NANG maisampa ang kaso laban kay Royce ay minabuting iuwi si Cameron ng pamilya niya. Mas magiging ligtas daw siya roon. Hindi siya basta-basta magugulo ni Royce at ng pamilya nito. Luluwas lang siya kapag may mga importante siyang kailangang gawin.
Nagpapasalamat siya sa mga Castañeda dahil hindi siya pinabayaan ng mga ito. Patuloy ang tulong na ibinibigay ng mga ito sa kanya. Isang magaling at tanyag na abogado ang representative niya. Hindi raw sila titigil hangga’t hindi naipapakulong si Royce.
Minsan ay narinig niya ang pag-uusap ng kanyang ama at ni Sir Utoy. Lubos ang pasasalamat ng kanyang ama sa amo nito. Ipinangako nitong habang-buhay nitong ilalaan ang serbisyo nito sa pamilya Castañeda. Ipinahayag din nito ang pag-aalala nito na baka mapaano ang pamilya ng mga ito dahil sa kanila. Isang maimpluwensiyang pamilya ang pinanggalingan ni Royce, isang senador ang ama. Marahang natawa si Sir Utoy. Hindi raw problema ang pagiging senador ng ama ni Royce. Hindi nito kayang pagtakpan ang anak. Nalaman niya na pamangkin sa pinsan ni Lola Ancia ang kasalukuyang First Lady ng Pilipinas. Hindi sinabi ng ginoo na gagamitin nila ang family influence na iyon. Naniniwala pa rin daw ito sa justice system ng bansa.
Bahagya siyang nakalma sa nalaman niya. Hindi niya kailangang mag-alala na baka hindi magkakaroon ng hustisya ang nangyari sa kanya. Hindi magtatagal ay magbabayad nang mahal si Royce sa kanya. Tila hindi sapat na makulong lang ito ngunit mas maigi na iyon kaysa makalaya ito na tila wala itong ginawa na anumang masama.
Hindi siya naglalalabas ng bahay. Kahit na pilit niyang ibinabalik ang kanyang sarili sa dati, hindi niya magawa. Imposible na marahil para sa kanya na bumalik pa sa dati. Kahit na ano ang gawin niya, hindi na siya babalik sa dating Cameron.
Natutulala pa rin siya. Sa gabi ay hindi pa rin niya mapigilan ang kanyang mga pag-iyak. Pilit siyang tinutulungan ng kanyang pamilya. Inaalagaan siya nang husto ng mga ito at hindi pinapabayaan. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng mga ito ngunit mahirap talagang umusad uli pagkatapos ng lahat ng nangyari. Naaawa rin siya sa pamilya niya na tila nauupos na kandila habang nakikita ang kalagayan niya, ngunit wala talaga siyang drive na magpatuloy. Mas nais niyang magmukmok sa isang sulok at magpalamon sa kamiserablehan. Mas nais niyang umiyak nang umiyak na lang hanggang sa wala na siyang mailuha pa.
Pakiramdam pa nga niya ay hindi na siya kailanman magiging maayos. Tila hindi na siya kailanman magiging masaya.
Wala siyang masyadong nalalaman sa mga pangyayari sa kaso niya. Hanggang maaari ay ayaw ipaalam sa kanya ng kanyang mga magulang ang mga detalyadong pangyayari. Sinabi lang sa kanya na naaresto na si Royce pagkatapos lumabas ng warrant of arrest. Nakalabas din daw kaagad ito, ngunit siniguro daw ng abogado na mananalo sila sa kaso at makukulong ito nang matagal. Matibay raw ang mga ebidensiya nila. Hindi niya alam kung kailan siya muling magtutungo sa Maynila para sa hearing ng kaso dahil hindi pa iyon nababanggit sa kanya. Ang palaging sinasabi ng mga taong nakapaligid sa kanya ay huwag siyang mag-alala.
Isang hapon ay nagulat siya nang maging bisita niya si Damian. Marami itong mga dala-dala para sa kanya. Nakangiti na ito katulad ng dati at masiglang-masigla na. Nagtataka siya na naroon ito dahil ang alam niya ay malapit nang magsimula ang panibagong semestre. Dapat ay nasa Maynila ito upang ayusin ang mga kailangan nito sa pagpasok.
Isa pa iyon sa mga bagay na nagpapalungkot sa kanya. Hindi na yata siya makakabalik pa sa kanyang pag-aaral. Hindi na yata niya kayang pumasok uli sa eskuwelahan. Namamahay ang takot sa kanyang dibdib. Natatakot siya na baka makakilala na naman siya ng katulad ni Royce. Tila hindi na niya kayang muling magtiwala sa iba dahil sa ginawa sa kanya ni Yvette. Paano pa matutupad ang mga pangarap niya? Paano na ang ipinangako niyang magandang buhay sa kanyang pamilya?
“How are you?” masuyong tanong sa kanya ni Damian.
Hindi siya makasagot. Nakatingin lang siya sa mukha nito. Nag-init ang kanyang mga mata. Nais na naman niyang humagulhol ng iyak. Missed na missed niya ito. Matagal din silang hindi nagkita. Mula nang makita niya itong maraming pasa at sugat ay iniwasan na niya ito. Hindi niya alam kung paano pa ito pakikiharapan.
Nais niyang sabihin dito kung gaano niya ito kamahal, kung gaano ito kahalaga sa kanya. Nais niyang makulong sa mga bisig nito upang kahit paano ay gumanda ang pakiramdam niya. Ngunit hindi maaari. Marumi na siya. Hindi siya nababagay sa isang katulad nito.
“Hey,” masuyong sabi nito habang pinupunasan ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga pisngi. “Don’t cry. Please, don’t cry. You’re breaking my heart.”
Lalong piniga ang puso niya nang mabasa niya ang kirot sa mga mata nito. Naroon ang paghihirap sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya.
“B-bakit ka n-narito, Damian?” tanong niya habang iniiwas ang kanyang mukha rito. Pinunasan niya ang kanyang mga luha at pilit na kinalma ang kanyang sarili.
Sandali itong natigilan. “Hindi mo ba gustong narito ako?” malumanay na tanong nito. “Hindi ka ba natutuwang makita ako?”
Kung alam mo lang, Damian... Kung maaari lang sana ay hindi ako mawawala sa tabi mo. Pero hindi puwede. Hindi ko puwedeng hangarin ang isang katulad mo. Hindi na puwede...
“Hindi ba dapat ay nasa Maynila ka dahil ilang araw na lang ay magsisimula na ang pasukan?”
Ngumiti ito. “Hindi mo pa nga pala alam na nag-transfer na ako ng university. Dito na ako mag-aaral sa probinsiya. Mas maganda naman ang kalidad ng edukasyon dito sa vet med kaya okay lang.”
“H-ha?” Hindi niya alam kung matutuwa siya o ano sa kanyang nalaman. Doon na ito mananatili? Bakit? Para kanino? Masyado ba siyang magiging mayabang kung iisipin niya na dahil sa kanya kaya nito ginawa ang paglipat ng eskuwelahan? Baka naman lumipat ito para na rin sa ama at lola nito?
“B-bakit ka l-lumipat?” Hindi niya napigilan ang kanyang sarili sa pagtatanong.
Yumuko ito. “Noon pa man, dito ko na gustong mag-aral ng college. Bukod sa talagang maganda ang ino-offer na Veterinary Medicine course dito, gusto kitang m-makasama palagi. Gusto ko ring makasama sina Dad at Lola. Pero dahil mas gusto mong sa Maynila mag-aral, mas pinili ko na doon na lang din. Narinig ko ang usapan ng tatay at dad mo dati. Hindi na raw hahayaan ni Mang Arthur na malayo ka sa kanila o sa Mahiwaga. Kaya naisip kong dito na lang ako. Kung nasaan ka, naroon din ako. Hindi kita iiwan.”
Mariing nakagat niya ang ibabang labi niya. Hirap na hirap siya sa pagpipigil ng kanyang mga luha. Halos mahirap paniwalaan na may ganitong uri ng lalaki. Nais niyang makaramdam ng tuwa sa kanyang narinig ngunit hindi niya magawa. Alam kasi niya na hindi mapapasakanya ang lalaking ito. Kahit na ano na ang gawin niya, hindi na siya ang babaeng nararapat dito.
Hinawakan nito ang kamay niya at marahang pinisil. “Mahal na mahal pa rin kita. I’ll never stop loving you. Kahit na ano ang mangyari, mananatili ka sa puso ko. Palagi mong tatandaan `yan. Palagi lang akong narito sa tabi mo. Hindi kita iiwan kailanman,” pangako nito sa mariing tinig.
Tuluyan nang dumaloy ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Halos hindi na siya makahinga. Bakit kailangang sa kanya mangyari ang bagay na iyon? Bata pa siya. Dapat ay hindi pa niya nararamdaman ang ganoong uri ng sakit. Masyado pang maaga para sa kanya. Ang dapat sa kanya ay maging masaya. Ang dapat ay ma-enjoy muna niya ang kabataan niya.
Bakit bigla ay nawalan na siya ng karapatang maging masaya dahil sa pag-ibig ng isang lalaki?
Lalo siyang napaiyak nang masuyo siya nitong hilahin at yakapin.
“I love you,” bulong nito.
Gustong-gusto na niyang sabihin dito na mahal na mahal din niya ito, ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Hindi siya magiging makasarili. Hindi niya hahayaan ang kanyang sarili na gawin ang bagay na iyon sa lalaking iniibig niya. He deserved someone else. He deserved someone who was as pure as him. Hindi siya ang kaligayahan nito.