paano itutuloy ang sasabihin. “Oh, anak,” anito habang humihikbi. Niyakap siya nito nang mahigpit na mahigpit. “Oh, God. Bakit kailangang mangyari `yon sa kanya?”
Naguluhan siya. “What are you talking about, Mom? Linawin n’yo po,” natataranta nang sabi niya.
Mahinahon nitong sinabi sa kanya ang sinabi ni Cameron dito. Siya naman ang natulala. Halos hindi siya makahinga. Nadurog ang puso niya. Napuno ng galit ang buong pagkatao niya para sa taong may gawa ng kahayupang iyon. Nahabag siya nang husto kay Cameron.
Nanghina siya nang labis. Kung wala ang mga bisig ng kanyang ina ay malamang na dumausdos na siya sa sahig. Hindi niya maramdaman ang kanyang mga buto. Nakatulala lang siya sa kawalan at hindi malaman kung ano ang unang iisipin, kung ano ang unang gagawin.
“HUMINAHON ka, Damian.”
Hindi pinansin ni Damian ang sinabing iyon ni Travis. Iwinaksi niya ang kamay nitong nakapatong sa balikat niya. Hindi na siya makapag-isip nang matino. Alam niya na mahihirapan na siyang malaman kung ano ang tama at mali nang mga sandaling iyon. Nangingibabaw ang galit sa buong pagkatao niya. Ang damdaming iyon ang nais niyang maghari kaya hindi niya sinubukang magpigil man lang.
Tila sasabog na kasi siya sa halo-halong emosyon na nadarama niya nitong mga nagdaang araw. Tulirong-tuliro na siya. Hindi maaaring ganoon na lang. Kailangan niyang mailabas ang galit niya. Kailangan niyang maiganti kahit na paano si Cameron.
“`Tol, may ginagawa na ang mga magulang natin para sa nangyari kay Cameron,” mahinahong sabi ni Phillip habang nakasunod sa kanya.
Hindi rin niya ito pinansin at patuloy siya sa pagsuyod ng tingin sa loob ng bar. Kasama niyang naroon ang mga pinsan niya. Hindi naman niya niyaya ang mga ito, kusang sumunod ang mga ito sa kanya nang umalis siya. Natunugan marahil ng mga ito ang plano niya.
May nakapagsabi sa kanya na naroon si Royce, ang demonyong lumapastangan kay Cameron. Hindi mabanggit sa kanya ni Cameron ang pangalan nito dahil tulala pa rin ito at hindi nagsasalita. Nagkataong narinig niya ang pag-uusap ng kanyang ama at ang ama ni Cameron. Nabanggit ng mga ito ang pangalang iyon. Inalam niya ang lahat ng tungkol sa lalaking iyon. Nang malaman niyang nasa bar na iyon nang gabing iyon ang lalaki ay hindi na siya nag-isip at kaagad na nagtungo roon.
Tatlong araw na mula nang iuwi niya sa kanilang bahay si Cameron. Pagkatapos malaman ng kanyang ina ang totoong nangyari, kaagad nitong tinawagan ang kanyang ama sa Mahiwaga. Kaagad namang lumuwas ang kanyang ama kasama ang mga magulang ni Cameron. Nais nang iuwi nina Mang Arthur at Aling Dolores ang dalaga sa probinsiya, ngunit pinigilan ang mga ito ng kanyang ama. Kailangan daw mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Cameron. Kaagad naman iyon sinang-ayunan ng ama ni Cameron. Bahagyang natatakot si Aling Dolores dahil senador daw ang ama ng hayop na si Royce, ngunit nangako ang kanyang ama na tutulong at gagawin ang lahat upang mapagbayad ang maysala.
Lubos siyang napapasalamat sa kanyang ama dahil sa mga bagay na handa nitong gawin para kay Cameron. Nagpapasalamat siya na may kakayahan ang pamilya niya na tumulong. Ngunit hindi sapat para sa kanya na umupo na lang sa isang tabi at panoorin ang pamilya niya na ipinapakulong si Royce. Kailangang may magawa rin siya.
Mas tumindi ang galit niya nang makita niya ang hinahanap niya. Humahalakhak ito habang kausap ang isang kaibigan. May gana pa itong humalakhak nang ganoon. Wala itong kuwentang lalaki, walang kuwentang nilalang. Nilagyan nito ng kung anong gamot ang inumin ni Cameron upang malayang mapagsamantalahan ang dalaga. Mas masahol pa ito sa hayop. Hindi na dapat nabubuhay ang mga lalaking katulad nito.
Kaagad niyang naramdaman ang mariing kamay ng dalawang pinsan niya sa kanyang magkabilang balikat. Marahas niyang inalis ang kamay ng mga ito. Hindi siya kailanman naging bayolenteng tao. Hindi siya kailanman nakipag-away sa iba. Mas mahinahon pa siya sa kuya niya, ngunit ramdam niya ang pagbabago sa kanya. Ramdam niya na unti-unti nang kinakain ng galit ang buong pagkatao niya at hinahayaan lang niya. Nabubulag na siya ng galit. Wala na siyang makitang ibang rason.
Mabilis niyang nilapitan si Royce at kaagad na inundayan ng suntok. Hindi napawi kahit na kaunti ang galit niya, bagkus ay mas sumiklab pa iyon. Hindi niya ma-imagine sa kanyang isip ang hitsura ni Cameron habang nilalapastangan ng lalaking ito. Dinumihan ng hayop na ito ang babaeng iniibig niya.
Nagulat si Royce sa bigla niyang pag-atake kaya hindi agad ito nakaganti sa kanya. Muli niya itong inundayan ng suntok. Papaulanan pa sana niya ito ng atake ngunit may umawat sa kanya. Ang akala niya ay mga pinsan niya, ngunit ang lalaking kausap pala ni Royce kanina. Sapat na iyon upang makabawi si Royce mula sa pagkagulat. Kaagad itong nakatayo mula sa pagkakasadsad sa bar at ginantihan siya habang hawak siya ng kaibigan nito. Hindi niya maramdaman ang sakit dahil sa sobrang galit niya. Nagpumiglas siya mula sa pagkakahawak ng kaibigan ni Royce. Hindi siya papayag na makadalawa lang siya ng suntok.
“Tarantado ka, ah! Sino ka ba?” tanong nito bago muling tumaas ang kamao nito patungo sa kanya.
Hindi tumama ang kamao nito sa kanya dahil maagap na nasalag iyon ni Travis. Hinila naman ni Phillip ang lalaking nakahawak sa kanya. Nang makawala siya ay kaagad niyang sinugod si Royce.
“Ikaw ang tarantado, `tang ina mo!” singhal niya habang sinusugod ito. Noon lang siya nagsalita nang ganoon. Ni hindi niya alam na may kakayahan siyang maging ganoon. He was too angry to even care. Hindi na siya ang dating Damian na kilalang mahinahon at pinakamabait sa mga Castañeda. Napuruhan niya ang panga nito. “Damn you! Damn you! You ruined her life, bastard! You ruined her. I’ll make you pay. I’ll kill you with my bare hands!”
Nanunuyang tumawa ito nang malakas. “Ah, ikaw nga pala ang boyfriend ni Cameron. Alam mo nang may nangyari sa `min? Akin na siya, ulol! Naangkin ko na. Nagpaangkin sa `kin ang syota mo. Akin na siya. Hindi na siya maaangkin ng kung sino man, kahit na ikaw, gago!”
Tuluyan nang nagdilim ang paningin niya. “You raped her, damn you! Hayop ka!”
“Rape? Masyadong mabigat na paratang `yan. Paano mo mapapatunayan na rape ang nangyari? Kusa niyang ibinigay ang sarili niya sa `kin. She enjoyed it.”
Nagbalik sa kanya ang matinding takot na nasa mga mata ni Cameron. Halos hindi na ito makabangon sa higaan. Hindi na ito kumakain. Hindi nagsasalita o kumikibo man lang. Nakatulala na lang ito sa kawalan. Iyon ba ang kusang ibinigay ang sarili?
Hindi na siya nagsalita pa. Sinugod na lang niya ito. Naghahari ang galit sa buong pagkatao niya at wala na siyang pakialam. Ang tanging nais niya nang mga sandaling iyon ay mapatay ang lalaking ito. Hindi niya ito hahayaang mabuhay pa sa mundo. Kahit na tinatamaan na rin siya, hindi niya alintana.
Naramdaman niyang hindi lang si Royce ang sumusugod sa kanya. May mga pagkakataon na may humahawak sa kanya habang inaatake naman siya ni Royce. Nakikita niyang pati ang mga pinsan niya ay nakikipagbuno na rin sa mga lalaking hindi niya nakita kanina na kasama ni Royce. Wala siyang maramdamang sakit. Ang tanging nais niya ay umatake. Tuwing nakakawala siya sa nakahawak sa kanya ay itinotodo niya ang mga atake niya. Pakiramdam niya ay tila kaya talaga niyang pumatay nang mga sandaling iyon.
Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakipagbuno hanggang sa maramdaman niya ang mga braso na yumakap sa kanya. Nasa leeg niya ang braso nito. Hindi siya nito sinasakal, ngunit hindi rin naman siya nito hinayaang makawala.
“It’s okay, bro. Hold it. Calm down. It’s all right. Calm down. Take a deep breath.” Bahagyang humupa ang galit niya nang marinig ang pamilyar na tinig ng kanyang Kuya Mitch. Nakita niyang pigil-pigil ng isang bouncer si Royce. Naroon din ang Kuya Cecilio at Kuya Eduardo niya na inaawat naman sa pakikipag-away sina Travis at Phillip.
“This isn’t you, Damian,” mahinahong pagpapatuloy ng kuya niya. “You can do better than this. This isn’t you. Kumalma ka. Hindi masosolusyunan ang lahat sa ganito.”
Ipinaubaya na lang niya ang lahat sa kapatid niya. Hindi niya mapigilan ang mapaiyak. Nalasahan pa niya ang kanyang mga luha na may kahalong dugo. Gagawin niya ang lahat upang magbayad si Royce sa kasalanan nito. Hindi ito makakaligtas sa batas. Gagawin niya ang lahat upang makaahon si Cameron at maging maayos uli. Ibabalik niya ito sa dati.