18

1685 Words
GALIT ang naghari kay Cameron habang nakatingin kay Royce. Nakaramdam din siya ng takot ngunit mas nangibabaw ang galit at pagkamuhi niya rito. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa nilang mag-usap. Kasama nila ang mga magulang at mga abogado nila. Hindi niya gaanong naintindihan ang paliwanag ng abogado kung bakit kailangan pa nilang magkaharap. Hindi siya magpapaareglo. Sa husgado na dapat sila nagkikita-kita. Hindi dapat pumayag ang abogado nang ganito. Kahit na wala pang nagsasalita, alam niyang wala nang mangyayaring areglo. Walang kapatawaran ang ginawa ni Royce sa kanya. Kahit pa kaharap niya ngayon ang senador na ama nito, wala siyang pakialam. “Magsabi ka na lang nang totoo, hija,” anang ina ni Royce na sa unang tingin pa lang ay mababakas na ang katarayan at pagiging matapobre. “Hindi mo kailangang gumawa ng gulo. Bakit mo pinapalabas na rape ang lahat, eh, kusa mo namang ibinigay ang sarili mo sa anak ko? Ang kapal ng mukha mo. Magkano ba ang gusto mo para lang tumigil ka na? Sino ang nagbayad sa `yo para sirain ang reputasyon ng pamilya namin?” Napatiim-bagang siya. Siya pa ang lalabas na masama? Kung pinalaki sana nito nang maayos ang anak nito, wala sila sa sitwasyong iyon. “Ang anak mo ang walanghiya!” galit na sabi ng kanyang ina. “Wala kang karapatang magsalita nang ganyan sa anak ko dahil ang anak mo ang hayop! Demonyo!” Tumikhim ang abogado nila at tumayo. “Hindi ganito ang usapang pinagkasunduan natin. Tapos na ang usapan na ito,” anito habang inaalalayan siyang makatayo. Nahawakan ni Royce ang kamay niya bago pa man siya tuluyang makatayo. Kaagad niyang binawi ang kamay niya at sinapak niya ito. Wala itong karapatang hawakan siya. Nandidiri siya rito. Kahit na ano ang mangyari, ipapakulong niya ito. Magbabayad ito sa lahat ng  kasalanang ginawa nito sa kanya. Hindi naman ito gumanti kahit na napatiim-bagang ito. “Alam mong mahal kita, Cam. Nagawa ko lang naman `yon dahil sa labis na pagmamahal ko sa `yo. Unang kita ko pa lang sa `yo, inibig na kita. Iba ka kasi sa lahat. Iba ang ganda mo. Simple lang pero tumatatak. You looked so innocent and kind. Hindi ko naman itinago ang pagmamahal na `yon. Araw-araw kong ipinaramdam sa `yo. But you were too cruel to me. Bakit hindi mo magawang suklian ang pagmamahal na `yon? Hindi naman kailangang umabot sa ganito ang lahat. Handa akong panagutan ka. I’ll marry you. I’ll make you happy, Cam. Mamahalin mo rin ako.” Hindi niya mapaniwalaan ang kanyang mga narinig mula rito. Bago pa man siya mapigilan ng kung sinuman, nasampal na niya ito. Hindi pa siya nakontento kaya sinampal uli niya ito nang mas malakas. Sasampalin pa sana uli niya ito ngunit nahawakan na siya ng abogado niya. “Hindi ka marunong magmahal!” umiiyak na sabi niya. “Hindi mo ako totoong mahal! Gusto mo lang makuha ang mga bagay na hindi mo makuha. Makasarili ka! Kung mahal mo talaga ako, hindi mo ito gagawin sa `kin! Hahayaan mo akong maging masaya sa piling ng totoong mahal ko! Hindi mo sisirain ang lahat sa buhay ko! Hindi mo wawasakin ang mga pangarap ko! Paano mo naisip na kaya kong pakasalan o mahalin man lang ang isang katulad mo?  Ang bata-bata ko pa pero sinira mo na ang lahat! Alam mo ba kung gaano kahirap gumising sa umaga? Pinipilit kong bumangon palagi kahit na alam kong hindi na ako magiging masaya uli, na hindi na ako mabubuo uli. Sinira mo ang lahat, Royce. Sinira mo ako! Mabulok ka sa kulungan!” Niyakap siya ng kanyang ina. Humahagulhol na umalis na sila. Wala na bang katapusan ang mga paghihirap niya? May mas lalala pa ba roon? TULALA si Cameron habang naglalakad sa mahabang tulay na nagdurugtong ng Mahiwaga sa Matalinghaga, ang kasunod na bayan. Hindi niya maalala kung paano siya nakarating doon. Kanina pa siya wala sa kanyang sarili.  Paulit-ulit niyang itinatanong sa kanyang sarili kung bakit nangyari ang lahat ng kamalasang iyon. Bakit wala na yatang katapusan ang lahat? Hindi pa ba sapat ang paghihirap na dinaranas niya at kailangan pang dagdagan?  Tumigil siya nang nasa gitna na siya ng tulay. Tinitigan niya ang ilog sa ibaba. Kalmado ang tubig, ngunit alam niyang malalim iyon. Sunod-sunod ang pagpatak ng mga luha sa kanyang mga mata. Buntis siya. Dinadala niya ang anak ng demonyo. Marami ang nakapansin ng pamumutla niya. Hindi na siya nagtataka dahil wala pa rin siyang gana sa lahat ng bagay. Hindi siya masyadong nagkakakain at halos hindi siya nakakatulog sa gabi. Bagsak na bagsak na ang katawan niya. Ang mga bata sa kanila ay tinutukso na siyang bangkay o multo dahil sa kapayatan at pagiging maputla niya. Nang nagdaang araw ay hinimatay siya. Nagkamalay naman kaagad siya. Pilit siyang dinadala ng mga magulang niya sa doktor ngunit nagpakatanggi-tanggi siya. Kinagabihan ay nagsuka siya. Naulit iyon nang madaling-araw kaya puwersahan na siyang dinala sa doktor sa bayan. Doon nalaman na nagdadalang-tao siya. Tulala siya hanggang sa makauwi siya. Ang kanyang ina ay napahagulhol. Hindi maampat ang mga luha nito. Pati ang kanyang ama ay naluha sa nalamang kalagayan niya. Hindi na marahil nito nakayanan ang lahat kaya nagtungo kaagad ito sa bukirin pagkahatid sa kanya sa bahay. Ang kanyang ina ay patuloy sa paghagulhol at tila hindi siya nakikita. Kaya nakalabas siya ng bahay na hindi napapansin ng sinuman. Tulala siyang naglalakad-lakad hanggang sa marating niya ang mahabang tulay. Lumuluhang sumampa siya sa tulay. Wala nang silbi ang buhay niya. Hindi na niya kayang mabuhay. Hindi na niya kayang tiisin ang lahat ng sakit. Hindi na iyon makatarungan. Hindi niya kayang tanggapin ang lahat ng iyon. Hinayaan niyang bumagsak siya sa tulay. “Cameron!” Narinig niya ang pamilyar na tinig na iyon bago siya bumagsak sa tubig. Pumikit siya at hindi gumalaw. Hindi siya lalangoy. Hahayaan niyang malunod siya at malagutan ng hininga. Pagod na pagod na siya. Wala na siyang makitang rason upang mabuhay pa siya. Ramdam niya na palalim na siya nang palalim. Nauubusan na rin siya ng hangin. Titigil na sa pagtibok ang kanyang puso anumang sandali. Hindi na siya makapaghintay. Bigla siyang napamulat nang may bigla na lang humawak sa kanya at hinila siya paitaas. Nagpumiglas siya ngunit lalong humigpit sa kanya ang kamay at tila wala itong balak na pakawalan siya kahit na ano ang mangyari. Hinila siya nito pataas hanggang sa makaahon ang ulo niya sa tubig. Panay ang ubo niya dahil marami siyang tubig na nainom. Nahihilo siya dahil sa mahabang sandaling hindi paghinga sa ilalim ng tubig. Hindi pa man siya nakakahuma ay hinihila na naman siya ng nag-ahon sa kanya sa kung saan. Dahil nanghihina at nahihilo, hinayaan na lang niya ito. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang iligtas siya. Kaunti na lang ay tapos na sana ang lahat ng paghihirap niya. Malapit na sila sa pampang nang magkaroon ng focus ang kanyang mga mata. Nakilala na niya ang taong nag-ahon sa kanya sa tubig—si Damian. Nakatalikod ito sa kanya habang hila-hila siya ngunit nakikilala pa rin niya ito. Inalis niya ang kamay nitong nakahawak sa kanya. Marahas siya nitong nilingon at muling hinawakan ang kanyang braso. Kahit na anong pilit niyang makawala ay ayaw siya nitong bitiwan.  “Huwag kang magpumiglas!” marahas na utos nito sa kanya. Nanahimik na lang siya at sumunod dito. Ayaw niyang mas lumago pa ang galit nito. Bahagya na nga siyang natatakot sa galit na nakabalatay sa mukha nito. Noon lang niya ito nakitang nagalit nang ganoon sa kanya. Nang tuluyan silang makaahon sa tubig ay pinaupo siya nito sa damuhan. “Ayos ka lang ba? Ano ang nararamdaman mo?” Mas malumanay na ang tinig at ekspresyon ng mukha nito. “Sana, hindi mo na lang ako iniligtas, Damian,” umiiyak na sabi niya. “Sana, hinayaan mo na lang akong malunod.” Gumuhit ang galit at kirot sa mga mata nito. Tinalikuran siya nito at marahas na hinagod ang basang buhok patalikod. “Damn it, Cameron!” anito sa basag na tinig. Kahit na hindi ito humarap, alam niya na may mga luha na sa mga mata nito. “Bakit ganyan ka magsalita? Paano mo naisip gawin ang bagay na ito?! How could you? How dare you do this to yourself!” “Gusto ko nang mamatay! Ayoko nang mabuhay pa!” Marahas itong napapihit. Nilapitan siya nito, hinawakan ang magkabila niyang balikat at marahas siyang niyugyog. “Damn you! You’re so selfish!” Halos hindi na niya ito makita dahil hilam na siya sa mga luha sa kanyang mga mata. “Sarili mo lang ang iniisip mo!” pagpapatuloy nito. “Hindi mo man lang isinaalang-alang ang mararamdaman ng mga magulang mo, ng mga kapamilya mo. Ako, hindi mo inisip kung ano ang mararamdaman ko. Bakit mo ginawa `yon, ha?! Nababaliw ka na ba? Kasalanan sa Diyos ang ginawa mo.” “Diyos? Bakit, nasaan Siya noong pinagsa-samantalahan ako ni Royce? Bakit hinayaan Niyang mapagsamantalahan ako? Wala naman akong ibang ginawang masama para sapitin ko ito! Wala akong maisip na maaaring maging dahilan kung bakit kailangan kong magkaganito. Kung mayroon talagang Diyos, hindi Niya hahayaang mabuntis ako! Paano pa ako mabubuhay ngayon? Sa palagay mo, paano ako magpapatuloy, ha?! Kung makasarili ako, di sige, makasarili na kung makasarili! Hindi n’yo alam kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ko. Ang sakit-sakit. Ang hirap-hirap. Mali ba na gumawa ako ng paraan para matapos na ang lahat ng paghihirap ko?” Patuloy siya sa paghagulhol samantalang ito ay natulala. Hindi pa marahil nakakarating dito ang balitang buntis siya. Mayamaya pa ay nanghihinang napaupo na rin ito sa damuhan. Pinunasan niya ang kanyang mga luha upang malinaw niyang makita ang anyo nito.  Tulala ito. There was so much anguish in him. Tila ito pinagsakluban ng langit at lupa. Pakiramdam naman niya ay pinipiga ang kanyang puso. Lalong nawala na ang pag-asa na mapasakanya ang lalaking ito balang-araw. Sira na ang lahat ng mga pangarap niya. Kahit na nanghihina ay tumayo siya at nagsimulang maglakad palayo rito. Durog na durog ang kanyang puso. Hindi na yata niya kakayanin ang lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD