HINDI alam ni Cameron kung paano pakikiharapan si Damian kinabukasan. Nang nakaraang araw ay pinagalitan siya nang husto ng kanyang ama pag-uwi nito sa bahay. Pagkatapos siya nitong pagalitan ay napahagulhol ito ng iyak. Nalaman nito ang ginawa niya kay Damian.
Mahigpit siya nitong niyakap at sinabihan na huwag na niyang uulitin ang tangkang magpakamatay. Kaya pa raw niyang umahon. Huwag daw siyang mawawalan ng pag-asa. Hindi raw siya pababayaan ng pamilya niya. Mabuti na lang daw at napaaga ang uwi ni Damian sa university kaya nakita siya nito sa tulay. Hindi raw alam ng kanyang ama ang gagawin nito kung hindi siya nailigtas ng binata.
Nakaramdam siya ng guilt habang yakap siya ng kanyang ama. Ang kanyang ina ay tahimik na umiiyak habang nakatingin sa kanila sa isang sulok. Tama si Damian nang sabihin nitong sarili lang niya ang kanyang inisip nang tumalon siya sa tulay. Hindi niya inisip ang mga taong masasaktan sa pagsuko niya, sa paglisan niya. Ang sariling paghihirap at pagdadalamhati lang niya ang inisip niya. Hindi niya naisip na pati ang mga magulang niya ay nasasaktan at nagdadalamhati sa dinanas niya.
Natigilan siya nang bigla siyang yakapin ni Damian. “Huwag mo na uling gagawin `yon, ha?” anito sa nahihirapang tinig. Tila may nakabikig sa lalamunan nito. “Huwag mo na uling tatangkain man lang. Promise me you’ll never do it again,” pagsusumamo nito.
Hindi niya magawang sumagot. Hindi kasi siya sigurado sa nararamdaman niya sa kasalukuyan. Hindi pa siya sigurado sa kanyang sarili. Hindi niya alam kung kaya niyang maging matatag. Hindi pa siya sigurado kung kaya niyang harapin ang lahat. Wala pa siyang nagagawang desisyon. Hindi pa niya alam kung ano ang gagawin niya sa dinadala niya. Ni ayaw niyang isipin na may parte ni Royce na nasa loob niya.
Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at tinitigan nang maigi. Naroon ang pakiusap sa mga mata nito. “Don’t lose hope, okay? Matatapos din ang lahat ng ito. Makakaya mo, makakaya natin. Hindi kita pababayaan, Cam. Hindi ba, ipinangako ko na sa `yo dati na hindi kita iiwan? Hindi kita pababayaan, palagi mong tatandaan `yan. Hindi kita iiwan, okay?”
Umiling-iling siya. Kahit na tila nais na niyang ipaubaya ang kanyang sarili dito, hindi niya ginawa. Alam niya na hindi siya nito pababayaan. Alam niya na aalagaan siya nito hanggang sa huli.
“Bakit ka umiiling?” tanong nito habang magka-salubong ang mga kilay. “Don’t you believe me?”
Hindi siya nagdududa sa mga sinasabi nito. Naniniwala ang puso niya na kaya nitong gawin ang lahat ng sinabi nito. Kung hindi niya marahil ito mahal, susunggaban na niya ang pagkakataon. Sasamantalahin na niya ito.
“Naniniwala ako, Damian. Pero ayokong ituring mo ako na katulad ng pagturing mo sa mga aso o pusa o anumang hayop na pinupulot mo at inaalagaan.”
“Hindi ka ganoon, Cam!”
Malungkot na napangiti siya. “Ganoon ako. Ganoon ka. Ang bait-bait mo kasi, eh. Ang sabi ko sa `yo noon, ang sobrang kabaitan mo ang magpapahamak sa `yo. Lahat na lang ng kawawa ay inaalagaan mo, nililinis, pinapakain, at binibigyan ng tirahan. Wala kang pinipili. Ayokong madagdagan na naman ang mga alagain mo. Wala pa akong plano sa ngayon, hindi ko pa alam ang gagawin ko, pero isa lang ang sigurado. Hindi ko ipapaubaya sa `yo ang lahat. Hindi ako magpapaalaga sa `yo. Hindi ako dedepende o sasandal sa `yo. May sarili kang buhay. Maliwanag ang bukas na naghihintay sa `yo. Ayokong mabago nang husto ang buhay mo dahil lang sa isang katulad ko.”
“Mahal kita. Hindi kita aalagaan dahil nakakaawa ka. Aalagaan kita dahil mahal kita.”
Kaagad na nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata. “Pati ang magiging anak ko? Kaya mo bang mahalin at alagaan ang anak ng ibang lalaki?”
“Yes,” walang kakurap-kurap na sagot nito. Tila inasahan na nito ang tanong na iyon dahil sigurado ito sa sagot nito. Tila napag-isipan na nito ang bagay na iyon.
Imbes na matuwa ay lalo siyang nahirapan, lalo siyang nasaktan. Hindi niya kayang sirain ang buhay nito. Hindi niya magagawa iyon sa isang taong mahal na mahal niya. Hindi niya hahayaan na gawin nito iyon sa sarili nito dahil sa sobrang kabaitan nito.
“Paano kung sabihin ko sa `yo na hindi tayo pareho ng nararamdaman? Paano kung ayokong magpaalaga sa `yo dahil hindi kita mahal?” hamon niya rito. Pilit niyang pinatatag ang kanyang sarili para na rin dito. Mas na ito ang iniisip niya kaysa sa sarili niya o sa dinadala niya. Kung may isang bagay siyang poprotektahan hanggang sa huli, si Damian iyon.
Natigilan ito. Gumuhit ang kirot sa mga mata nito. Halos bumigay na siya ngunit nagpakatatag siya. Kung kinakailangan niya itong saktan para lang maprotektahan ito sa sarili nito, gagawin niya.
“Mahal kita, Damian, pero bilang isang kaibigan lang. Nahihiya lang ako nang husto sa `yo, sa mga magulang mo, at sa Lola Ancia mo kaya hindi ko tuwirang masabi sa `yo ang bagay na `yon nang magpaalam kang manligaw sa `kin. Naisip ko kasi na napakalaki na ng utang-na-loob ng pamilya ko sa `yo. Pero ngayon, hindi ko hahayaan na gawin mo ito sa sarili mo. Hindi ko sasamantalahin ang pagkakataon para kumapit sa `yo. Hindi kita aabusuhin. Baka hindi ko na matingnan ang sarili ko sa salamin kung magagawa ko `yon.” Kahit paano ay may bahid ng katotohanan ang sinabi niya rito.
Nagbuka ito ng bibig ngunit walang anumang salita na nanulas mula roon. Tila sinusubukan nitong magsalita ngunit hindi nito malaman kung ano ang unang sasabihin. Hanggang sa natawa na lang ito nang mapait. Kitang-kita niya sa anyo nito kung gaano ito nasaktan sa mga sinabi niya. Nais niya itong aluin. Nais niyang bawiin ang mga sinabi niya, ngunit paulit-ulit niyang sinabi sa kanyang sarili na iyon ang dapat niyang gawin. Hindi patas kung idadamay niya si Damian sa sinapit niya.
Yumuko ito. Nakakuyom ang mga kamay nito.
Masuyong hinaplos niya ang ulo nito. Hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na aluin ito kahit paano. “Mabuting magkaibigan pa rin naman tayo, hindi ba? Hindi mawawala ang pagkakaibigang `yon hanggang sa kaya mo pang makipagkaibigan sa isang katulad ko. Kung hindi mo na kaya, maiintindihan ko.”
“Stop talking, Cam, please.”
Bumuntong-hininga siya. Pilit niyang pinigilan ang kanyang mga luha sa pagpatak. “May mas nararapat na babae para sa `yo. Alam ko na matatagpuan mo rin ang babaeng nababagay sa `yo. Hindi ako ang babaeng para sa `yo, tanggapin mo na lang.” Tanggapin na lang nating dalawa dahil wala naman na tayong magagawa pa. Huminga siya nang malalim. “Opisyal ko nang tinatanggihan ang iniaalay mong pag-ibig, Damian. Sana ay maging mabuti pa rin tayong magkaibigan sa kabila ng lahat.”
Ang hiling niya, sana ay hindi ito gaanong lumayo sa kanya. Sana kahit paano ay maging magkaibigan pa rin sila. Hindi man sila maging malapit katulad ng dati, magiging kontento na lang siya roon. Magpapasalamat na lang siya na kahit paano ay makikita niya ito kahit na sa malayo. Pipilitin niyang maging masaya kapag masaya ito.
Tahimik niya itong mamahalin mula sa malayo.