PINAGMASDAN ni Cameron ang kanyang ina na natutulog sa kanyang tabi sa kama. Naroon pa rin sila sa mansiyon nina Damian. Doon daw muna sila hanggang sa maisampa ang kaso. Sunod-sunuran lang siya sa mga ito dahil hindi pa rin niya alam kung ano ang maaari niyang gawin.
Kunot na kunot ang noo ng kanyang ina. Mababakas sa mukha nito na hindi ito payapa kahit na sa pagtulog. Sino namang ina ang mapapayapa ang tulog pagkatapos ng nangyari sa anak nito?
Naitakip niya ang kanyang kamay sa kanyang bibig upang hindi umalpas ang kanyang hikbi. Naaawa siya sa mga magulang niya. Tila naglaho na parang bula ang mga pangarap niya para sa mga ito. Nabigo niya ang mga ito.
Mas nakakagalit na nakakaramdam siya niyon dahil wala siyang ginawang kasalanan. Hindi niya ginusto ang lahat ng ito. Hindi niya piniling maging ganito ang buhay niya. Ano ang nagawa niyang masama upang maparusahan nang ganito? Ang sabi nila, may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng bagay. Hindi niya makita ang dahilan ng sinapit niya. Sa palagay niya ay hindi niya kailanman iyon makikita o maiintindihan kung sakali mang may magsabi sa kanya ng dahilan.
Marahil nga ay may kasalanan din siya. Hindi siya nakinig sa mga magulang niya nang sabihin ng mga ito na sa probinsiya na lang niya ipagpatuloy ang pag-aaral. Kung pumayag na lang sana siya ay hindi siya mapapahamak.
Ngunit masama nga ba talaga ang mangarap? Kasalanan na ba talaga iyon? Ganoon ba ang paraan upang mapabalik siya sa realidad?
Bago pa siya tuluyang mapaiyak ay bumaba na siya ng kama. Dahan-dahan siyang lumabas. Ingat na ingat siya upang hindi magising ang kanyang ina. Ngayon lang yata ito nakatulog sa loob ng tatlong araw. Hindi niya alam kung nasaan ang kanyang ama sa kasalukuyan. Palagi itong kasama ni Sir Utoy, ngunit gabing-gabi na. Dapat ay natutulog na rin ito.
Paglabas niya sa silid ay mga narinig na siyang mga tinig. Malapit lang sa living room ang guest room na ibinigay sa kanilang mag-anak kaya kaagad niyang narinig ang komosyon. Tila galit si Sir Utoy.
Dahan-dahan siyang naglakad patungo roon. Nasa living room ang buong pamilya ni Damian maliban lang kay Kiyora. Naroon din ang apat na pinsan nito. Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapansin ang mukha ni Damian. Nakaupo ito sa isang one-seater couch at tila hindi alintana ang galit ng ama nito. Ang ina naman nito ay puno ng pag-aalala ang anyo. Maraming pasa at sugat ang mukha nito. Wala sa ayos ang damit nito. Lalo siyang nagtaka nang mapansing pati sina Travis at Phillip ay pulos pasa ang mukha. Naroon din ang kanyang ama na tahimik na nagmamasid.
Labis siyang nag-aalala sa kalagayan ni Damian, ngunit mas pinili niyang huwag munang magpakita. Nagkubli siya sa malaking plorera na may maraming bulaklak. Pinakinggan niya ang pag-uusap ng mga ito. Nais muna niyang malaman ang sitwasyon bago siya umentra.
“Kailan ka pa natutong makipagbasag-ulo, Damian?” galit na tanong ni Sir Utoy sa anak nito. Frustrated na hinagod nito ang buhok habang palakad-lakad sa harap ng anak. “I’m very disappointed in you. Sinabi ko naman na sa `yo na ako na ang bahala. Aayusin ko ang lahat. Justice will be served. Ipinangako ko naman na sa `yo na gagawin ko ang lahat para mapakulong ang binatang `yon para kay Cameron at para na rin sa `yo. Pati ang Uncle Intoy at Lola mo ay kumikilos. You don’t have to make things worse. Hindi mo na kailangang sugurin ang lalaking `yon at makipagsuntukan. You didn’t have to stoop down to his level.”
Namilog ang kanyang mga mata sa narinig. Sinugod nito si Royce at nakipagsuntukan? Si Royce ang may gawa ng mga pasa at sugat sa mukha ni Damian?
“Tingnan mo nga `yang sarili mo!” galit na pagpa-patuloy ni Sir Utoy. “Hindi ikaw `yan, eh. Hindi ka ganyan dati. Ikaw ang pinakamahinahon sa lahat. Hindi ka naniniwala sa karahasan. You can’t be like this, anak. Isipin mo na lang si Cameron. Hindi niya magugustuhan kapag nakita ka niyang ganyan. Hindi niya gugustuhing masaktan ka.”
Hinayaan niyang malaglag ang kanyang mga luha. Tama ang ama ni Damian. Ayaw niyang makita ito sa ganoong estado. Awang-awa siya sa hitsura nito. Ni hindi niya gusto na madantayan ang kalingkingan nito ni Royce. Damian didn’t deserve this. Hindi siya makaramdam ng kahit na katiting na kasiyahan dahil iginanti siya nito kahit paano sa lalaking sumira sa kanya. Hindi sa ganitong paraan niya nais na makaganti kay Royce. Hindi niya kailanman ninais na masaktan si Damian.
Hindi nga ito ang lalaking nakikita niya ngayon. Hindi ito basag-ulero. Hindi ito marunong makipag-away. Ito ang pinakamabait at pinaka-gentle na nilalang ng Diyos. Hindi nito dapat na makaharap man lang ang isang demonyong katulad ni Royce.
“Sa palagay n’yo po ba, kaya kong manahimik na lang, Dad?” naiiritang sabi ni Damian. Tila hindi nito alintana ang mga sugat at pasa nito. Tila wala itong nararamdaman. “Sa palagay n’yo ay hahayaan ko na lang ang hayup na `yon sa lahat ng nagawa niya? I can’t just sit around and do nothing. I can’t just watch you do all the work. I feel bad doing nothing. I have to do something about it. Kailangan kong mailabas ang galit na nararamdaman ko dahil ang hirap-hirap kimkimin. Ang hirap-hirap maging mahinahon. Hindi ako mapapayapa kahit kailan hanggang sa wala akong nagagawa. Hindi ko gustong maging mabait sa puntong ito. I’m not sorry for behaving like this tonight. I know I disappointed you but I will do it again. I will kill him next time. I swear, I will.”
“Anak, don’t talk that way,” naluluhang sabi ni Tita Margarita kay Damian. “Please, `wag namang ganyan. May ibang paraan para magbayad siya.”
Hindi na niya hinintay na makasagot si Damian. Bumalik na siya sa loob ng guest room. Dumeretso siya sa banyo at ikinandado ang pinto niyon. Impit siyang napaiyak. Pakiramdam niya ay mariing pinipiga ang kanyang puso. Nanghihinang napadausdos siya sa tiles.
Napakaraming bagay ang napagtanto niya nang makita niya si Damian na maraming pasa at sugat. Siya ang dahilan kung bakit ito sumugod at napaaway. Nais siya nitong ipagtanggol, nais na ipaghiganti. Nagbago ang personalidad nito dahil sa kanya. Ang dating gentle na nilalang ay nagawang maging bayolente ngayon. Dahil sa kanya, naging ganoon ito. Hindi iyon maganda.
Ngayon niya lubos na napagtanto kung gaano niya ito kamahal. Buong-puso siyang nagmamahal. At kahit na labis-labis ang pag-ibig sa puso niya, hindi na siya kailanman magiging karapat-dapat dito. Hindi na siya makakapantay rito kahit na gaano pa siya magsikap. Wasak na ang buong pagkatao niya.
Hindi dapat mabahiran ang malinis na pagkatao nito dahil sa kanya. Masyado niya itong mahal upang hayaan ito na maging ganoon na lang.
Mahal na mahal niya ito at patuloy na mamahalin, ngunit hindi niya hahayaan na patuloy siya nitong mahalin. Hindi na niya kayang tanggapin ang pag-ibig na iniaalay nito.
Masakit ngunit wala siyang magawa. Wala siyang ibang pagpipilian kundi ang isuko ang pangarap niyang kasama ito.
Gusto na niyang mamatay. Tila hindi na niya kayang tiisin ang lahat.